Inamin Ngayon ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon
Inamin Ngayon ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
“IKINALUNGKOT ng mga Obispo ang ‘Kakila-kilabot na mga Krimen’ ni Reyna Mary,” ang ulong balita ng Catholic Herald ng Britanya noong Disyembre 11, 1998. Kinilala ng mga obispong Romano Katoliko sa Inglatera at Wales na “kakila-kilabot na mga pang-aabuso ang nagawa sa ngalan ng relihiyong Katoliko, halimbawa sa mga Protestante noong panahon ng Repormasyon sa Gran Britanya.” Sino ba si Reyna Mary? Anu-anong pang-aabuso ang nagawa niya na nag-udyok ng gayong pag-amin? At bakit pinili ng mga obispo sa Inglatera at Wales ang panahong ito upang ilabas ang kanilang pahayag?
Si Mary Tudor ay isinilang sa Romano Katolikong Inglatera noong 1516. Ang tanging nabubuhay na anak ni Catherine ng Aragon, na unang asawa ni Haring Henry VIII, si Mary ay pinalaking isang debotong Katoliko ng kaniyang ina. Ibig ng kaniyang ama ang isang lalaking tagapagmana, subalit hindi nagkaanak ng lalaki si Catherine. Yamang tumanggi ang papa na ipawalang-bisa ang kaniyang kasal kay Catherine, gumawa si Henry ng sariling paraan, sa gayo’y inihanda ang daan para sa Repormasyong Protestante sa Inglatera. Pinakasalan niya si Anne Boleyn noong 1533, apat na buwan bago ipahayag ng Arsobispo ng Canterbury, si Thomas Cranmer, na wala nang bisa ang unang pag-aasawa ni Henry.
Nang sumunod na taon, pinutol ng matigas ang ulo na si Henry ang lahat ng kaugnayan sa Roma at siya’y ginawang pinakamataas
na pinuno ng Church of England. Hindi na kailanman muling nakita ni Mary, na ngayo’y itinuturing na anak sa labas, ang kaniyang ina, yamang si Catherine ay pinilit na gugulin ang huling mga taon ng kaniyang buhay na hindi nakikita ng publiko.Kawalang-Pagpaparaya ng Protestante
Sa loob ng sumunod na 13 taon, ang ilan na tumangging kumilala kay Henry bilang ang ulo ng simbahan o tumatanggap pa rin sa awtoridad ng papa ay pinatay. Si Henry ay namatay noong 1547 at siya’y hinalinhan ng siyam-na-taóng-gulang na si Edward, ang kaniyang tanging lehitimong anak na lalaki, sa pamamagitan ng pangatlo sa kaniyang anim na asawa. Sinikap ni Edward at ng kaniyang mga tagapayo na gawing Protestante ang Inglatera. Ang mga Romano Katoliko ay pinag-usig sa pagsasagawa ng kanilang relihiyon, at ang mga simbahan ay inalisan ng mga imahen at mga altar.
Di-nagtagal ay inalis ang mga pagbabawal sa paglilimbag at pagbabasa ng Bibliya sa wikang Ingles, at ang mga serbisyo sa simbahan na naglalakip ng pagbabasa sa Bibliya ay dapat gawin sa wikang Ingles sa halip na sa Latin. Subalit noong 1553, si Edward ay namatay dahil sa tuberkulosis nang siya ay 15 anyos lamang. Si Mary ang itinuring na nararapat na kahalili at naging reyna ng Inglatera.
Kawalang-Pagpaparaya ng Katoliko
Sa simula, malugod na tinanggap ng mga tao ang 37-taóng-gulang na si Mary, subalit di-nagtagal ay kinayamutan na siya. Ang kaniyang mga nasasakupan ay nasanay na sa Protestantismo, at ngayon ay determinado si Mary na gawin muling Romano Katoliko ang bansa. Sa sandaling panahon, pinawalang-bisa ang lahat ng mga relihiyosong batas ni Edward. Hiningi ni Mary ang kapatawaran ng papa alang-alang sa bansa. Minsan pa, ang Inglatera ay naging Romano Katoliko.
Ang pakikipagkasundo naman sa Roma ay nag-udyok ng isang bagong daluyong ng pag-uusig laban sa mga Protestante. Sila’y inihalintulad sa isang malubhang bukol na kailangang alisin bago nito mahawahan ang buong katawan. Marami na hindi tumanggap sa mga turo ng Simbahang Romano Katoliko ay sinunog nang buháy sa tulos.
Parusa sa mga Erehes
Ang kauna-unahang namatay noong paghahari ni Mary ay si John Rogers. Tinipon niya ang kinikilala ng marami na Bibliyang Matthew, na naging saligan para sa King James Version. Pagkatapos mangaral ng isang sermon na laban sa Romano Katoliko na nagbababala laban sa “nakayayamot na Katolisismong Romano, idolatriya, at pamahiin,” siya’y nabilanggo nang isang taon, at siya ay sinunog hanggang mamatay dahil sa erehiya noong Pebrero 1555.
Si John Hooper, obispo ng Gloucester at Worcester, ay binansagan ding isang erehe. Ipinahayag niya na naaayon sa batas na ang klero ay mag-asawa at na ang diborsiyo dahil sa pangangalunya ay ipinahihintulot. Pinabulaanan din niya ang pisikal na pagkanaroroon ni Kristo sa Misa. Si Hooper ay sinunog nang buháy, ang kaniyang napakasakit na kamatayan ay tumagal nang halos apatnapu’t limang minuto. Nang ang 70-anyos na mangangaral na Protestanteng si Hugh Latimer na ang susunugin, pinatibay-loob niya si Nicholas Ridley, kapuwa Repormador at kapuwa biktima sa tulos, sa mga pananalitang: “Magkaroon ka ng kaaliwan, Ginoong Ridley, at magpakalalaki ka. Sisindihan natin sa araw na ito ang gayong kandila, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa Inglatera, at nagtitiwala akong hindi ito kailanman mamamatay.”
Si Thomas Cranmer, ang unang Protestanteng Arsobispo ng Canterbury sa ilalim nina Henry at Edward, ay nahatulan din bilang isang erehe. Bagaman itinakwil niya ang kaniyang mga paniniwalang Protestante, sa huling sandali ay binawi niya ito sa harap ng publiko, anupat binatikos niya ang papa bilang kaaway ni Kristo, at idinuldol niya ang kaniyang kanang kamay sa apoy upang unang masunog, yamang ito ay nagkasala ng pagpirma sa mga pagtatakwil na ginawa niya.
Bagaman hindi kukulangin sa 800 mayayamang Protestante ang tumakas sa ibang bansa para makaligtas, sa loob ng sumunod na tatlong taon at siyam na buwan hanggang sa kamatayan ni Mary, hindi kukulangin sa 277
katao ang sinunog sa tulos sa Inglatera. Ang maraming biktima ay mga ordinaryong tao na lubhang nalito na tungkol sa kung ano ang dapat nilang paniwalaan. Ang mga kabataan ay lumaki na naririnig ang pagbatikos sa papa at ngayon ay pinarurusahan dahil sa pagsasalita laban sa kaniya. Ang iba ay natutong magbasa ng Bibliya sa ganang sarili at bumuo na ng kanilang sariling relihiyosong mga opinyon.Nakapangilabot sa marami ang mabagal at napakasakit na kamatayan ng mga lalaki, babae, at mga bata na sinunog sa tulos. Inilarawan ng mananalaysay na si Carolly Erickson ang isang karaniwang tagpo: “Kadalasan ang kahoy na panggatong ay hindi pa tuyo, o ang mga pansiga na palumpon ay basa pa upang agad na magdingas. Ang mga supot ng pulbura na itinatali sa mga biktima upang paikliin ang kanilang matinding paghihirap ay hindi nagsindi, o kaya’y puminsala sa kanila nang hindi naman sila pinapatay.” Walang pasak ang bibig ng mga biktima, kung kaya’t ang “kanilang mga paghiyaw at mga panalangin ay kadalasang naririnig hanggang sa mismong sandali ng kamatayan.”
Dumaraming tao ang nagsimulang mag-alinlangan sa isang relihiyon na kailangang magsunog ng mga tao sa tulos upang ipatupad ang mga turo nito. Ang pagdami ng nagpapakita ng simpatiya para sa mga biktima ang umakay sa mga gumagawa ng ballad na kumatha ng mga awit tungkol sa mga martir na Protestante. Sinimulang tipunin ni John Foxe ang kaniyang Book of Martyrs, na nang dakong huli ay naging halos kasing-impluwensiya ng Bibliya sa mga Protestanteng Repormador. Marami na dating Romano Katoliko sa pasimula ng paghahari ni Mary ang naging mga Protestante sa pagtatapos nito.
Ang Pamana ni Mary
Pagkatapos maging reyna, sinabi ni Mary na pakakasal siya sa kaniyang pinsang si Philip, tagapagmana sa tronong Kastila. Siya’y isang banyagang hari at isang masugid na Romano Katoliko, na ayaw ng maraming Ingles. Isang himagsikang Protestante na inorganisa upang tutulan ang kasal ay nabigo, at 100 rebelde ang pinatay. Sina Philip at Mary ay ikinasal noong Hulyo 25, 1554, bagaman si Philip ay hindi kailanman naging hari. Gayunman, ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa na hindi biniyayaan ng anak ay lubhang nakabagabag kay Mary, na nagnanais ng isang tagapagmanang Romano Katoliko.
Nagkasakit si Mary, at pagkaraan ng maikling pamamahala sa loob ng limang taon, siya’y namatay sa edad na 42. Namatay siyang lipos ng pamimighati. Nagsawa na sa kaniya ang kaniyang asawa, at karamihan sa kaniyang mga nasasakupan ay napoot sa kaniya. Pagkamatay niya, maraming taga-London ang nagparti sa mga lansangan. Sa halip na ibangong-muli ang Katolisismong Romano, lalo lamang niyang itinaguyod ang layunin ng Protestantismo dahil sa kaniyang pagkapanatiko. Ang kaniyang pamana ay mabubuod sa pangalan kung saan siya nakilala—Bloody Mary.
Budhing Naudyukan Nang May-Kamalian
Bakit ipinag-utos ni Mary na sunugin hanggang sa kamatayan ang napakaraming tao? Siya’y naturuan na ang mga erehes ay mga traidor sa Diyos, at ipinalagay niya na tungkulin niyang wakasan ang kanilang impluwensiya bago nila mahawahan ang buong bansa. Pinakinggan niya ang kaniyang budhi subalit hindi niya pinansin ang mga karapatan ng iba na ang budhi’y umakay sa kanila sa ibang direksiyon.
Gayunman, hindi rin mapagparaya ang mga Protestante. Sa ilalim nina Henry at Edward, sinunog din ang mga tao dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Ginawa ng Protestanteng humalili kay Mary, si Elizabeth I, na isang kasalanang pagtataksil ang pagsasagawa ng Katolisismong Romano, at noong kaniyang paghahari mahigit na 180 Romano Katolikong mga Ingles ang pinatay. Sa loob ng sumunod na dantaon, daan-daan pa ang namatay dahil sa kanilang relihiyosong mga opinyon.
Bakit Humihingi ng Tawad Ngayon?
Noong Disyembre 10, 1998, ginanap ang ika-50 anibersaryo ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ng United Nations. Kinikilala ng Artikulo 18 “ang karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon,” pati na ang kalayaan na magbago ng relihiyon at ituro at isagawa ito. Pinili ng Romano Katolikong mga obispo ng Inglatera at Wales ang ika-50 anibersaryo bilang “isang angkop na okasyon upang suriin ng mga Katoliko ang kanilang mga budhi may kinalaman sa mga bagay na ito” at kilalanin ang “kakila-kilabot na mga pang-aabuso” na nagawa, lalo na noong panahon ni Mary Tudor.
Bagaman pinagsisisihan ngayon ang mga gawa ng kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon na halos 450 taon na ang nakalipas, mayroon nga bang anumang pagbabago? Ang mga tao ay hindi na sinusunog sa tulos, subalit patuloy na hinahalay at pinapaslang ng maraming tinatawag na mga Kristiyano yaong kabilang sa ibang mga relihiyon. Ang gayong kawalang-pagpaparaya ay hindi nakalulugod sa Diyos. Oo, si Jesu-Kristo, ang isa na may kasakdalang nagpapaaninaw sa personalidad ng Diyos, ay nagsabi: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
[Larawan sa pahina 12]
Reyna Mary
[Credit Line]
Mula sa aklat na A Short History of the English People
[Larawan sa pahina 13]
Sina Latimer at Ridley ay sinunog sa tulos
[Credit Line]
Mula sa aklat na Foxe’s Book of Martyrs
[Larawan sa pahina 13]
Tiniyak ni Cranmer na unang masunog ang kaniyang kanang kamay
[Credit Line]
Mula sa aklat na The History of England (Tomo 1)
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Border: 200 Decorative Title-Pages/Alexander Nesbitt/Dover Publications, Inc.