Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kristiyanong Pag-ibig Kontra sa Isang Bulkan

Kristiyanong Pag-ibig Kontra sa Isang Bulkan

Kristiyanong Pag-ibig Kontra sa Isang Bulkan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CAMEROON

SUMABOG sa galit ang isang higante noong nakaraang taon sa bansang Cameroon sa Kanlurang Aprika. Ang Bundok Cameroon ay isang bulkan na may taas na 4,070 metro mula sa kapantayan ng dagat. Ang pagsabog na ito​—ang ikalimang pagsabog ng bundok sa ika-20 siglo​—ang siyang pinakamalakas at pinakagrabe na nangyari ayon sa ulat.

Ang sakuna ay unang naganap noong Sabado ng hapon, Marso 27, 1999. Ang mga nakasaksi sa bayan ng Buea, na nasa paanan ng bundok, ay nag-ulat na nayanig nang husto ang mga pader, bahay, at maging ang mga punungkahoy. Nang sumunod na gabi, mga alas otso y medya, ang rehiyon ay inuga ng pinakamalakas at pinakagrabeng pagyanig. Naramdaman ito hanggang sa layong 70 kilometro sa Douala. Ang ulong-balita ng Le Messager noong Martes, Marso 30, 1999, ay nagpahayag: “Pagsabog ng Bundok Cameroon​—250,000 Katao ang Napaharap sa Apoy.” Nagpatuloy pa ito: “Ang lupa ay nayanig nang 50 beses sa loob ng dalawang araw; 4 na bunganga ng bulkan ang lumitaw; daan-daang bahay ang nasira; gumuho ang palasyo ng presidente sa Buea.”

Mga 80 Saksi ni Jehova ang naninirahan sa Buea. Maraming nasirang tahanan ang hindi na puwedeng kumpunihin, kasali na ang isa na ginagamit bilang isang Kingdom Hall. Gayunpaman, wala namang nasawi.

Kumilos ang Kristiyanong Pag-ibig

Agad na kumilos ang Kristiyanong pag-ibig upang mapagaan ang pagsalantang likha ng nagngangalit na higante. Inatasan ang isang komite sa pagtulong, isinaayos ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na mailaan ang ilang kailangang-kailangang pondo, at daan-daang Saksi ang agad na maibiging nagsakripisyo ng kanilang panahon, lakas, at salapi.

Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagpadala ng mga suplay na pagkain. Isang Saksi ang nagbigay ng 1,000 hollow block. Ang isa naman ay nagsaayos na makabili ng aluminyong pambubong sa murang halaga. Ang isa pa ay naglakad naman nang 16 na kilometro upang makakuha ng kahoy. Isang kabataang lalaki na nakapag-ipon ng salapi para ipambayad ng dote sa kaniyang magiging mga biyenan ang nagpaliban muna ng kaniyang kasal at ginamit ang salapi upang kumpunihin ang kaniyang lagaring de-motor (chain saw). Pumunta siya sa kagubatan, kung saan tatlong linggo siyang namutol ng troso na sapat para sa isang buong bahay! Ang malalakas at kabataang mga Kristiyanong kapatid na lalaki ang nagsunong sa mga troso patungo sa isang lugar na limang kilometro ang layo, na doo’y ilululan naman ang mga ito sa isang trak.

Ang muling-pagtatayo ay nagpasimula noong Abril 24 nang magtagpu-tagpo ang 60 boluntaryo sa lugar ng sakuna. Noong sumunod na mga dulong sanlinggo, ang bilang na iyon ay umabot sa pinakamataas na bilang na 200. Tatlong Saksi na may buong-panahong trabaho ang nagpunta roon pagkatapos ng kanilang regular na trabaho sa maghapon at nagtayo hanggang sa madaling araw. Isang Saksi mula sa Douala ang pumasok sa kaniyang sekular na trabaho sa buong umaga; pagkatapos ay nagmotorsiklo siya sa layong 70 kilometro at nagtrabaho hanggang hatinggabi bago siya umuwi. Anim na bahay ang natapos nang wala pang dalawang buwan. Samantala, patuloy na nagdaraos ng mga pulong ang Buea Congregation sa isang pribadong tahanan, bagaman ang bilang ng mga dumadalo ay halos doble ng bilang ng mga miyembro ng kongregasyon.

Nang panahon ding ito, ang komite sa pagtulong ay namahagi ng mahigit sa 40,000 tableta upang dalisayin ang maruming tubig at ipinaospital ang mga sampung tao na nagkasakit sa palahingahan dahil sa nakalalasong gas at abo ng bulkan. Ano ang naging reaksiyon niyaong mga nakasaksi sa Kristiyanong pag-ibig na ito?

Nanaig ang Kristiyanong Pag-ibig

Matapos pagmasdan ang isa sa mga bahay na itinayo ng mga kapatid, isang lalaki mula sa Provincial Delegation of Agriculture ang nagsabi: “Ang bahay ay isang malaking patotoo mismo . . . , isang katunayan ng pag-ibig.” Isang guro ang nagkomento: “Hindi pa ako nakakita kailanman ng gayong bagay sa tanang buhay ko. . . . Talagang ito ay tanda ng tunay na Kristiyanismo.”

Gayundin ang naibulalas niyaong mismong mga nakinabang. Si Timothy, may edad na 65 at masasakitin, ay sumulat: “Tuwing pagmamasdan namin ang aming bagong bahay, namumuo sa aming mga mata ang mga luha ng kagalakan. Lagi naming pinasasalamatan si Jehova sa ginawa niya para sa amin.” Isang balo na hindi Saksi ni Jehova ang naiwang salat na salat kasama ang kaniyang apat na anak nang gumuho ang kanilang tahanan. Pagkatapos, yaong mga inupahan upang tumulong sa kaniya ang siya namang nagnakaw sa kaniyang mga materyales na pambubong. Tinulungan siya ng mga boluntaryong Saksi. Sabi niya: “Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat. Masayang-masaya ako.” Si Elizabeth, asawa ng isang Kristiyanong matanda, ay nagsabi: “Nagagalak ako na may pag-ibig sa organisasyon ni Jehova. Ipinakikita nito na tayo ay naglilingkod sa buháy na Diyos.”

Ang pagsabog ng bulkan ay talagang napakalakas, ngunit hindi nito kayang pawiin ang Kristiyanong pag-ibig ng kapatirang ito. Gaya ng kinasihang sulat ni apostol Pablo, “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”​—1 Corinto 13:8.

[Mga larawan sa pahina 16]

Nagdulot ng malaking pagkawasak ang malaking daloy ng nagbabagang lava

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga boluntaryo ay nagpagal nang husto upang makumpuni ang nasirang mga tahanan

[Larawan sa pahina 16, 17]

Bundok Cameroon