Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lamu—Isang Pulo na Napag-iwanan ng Panahon

Lamu—Isang Pulo na Napag-iwanan ng Panahon

Lamu​—Isang Pulo na Napag-iwanan ng Panahon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

HINIPAN ng maalat na simoy ng hangin ang lonang panlayag, anupat pinahayo nito ang maliit na barkong kahoy. Sa itaas ng kubyerta, habang nakahawak sa palo, nakatanaw ang isang tagamasid upang maghanap ng lupa, anupat pilit na idinilat ang kaniyang mga mata sa nakasisilaw na sinag ng Indian Ocean. Noon ay ika-15 siglo C.E., at hinahanap ng mga magdaragat na ito ang pulo ng Lamu.

Ang ginto, garing, espesya, at mga alipin​—lahat ng ito ay taglay ng Aprika. Palibhasa’y natukso ng mga kayamanan ng Aprika at ng hangaring manggalugad, naglayag ang matatapang na lalaki patungo sa baybayin ng Silangang Aprika mula sa malalayong bansa. Hindi alintana ng mga magdaragat ang maalong karagatan at ang pabugsu-bugsong hangin dahil sa paghahanap ng mga kayamanan. Kahit na nagsisiksikan sa makikipot na mga sasakyang-dagat na de-layag, humayo sila sa malalayong paglalakbay.

Sa kalagitnaan ng baybayin ng Silangang Aprika, isang maliit na grupo ng mga pulo, ang arkipelago ng Lamu, ang naglaan sa naglalakbay na mga magdaragat na ito at sa kanilang marupok na barko ng isang malalim at ligtas na daungan na protektado ng mga hanay ng korales. Dito, ang mga magdaragat ay muling nakapaglulan ng panustos na tubig-tabang at pagkain sa kanilang mga sasakyang-dagat.

Noong ika-15 siglo, ang pulo ng Lamu ay naitatag bilang isang maunlad na sentro ng kalakalan at pinagkukunan ng panustos. Nasumpungan ng mga magdaragat na Portuges na dumating doon noong ika-16 na siglo na ang mayayamang mangangalakal ay nagsusuot ng sedang turban at maluluwang na mga caftan (mahahabang damit). Ang mga gintong pulseras ay nakapalamuti sa mga braso at bukung-bukong ng mababangong mga babae habang palakad-lakad sila sa makikitid na mga kalye. Sa buong kahabaan ng daungan, ang kargadong mga bangka na nakarolyo ang trianggulong mga layag ay nakahimpil anupat halos lulubog na sa tubig, palibhasa’y santambak ang nakalulan na mga kalakal na dadalhin sa banyagang mga lupain. Ang mga alipin na magkakasamang iginapos at nag-umpuk-umpok ay naghintay na maikarga sila sa mga dhow (isang uri ng bangka).

Ang unang mga Europeong manggagalugad ay nagtaka nang makita ang isang mataas na pamantayan ng kalinisan at arkitektural na disenyo sa Lamu. Ang mga tahanan sa harap ng dagat ay itinayo na may mga blokeng korales na pinait sa pamamagitan ng kamay mula sa mga pinagkukunan ng korales doon, at ang pangharang sa mga pasukan ng mga ito ay mabibigat na pintuang kahoy, na buong-kagandahang inukitan. Napakaayos ng pagkakahanay ng mga bahay na dinisenyo para makatagos sa makikitid na kalye ang hihip ng malamig na hangin na galing sa dagat at makapaglaan ng kaginhawahan mula sa matinding init.

Ang mga tahanan ng mas nakaririwasang mamamayan ay malalaki at maluluwang. Ang mga paliguan ay tinutustusan ng tubig-tabang na pinararaan sa sinaunang sistema ng mga tubo. Ang pagtatapon ng dumi ay kahanga-hanga rin at mas masulong kaysa sa maraming bansa sa Europa noong panahong iyon. Ang malalaking paagusan, na hinukay sa bato, ay nakadahilig patungo sa dagat at umaagos dito ang maruruming tubig patungo sa malalalim na hukay na malayo sa pinagkukunan ng tubig-tabang. Ang mga batong sisidlan ng tubig na nagtutustos ng tubig-tabang sa mga tahanan ay may maliliit na isda na siyang kumakain sa mga kiti-kiti ng mga lamok, sa gayon ay nahahadlangan ang pagdami ng mga nangangagat na insekto.

Noong ika-19 na siglo, ang Lamu ay nagsusuplay ng pagkarami-raming garing, langis, butil, mga balat ng hayop, bahay ng pawikan, ngipin ng hippopotamus, at mga alipin sa mga dhow na naglalayag sa dagat. Gayunman, nang maglaon ay humina ang kaunlaran ng Lamu. Nabawasan ang kahalagahan ng Lamu sa kabuhayan dahil sa salot, mga pagsalakay ng mga kaaway na tribo, at pagbabawal na itinakda laban sa pangangalakal ng mga alipin.

Pagbabalik sa Nakalipas

Ang paglalayag sa daungan ng Lamu sa ngayon ay nakakatulad ng pagbabalik sa nakalipas na kasaysayan. Ang hangin ay patuloy na humihihip mula sa napakalawak na kulay-bughaw na Indian Ocean. Ang banayad na mga alon na kulay luntiang-bughaw ay dumadampi-dampi sa maputing buhanginan ng dalampasigan. Ang mga dhow na yari sa kahoy na may sinaunang mga disenyo ay naglalayag sa kahabaan ng baybayin, anupat ang puting trianggulong mga layag ng mga ito ay nakakatulad ng mga lumilipad na paru-paro. Habang lulan ang mga isda, prutas, niyog, baka, manok, at mga pasahero, patungo ang mga ito sa daungan ng Lamu.

Sa daungan, ang kumakaluskos na mga puno ng palma dahil sa hihip ng mainit na hangin ay naglalaan ng kaunting lilim para sa mga lalaking nagbababa ng kargamento mula sa sasakyang-dagat na yari sa kahoy. Ang pamilihan ay puno ng mga tao na maingay na nagbebentahan ng mga kalakal. Ang mga mangangalakal na ito ay naghahanap, hindi ng ginto, garing, o mga alipin, kundi ng mga saging, niyog, isda, at mga basket.

Sa lilim ng isang malaking puno ng mangga, ang mga lalaki ay nagtitirintas ng mahahabang lubid na yari sa hibla ng sisal (isang halaman) at nagkukumpuni ng mga lona ng layag na nagpapatakbo sa mga dhow na yari sa kahoy. Ang mga kalye ay makikitid at puno ng mga tao na paroo’t parito. Ang mga mangangalakal na nakasuot ng mahahaba at maluluwang na puting mga damit ay sumisigaw mula sa kanilang makalat na mga tindahan, anupat inaakit ang mga parokyano na pumasok at suriin ang kanilang mga paninda. Ang isang asno, na nagpupumilit na hilahin ang isang karitong kahoy na puno ng mabibigat na sako ng butil, ay bumabagtas sa nilalakaran ng mga tao. Ang mga naninirahan sa Lamu ay nagpaparoo’t parito sa pulo nang naglalakad, sapagkat walang nagbibiyaheng sasakyang de-motor sa pulo. Makapupunta ka sa pulo sa pamamagitan lamang ng bangka.

Kapag tirik na ang araw sa katanghaliang tapat, waring humihinto ang oras. Dahil sa tindi ng init, kakaunting tao ang nagpaparoo’t parito, at maging ang mga asno ay basta na lamang nakatayo na mariing nakapikit ang mga mata habang hinihintay na lumipas ang init.

Habang papalubog ang araw at papalamig ang temperatura, ang waring inaantok na pulo ay muling sumisigla. Binubuksan ng mga mangangalakal ang kanilang mabibigat na pintuang may ukit upang muling magnegosyo, at patuloy nilang paniningasin ang kanilang mga ilawan hanggang sa kalaliman ng gabi. Pinaliliguan ng mga babae ang kanilang maliliit na anak at pinapahiran ng langis ng niyog ang balat ng mga ito hanggang sa ito’y mangintab. Habang nakaupo sa mga panapin na hinabi mula sa palapa ng niyog, nagsisimula na ring maghanda ng pagkain ang mga kababaihan. Dito ay nagluluto pa rin sila nang walang kalan, anupat inihahanda ang masasarap na putaheng isda na tinimplahan ng mababangong espesya at kanin na niluto sa gata ng niyog. Ang mga tao ay palakaibigan, mapagpatuloy, at hindi labis na nababalisa sa buhay.

Bagaman naglaho na ang dating kasikatan ng Lamu, maunlad pa rin dito ang tradisyonal na kulturang Aprikano noong bago ang ika-20 siglo. Sa silong ng mainit na sikat ng araw sa tropiko, patuloy pa ring namumuhay ang marami na gaya noong nakaraang mga siglo. Dito ay maaaring sabay na makita ng isa ang nakalipas at ang kasalukuyan. Oo, ang Lamu ay isang pambihirang labí ng isang nakalipas na panahon, isang pulo na napag-iwanan ng panahon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang Aming Pagdalaw sa LAMU

Hindi pa natatagalan, isang grupo kami na pumasyal sa Lamu, subalit hindi para bumili o magtinda ng mga kalakal. Pumunta kami roon upang dalawin ang aming mga kapatid na Kristiyano, mga kapuwa Saksi ni Jehova. Ang aming maliit na eroplano ay lumipad patungong hilaga sa ibabaw ng bulubunduking baybayin ng Kenya. Doon sa ibaba, ang banayad na mga alon ay humahalik sa dalampasigan ng makapal at luntiang mga kagubatan sa tropiko na napapalamutian ng isang tulad-lasong makitid na kahabaan ng buhanginan sa gilid. Pagkatapos, biglang-bigla, tumambad na lamang sa amin ang mga pulo ng arkipelago ng Lamu na nagniningning na gaya ng mga hiyas sa kulay luntiang-bughaw na karagatan. Tulad ng isang malaking agila sa Aprika, umikot kami sa mga pulo at pagkatapos ay bumaba mula sa kalangitan, anupat lumapag kami sa isang maliit na paliparan sa pangunahing bahagi ng lupain. Bumaba kami, naglakad sa tabi ng katubigan, at lumulan sa isang dhow na yari sa kahoy para maglakbay patungong Lamu.

Maganda ang sikat ng araw noon, at ang hangin sa dagat ay mainit-init at sariwa. Habang palapit kami sa pulo, napansin namin na ang pantalan ay puno ng mga tao. Binubuhat ng malalakas na kalalakihan ang mabibigat na kargamento mula sa mga bangka, at maingat namang sinusunong ng mga kababaihan ang kanilang mga paninda. Habang karga ang aming mga dala-dalahan, nakipagsiksikan kami sa gitna ng maraming tao at tumayo kami sa lilim ng isang puno ng palma. Sa loob ng ilang minuto, nakita kami ng aming mga kapatid na Kristiyano, at malugod kaming tinanggap sa kanilang tahanan sa pulo.

Kinaumagahan, matagal pa bago sumikat ang araw ay gumising na kami upang makipagtagpo sa mga kapatid sa tabing dagat. Ang paglalakbay para makadalo sa mga pulong ng kongregasyon ay mahaba at gumugugol ng ilang oras. Naghanda kami ng maiinom na tubig, malalapad na sombrero, at maiinam na panlakad na sapatos. Sa liwanag ng bukang-liwayway sa aming likuran, nagpasimula kaming maglayag patungo sa pangunahing bahagi ng lupain, kung saan ginaganap ang mga pagpupulong.

Ginamit ng mga kapatid ang pagkakataon upang magpatotoo sa mga pasahero, at pagsapit namin sa daungan, nakapagtamasa na kami ng ilang talakayan sa Bibliya at nakapagpasakamay na ng ilang magasin. Ang walang katau-taong daan na tumambad sa amin ay mainit at maalikabok. Habang naglalakad sa lugar ng kakahuyan na walang naninirahan, pinayuhan kami na maging alisto sa mababangis na hayop, at sa paminsan-minsang pagtawid ng elepante sa daan. Masasaya at maliligaya ang mga kapatid habang pahinay-hinay kaming naglalakad patungo sa aming destinasyon.

Di-nagtagal, nakarating kami sa isang maliit na nayon kung saan nakilala namin ang iba sa kongregasyon na naglakad mula sa malalayong lugar. Dahil sa mahahabang paglalakbay, ang apat na pulong ng kongregasyon ay ginaganap sa isang araw.

Ang mga pulong ay isinagawa sa isang maliit na paaralan na itinayo sa pamamagitan ng di-makinis na mga bato, na may di-tapos na mga bintana at pintuan. Sa loob ng isang silid-aralan, naupo kaming 15 sa makikitid na bangkong kahoy at nasiyahan sa isang mainam na salig-Bibliyang programa, na nakapagpapatibay at nakapagtuturo. Waring hindi alintana ng sinuman ang matinding init na nagmumula sa bubungang yari sa lata na nasa ulunan namin. Lahat ay pawang maligaya sa kanilang pagsasama-sama. Pagkalipas ng apat na oras na pagpupulong, nagpaalam kami sa isa’t isa at ang lahat ay humayo sa iba’t ibang direksiyon. Nang makabalik kami sa Lamu, ang ginintuang araw ay palubog na sa abot-tanaw.

Kinagabihan, sa kalamigan ng gabi, nasiyahan kami sa isang simpleng pagkain kasama ang mga pamilyang Saksi na naninirahan sa Lamu. Nang sumunod na mga araw, kasama namin silang naglakad sa paliku-likong makikitid na kalye sa gawaing pangangaral, na naghahanap ng mga taong nagugutom sa katotohanan sa Bibliya. Ang sigasig at lakas ng loob ng iilang kapatid na ito ay nakapagpatibay sa amin.

Sa wakas, dumating ang araw na kailangan na kaming umalis. Inihatid kami ng mga kapatid sa tabi ng daungan, at malungkot kaming nagpaalam. Sinabi nila sa amin na napatibay sila sa aming pagdalaw. Hindi namin alam kung batid nila na kami’y lubhang napatibay dahil sa kanila! Nang makabalik kami sa pangunahing bahagi ng lupain, di-nagtagal ay lumulan na kami sa aming maliit na eroplano. Habang pumapaimbulog kami sa himpapawid, tumingin kaming pababa sa magandang pulo ng Lamu. Dinili-dili namin ang malakas na pananampalataya ng mga kapatid na naninirahan doon, ang malalayong paglalakbay na ginagawa nila upang makadalo sa mga pulong, at ang sigasig at pag-ibig na taglay nila para sa katotohanan. Matagal nang panahon, ang hula ay iniulat sa Awit 97:1: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming pulo.” Oo, maging sa malayong pulo ng Lamu, ang mga tao ay binibigyan ng pagkakataon na magalak sa kamangha-manghang pag-asa hinggil sa isang paraiso sa hinaharap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.​—Isinulat.

[Mga mapa/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

KENYA

LAMU

[Picture Credit Line sa pahina 15]

© Alice Garrard

[Picture Credit Line sa pahina 16]

© Alice Garrard