Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkakaisa Kaya ang Daigdig?

Magkakaisa Kaya ang Daigdig?

Magkakaisa Kaya ang Daigdig?

NOONG nakalipas na mga taon, dinanas ng milyun-milyong tao sa Silangang Europa at sa iba pang dako ang mga bunga ng magulong digmaan. Gayunman, kahit na patuloy na nagaganap ang gayong malulupit na digmaan, nagawang linangin at panatilihin ng libu-libong tao sa mga bansang ito na giniyagis ng digmaan ang tunay na pagkakaisa sa gitna nila. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Noong 1991, isang internasyonal na pulutong ng halos 15,000 ang nagtipon sa Zagreb, Croatia. Napakilos na bumulalas ang isang pulis na nasa dakong iyon: “Magandang ipakita sa media kung ano ang nangyayari sa istadyum na ito, dito mismo, kung saan natin makikita ang mga Serbiano, Croat, Sloveniano, Montenegrin, at iba pa na mapayapang nauupong magkakatabi.” Ano ang dahilan ng gayong di-pangkaraniwang pagkakaisa?

Noong 1993, isang mas malaking internasyonal na kombensiyon, na may temang “Banal na Pagtuturo,” ang ginanap sa Kiev, ang kabisera ng Ukraine. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay halos 65,000. Ang unang pahina ng Evening Kiev ay nag-ulat: “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay nagkakaisa hindi lamang dahil sa bughaw na mga badge na may nakasulat sa mga ito na ‘Banal na Pagtuturo’ kundi sa pamamagitan din ng tunay na pananampalataya.”

Banal na Pagtuturo​—Isang Puwersa Para sa Pagkakaisa

Nagtataka ka ba kung bakit nagtatamasa ang mga Saksi ni Jehova ng pagkakaisa samantalang palasak ang di-pagkakaisa sa palibot nila? Tinukoy ng Polakong propesor na si Wojciech Modzelewski ang dahilan nang magkomento siya hinggil sa mga Saksi: “Ang susing dahilan sa kanilang mapayapang saloobin ay ang determinasyon na sundin na sa kasalukuyan ang mga simulain na isiniwalat sa Bibliya.” Tunay, nagkakaisa ang mga Saksi sa buong daigdig sa pamamagitan ng banal na pagtuturo ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. Ano ba ang turong iyon?

Tinukoy ni Jesu-Kristo ang isang mahalagang simulain na nagiging dahilan ng pagkakaisa nang sabihin niya tungkol sa kaniyang mga alagad: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Oo, ang paninindigan sa neutralidad ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng dako ang nagbubuklod sa kanila sa pagkakaisa. Ito ay kasuwato ng mga salita ni Jesus nang manalangin siya: “Ako ay humihiling, . . . [na] silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.”​—Juan 17:16-21.

Ang paninindigang ito sa neutralidad ay isang puwersa para sa pagkakaisa dahil inuudyukan nito ang mga Saksi sa lahat ng panig ng daigdig na kumilos ayon sa tinukoy ni propeta Isaias tungkol doon sa mga “tuturuan [ng Diyos] . . . tungkol sa kaniyang mga daan.” Binanggit ni Isaias na “pupukpukin [ng gayong mga tao] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” Ang propeta ay nagpatuloy: “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:2-4.

Ang pagkakaisa at kapayapaan na napansin sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa noong nakalipas na dekada ay nagpapakita na ang hula ni Isaias ay natutupad na sa maliit na lawak. Sa Europa at sa ibang dako, makasagisag na pinukpok na ng mga Saksi ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang sibat upang maging mga karit na pampungos. Bunga nito, nagtatamasa sila sa ngayon ng kapayapaan at pagkakaisa sa di-nagkakaisang sanlibutang ito. Hindi kataka-taka na ang editoryal ng isang pahayagan ay nagsabi minsan: “Kung ang buong daigdig ay mabubuhay sa pamamagitan ng kredo [ng Bibliya] ng mga Saksi [ni Jehova], magwawakas na ang pagdanak ng dugo at pagkakapootan, at maghahari ang pag-ibig”! Maaari bang mangyari ang gayon kailanman?

Kung Paano Mangyayari ang Pambuong Daigdig na Pagkakaisa

Upang magkaroon ng pagkakaisa sa buong lupa, higit pa ang kinakailangan kaysa sa basta maliit lamang na grupo ng mga tao na may mabubuting hangarin. Kailangan din ang isang pamahalaan na may kapangyarihan na limitahan ang impluwensiya niyaong mga laban sa pagkakaisa at kapayapaan. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin para sa gayong pamahalaan: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Oo, tinukoy ni Jesus na ang pamahalaan lamang ng Diyos, “ang kaharian ng mga langit,” ang makapagbibigay ng solusyon sa mga suliranin sa daigdig​—kabilang na ang suliranin sa di-pagkakaisa.​—Mateo 4:17.

Si Jesu-Kristo ang Hari ng makalangit na Kahariang ito. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala mararanasan ng mga tao sa lupa ang wala pang kaparis na panahon ng kapayapaan at pagkakaisa. Hindi mangyayari ang pambuong daigdig na pagkakaisang ito bunga ng gawang-tao na mga reporma sa ekonomiya. Tanging isang pamahalaan lamang sa kamay ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang makagagawa ng gayong bagay.​—Isaias 9:6, 7.

Ang kasalukuyang mga kawalang-katarungan, na kadalasang bunga ng karalitaan at pag-abuso sa kapangyarihan, ay hindi pahihintulutan ng Prinsipe ng Kapayapaan. Ang Bibliya ay nangangako: “At magpapatirapa sa kaniya ang lahat ng mga hari; ang lahat ng mga bansa, sa ganang kanila, ay maglilingkod sa kaniya. Sapagkat ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan . . . Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”​—Awit 72:11, 12, 14, 16.

Mawawala na rin ang kawalan ng trabaho sa ilalim ng pamamahala ni Kristo. Si propeta Isaias ay nagsasabi: “Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:22) Gunigunihin, lahat ng nasa lupa ay makagagawa ng kapaki-pakinabang at nakasisiyang gawain!

Tunay na Pagkakaisa​—Kailan?

Ngunit kailan magsisimula ang pamamahala ni Kristo sa ibabaw ng lupa? Sa pagsagot sa tanong na iyan, tinukoy ni Jesu-Kristo ang isang panahon na kakikitaan ng mga digmaan, ulat ng mga digmaan, sakit, lindol, at iba pang mga pangyayari. Gayunman, tinukoy rin niya ang isang positibong aspekto​—ang pambuong daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:11) Ang mga pangyayaring ito, sabi ni Jesus, ay sasapit sa sukdulan nito sa isang “malaking kapighatian” na magdadala ng lubusang pagbabago sa pamamahala para sa lupa. (Mateo 24:21) Basahin mo ang kaniyang diskurso na nakaulat sa Mateo kabanatang 24 at Lucas kabanatang 21. Ihambing ang mga kalagayan na kaniyang inihula sa kalagayan na naoobserbahan mo sa daigdig. Maliwanag na makikita mo na nabubuhay na tayo sa panahong malapit nang makialam ang Diyos sa gawang-taong pamamahala. Ang kaniyang Kaharian, kasama si Jesu-Kristo bilang Hari, ang siyang mamamahala na. Talaga ngang malapit na ang isang nagkakaisang daigdig!

Nananatili pa rin ang tanong na, Ano ang dapat mong gawin upang makita mo ang katuparan ng pangakong ito? Yamang gumaganap ang Bibliya ng isang mahalagang papel sa mga inaasahan ng sangkatauhan para sa hinaharap, makabubuting gumawa ng mga pagsisikap upang higit na maunawaan ang Bibliya. Kung kaya, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na dumalaw sa inyong tahanan upang pagdausan ka ng libreng pag-aaral sa Bibliya. * Kung tatanggapin mo ang alok na ito, di-magtatagal ay makikita mo na maaaring maabot ang pagkakaisa at na maaari kang makibahagi rito!

[Talababa]

^ par. 17 Kung nais mong tumanggap ng higit pang impormasyon tungkol sa programang ito ng pag-aaral sa Bibliya, makipag-alam sa mga tagapaglathala ng magasing ito o sa mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Sa buong daigdig, nagtatamasa ang mga Saksi ni Jehova ng pambihirang pagkakaisa

Kiev, Ukraine

Zagreb, Croatia

[Larawan sa pahina 10]

Layunin ng Diyos na ang sangkatauhan ay maging isang nagkakaisa, pambuong daigdig na pamilya