Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Dating Kriminal Kailangan kong sumulat upang sabihin kung gaano ko pinahalagahan ang karanasan ni Enrique Torres, Jr., na pinamagatang “Isang Umuungal na Leon na Naging Maamong Tupa.” (Agosto 8, 1999) Itinampok nito ang pag-ibig at awa ng ating Diyos, si Jehova, at kung gaano siya kamatiisin sa atin. Ipinakita rin nito na bilang mga magulang, huwag tayong sumuko kailanman sa ating mga anak, gaano man kalayo sila napawalay sa mga pamantayan ng Diyos.
J. F., Inglatera
Ako ay pinalaki na isang Kristiyano, ngunit dahil sa masamang pakikisama, nasangkot ako sa droga at karahasan. Sa edad 18, ako ay nasentensiyahan ng 25 taóng pagkabilanggo. Bagaman naibalik na ako sa kongregasyong Kristiyano, madalas akong nakadarama ng kawalang-halaga. Gayunman, pagkatapos basahin ang artikulong ito, napahalagahan ko na si Jehova ay hindi malayo doon sa mga naghahanap sa kaniya. Kahit na nasa bilangguan pa rin ako, ang karanasang ito ay nagpatibay sa akin na manindigang matatag.
R. B., Estados Unidos
Mga Hummingbird Kahanga-hanga ang artikulong “Ang Ibon na Humahalik sa mga Bulaklak” (Agosto 8, 1999). Nakapagmasid na ako ng mga hummingbird noon, ngunit hindi ko natanto na napakaliliit nila. Sa pamamagitan ng mga salita at mga larawan, ginanyak ninyo ang aking interes sa kahali-halinang mga nilalang na ito.
R. H., Alemanya
Ako ay humanga sa impormasyon at magagandang ilustrasyon. Madalas na dinadalaw ng mga hummingbird ang aking hardin kapag panahon ng tag-init. Nakagagalak talagang pagmasdan ang kahanga-hangang mga ibong ito. Maraming ulit na basta makita ko lamang sila ay sumisigla na ako.
C.S.S., Brazil
Kaligtasan sa Hagdan Salamat sa artikulong “Paggamit ng mga Hagdan—Tinitiyak Mo Bang Ligtas ang mga Ito?” (Agosto 8, 1999) Kamakailan lamang ay nahulog ako mula sa isang hagdan at, bunga nito, kinailangan kong magpaopera ng tuhod. Pinahahalagahan ko ang sampung mungkahi na ibinigay ninyo at tatandaan ko ang mga ito sa susunod na gagamit ako ng hagdan.
D. N., Mexico
Istasyong Pangkalawakan Ako ay 16 anyos, at ang panggagalugad sa kalawakan ay nakahahalina sa akin sa tuwina. Kaya nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang Internasyonal na Istasyong Pangkalawakan—Isang Umiinog na Laboratoryo.” (Agosto 22, 1999) Kapana-panabik sa akin ang mga artikulong tulad nito!
K. E., Estados Unidos
Niluwalhati ninyo ang istasyong pangkalawakang ito nang walang kahit isang salita ng paghatol. Hindi ito binanggit ng Diyos bilang bahagi ng kaniyang plano para sa tao. At ang gastos sa isang paglulunsad, samantalang milyun-milyon ang nagugutom, ay kahiya-hiya. Hinihiya ninyo ang Diyos kapag niluluwalhati ninyo ang gayong mga bagay.
P.N.M., Inglatera
Sinasabi ng Bibliya na ‘ang lupa ay ibinigay sa mga anak ng tao.’ (Awit 115:16) Gayunman, walang maka-Kasulatang saligan para sabihin na mali para sa tao na magkaroon ng interes sa kalawakan. Sa katunayan, pinasisigla ng Bibliya ang mga lalaking may pananampalataya na pagmasdan ang kalangitan bilang isang paraan ng pagmamasid sa karunungan at kapangyarihan sa paglalang ng Diyos. (Awit 8:3, 4; 19:1) Sa paano man, hindi namin intensiyon na magbigay ng kaluwalhatian sa binabalak na istasyong pangkalawakan; iniulat lamang namin ang mga plano sa pagtatayo nito. Kung makapagbibigay man o hindi ang istasyong pangkalawakang ito ng pagsasaliksik na makapagbibigay-katuwiran sa malaking gastos para rito ay malalaman pa lamang.—ED.
Pagkakaligtas sa Pag-uusig Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Paglilingkod sa Diyos sa Harap ng Kamatayan.” (Agosto 22, 1999) Dahil sa pagbabata ng mga kapatid sa Angola sa loob ng mahigit na 17 taon, ang isang lupain na dati’y tila tigang sa espirituwal ay pinagpala na ngayon ng saganang ani!
R. Y., Hapon