Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw ba ay Alerdyik sa Laktos?

Ikaw ba ay Alerdyik sa Laktos?

Ikaw ba ay Alerdyik sa Laktos?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO

“Dinalaw naming mag-asawa ang ilan naming kaibigan sa estado ng Puebla, sa Mexico. May sariling bakahan ang mga nag-aasikaso sa amin, kaya binigyan nila kami ng sariwang gatas sa almusal at hapunan.

“Medyo masama na ang aming pakiramdam noong unang gabi, pero grabe noong ikalawang araw. Lumaki nang husto ang aking tiyan anupat para akong ilang buwan nang nagdadalang-tao. Pagkatapos ay nagkaroon kaming dalawa ng malubhang diarrhea.

“Maraming taon muna ang nakalipas bago namin natuklasan na kami pala’y alerdyik sa laktos.”​—Bertha.

ANG naranasan ni Bertha ay hindi pambihira, sapagkat tinataya ng ilan na umaabot sa 75 porsiyento ng mga adulto sa buong daigdig ang maaaring nakararamdam ng ilan o lahat ng sintoma ng alerdyi sa laktos (lactose). * Ano nga ba ang karamdamang ito, at ano ang sanhi nito? Higit na mahalaga, ano ang maaaring gawin para makayanan ito?

Ang terminong “alerdyi sa laktos” ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahan ng katawan na tunawin ang laktos, ang nakararaming asukal ng gatas. Para sumama sa dugo, ang laktos ay dapat na mahati tungo sa pagiging glucose at galactose. Para magkaganito, kailangan ang enzyme na tinatawag na lactase. Ang problema ay hindi na gaanong naglalabas ng lactase ang ating katawan na kasindami noong tayo’y sanggol pa. Palibhasa’y kulang na sa lactase, maraming adulto ang nagiging alerdyik sa laktos.

Kapag ang isang tao ay nakainom ng higit na laktos​—na nasa gatas at mga nasasangkapan nito​—kaysa sa kaya niyang tunawin, nagiging lactic acid at carbon dioxide ito dahil sa baktirya sa colon. Sa loob lamang ng 30 minuto, mararamdaman na ang mga karaniwang sintoma, lakip na ang pagsamâ ng sikmura, pamumulikat, panlalaki ng tiyan, at diarrhea. Baka subukan pa nga ng ilang hindi nakaaalam na sila’y alerdyik sa laktos na paginhawahin ang kanilang tiyan sa pag-inom ng higit pang gatas, sa gayon ay lalo lamang itong nagpapalubha sa problema.

Ang antas ng laktos na maaaring tanggapin ng katawan ay nagkakaiba-iba sa mga tao. Ang ilan ay nakaiinom ng isang maliit na baso ng gatas nang walang masamang epekto. Para sa iba naman, kahit ang kaunting ito ay nakapagdudulot na ng mga sintoma. Iminumungkahi ng ilan na upang matiyak kung gaano ang maaaring matanggap ng iyong katawan, dapat kang magsimula muna sa isang maliit na baso ng gatas. Pagkatapos ay unti-unti mong dagdagan ang dami ng iyong iniinom sa susunod na mga pagkakataon. Hinggil sa bagay na ito, tandaan na bagaman mahirap ang mga sintoma ng pagiging alerdyik sa laktos, hindi naman ito basta-basta nagiging mapanganib.

Kung Ano ang Kakanin at Kung Ano ang Iiwasan

Kung ikaw ay alerdyik sa laktos, dapat mong matiyak kung ano ang puwede at hindi mo puwedeng kanin. Malimit na ito’y depende sa antas ng iyong makakayanan. Kabilang sa mga pagkaing may laktos ang gatas, sorbetes, yogurt, mantikilya, at keso. Ang ilang preparadong pagkain gaya ng cake, cereal, at pampalasa sa ensalada, ay maaaring may laktos din. Kung gayon, dapat suriin ng mga taong alerdyik sa laktos ang etiketa ng nutrisyon sa mga produktong ito.

Mangyari pa, ang gatas ang pangunahing pinagmumulan ng kalsiyum, at ang kakulangan sa kalsiyum ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng osteoporosis. Kaya naman, yaong mga alerdyik sa laktos ay dapat humanap ng iba pang pinagmumulan ng kalsiyum. Ang ilang sariwang gulay, gaya ng broccoli, repolyo, at spinach, ay may kalsiyum. Gayundin ang mga almond, buto ng sesame, at mga isdang malalambot ang tinik, gaya ng sardinas at salmon.

Kahit na ikaw ay alerdyik sa laktos, hindi mo naman dapat na lubusan nang alisin ang gatas at iba pang produktong may gatas. Sa halip, sikaping matiyak kung gaano ang puwedeng tanggapin ng iyong katawan, at pagkatapos ay huwag ka nang lalabis dito. Kung maaari, kumain ng ibang pagkain kasabay ng mga produktong may laktos. Tandaan din na ang mga kesong laon ay naglalaman lamang ng kaunting laktos, at maaaring hindi makapagdulot ng problema ang mga ito. Kumusta naman ang yogurt? Ang laktos nito ay halos katumbas ng nasa gatas, subalit ito’y madaling natutunaw ng ilan na alerdyik sa laktos. Bakit? Dahil sa ang yogurt ay may pagkaliliit na organismo na bumubuo ng lactase, at ito ang nagpapadali sa pagtunaw ng laktos.

Kaya kung ikaw ay alerdyik sa laktos, huwag mabahala. Gaya ng nakita na natin, ang pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa karamdamang ito ay tutulong sa iyo upang madali itong makontrol. Subalit tandaan ang sumusunod na mga punto:

(1) Kumonsumo ng kaunting gatas at mga produkto na may gatas, kasabay ng ibang pagkain, upang matiyak ang maaaring makayanan ng iyong katawan.

(2) Kumain ng yogurt at kesong laon, na karaniwan nang madaling tunawin.

(3) Gamitin ang nabibiling mga produkto na walang laktos o kaya’y may lactase.

Kung susundin mo ang mga mungkahing ito, makakayanan mo ang pagkakaroon ng alerdyi sa laktos.

[Talababa]

^ par. 6 Higit na apektado ang mga taga-Asia sa pagkakaroon ng alerdyi sa laktos kaysa sa ibang grupo. Yaong mga lahi mula sa hilagang Europa ang pinakadi-apektado.

[Kahon/Larawan sa pahina 26, 27]

Pagsusuri sa Pagiging Alerdyik sa Laktos

May ilang paraan na ginagamit upang malaman ang pagiging alerdyik sa laktos.

Pagsusuri sa laktos na maaaring matanggap ng katawan: Pagkatapos magpagutom, ang pasyente ay iinom ng likido na may laktos. Kukuha ng mga sampol ng dugo upang matiyak kung gaano kahusay natutunaw ang laktos.

Pagsusuri sa inihihingang hidroheno: Ang di-natunaw na laktos ay naglalabas ng iba’t ibang gas, lakip na ang hidroheno. Ito’y dumadaan mula sa bituka tungo sa dumadaloy na dugo at pagkatapos ay sa baga, at saka inihihinga.

Pagsusuri sa asido ng dumi: Ang di-natunaw na laktos sa colon ay naglalabas ng asido na makikita sa sampol ng dumi.

Karaniwan nang hindi na kailangang ipasok sa ospital ang mga ginagawan ng mga pagsusuring ito.