Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Kumusta Naman ang Pagpapabutas sa Katawan?

Kumusta Naman ang Pagpapabutas sa Katawan?

‘Nang una akong makakita ng mga taong nagpabutas sa mga labi at sa iba pang bahagi ng kanilang katawan, nasabi ko sa aking sarili “Wow! Pambihira ito.”’​—Lisa.

HINDI nag-iisa si Lisa. Parami nang parami ang mga kabataang nagsusuot ng mga hikaw at mga palamuting itinutusok (stud) sa iba’t ibang bahagi ng katawan, maging sa kanilang mga kilay, dila, labi, at pusod. Isa itong kausuhan na tinatawag na pagpapabutas sa katawan. *

Gustung-gusto ring makiuso ng isang 16-na-taóng-gulang na si Heather. Kumbinsido siya na ang isang hikaw sa kaniyang pusod ay magmumukhang “kakaiba talaga.” Gayunman, ang 19-na-taóng-gulang na si Joe, ay mayroon nang isang gintong barbel na nakatusok sa kaniyang dila. At pinili naman ng isa pang kabataang babae na magpabutas sa kaniyang kilay sapagkat ang gusto niya’y isang bagay na “kitang-kita agad” na “talagang sisindak sa mga tao.”

Hindi na bago ang ideya ng pagsusuot ng alahas sa katawan. Noong panahon ng Bibliya, isang makadiyos na babae na nagngangalang Rebeka ang nakahikaw sa ilong. (Genesis 24:22, 47) Nang papalabas sa Ehipto, ang mga Israelita ay nakahikaw. (Exodo 32:2) Subalit hindi natin alam kung ang gayong mga alahas ay ikinabit sa pamamagitan ng pagpapabutas sa tainga at ilong. Gayunman, ang tapat na mga alipin ay nagpabutas sa kanilang mga tainga bilang sagisag ng kanilang katapatan sa kanilang mga panginoon. (Exodo 21:6) Popular na rin noon sa ibang sinaunang kultura ang pagpapabutas. Binutasan ng mga Aztec at Maya ang kanilang mga dila para sa espirituwal na mga kadahilanan. Laganap pa rin sa Aprika at sa mga South American Indian ang pagpapabutas sa labi. Ang pagtutusok ng mga panggayak na bagay sa ilong ay karaniwan na sa mga taga-Melanesia at sa mga nakatira sa India at Pakistan.

Hanggang nitong nakalipas na ilang taon, ang pagpapabutas sa Kanluraning daigdig ay karaniwan nang para lamang sa mga tainga ng babae. Ngunit ngayon, ang mga tin-edyer at mga kabinataan at kadalagahan ay nagsusuot na ng alahas sa halos lahat ng bahagi ng katawan na puwedeng pagkabitan.

Kung Bakit Sila Nagpapabutas

Marami ang nagpapabutas dahil ipinalalagay nilang ito ang moda​—ang kinababaliwang gawin. Inaakala naman ng iba na lalo itong magpapaganda sa kanilang hitsura. Tiyak, lalo nang tumindi ang kausuhan dahil sa ang mga sikat na modelo, manlalaro, at popular na mga manunugtog ay nagsusuot ng mga alahas sa katawan. At para sa ilang kabataan, ang pagpapabutas ay waring nagsisilbing isang kapahayagan ng kasarinlan, isang paghahanap ng sariling kakanyahan, isang paraan ng kanilang pagsasabing sila’y naiiba. Ganito ang sabi ng kolumnistang si John Leo: “Ang paghahangad na inisin ang mga magulang at sindakin ang mga may-kaya sa buhay ang siyang waring nangingibabaw na motibo ng paulit-ulit na pagpapabutas.” Ang kawalang-kasiyahan, di-pakikiisa, pagsuway, at paghihimagsik ang waring nag-uudyok sa pangangailangang ito na ipahayag ang sarili.

May mga nagpapabutas pa nga upang masapatan lamang ang matitinding pangangailangan ukol sa kaisipan o sa emosyon. Halimbawa, ipinalalagay ng ilang kabataan na ito’y magpapataas ng kanilang paggalang sa sarili. Inakala naman ng ilang biktima ng pang-aabuso sa bata na ito’y isang paraan ng pagkakaroon ng kontrol sa kanilang mga katawan.

Mga Panganib sa Kalusugan

Subalit ligtas kaya ang lahat ng gayong pagpapabutas sa katawan? Maraming doktor ang nagsasabing ang ilan dito ay hindi. Tiyak, ang pagpapabutas nang sila-sila lamang ay mapanganib. At may sariling panganib din ang pagpapabutas sa isang diumano’y propesyonal na tagabutas. Marami ang walang lubusang pagsasanay, anupat natutuhan lamang ang gawaing ito mula sa kanilang mga kaibigan, sa mga magasin, o mga video. Bilang resulta, baka hindi malinis ang kanilang pamamaraan o kaya’y hindi nila nauunawaan ang mga panganib ng pagpapabutas. Gayundin, maraming tagabutas ang walang kaunawaan sa kayarian ng katawan. Hindi ito maliit na bagay, yamang ang pagpapabutas sa maling lugar ay maaaring lumikha ng labis-labis na pagdurugo. Maaaring magdulot ng permanenteng pinsala kapag may natamaang nerbiyo.

Ang isa pang maselan na panganib ay impeksiyon. Ang di-isterilisadong kagamitan ay maaaring magsalin ng nakamamatay na sakit na gaya ng hepatitis, AIDS, tuberkulosis, at tetano. Kahit isterilisado na ang pamamaraan, kailangan pa rin ang pangangalaga pagkatapos nito. Halimbawa, ang pagpapabutas sa pusod ay may tendensiyang humapdi sapagkat madalas itong nakukuskos ng damit. Kaya naman maaaring umabot ito nang hanggang siyam na buwan bago maghilom.

Sinasabi ng mga doktor na ang pagpapabutas sa butong-mura (cartilage) ng ilong o tainga ay higit na delikado kaysa sa pagpapabutas sa pinakalambi ng tainga (earlobe). Ganito ang paliwanag ng newsletter mula sa American Academy of Facial Plastic and Reconstructive Surgery: “Ang maraming butas para sa hikaw na nakapalibot sa pinakapuno ng tainga ay isang bagay na dapat ikabahala​—ang malubhang impeksiyon ay maaaring maging dahilan ng pagkawala ng buong kurbada sa pinakapuno ng tainga. Mapanganib din ang mga palamuting itinutusok sa ilong​—ang impeksiyon sa bahaging ito ay maaaring tumuloy sa kalapit na mga daluyan ng dugo at kumalat sa utak.” Ganito ang pagtatapos ng newsletter: “Makabubuting [butasan] ang lugar lamang ng pinakalambi ng tainga.”

Ang iba pang peligro ay ang pagkakaroon ng masagwang pilat at ang pagiging alerdyik sa nakasuot na alahas. Kapag ang mga hikaw na nasa napakadaling-mapilas na lugar, gaya ng dibdib, ay nasabit o nahila ng damit, madaling napipigtas ang kalamnan. Ang tisyu ng pilat na nabuo sa dibdib ng isang batang babae ay makababara sa daluyan ng gatas, at kung hindi siya magpapagamot, magiging mahirap o imposibleng makapagpasuso pa siya ng sanggol sa hinaharap.

Kamakailan, binanggit ng American Dental Association na ang pagpapabutas sa bibig ay isang panganib sa kalusugan ng publiko. Kabilang sa karagdagang mga panganib ng pagpapabutas sa bahagi ng bibig ay ang pagkahirin matapos makalunok ng alahas, pamamanhid at pagkawala ng panlasa sa dila, matagal na pagdurugo, pagkatapyas o pagkabali ng ngipin, labis na pagdaloy ng laway, di-mapigil na paglalaway, pinsala sa gilagid, depekto sa pagsasalita, at kahirapan sa paghinga, pagnguya, at paglunok. Nang pabutasan ng isang kabataang babae na nagngangalang Kendra ang kaniyang dila, ito’y “namaga na parang lobo.” Ang lalo pang nagpalubha, ginamit ng tagabutas ang isang palamuting itinutusok na para sa babà, at tumagos ito sa dila ni Kendra at nilaslas nito ang mga tisyu sa ilalim. Muntik na siyang hindi makapagsalita.

Tinuruan ng Diyos ang kaniyang bayan, ang mga Israelita, na igalang ang kanilang mga katawan at iwasan ang pamiminsala sa sarili. (Levitico 19:28; 21:5; Deuteronomio 14:1) At bagaman hindi sakop ng batas Mosaiko ang mga Kristiyano sa ngayon, hinihimok pa rin silang igalang ang kanilang katawan. (Roma 12:1) Samakatuwid, hindi ba makatuwiran lamang na umiwas sa di-kinakailangang pagsasapanganib ng kalusugan? Magkagayunman, may iba pang salik na dapat mong isaalang-alang bukod sa kalusugan.

Anong Mensahe ang Inihahatid Nito?

Walang ibinibigay na espesipikong utos ang Bibliya hinggil sa pagpapabutas sa katawan. Ngunit hinihimok naman tayo nito na gayakan ang ating sarili na may “kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” (1 Timoteo 2:9) Bagaman baka itinuturing na mahinhin ang isang bagay sa isang bahagi ng daigdig, ang tunay na isyu ay kung ano ang pangmalas dito sa inyong lugar. Halimbawa, maaaring itinuturing na katanggap-tanggap naman ang pagpapabutas sa pinakalambi ng tainga ng mga kababaihan sa isang bahagi ng daigdig. Ngunit sa ibang bansa o kultura, baka ikinagagalit ito ng ilan.

Sa kabila ng popularidad nito sa mga sikat na tao, hindi tinanggap sa pangkalahatan ang pagpapabutas sa katawan at paghihikaw ng mga kalalakihan sa Kanluran. Ang isang dahilan marahil ay na ang mga ito’y matagal nang simbolo ng mga preso, mga gang na nakamotorsiklo, mga punk rocker, at ng mga miyembro ng isang samahan ng mga sadistang homoseksuwal (homosexual sadomasochistic subculture). Para sa marami, ang pagpapabutas sa katawan ay nagpapahiwatig ng paglihis at paghihimagsik. Minamalas ito ng marami bilang nakasisindak at nakasusuklam. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong batang babae na nagngangalang Ashley: “Kapapabutas lamang sa ilong ng isang batang lalaki sa aming klase. Sa tingin niya’y napakaganda nito. Sa tingin ko nama’y nakaririmarim ito!”

Kung gayon, hindi nga nakapagtatakang magkaroon ng patakaran ang isang kilalang tindahan sa Amerika na ang mga empleyadong may tuwirang pakikitungo sa mga parokyano ay nililimitahan sa isang hikaw lamang bawat tainga at na ipinagbabawal ang iba pang nakikitang mga butas. “Hindi mo masasabi kung ano ang maaaring maging reaksiyon ng mga tao,” paliwanag ng tagapagsalitang babae ng isang kompanya. Pinapayuhan din ng mga tagapayo sa pagtatrabaho ang mga lalaking estudyante sa kolehiyo na nag-aaplay ng trabaho na “huwag magsusuot ng hikaw o iba pang itinutusok na alahas sa katawan; ang mga babae ay huwag magsusuot ng . . . hikaw sa ilong.”

Ang mga kabataang Kristiyano ay lalo nang dapat na maging palaisip na sila’y nagbibigay ng tamang impresyon sa iba, lakip na kung sila’y nagsasagawa ng pag-eebanghelyo. Hindi nila nanaising ‘magbigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang kanilang ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali.’ (2 Corinto 6:3, 4) Anuman ang iyong personal na opinyon hinggil sa pagpapabutas, hindi maiiwasan na mangusap ang iyong hitsura tungkol sa iyong saloobin at istilo ng pamumuhay. Ano bang mensahe ang ibig mong ipahatid?

Sa katapus-tapusan, ikaw​—at, mangyari pa, ang iyong mga magulang​—ang dapat magpasiya sa iyong gagawin hinggil dito. “Huwag kayong pahubog sa sanlibutang nakapaligid sa inyo,” ang matalinong payo ng Bibliya. (Roma 12:2, Phillips) Tutal, ikaw naman ang maaapektuhan ng mga ibubunga nito.

[Talababa]

^ par. 4 Hindi natin tinutukoy rito ang mahinhing pagpapabutas na karaniwan at tinatanggap sa maraming lupain depende sa kanilang kultura. Sa halip, ang tinutukoy natin ay ang labis-labis na mga kausuhan na popular sa ngayon.​—Tingnan ang The Watchtower ng Mayo 15, 1974, pahina 318-19.

[Mga larawan sa pahina 12]

Usung-uso sa mga kabataan ang pagpapabutas sa katawan