Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aids sa Aprika—Ano ba ang Pag-asa Para sa Bagong Milenyo?

Aids sa Aprika—Ano ba ang Pag-asa Para sa Bagong Milenyo?

Aids sa Aprika​—Ano ba ang Pag-asa Para sa Bagong Milenyo?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ZAMBIA

NOONG nakalipas na Setyembre ay nagtipon sa Lusaka, Zambia, ang mga delegado mula sa iba’t ibang panig ng Aprika para sa 11th International Conference on AIDS and STDs in Africa. Ang isang layunin ng komperensiya ay upang pasiglahin ang higit na pagtutulungan sa rehiyon sa pagsagot sa tanong na, Paano natin haharapin ang paglaganap ng AIDS sa Aprika?

Sinabi ni Propesora Nkandu Luo, ministro ng kalusugan noon sa Zambia, na ang kalagayan sa Aprika at sa iba pang bahagi ng papaunlad na daigdig ay “lubhang malala,” at idinagdag pa niya na “pinatitigil at pinawawalang-bisa pa nga [nito] ang ilan sa mahahalagang pagsulong na nagawa sa kalusugan at sa iba pang larangang panlipunan at pang-ekonomiya.”

Kinilala sa isang simposyum tungkol sa pagiging ligtas ng dugo na ang AIDS ay naililipat sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Tinukoy ng isang doktor, na kinatawan ng Blood Safety Unit ng World Health Organization, na bagaman hindi laging nakahahawa ng HIV ang pakikipagtalik sa isang nahawahang kapareha, ang tumanggap ng nahawahan-ng-AIDS na dugo ay mahahawahan​—sa bawat kaso! Ito ang dahilan kung kaya sinabi ng doktor na ito na sa gayong kaso, “ang pinakaligtas na pagsasalin ng dugo ay ang isa na hindi isinagawa.”

Idiniin ng komperensiya na ang napakamahal na halaga ng pagpapagamot ay nagpapangyaring maging mahirap kundi man nagpapaging-imposible para doon sa mga may AIDS na magpagamot. Halimbawa, sa katamtaman, ang isang taga-Uganda na nasa siyudad ay kumikita ng mga $200 bawat buwan. Ngunit ang pagpapagamot sa pamamagitan ng mga antiretroviral ay magkakahalaga ng hanggang $1,000 bawat buwan!

Ipinakita ng komperensiya sa Lusaka na ang pasimula ng bagong milenyo ay walang makikitang madaling lunas sa paglaganap ng AIDS. Gayunman, batid ng mga estudyante ng Bibliya na sa dakong huli ang lunas para sa lahat ng sakit ay nakasalalay sa Maylalang, ang Diyos na Jehova, na nangangako na sa kaniyang bagong sanlibutan, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 31]

Si Propesora Nkandu Luo

[Credit Line]

Larawan sa pahintulot ni E. Mwanaleza, Times of Zambia