Petra—Isang Lunsod na Inukit sa Bato
Petra—Isang Lunsod na Inukit sa Bato
MARAMING lunsod ng sinaunang daigdig ang nasa pagitan ng mahahalagang ilog, na ang saganang tubig ay bumubuhay at nagsasanggalang sa mga ito. Ngunit may isang lunsod sa hilagang-kanlurang hangganan ng Disyerto ng Arabia na naging bantog dahil sa kakulangan ng tubig. Ito ay ang Petra.
Sa mga lupaing disyerto sa baybayin ng Mediteraneo, ang mga ruta ng mga grupo ng manlalakbay ay nagdurugtong sa malalayong lunsod kung paanong ang ating makabagong mga lansangang-bayan ay tumatawid sa mga kontinente. Ngunit kung paanong ang mga awto ay nangangailangan ng mga gasolinahan, ang mga kamelyo rin—kahit na malaon nang kilala ang mga ito sa kanilang kakayahang magbata—ay nangangailangan ng hintuan para sa tubig. Dalawang libong taon na ang lumipas, ang Petra ay isa sa pinakabantog na istasyon ng tubig sa Gitnang Silangan.
Ang Petra ay nasa sangandaan ng dalawang mahahalagang ruta ng kalakalan. Ang isa ay nag-uugnay sa Dagat na Pula at Damasco, at ang isa naman, sa Gulpo ng Persia at Gaza, na nasa baybayin ng Mediteraneo. Kailangang batahin ng mga grupo ng manlalakbay mula sa Gulpo, na lulan ang kanilang mahahalagang kargamento ng espesya, ang napakainit na Disyerto ng Arabia sa loob ng mga linggo bago makarating sa malamig at makitid na libis—ang Siq—na siyang daang papasok sa Petra. Sa Petra ay makasusumpong ang isa ng pagkain at tuluyan at, higit sa lahat, malamig at nakarerepreskong tubig.
Siyempre pa, hindi inilalaan ng mga mamamayan ng Petra ang mga kaalwanang
ito nang libre. Iniulat ng Romanong mananalaysay na si Pliny na kailangang regaluhan ang mga guwardiya, ang mga bantay ng pintuang-daan, ang mga saserdote, at ang mga lingkod ng hari—maliban sa bayad para sa kumpay at tuluyan. Ngunit ang labis-labis na halagang kikitain mula sa mga espesya at mga pabango sa mauunlad na lunsod sa Europa ay nagpapangyaring magpabalik-balik ang mga grupo ng manlalakbay at sa gayo’y nagpapayaman sa Petra.Pagtitipid ng Tubig at Pagiging Bihasa sa Paggamit ng Bato
Labinlimang centimetro lamang ng ulan ang lumalagpak sa Petra sa bawat taon, at walang batis dito. Paano nakakakuha ang mga mamamayan ng Petra ng mahalagang tubig upang matustusan ang lunsod? Umukit sila mula sa matigas na bato ng mga lagusan, tipunan, at mga imbakang-tubig. Sa kalaunan, halos bawat patak ng ulan na lumalagpak sa palibot ng Petra ay tinitipon at tinitipid. Ang kanilang kadalubhasaan sa paggamit ng tubig ay nagpangyari sa mga mamamayan ng Petra na magsaka, mag-alaga ng mga kamelyo, at magtayo ng isang sentro ng komersiyo na kung saan ang mga negosyante dito ay yumaman dahil sa olibano at mira na ikinakalakal nila. Maging sa ngayon, isang paliku-likong lagusang bato ang naghahatid ng tubig sa buong kahabaan ng Siq.
Kung alam ng mga mamamayan ng Petra ang mga bagay-bagay tungkol sa tubig, sila rin naman ay mga dalubhasa sa pagkakantero. Ang pangalan mismong Petra, na nangangahulugang “Malaking Bato,” ay nagpapagunita sa isa ng tungkol sa bato. At ang Petra ay tunay ngang isang lunsod ng bato—na walang katulad sa daigdig ng Roma. Buong tiyagang inukit ng mga Nabataeano, ang mga tagapagtayo ng lunsod, ang kanilang mga tahanan, libingan, at mga templo mula sa matigas na bato. Ang pulang batong-buhangin na kabundukan kung saan matatagpuan ang Petra ay tamang-tama para dito, at pagsapit ng unang siglo C.E., isang namumukod-tanging lunsod ang naitayo sa gitna ng disyerto.
Mula sa Kalakalan Tungo sa Turismo
Dalawang milenyo na ang nakalilipas, kalakalan ang nagpayaman sa Petra. Subalit nang matagpuan ng mga Romano ang daanan sa dagat patungo sa Silangan, ang dumaraan sa lupa na kalakalan ng espesya ay bumagsak at unti-unting napabayaan ang Petra sa disyerto. Ngunit ang gawa ng mga kantero sa disyerto ay hindi naglaho. Sa ngayon, halos kalahating milyong turista ang dumadalaw sa Jordan bawat taon upang pagmasdan ang kulay pulang-rosas na lunsod ng Petra, kung saan ang mga gusali nito ay nagpapatunay pa rin sa isang maluwalhating nakalipas.
Pagkatapos bagtasin ng bisita ang malamig, isang kilometrong haba na Siq, ang pagliko sa mga pader ng makitid na libis ay biglang magsisiwalat sa Treasury, isang kahanga-hangang gusali na ang mga harapan ay inukit mula sa isang malaking bangin. Iilan lamang ang makalilimot sa kanilang unang sulyap dito, isa sa pinakanaingatan sa mga gusali ng unang siglo. Ang pangalan ng gusali ay isinunod sa dambuhalang batong urna na nakalagay sa itaas ng gusali at na diumano’y naglalaman ng ginto at mahahalagang bato.
Habang lumuluwang ang makitid na libis, papasok ang turista sa isang malawak na likas na ampiteatrong inukit sa mga bangin na naglalaman ng maraming kuweba. Ngunit ang mga libingan ang nakaagaw ng kaniyang pansin—mga libingan na inukit sa gilid ng bangin, mga libingang napakataas anupat nagmimistulang unano ang mga bisita na pumapasok sa madidilim na looban nito. Isang kolonada at teatro ang nagpapatunay sa presensiya ng Romano sa lunsod noong una at ikalawang siglo.
Ang makabagong-panahong Bedouin, inapo ng mga Nabataeano, ay nag-aalok ng pagsakay sa kamelyo sa hindi gaanong maliksing mga turista, nagtitinda ng mga subenir, o nagpapainom sa kanilang kawan ng kambing sa mga bukal ng Petra, na pumapawi sa uhaw ng tao at hayop. Ang luma at sementadong mga lansangang-bayan ng Petra ay dinaraanan pa rin na para lamang sa mga kamelyo, kabayo at mga asno. Kaya sa kasalukuyan, umaalingawngaw sa lunsod ang katulad na mga tunog na narinig noong mga panahong nakalipas, nang ang kamelyo ang hari ng daan at pinamamahalaan ng Petra ang disyerto.
Habang papalubog ang araw sa lunsod, na nagpapatingkad sa mamula-mulang kulay ng dambuhalang mga harapan ng gusali nito, ang palaisip na bisita ay maaaring magbulay-bulay sa mga aral na itinuturo sa atin ng Petra. Ang lunsod ay walang alinlangang nagpapatotoo sa pagiging maparaan ng tao sa pagtitipid ng limitadong mga pinagkukunan, kahit na sa gayong iláng na kapaligiran. Subalit nagsisilbi rin itong isang mabisang paalaala na ang materyal na kayamanan ay maaaring mabilis na ‘lumipad patungo sa langit.’—Kawikaan 23:4, 5.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Inset: Garo Nalbandian