Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balita sa TV—Gaano Karami sa mga Ito ang Talagang Balita?

Balita sa TV—Gaano Karami sa mga Ito ang Talagang Balita?

Balita sa TV​—Gaano Karami sa mga Ito ang Talagang Balita?

Matapos suriin ang nilalaman at presentasyon ng 102 lokal na pagbabalita sa TV mula sa 52 lunsod sa Estados Unidos, nasumpungan ng isang grupong bantay-media na 41.3 porsiyento lamang ng mga programa ang naglalaman ng balita. Ano ang nilalaman ng iba pang pagbabalita?

Sa katamtaman, 30.4 porsiyento ng pagsasahimpapawid ng lokal na balita sa TV ay naglalaman ng mga pag-aanunsiyo. Sa katunayan, ang ilang istasyon na sinurbey ay nag-uukol ng higit na panahon sa pag-aanunsiyo kaysa sa pagbabalita. Bukod dito, ang pagsasahimpapawid ng balita ay kadalasang puro kung anu-ano lamang, ang sabi ng report na nagsusumaryo sa mga natuklasan ng pagsusuri. * Sa ilalim ng uluhang “Kung Anu-ano Lamang,” pinagsama-sama ng report “ang lahat ng nagugol na panahon ng mga tagapagbalita sa pagdadaldalan habang nagsasahimpapawid, ang pagbibigay ng publisidad at patiunang pagpapatalastas sa susunod na mga ibabalita, ‘sentimental’ o walang kuwentang balita at mga bagay tungkol sa mga tanyag na tao.” Isang halimbawa ng ilang balita na kung anu-ano lamang: “Teribleng Paligsahan ng mga Tenor,” “Sumakay ang Reporter sa ‘Kagila-gilalas, Di-Kapani-paniwala at Kamangha-manghang Roller Coaster,” at “Mas Maraming Tao ang Bumibili ng Palaman sa Tinapay sa mga Supermarket.”

Ano ang bumubuo sa aktuwal na balita? Nangingibabaw sa balita sa TV ang mga bagay hinggil sa krimen, anupat sumasaklaw sa 26.9 na porsiyento ng panahon ng pagsasahimpapawid. “Nananatiling totoo sa lokal na balita sa TV ang katotohanang ‘kapag madugo, nangunguna ito’ . . . Ang mga insidente ng krimen ay maaaring umunti sa buong Estados Unidos sa nakalipas na ilang taon, ngunit hindi gayon pagdating sa lokal na balita sa telebisyon.” Bakit? Ayon sa mga may-akda sa pagsusuri, “ang mga kaganapan ng krimen ay madudula at pinag-uukulan ng pansin ng mga tao.”

Kasunod ng krimen ay ang pagbabalita tungkol sa mga sakuna, gaya ng mga sunog, banggaan ng kotse, pagbaha, at mga pagsabog (12.2 porsiyento ng balita), na sinundan naman ng balita hinggil sa palakasan (11.4 porsiyento). Pagkatapos ay susunod naman dito ang balitang pangkalusugan (10.1 porsiyento), pampamahalaan (8.7 porsiyento), at pang-ekonomiya (8.5 porsiyento). Ang mga paksang gaya ng edukasyon, kapaligiran, sining, at siyensiya ay hindi gaanong pinapansin (mula 1.3 hanggang 3.6 porsiyento). Sa kabilang panig naman, ang mga ulat sa lagay ng panahon ay sumasaklaw sa katamtamang 10 porsiyento sa lahat ng pagbabalita. “Lahat ay nagnanais na pag-usapan ang lagay ng panahon at totoo rin ito maging sa balita sa TV,” ang komento ng mga mananaliksik. Sinabi pa nila: “Anumang lagay ng panahon, maganda man o masama, mainit man o malamig, maulan man o tagtuyot, ay maaaring pumukaw ng malawakang pagbabalita sa TV.”

Hinggil sa isang positibong bagay na napansin, sinasabi ng report na isang lumalaking bilang ng mga peryodista at mga manonood ang nakakakita sa pangangailangan ng pagbabago. Gayunman, inaamin ng pagsusuri na ang gayong pagbabago ay hindi madaling makamit dahil “ang mga kalakalan at ang kasakiman ay maaaring laging maging banta sa kalidad ng pamamahayag.”

[Talababa]

^ par. 3 Ang report na Not in the Public Interest​—Local TV News in America ang siyang pang-apat na taunang pambansang surbey na nagsuri sa nilalaman ng balita. Ito ay tinipon nina Dr. Paul Klite, Dr. Robert A. Bardwell, at Jason Salzman, ng Rocky Mountain Media Watch.