Kapag Bulag ang Pag-ibig
Kapag Bulag ang Pag-ibig
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA
ISIP-ISIPIN ang paghahanap ng isang kasintahang babae kung hindi ka nakakakita sa malayo at kung ang angkop na mga dalaga ay lumalabas lamang pagkagat ng dilim. Ganiyan ang suliranin ng lalaking mariposa. Subalit ang maringal na insektong ito ay may ilang katangian na nagpapaging-madali sa napakahirap na hamong ito.
Sa mga buwan ng tag-init, ginugugol ng ating magiging manliligaw ang kaniyang mga araw bilang isang matabang higad na nagpapakabundat sa lahat ng pagkaing masumpungan niya. Kaya naman, sa susunod na tagsibol, kapag lumabas siya mula sa kaniyang bahay na tinatawag na pupa, ang marikit na mariposa ay may sapat na nakaimbak na pagkain na tatagal sa buong buhay niya—na sa kaniyang kalagayan ay dalawang buwan lamang.
Palibhasa’y nalutas na ang mga problema sa pagkain, makapagtutuon na ng pansin ang mariposa sa atas na paghahanap ng isang kabiyak. Gayunpaman, kung hindi dahil sa isang kapaki-pakinabang na kagamitang dala-dala niya, ang paghahanap ng isang babae sa liwanag ng buwan ay magiging mahirap na gaya ng paghahanap ng isang karayom sa isang malaking bunton ng dayami.
Dalawang antena na parang murang mga pakô ang nakausli mula sa napakaliit na ulo ng mariposa. Ang mga ito na tulad ng maliliit na sibol ay maaaring ang pinakamasalimuot na aparato sa lupa na nakatutunton ng amoy. Bukod pa riyan, natutunton din nito ang katiting na bakas ng kimikal na pheromone, o “pabango,” na kusang inilalabas ng babaing mariposa.
Bagaman maaaring kakaunti ang bilang ng mga babae, ang kanilang malakas na kimikal na pheromone ay nagsisilbing isang hudyat sa pang-amoy. Napakasensitibo ng mga antena ng lalaking mariposa anupat natutunton nito ang isang babae na halos labing-isang kilometro ang layo. Kaya sa wakas ay napagtatagumpayan ang lahat ng balakid, at sa wakas ay nakikilala ng lalaking mariposa ang kaniyang babaing katapat. Maaaring maging bulag ang pag-ibig sa daigdig ng mga insekto—sa paano man sa kalagayang ito.
Ang mga nilalang ng Diyos ay sagana sa gayong kahali-halinang mga detalye at pambihirang disenyo! Sumulat ang salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.”—Awit 104:24.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
© A. R. Pittaway