Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Umuwi na ang “Munting Pari”

Kapag Umuwi na ang “Munting Pari”

Kapag Umuwi na ang “Munting Pari”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

TUWING tagsibol, pagkatapos ng pito o walong buwan ng pagala-galang buhay sa dagat, ang ibong puffin ay nagbabalik sa tahanan nito sa katubigan ng Artiko. Panahon ngayon ng pagpaparami, at ang puffin ay waring nakabihis para sa okasyon. Oo, ang mga paa nito ay naging matingkad na kulay kahel, at ang tuka nito ay nagkaroon ng makulay na manipis na balot, na sa dakong huli ay natatanggal. Ang kilalang itim-at-puting balahibo nito ay nananatili sa buong taon, at ito ang nagbibigay sa puffin ng tila anyong pari. Marahil ito ang nagpapaliwanag sa makasiyensiyang pangalan ng puffin sa Atlantiko na Fratercula arctica, na nangangahulugang “munting prayle, o pari, ng hilaga.” *

Ang mga puffin ay nagtutungo sa kanilang mga lungga sa gilid ng dalisdis sa maliliit na grupo na tinatawag na mga raft, bawat isa’y binubuo ng mga 20 o 30 ibon. Sa panahon man ng paglalakbay o pagdating sa lungga, hahanapin ng puffin ang kabiyak nito. Kapansin-pansin, maraming puffin ang nananatili sa iisang lungga​—at sa iisang kabiyak​—sa bawat taon.

Nakalilipad ang mga puffin, subalit maliwanag na hindi sila ang pinakamahusay na “mga piloto” sa buong daigdig. Oo, ang pagdating nila sa baybayin ay nakakatulad ng isang pabagsak na paglapag! Bukod pa riyan, ang pagsisimula ng paglipad ng puffin ay tila asiwa, at kung minsan para bang hindi masusuportahan ng mga pakpak ng ibon ang matabang katawan nito. Ang ilang puffin ay nahihirapan pa ngang umahon sa tubig. Subalit minsang ang mga pakpak na iyon ay pumagaspas​—at ang mga ito ay maaaring pumagaspas na kasimbilis nang 400 ulit sa isang minuto​—maaaring maabot ng puffin ang bilis sa paglalakbay na 80 kilometro sa isang oras.

Ang mga puffin ay maliwanag na mas komportable sa dagat kaysa sa lupa. Subalit kailangan nilang lumapag sa lupa, sapagkat kailangang ihanda ng mag-asawang puffin ang isang lungga para sa kanilang inakay. Paglapag sa lupa, lilinisin ng mag-asawa ang lungga, na maaaring may sukat na mula 50 centimetro ang haba hanggang sa apat na ulit ng laki niyaon. Sinasapinan nila ang lungga ng damo, mga sanga, at mga balahibo. Ang ilang puffin ay namumugad sa mga bitak sa ilalim ng malalaking bato o sa mabatong mga siwang. Sa paggamit sa mga tuka nito, pinipiko nito ang lupa at pagkatapos ay pinapala ang lupa sa pamamagitan ng mga paa nitong parang paa ng pato.

Ang pagliligawan ng lalaki’t babaing puffin ay nangyayari sa tubig. Sa panahon ng seremonya ay ikinukumpas ng mga lalaki ang kanilang mga ulo, pinapipintog ang kanilang dibdib, at ipinapagaspas ang kanilang mga pakpak, at paulit-ulit na pinagtatapik ng mga magkapareha ang mga tuka. Ang huling ritwal na ito, na tinatawag na tukaan, ay nagpapatuloy kahit na pagkatapos makapagparami. Waring ito ang paraan ng mag-asawa upang tiyakin ang buklod nila sa isa’t isa.

Pagkatapos na mangitlog nang isa, ito’y literal na inilalagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga magulang​—isang pananagutan na pinagsasaluhan ng ama at ina. Pagkalipas ng anim na linggo, kapag napisa na ang inakay, nagsisimula na ang tunay na trabaho. Ang inakay na abuhing-itim, malambot at natatakpan ng pinong balahibo ay nililimliman sa loob ng isang linggo upang tulungan itong mapanatili ang temperatura ng katawan nito. Ang magulang na mga puffin ay madalas na magtutungo sa dagat upang kumuha ng sapat na pagkain para sa kanilang inakay. Ang mga paglalakbay na ito upang mangisda ay hindi naman lubhang mapanganib, yamang napakaraming puffin na nagtutungo sa dagat at nagbabalik sa mga lungga. Waring nahihirapan ang mga gull at iba pang mga maninila na sumalakay dahil sa pagiging madalian ng gawain.

Ang mga puffin ay ekspertong mga manlalangoy at maninisid. Sa paggamit ng kanilang mga paang parang paa ng pato bilang timon at ng kanilang mga pakpak upang paandarin ang kanilang sarili, maaari silang manatili sa ilalim ng tubig sa loob nang mahigit na 30 segundo, sa lalim na umaabot ng halos tatlumpung metro. Ang isang puffin ay maaaring umuwi na may dalang isa o dalawang maliliit na isda​—marahil mga isdang capelin o mga sand lance​—sa tuka nito. Sabihin pa, mientras mas maliit ang isda, mas marami ang nadadala ng puffin sa tuka nito. Ang isa ay nakitang may huli na mahigit sa 60 isda! Ang matutulis at papasok na mga tinik sa bibig nito ang nagpapangyari sa puffin na mapanatili ang isda habang nanghuhuli nang higit pa. Ito’y kapaki-pakinabang, yamang ang isang batang puffin ay maaaring kumain ng 50 isda sa isang araw.

Pagkaraan ng mga anim na linggo, ang magulang na mga puffin ay bumabalik sa dagat. Ang inakay na puffin, na ngayo’y nagsosolo na, ay nagpapapayat bilang paghahanda sa paglabas nito sa lungga. Nag-eehersisyo ito ng mga pakpak sa gabi. Sa wakas, sa bumabalot na kadiliman, ang puffin ay lumalakad na parang pato patungo sa dagat at mabilis na lumalangoy papalayo.

Dalawa hanggang tatlong taon ang lilipas bago bumalik ang batang puffin sa kaniyang dakong sinilangan, at apat o limang taon pa bago ito magparami. Ang puffin na nasa hustong gulang ay marahil titimbang nang halos kalahating kilo at may taas lamang na mga 30 centimetro. Bagaman may kaliitan, ang isang malusog na puffin ay maaaring mabuhay nang mga 25 taon. Isang puffin sa Atlantiko ang nabuhay nang mahaba hanggang sa edad na 39!

Tinataya ng mga eksperto na ang dami ng mga puffin sa Atlantiko ay mga 20 milyon. Kawili-wiling pagmasdan ang mga ibong ito. “Kahit na ang pinakaordinaryong bagay tungkol sa puffin ay nakalilibang,” ang sulat nina David Boag at Mike Alexander sa kanilang aklat na The Atlantic Puffin. At kung ikaw ay nakatira malapit sa hilagang baybayin ng Atlantiko o ng Pasipiko, marahil ay makakakita ka ng isa nito. Sa paano man, isang bagay ang tiyak​—tuwing tagsibol, ang “munting pari ng hilaga” ay uuwi, at isang bagong henerasyon ng ibong-dagat na maitim ang pakpak ang ipanganganak.

[Talababa]

^ par. 3 Ang pangalan ay maaari ring tumukoy sa bagay na pinagdadaop ng puffin ang mga paa nito na parang paa ng pato pagkatapos umahon mula sa tubig, na para bang nagdarasal.

[Larawan sa pahina 15]

Mga puffin sa Witless Bay, Newfoundland

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob: Turismo, Newfoundland at Labrador; litratista: Barrett at Mackay

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Sa kagandahang-loob: Turismo, Newfoundland at Labrador

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Tom Veso/Cornell Laboratory of Ornithology