Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Lambat sa Pangingisda Mula sa Tsina na Ginagamit sa India

Mga Lambat sa Pangingisda Mula sa Tsina na Ginagamit sa India

Mga Lambat sa Pangingisda Mula sa Tsina na Ginagamit sa India

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA

SA KANLURANG baybayin ng India, 250 kilometro mula sa dulong timog na bahagi ng kontinente ng India, ay naroroon ang lunsod ng Kochi, na ang dating Cochin. Sa magkabilang tabi ng lagusan doon, nakahilera sa baybayin ang kakaibang nakabitin na mga lambat sa pangingisda na mula sa Tsina. Paano nakarating ang mga ito roon?

Tumira ang mga Tsino sa lugar na iyon mula pa noong ikawalong siglo C.E. patuloy, at ipinapalagay na ang mga mangangalakal na Tsino mula sa sambahayan ni Kublai Khan ang unang nagdala ng gayong mga lambat sa Cochin bago ng 1400. Maraming isda ang maaaring mahuli malapit sa baybayin ng katubigan na nakapalibot sa Cochin. Sa gayon, ang matataas na mga kagamitang ito sa pangingisda na pinagagana ng puwersang-tao ay nagamit sa loob ng mahigit na isang siglo, hanggang sa paalisin ng mga Arabe ang mga Tsino.

Sa pag-alis ng mga Tsino, tinanggal ang mga lambat. Ngunit noong maagang bahagi ng ika-16 na siglo, itinaboy ng mga Portuges ang mga Arabe. Maliwanag, ang mga Portuges ang nagbalik ng gayong mga lambat sa Cochin, na dala ang mga ito mula sa Macao, isang islang sakop ng Portugal noon sa timog-silangang Tsina.

Bagaman mga siglo na ang tanda ng ideyang ito, ang mga lambat sa pangingisda mula sa Tsina ay mabisa pa rin kahit na halos walang anumang pagbabago sa orihinal na disenyo o pagpapatakbo nito. At patuloy na naglalaan ang mga ito ng hanapbuhay para sa maraming mangingisda at ng pagkain para sa maraming tao. Sa katunayan, ang huli ng isang lambat ay sapat para mapakain ang isang buong nayon. Ngunit bukod sa pagiging mabisa, ang mga lambat ay magaganda rin, lalo na kapag ang mga ito ay kaakit-akit na naaaninag sa isang maaliwalas na umaga o gabi.

Paano Gumagana ang mga Ito?

Ang malalaking lambat na mula sa Tsina ay may isang fulcrum at may mga pabigat upang mabalanse ang bigat ng lambat at ng huli. Kapag hindi ginagamit, ang lambat at ang sumusuporta ditong kayarian ay inaahon sa tubig at ibinibitin. Ang pangingisda ay nagsisimula sa madaling araw at tumatagal nang apat o limang oras. Marahang ibinababa sa tubig ang mga lambat. Upang magawa ito, aayusin ng mga mangingisda ang mga pabigat na pambalanse na nasa magkabilang dulo ng lambat o dili kaya’y maglalakad ang lider ng mga tauhang nangingisda sa malaking poste ng lambat. Iniiwan ang lambat sa ilalim ng tubig sa loob ng 5 hanggang 20 minuto bago ito iahon, sa gayon ay nahuhuli ang mga isdang lumalangoy malapit sa baybayin. Dahil sa mga taon ng karanasan, alam ng lider ang eksaktong panahon para iahon ang lambat.

Sa hudyat ng lider, iaahon ng lima o anim na tauhang lalaki ang lambat sa pamamagitan ng paghila pababa sa mga lubid na pinagtatalian ng mga pabigat na mga batong pambalanse. Habang tumataas ang lambat, unang lumalabas sa tubig ang mga kanto ng lambat. Kaya, nagiging korteng mangkok ang lambat na may mga isda sa loob. Anong laking tuwa ng mga mangingisda! Matapos ang isang matagumpay na huli, kanilang tinatapik ang isa’t isa sa likod upang ipakita ang kanilang kaligayahan. Pagkaraan nito, ang mga isda ay isusubasta sa mga mangangalakal, maybahay, at sa manaka-nakang mga turista.

Ang mga Tsino, Arabe, at mga Portuges ay dumating at lumisan. Ngunit ang mga lambat na mula sa Tsina ay patuloy na lumulubog-lumilitaw sa mga katubigan ng Kochi tulad noon, mahigit nang 600 taon ang nakalipas.

[Mapa sa pahina 31]

Kochi

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.