Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Maituturo ng Isang Ibon sa Isang Bilanggo?

Ano ang Maituturo ng Isang Ibon sa Isang Bilanggo?

Ano ang Maituturo ng Isang Ibon sa Isang Bilanggo?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

AYON sa Sunday Tribune ng Durban, Timog Aprika, ang mga ibon ay may ginagampanang papel sa pagpapalambot ng puso ng mga preso sa Pollsmoor Prison. Sa kasalukuyan, 14 na bilanggo ang kasali sa isang programa na may kinalaman sa pag-aalaga ng mga cockatiel at mga lovebird sa loob ng kanilang mga selda.

Paano ba ang kaayusan sa programa? Bawat kasaling bilanggo ay may sariling-gawang incubator sa loob ng kaniyang selda. Ang kapipisang inakay ay pinaaalagaan sa bilanggo, na kinakamay ang pagsusubo ng pagkain sa kawawang maliit na kinapal na ito bawat isa o dalawang oras, araw at gabi, sa loob ng mga limang linggo. Pagkatapos ay ilalagay ang ibon sa isang hawla, na naroroon din sa loob ng selda. Kapag malaki na ang ibon, ipinagbibili iyon sa mga tao. Ang mga ibon ay labis na napapamahal sa ilang bilanggo anupat napapaiyak sila kapag sumapit na ang di-maiiwasang paghihiwalay.

Maging ang ilang pusakal na kriminal ay napapansing nagiging mas magiliw at mahinahon matapos ang araw-araw na pakikipag-usap at pag-aalaga sa mga ibon. Isang bilanggo ang nagsabi: “Pinaaamo ko ang mga ibon, pero napaamo rin nila ako.” Ang isa naman ay nagsabi na ang mga ibon daw ang nagturo sa kaniya ng pagkamatiisin at pagpipigil sa sarili. Sinabi ng isang nahatulang magnanakaw na ang pag-aalaga ng ibon ay nagpagising sa kaniya na ang pagiging isang magulang pala “ay isang malaking responsibilidad”​—isang bagay na hindi niya nagampanan sa kaniyang sariling mga anak noong siya’y malaya pa.

Ang pag-aalaga sa mga ibong ito ay may iba pang pakinabang sa mga bilanggo. “Sa kasanayang natututuhan nila rito,” sabi ni Wikus Gresse, na siyang nakaisip ng programa, “maaari silang makakuha ng trabaho sa labas kasama ng mga tagapagpalahi ng ibon o isang beterinaryo.”