Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagsukat sa Kabantugan sa Pamamagitan ng mga Aklat

“Kung susukatin ang kabantugan sa pagkakaroon ng mga aklat na nasulat tungkol sa iyo, . . . si Jesu-Kristo ang nananatiling pinakabantog na tauhan sa makabagong daigdig,” ang sabi ng pahayagan sa Britanya na The Guardian. Ang pagsasaliksik sa mga aklat sa Library of Congress, sa Washington, D.C., ay nagsiwalat na may 17,239 na aklat tungkol kay Jesus. Halos doble iyan sa mga naisulat tungkol kay William Shakespeare, na nakakuha sa ikalawang puwesto na may 9,801 aklat. Pumangatlo si Vladimir Lenin na may 4,492, pagkatapos ay sinundan ni Abraham Lincoln, na may 4,378 aklat na nasulat tungkol sa kaniya, at si Napoléon I, na may 4,007. Si Maria, na ina ni Jesus, ang nasa ikapitong puwesto, na may 3,595 aklat, at ang tanging babae na nasa unang 30. Si Joan of Arc, ang sumunod na babae kay Maria, ay may 545 aklat na naisulat tungkol sa kaniya. Kung tungkol naman sa mga kompositor, pinangunahan ni Richard Wagner ang talaan, sinundan ni Mozart, Beethoven, at Bach. Nangunguna naman si Picasso sa listahan ng mga pintor, na nauna kay Leonardo da Vinci at Michelangelo. Gayunman, pinangunahan ni Leonardo ang talaan ng mga siyentipiko at mga imbentor, anupat tinalo sina Charles Darwin, Albert Einstein, at Galileo Galilei. “Walang isa man ang nabubuhay pa sa nangungunang 30,” ang sabi ng The Guardian.

Nawalang Paraiso?

Sa isang pantanging sesyon ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa, 43 maliliit na bansang isla ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa mga banta sa kapaligiran, ang ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Marami sa malaparaisong mga isla na ito ang higit at higit na nahahantad sa mga bagyo, unos, baha, at tagtuyot. Ayon sa isang balitang inilabas ng UN, ang Bagyong Mitch ay tinatayang pumatay ng halos 11,000 sa Caribbean. Kapuwa ang Seychelles at Mauritius ay nakaranas ng matitinding tagtuyot sa nakalipas na dalawang taon. Dahil sa maiinit na temperatura at polusyon, nawawalan ng kulay ang mga coral reef, kung kaya nababawasan ang pagkasari-sari ng buhay. Kinatatakutan din ng mga tagaisla ang mga epekto ng tumataas na mga pantay-dagat na bunga ng pag-init ng globo. Tinatayang 80 porsiyento ng mga islang korales (atoll) sa Maldives ang lulubog sa karagatan.

Inaantok na mga Tsuper Laban sa Lasing na mga Tsuper

“Ang hindi pagtulog nang sapat ay maaaring magdulot ng nakakatulad na mga resulta na dulot ng labis na pag-inom,” ang sabi ng The New York Times. Sinuri ng isang pag-aaral ng Stanford University ang bilis ng pagtugon ng katawan ng 113 katao na may apnea (paminsan-minsang pagtigil sa paghinga) kapag natutulog​—isang kalagayan na umaabala sa pagtulog sa gabi at nagiging sanhi ng pag-aantok sa araw​—at ng isang grupong kinokontrol na binubuo ng 80 boluntaryo. Pagkatapos tiyakin ang batayang bilis ng pagtugon ng kanilang katawan, ang grupong kinokontrol ay nagsimulang uminom ng 80-proof na alak. “Sa tatlo sa pitong pagsubok sa bilis ng pagtugon ng katawan, ang mga taong may apnea ay mas mabagal na tumugon kaysa roon sa mga taong ang alkohol sa dugo ay may daming [.08] porsiyento, na nagpapangyaring sila’y lasing na lasing na para magmaneho pa ayon sa batas ng 16 na estado [ng E.U.],” ang ulat ng Times. Ayon kay Dr. Nelson B. Powell, ang punong mananaliksik, ang resulta sa pagsusuri ay nagdiriin sa mga panganib ng pagmamaneho samantalang inaantok.

Halos Sangkatlo ng Daigdig ang Nahawahan ng TB

Halos sangkatlo ng populasyon ng daigdig​—1.86 bilyong katao​—ang nahawahan ng TB noong 1997, ang sabi ng isang pangkat ng 86 na dalubhasa sa kalusugan mula sa mahigit na 40 bansa. Kinalkula rin ng pangkat, na pinili ng World Health Organization, na 1.87 milyong katao ang namatay dahil sa sakit na iyan nang taóng iyan, samantalang 7.96 milyong mga bagong nahawahan ang iniulat. Ang pag-aaral, na inilathala sa The Journal of the American Medical Association, ay nagsabi na “walumpung porsiyento ng lahat ng mga kaso ng TB ay nasumpungan sa 22 bansa, na ang mahigit sa kalahati sa mga kaso nito ang nangyayari sa 5 bansa sa Timog-silangang Asia.” Ayon sa pag-aaral, “siyam sa 10 bansa na may pinakamataas na dami ng pagkakasakit sa bawat takdang bilang ng tao ay nasa Aprika.” Sa ilang bansa na may mataas na antas ng pagkahawa ng HIV, ang dami ng namamatay sa TB ay lampas sa 50 porsiyento. Ang mataas na antas ng TB ay nagpapatuloy bunga ng “mahinang pagkontrol” sa sakit na ito sa mga lupaing iyon. Inihuhula ng mga nanguna sa pag-aaral na magkakaroon ng 8.4 na milyong bagong mga kaso ng TB sa taóng ito. Karamihan sa mga nahawahan ang hindi dinapuan kailanman ng sakit na iyon. Gayunman, kung saan pansamantalang hindi aktibo ang baktirya, maaari itong maging aktibo kapag ang pasyente ay nagkulang sa nutrisyon o humina ang sistema ng imyunidad, ang sabi ng babasahin ding iyon.

Mga Batang Nakahantad sa Usok ng Sigarilyo

“Halos kalahati ng mga bata sa daigdig ang nabubuhay kasama ng isang naninigarilyo,” ang sabi ng University of California Berkeley Wellness Letter, sa pagkokomento sa isang kamakailang ulat mula sa World Health Organization. “Iyan ay mahigit sa 700 milyong bata.” Kung isasaalang-alang na ang bilang ng mga adulto na naninigarilyo ay inaasahang tataas sa 1.6 bilyon sa susunod na 20 taon, mas marami pang mga bata ang mahahantad sa usok na mula sa mga naninigarilyo. Tataas ang panganib na magkaroon ang mga batang ito ng mga suliranin sa kalusugan na gaya ng mga impeksiyon sa tainga at mga sakit sa palahingahan.

Aklat na Pinakamabili, Mambabasa’y Kakaunti

“Ito ang pangunahing pinakamabiling aklat sa kasaysayan ng planeta,” ang sabi ng pahayagang Star-Telegram sa Fort Worth, Texas. “Itinuturing na kapuwa sagisag ng kultura at espirituwal na pamantayan, ang Bibliya ay pinagpipitaganan ng tatlong pangunahing relihiyon sa daigdig na may bilyun-bilyong mananampalataya. Ngunit isang kabalintunaan, na maging si Solomon ay mahihirapang ipaliwanag, ay ang bagay na hindi ito binabasa ng karamihan.” Magkagayunman, ang bentahan sa Bibliya ay umaabot sa hindi pa napapantayang dami, at karamihan ng mga Amerikano​—mahigit na 90 porsiyento​—​ang sinasabing nagmamay-ari ng tatlong bersiyon sa pangkalahatan, ayon sa isang kompanya sa pagsasaliksik. Gayunman, ipinakita ng isang surbey na dalawang-katlo sa mga ito ang hindi palagiang nagbabasa ng Bibliya. Hindi man lamang masabi ng karamihan ang pangalan ng apat na Ebanghelyo o mabanggit ang lima sa Sampung Utos. “At sinasabi ng karamihan na nasumpungan nilang di-mahalaga ang Bibliya,” ang dagdag pa ng pahayagan.

Mga Himno Para sa Milenyo

“Di-magtatagal at aawitin na [ng mga nagsisimbang Britano] ang mga awiting pang-football sa panahon ng pagsamba” kung pipiliin nilang gamitin ang bagong aklat sa pagsamba na Songs for the New Millennium, ang ulat ng The Times ng London. Magkasamang inilathala ng Church of England at ng Methodist Church, ang bagong aklat na ito ay naglalaman ng ilang himno na patungkol sa “mahal na inang Diyos.” Ang himno ay humihiling sa kaniyang “pag-ibig ina” at tinutukoy ang Diyos sa kasariang pambabae sa buong awitin. Sa isa pang awitin ay inilalarawan si Jesus bilang isang “manlalaro at manedyer” ng isang koponan ng football, at ang koro nito ay isang kilalang awitin sa football. Ang ilan sa mga awitin ay isinulat ng mga bata, kabilang na ang isang grupo ng mga ulila na ang mga magulang ay namatay sa AIDS. Si Dave Hardman, isa sa mga tagapagtaguyod ng proyekto, ay nagsabi: “Ito ay isang aklat-awitan na pinagkakaisa ang lahat ng tradisyon. Nais naming harapin ng mga manunulat ng awitin ang mga katotohanan sa buhay mula sa pangmalas ng pananampalataya.”

Napakaraming Momiya?

Kakaiba ang suliranin ng Ehipto​—napakaraming sinaunang mga bagay. Madalas na iniaanunsiyo ang mga bagong natuklasan: ang libingan ng tagapag-alaga ni Tutankhamen sa Saqqâra na magandang napapalamutian, isang pinakabubong na bato ng piramide sa Dahshûr, isang napakalaking looban ng templo sa Akhmīm, isang malawak na pasilidad sa paglilibing sa Luxor na may mahigit na 200 silid, mga lilok at iba pang mga sinaunang bagay mula sa lumubog na mga daungan at mga palasyo sa gawing dagat ng Alexandria, bilang pagtukoy sa ilan. Ang Egyptian Museum sa Cairo ay mayroon nang mahigit na 120,000 sinaunang mga bagay na nakadispley at mas marami pa rito ang nakatago sa bodega. “Bawat linggo ay may kapana-panabik na mga bagong tuklas, na lumilikha ng karagdagan pang pabigat sa halos umaapaw nang mga bodega, at gayundin sa panahon at badyet niyaong nagsusuri, nagkakatalogo at nagkukumpuni ng mga sinaunang bagay,” ang sabi ng The Economist. Ang pagkatuklas ng isang sementeryo sa disyerto na maaaring maglaman ng kasindami ng 10,000 libingan ay nag-udyok sa isang arkeologo upang magsabi: “Hindi na namin kailangan ang karagdagan pang mga momiya.” Ang ilan lamang na katangi-tangi ang ididispley. Ang iba pa ay muling ililibing.

Mga Nakabaon na Patibong na Nakamamatay

Ang Angola ay isa sa may pinakamaraming bilang ng mga nakatanim na bomba sa buong daigdig. Ngunit ang mga tagaalis ng mga nakatanim na bomba roon ay napapaharap sa bagong suliranin: nakabaon na patibong na bomba na pumupuntirya sa kanila. Ayon sa The Sunday Times ng London, “natuklasan ng mga eksperto sa pag-aalis ng nakatanim na bomba ang dalawang uri ng switch na nakakabit sa mga bomba. Ang isa sa mga switch ay nagpapasabog sa mga ito kapag nahantad sa liwanag at pinagagana sa pamamagitan ng mga batirya na tumatagal nang hanggang 12 buwan. Ang isa pang switch ay gumagamit ng isang magnetikong silo o ikid na dinisenyo upang magpasabog kapag natunton nito ang mga kagamitan sa pag-aalis ng mga nakatanim na bomba,” kahit na 20 metro ang layo nito. “Sa ibang pananalita, ito ay isang ‘bomba na nakapuntirya sa mga nag-aalis ng bomba,’” ang sabi ni Tim Carstairs ng Mines Advisory Group. “Ito ay espesipikong ginawa upang pumatay sa mga tao na gaya ng aming mga boluntaryo na nagsisikap na tumulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga nakatanim na bomba.” Tinatayang may 70,000 sa Angola sa ngayon ang naputulan ng bahagi ng katawan bunga ng mga insidente sa nakatanim na bomba​—ang pinakamarami sa buong mundo​—at ang mga doktor ay nagsasagawa sa pangkalahatan ng 35 pagputol sa bahagi ng katawan bawat buwan. Habang patuloy ang pagtatanim ng mga bomba ng naglalabang mga partido sa digmaang sibil sa Angola, iniiwan naman ng mga magsasaka ang kanilang mga bukid at walang makuhang suplay ng pagkain ang mga lunsod. Nagbabala ang Kalihim-Panlahat ng UN na si Kofi Annan na “daan-daang libong mga taga-Angola ang napapaharap sa matinding malnutrisyon, sakit at kamatayan.”