Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Ligaw na Hiyas

Isang Ligaw na Hiyas

Isang Ligaw na Hiyas

SA TIGANG NA MGA disyerto ng Aprika, kung saan madalang ang ulan, ay tumutubo ang isang hiyas​—ang rosas ng disyerto. May kasiya-siyang hugis, na may pilipit na mga tangkay, ang halamang ito ay mabagal lumaki at sinasabing nabubuhay sa loob ng daan-daang taon. Ang mapintog na pinakakatawan ng puno at ang mga ugat nito ay nagsisilbing mga imbakan ng tubig, na nagpapangyari rito na lumago sa tuyo at ilang na kapaligiran.

Ang mala-gatas na dagta, mga ugat, at mga buto ng makatas na halamang ito ay naglalaman ng nakamamatay na lason. Ang katas mula sa mga buto ay ginagamit upang lagyan ng lason ang dulo ng mga palaso, at inihahagis ng lokal na mga mangingisda ang mga sanga nito sa tubig upang mahilo ang isda at madaling mahuli. Isa pa, ginagamit ng mga tagapag-alaga ng kawan ang mga bahagi ng halaman upang maghanda ng lason na pumapatay sa mga garapata at kuto sa kanilang mga kamelyo at baka. Kapansin-pansin, sa kabila ng pagiging likas na nakamamatay ng punong ito, kinakain ng maiilap na hayop ang mga dahon nito nang hindi napipinsala.

Ngunit paanong matatawag na isang hiyas ang nakalalasong rosas ng disyerto? Nadaramtan ng kumpol ng makukulay na bulaklak, ang rosas ng disyerto ay kapansin-pansin, na may masisiglang kulay mula sa matingkad na kulay-rosas hanggang sa kulay-dugo na pula. Kapag ang lupain ay tuyo at walang kulay, ang magandang ligaw na hiyas na ito ay nagtatanghal ng napakaraming bulaklak na namumula-mula kapag nasisikatan ng araw.

Ang gayong kamangha-manghang kagandahan sa disyerto ay isa lamang paalaala sa panahon kapag “ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak.” (Isaias 35:1) Ang kalugud-lugod na pangakong ito ay tunay na magkakatotoo sa ilalim ng dumarating na pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon “magbubunyi” ang buong lupa, hindi lamang magiging isang paraiso ng kagandahan kundi isang dako rin ng kapayapaan para sa buong sangkatauhan.​—Awit 37:11, 29; Isaias 35:6, 7.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

© Mary Ann McDonald