Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagpili ng Mapapangasawa Salamat sa maka-amang pagmamalasakit na ipinakita ninyo sa amin na mga kabataan sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kung Paano Pipili ng Mapapangasawa.” (Oktubre 8, 1999) Ang kawalan ng karanasan ang nagpapangyari na magmadali ang maraming kabataan sa pag-aasawa, anupat naipagkakamali nila ang pagkahumaling sa tunay na pag-ibig. Mas nanaisin ko pang mag-isa kaysa sa makasama ang isa na hindi ko kasundo.

S.R.M., Brazil

Ako ay 40 taóng gulang at hindi pa kailanman nakapag-asawa. Nananalangin ako kay Jehova bawat araw hinggil sa paghahanap ng isang mapapangasawa, at nagsisikap akong mabuti na linangin ang mga katangian na kailangan upang magkaroon ng matagumpay na pag-aasawa. Lubos na nakapagpapatibay na mabasa ang mga mungkahi sa paghanap ng isang tao na matibay sa espirituwal, isa na may katulad na mga tunguhin at nagsisikap na linangin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Maraming salamat sa pagpapatibay ninyo sa aking pasiya na patuloy na maghintay kay Jehova.

E. F., Estados Unidos

Mga Sibád Sa loob ng maraming taon ay naobserbahan ko mula sa aking balkonahe ang mga European swift na gumagawa ng mga pugad. Dumarating sila nang Mayo at biglang nawawala sa Agosto. Salamat sa artikulong “Sibád ang Pangalan​—Sumisibád Kung Lumipad” (Oktubre 8, 1999), nadagdagan na ngayon ang nalalaman ko tungkol sa kaakit-akit na mga nilalang na ito.

A. D., Alemanya

Kuwento ng Buhay Ako’y isang buong-panahong ebanghelisador sa loob ng mahigit na isang dekada na ngayon at madalas na nakadarama ng matinding pagnanais na pasalamatan kayo sa mahusay-ang-pagkakasulat na mga artikulo. Ang kahanga-hangang mga karanasan ng mga misyonero ang pinakamakabuluhan sa akin. Malaon ko nang nais na maging misyonero. Ang mga karanasan na gaya niyaong kina Willem at Gré van Seijl (“Nahigitan ng Aktuwal na Pangyayari ang Aking Inaasahan,” Oktubre 8, 1999) ay nakatulong sa akin na panatilihin ang aking pagnanais na maglingkod sa banyagang lupain.

P. K., Estados Unidos

Nang panahong mabasa ko ang artikulo, ako’y labis na nanlulumo. Nadarama ko kung minsan na hindi ko na kailanman maaabot ang aking espirituwal na mga tunguhin. Nahihirapan din akong panatilihin ang isang positibong saloobin sa aking gawain bilang buong-panahong ebanghelisador. Sina Willem at Gré ay may mainam at positibong pangmalas sa kabila ng mga hadlang, at pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap. Pinatibay nito ang aking pagtitiwala na maaabot ko rin ang aking mga tunguhin kung pananatilihin kong matibay ang aking pananampalataya.

K. C., Estados Unidos

Pagiging Palakaibigan Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ko Magawang Maging Higit na Palakaibigan?” (Oktubre 22, 1999) Ako’y 17 taóng gulang, at kamuntik ko nang akalain na ang artikulo ay isinulat para lamang sa akin. Ipinahayag nito mismo ang aking nadarama. Madalas kong naririnig sa iba na ako’y mapagmataas. Ngunit ang bagay na ang isa ay mas tahimik kaysa sa iba pa ay hindi dahilan upang hatulan ang taong iyon.

R. R., Alemanya

Isang malubhang karamdaman na dinanas ko noong ako’y bata pa ang nagpangyari sa akin na makadama ng pagiging malayó sa iba. Tinulungan ako ng artikulong ito upang tanggapin at harapin ang aking damdamin at humanap ng paraan upang mapagtagumpayan ang kalagayang ito. Magsisikap ako na magkaroon ng mga kaibigan sa aking kongregasyon.

J.F.F., Brazil

Maling Bilang! Lagi akong nasisiyahan sa inyong mga artikulo at ang pagiging tumpak lagi ng mga ito. Gayunman, sa “Pagmamasid sa Daigdig,” ang bahaging “Hibang sa Kotse” (Setyembre 8, 1999) ay nagsabi: “Tinataya na mga 40 milyong sasakyan ang ginagamit ngayon sa Estados Unidos.” Ang aktuwal na bilang ay mas malaki kaysa rito.

R. K., Estados Unidos

Ipagpaumanhin ang pagkakamali naming ito. Hindi namin sinasadyang masipi ang maling estadistika. Sa kasalukuyan, mahigit na 130 milyong sasakyan ang nakarehistro sa Estados Unidos.​—ED.