Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pagkalipol ng mga Kulay-Kapeng Oso sa Europa?
Nanganganib ang kulay-kapeng mga oso sa Kanlurang Europa, ayon sa World Wide Fund for Nature (WWF). Umunti ang kanilang bilang sa anim na maliliit na populasyon na lamang. “Ang pinakananganganib na populasyon ng kulay-kapeng oso na ito ay ang nasa Pransiya, Espanya at Italya, kung saan ang mga dalubhasa sa pangangalaga ay nagbabala na malamang na maglaho ang mga ito malibang madagdagan ng mga oso mula sa ibang dako,” sabi ng The Daily Telegraph ng London. “Sa Italya, mayroon na lamang apat na oso sa timugang Alps,” dagdag pa ng pahayagan. Sa Gresya, ang ilegal na pangangaso ng mga magsasaka at mga tagapag-alaga ng pukyutan, na galit dahil sa napatay na baka o nasirang mga bahay-pukyutan, ay isang malubhang suliranin. Sa kabaligtaran, ang ilang bahagi ng Silangang Europa ay nag-ulat ng pagdami ng mga populasyon ng oso. Ang mahigpit na mga hakbang sa proteksiyon at mga programa sa muling pagdaragdag ng oso sa Romania ay nagpangyaring sumigla ang mga populasyon ng oso at dumami. At sa Russia, kung saan protektado ang oso, mayroong mga 36,000 oso. “Kailangan ang agad na pagkilos upang iligtas ang natitirang mga oso ng Kanlurang Europa,” sabi ni Callum Rankine, ng WWF’s Campaign for Europe’s Carnivores. “Kung hindi agad makikialam, ang mga osong ito ay malilipol.”
Magastos na Kawanggawa
Milyun-milyong tao ang nakinabang mula sa iniabuloy na mga gamot sa panahon ng krisis. Gayunman, isiniwalat ng isang kamakailang surbey ng World Health Organization (WHO) na kadalasang walang gaanong pagkakakilanlan ang iniabuloy na mga gamot o limitado ang panahon na ang mga ito’y maaaring imbakin. Bagaman ipinadala taglay ang pinakamabuting intensiyon, maraming gamot ang “hindi makasapat sa tunay na kara-karakang pangangailangan para sa kalusugan at, minsang nasa bansa na, naitatambak lamang ang mga ito sa dati nang tambak na sistema ng pamamahagi at nagiging mahirap na ipamigay,” sabi ng opisyal ng WHO na si Dr. Jonathan Quick. Mahigit sa kalahati ng mga gamot na iniabuloy sa Bosnia ay di-angkop. Kailangang magpadala ng pantanging mga sunugan sa Armenia at sa Mostar, Bosnia at Herzegovina, upang sunugin ang di-angkop na mga droga. Ang tinatayang halaga ng pagpapadala ng 1,000 tonelada ng di-angkop na mga gamot mula sa Croatia para sa angkop na pagtatapon sa ibang lugar ay nasa pagitan ng dalawa at apat na milyong dolyar.
Pain na Tunog
Samantalang naaakit ng karamihan ng mga halaman ang mga nagsasagawa ng polinasyon sa pamamagitan ng kulay at amoy, nagagawa ng pantropikong Mucuna holtoni ang gayunding bagay sa pamamagitan ng pagpapabalik ng tunog, ulat ng magasing Aleman na Das Tier. Natutularan ng halamang ito, na gumagapang paitaas na dinadalaw ng mga paniki, ang kapaligiran ng mga paniki sa pamamagitan ng pagpapadala ng ultrasound na mga babala. Natuklasan ng mga siyentipiko sa Erlangen University na ang nektar ng halamang ito ay nagsisilbing isang “bagay na nakapagpapabalik ng tunog,” sa pamamagitan ng pagpapabalik nang tuwiran ng mga ultrasound na babala sa mga paniki. “Sa ganitong paraan ay ginagawang madali ng halaman na masumpungan ng mga paniki ang mga bulaklak,” sabi ng magasin.
Mga Panganib ng Halamang-singaw
“Sa Silangang Europa at sa hilagang Italya, kung saan nakaugalian na ang pagkuha ng mga kabute, marami ang namamatay at nalalason taun-taon,” ulat ng The Times ng London. Dahil naging popular ang pagluluto ng ligaw na mga halamang-singaw, nagbabala ang mga dalubhasa sa mga panganib ng pagkain sa alinman sa 250 nakalalasong uri na lumalaki sa mga lalawigan ng Britanya. Ang mga kabute na may pangalang death cap at destroying angel ay malamang na kapuwa makamatay kapag nakain. Upang maingatan ang kanilang sarili, ang mga nangunguha ng mga kabute ay hinihimok na sumali sa mga grupo na pinangungunahan ng propesyonal na nakakikilala ng ligtas na mga kabute. “Walang simpleng mga alituntunin upang matukoy kung ang isa[ng halamang-singaw] ay di-nakapipinsala o nakapipinsala, kaya kamangmangan ang kumuhang mag-isa nang walang kasamang dalubhasa,” babala ng isang nakatataas na miyembro ng British Mycological Society.
Ang mga Epekto ng AIDS sa Ekonomiya
Hindi lamang isang pampublikong kasakunaan sa kalusugan, ang AIDS ay mabilis na nagiging isang kalamidad sa ekonomiya sa Aprika, ulat ng Le Monde. Dahil sa halos 23 milyong tao ang may HIV at 2 milyon ang namamatay taun-taon mula sa virus na ito, “malapit nang mapawalang-bisa ng epidemya ng AIDS ang mga kapakinabangan ng pagsulong sa Aprika.” Nakikipagpunyagi ang mga kompanya sa Aprika dahil sa dumaraming pagliban sa trabaho o kamatayan ng mga empleado bunga ng sakit na ito. Nawalan ang isang pambansang kompanya ng tren ng 10 porsiyento ng mga manggagawa nito. Sa isa pang malaking kompanya, 3,400 sa 11,500 manggagawa nito ang may HIV. Humihina ang pagsasaka dahil namamatay sa AIDS ang mga magsasaka. Isa pa, ang edukasyon ay bumababa, at tumataas ang bilang ng
di-marunong bumasa’t sumulat, yamang ang mga pamilya ay alinman sa walang salapi o panahon upang papag-aralin ang mga anak at daan-daang guro ang namatay sa AIDS.Nakikiusap ang mga Astronomo Para sa Katahimikan
Ang mga radio astronomer, na nakikinig ng mga signal na nagpapahiwatig kung kailan nagsimula ang unang mga galaksi at mga bituin, ay higit at higit na nasisiphayo dahil sa “mga kagamitan ng makabagong sibilisasyon,” ulat ng International Herald Tribune. Natatabunan ng mga istasyon ng telebisyon, mga transmitter ng radyo, mga satelayt ng komunikasyon, at mga nabibitbit na mga telepono ang tunog mula sa kalawakan na pinagsisikapang pakinggan ng mga siyentipikong ito. Upang maipagpatuloy ang kanilang pagsasaliksik, naghahanap ang mga astronomo ng isang tahimik na dako na “kung saan lahat ng anyo ng transmisyon ng radyo ay ipagbabawal.” Iminungkahi nila na magtayo roon ng nakaayos na mga plato ng radyo na nakapangalat sa daan-daang kilometro na magiging “100 ulit na mas malakas kaysa mga kasangkapang ginagamit ngayon.” Umaasa ang mga siyentipiko na ang makukuhang impormasyon ay makatutulong upang sagutin ang mga tanong hinggil sa pinagmulan ng panahon, kalawakan, at materya.
Mabilis na Dumarami ang Populasyon ng Ibon sa Lunsod ng Mexico
Halos hindi na mapigilan ang pagdami ng populasyon ng ibon sa Lunsod ng Mexico. Gaya ng iniulat sa pahayagang Reforma, halos 1,335,000 kalapati ang naninirahan na ngayon sa malaking lunsod na ito. Ang mga bantayog at mga istatuwa ang paboritong pahingahan ng mga ibon. Iniulat ng mga dalubhasa sa pagkontrol ng mga ibon na “hinahati ng mga ibong hiyang na sa kabisera ang kanilang pang-araw-araw na paglalakbay sa tatlong bahagi,” sabi ng pahayagan. “Pinipili nila ang isang lugar upang tulugan sa gabi, isa pa upang hanapan ng pagkain, at isa pa para sa panahon ng paglilibang, ngunit sa [bawat lugar] ay nag-iiwan sila ng palatandaan ng kanilang pagkanaroroon sa pamamagitan ng kanilang mga dumi.” Nagdudulot din ang mga ito ng iba’t-ibang mga karamdaman mula sa alerdyi hanggang sa mga impeksiyong dulot ng baktirya, fungus, at virus. Ang International Association for the Ecological Protection and Peaceful Relocation of Urban Doves “ay nagpanukalang bumuo ng isang batas na nagbabawal sa pagpapakain ng mga ibon sa pampublikong mga lugar.” Gayunman, nagmumungkahi rin ito na “parusahan ang sinuman na papatay ng mga ibon bilang paraan ng pagkontrol sa mga ito.”
“Mamamatay Na sa Kayayakap”
“Isa sa pinakamatanda at pinakamalaking mga puno sa daigdig ang mamamatay na sa kayayakap,” pag-uulat ng The Australian. Ang punong kauri, na matatagpuan sa hilaga ng Auckland, New Zealand, ay dinadalaw taun-taon ng libu-libong turista na nakaugaliang magkapit-kamay sa palibot ng malaki nitong puno, anupat natatapak-tapakan ang pinaka-ugat nito. “Ang puno ay mahigit na 50 metro [160 piye] ang taas ngunit hindi isa sa pinakamataas sa buong daigdig,” sabi ng pahayagan. “Gayunman, sa kabuuang dami ng kahoy, isa ito sa pinakamarami.” Kilala bilang “ang matandang lalaki ng gubat,” ito ay opisyal na 2,000 taóng gulang ngunit pinaniniwalaang mas matanda pa ito ng dalawang beses. Nanatiling buháy sa lahat ng lumipas na mga taon ng likas na kasakunaan, mga peste, at banta ng pagputol, ito ngayon ay maaaring mamatay na sa kayayakap. Ganito ang sabi ng isang opisyal ng pangangalaga: “Malamang na ito ay namamatay na ngunit hindi natin alam kung ito ay mababago pa o hindi na.”
Nakukontrol ng Pagpapasuso sa Ina ang Timbang?
Sinasabi ng mga mananaliksik na nasumpungan nila ang isa pang kapakinabangan ng pagpapasuso sa ina: Maaari itong tumulong upang maiwasan na maging labis ang timbang ng sanggol pagtanda niya. Gaya ng iniulat sa pahayagang-magasing Aleman na Focus, inalam ng isang grupo ng mananaliksik sa Munich University ang timbang ng 9,357 na mga bata na may edad na lima hanggang anim at sinuring mabuti ang ipinakain sa bawat isa noong mga sanggol pa sila. Ipinakikita ng mga resulta na ang mga bata na pinasuso ng ina sa loob ng tatlo hanggang limang buwan ay 35 porsiyento na mas malayong maging labis ang timbang nang pumasok na sila sa paaralan kaysa roon sa mga hindi man lamang pinasuso ng ina. Sa katunayan, kung mas matagal na pinasuso ng ina ang isang sanggol, mas mababa ang posibilidad ng labis na timbang. Ipinatungkol ng isang mananaliksik ang kapaki-pakinabang na epektong ito sa sangkap ng gatas ng ina, na tumutulong sa metabolismo.
Gaano Karaming Tubig ang Kailangan ng mga Bata?
Ang mga bata na nasa pagitan ng isa at apat na taong gulang ay kadalasang kulang ang iniinom. Ito ay isiniwalat sa isang pag-aaral ng Research Institute for Child Nutrition, sa Dortmund, Alemanya, at iniulat sa magasin ng mamimili na Test. Ang mga batang isa hanggang apat na taong gulang ay lalo nang madaling matuyuan ng tubig at dapat na uminom ng halos isang litro ng tubig bawat araw maliban sa nakukuha nila sa pagkain. Sa katamtaman, umiinom sila ng wala pang sangkatlo nito—at hindi laging dahil sa ginusto nila ito. Nasumpungan ng mga mananaliksik na sa 1 kaso sa bawat 5, ang paghiling ng bata ng maiinom ay tinatanggihan ng magulang. Ang pinakamainam na inumin? Kung saan ligtas, ang purong tubig ay tamang-tama, sabi ng Test.