Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kakaibang Orasan sa Prague

Isang Kakaibang Orasan sa Prague

Isang Kakaibang Orasan sa Prague

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC

Nag-uunahan ang mga tindero sa kalye upang mapansin ng mga dumaraang turista. Halu-halong tawanan, daldalan sa iba’t ibang wika, at nakatutulig na musika ang nangingibabaw sa liwasan. Pero teka muna! Bakit tumatahimik ang mga tao? Halos ito na ang takdang oras, at lahat ng mata ay nakapako na sa dalawang bintanang kulay-asul na nasa tore ng munisipyo. Walang anu-ano’y bumukas ang mga bintana, at lumitaw ang mga tau-tauhan na kumakatawan sa mga apostol ni Kristo. Si Pedro, na may dalang malaking susi, ang nangunguna sa prusisyon. Habang ang 12 tau-tauhan ay lumalabas sa bintana nang dala-dalawa, para bang pinagmamasdang mabuti ng mga ito ang mga tao sa ibaba.

NASASAKSIHAN namin nang pagkakataong iyon ang kahanga-hangang palabas ng astronomikong orasan sa Old Town Hall ng Prague, sa Czech Republic. Eksaktong bawat oras, mula alas otso ng umaga hanggang alas otso ng gabi, ang kagulat-gulat na mekanismong ito ay nabubuhay. Bukod pa sa mekanikal na parada ng mga apostol, may iba pang gumagalaw na mga tau-tauhan sa labas ng orasan. Kinakatawanan ng mga ito ang mga bagay na kinatatakutang mabuti noon ng mamamayan sa Prague. Sa isang panig, habang tinitimbang ang kaniyang pitaka sa kaniyang kamay, nakatayo ang Kuripot, na kumakatawan sa kasakiman. Nasa tabi niya ang Kapalaluan​—isang lalaking humahanga sa kaniyang sarili sa isang salamin. Kapuwa ang Kuripot at ang Kapalaluan ay patangu-tango bilang pagsang-ayon sa sarili. Sa kabilang panig naman ng orasan ay may nakatayong kalansay​—si Kamatayan​—na nagpapatunog ng kampana sa pamamagitan ng isang kamay na buto at nagbabaligtad ng hourglass sa kabilang kamay. Habang nagaganap ito, ibinubuka at itinitikom ng kalansay ang kaniyang punô-ng-ngiping panga at tinatanguan ang Turko​—kumakatawan sa pananalakay​—na nakatayo sa tabi niya. Umiiling naman ang Turko, anupat ayaw sumama sa kaniya.

May kuwento na isang maya raw ang lumipad papasok sa bibig ng kalansay kasabay ng huling pagtikom ng bibig nito sa isang palabas. Ang kaawa-awang maya ay nakulong doon sa loob ng isang oras bago muling buksan ng kalansay ang kaniyang bibig! Kung ang mga tao sa panahong ito ng mga computer ay namamangha sa ganap na kahanga-hangang mekanismong ito, maguguniguni mo kaya ang impresyong naidulot nito sa mga taong nabuhay daan-daang taon na ang nakalilipas?

Tingnan Nating Mabuti ang Orasan

Natural lamang na pag-ukulan ng pangunahing pansin ng mga turista ang mga gumagalaw na mga tau-tauhan, na idinagdag sa paglipas ng mga siglo pagkaraang unang ilagay ang orasan. Subalit ang pinakamatanda at pinakamalikhaing bahagi ng orasan ay ang astronomikong mukha nito. Ano ang nasasabi nito sa atin? Una, ang oras. Ang kulay-itim na panlabas na bilog nito ay may mga gintong numerong Gothic ayon sa matandang sistema ng Czech sa paghahati ng araw sa 24 na oras simula sa paglubog ng araw. Ang bilog na ito ay umiikot sa paraang ang ika-24 na oras ay palaging tumataon sa paglubog ng araw, anuman ang panahon. Ang mga numerong Romano na nasa loob lamang ng panlabas na bilog ay naghahati sa araw sa dalawang 12-oras na yugto, na ang tanghaling tapat ay nasa itaas at ang hatinggabi naman ay nasa ibaba. Ang mga daliri ng isang ginintuang kamay ay nakaturo sa oras sa araw na iyon.

Gayundin sa astronomikong mukha, ang paggalaw ng isang malaking ginintuang disk ay nagpapahiwatig ng landas ng araw, habang ang isang maliit na bilog ay nagpapakita naman ng mga pagbabagong-hugis ng buwan. Ang maliwanag na pag-ikot ng mabituing kalangitan sa palibot ng lupa ay ipinakikita ng isang mas maliit at may pahilis na sentro ng bilog na may mga palatandaan ng mga konstelasyon. Nakapirmi naman sa gitna ng mukha ng orasan ang lupa, lakip na ang mga meridian, parallel, at mga polo nito, kasama ang Prague na nasa gitna. Naroroon din sa mukha ng orasan ang tatlong bilog na kumakatawan sa ekwador at sa Tropic of Cancer at Tropic of Capricorn. Sa gayon ay ipinakikita ng mukha ng orasan ang mga relatibong posisyon ng lupa, buwan, araw, at mga bituin sa buong taon. Nasa ibaba naman ng astronomikong mukha ang calendar disk, na doo’y nakapinta ang mga tanawin sa bansa upang ilarawan ang bawat buwan sa isang taon. Ipinakikita ng calendar disk ang petsa sa pamamagitan ng pag-abante nang isa sa 365 hakbang gabi-gabi tuwing hatinggabi, maliban sa isang gabi sa panahon ng leap year.

Kung titingnan ang loob ng mekanismo ng orasan, makikita ang isang nakalilitong hanay ng malalaki at maliliit na mga gulong. Ang komplikadong aparatong ito ay pinangangalagaan ng isang mekaniko, na masusing sumusuri rito nang regular linggu-linggo.

Ang Kasaysayan ng Astronomikong Orasan

Maraming alamat ang napaugnay sa astronomikong orasan ng Prague. Ayon sa isa, ginawa raw ito ng isang tinatawag na Master Hanuš. Lubhang namumukod-tangi ang obra maestrang ito anupat nangamba ang mga awtoridad sa lunsod na baka gumawa siyang muli ng katulad na mga orasan sa ibang lugar, sa gayon ay maiwawala ng Prague ang kasikatan nito. Upang hindi niya magawa ito, umupa sila ng mga lalaki upang sugurin at bulagin si Master Hanuš. Nagwakas ang alamat sa paraang ang naghihingalong si Hanuš ay nakarating sa mga gulong ng orasan at sinira ito.

Mabuti naman, ito’y kuwentong kutsero lamang. Subalit si Hanuš ay totoong tao, isang manggagawa ng orasan sa Prague mula 1475 hanggang 1497. Sa loob ng maraming taon, naniniwala ang mga eksperto na siya nga ang gumawa ng astronomikong orasan. Subalit, ipinakikita ng kamakailang pagsasaliksik na si Mikuláš ng Kadaň ang gumawa ng orasan noon pang 1410. Muli itong ginawa ni Hanuš noong 1490. Mula noong ika-16 na siglo, ang mekanismong nagsasabi ng oras ay ilang ulit nang kinumpuni at muling ginawa. Gayunman, mula nang muling gawin ito noong 1865, karamihan sa mga piyesa nito ay naroroon pa rin.

Sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sinunog ng puwersang Nazi ang Old Town Hall bago sila umalis sa Prague. Sirang-sira ang astronomikong orasan. Pagkatapos ng digmaan, isinaalang-alang ang dalawang pangunahing panukala na muling gawin ang orasan​—ibalik ito sa orihinal na hitsura nito o lagyan ito ng panibagong mukha at mga tau-tauhan na may lubusang naiibang simbolismo. Sa Prague, nauuso ang ateistikong pag-iisip, at ang mga tau-tauhan na kumakatawan sa mga apostol ay hindi sinang-ayunan ng mga Komunistang awtoridad. Gayunman, bago baguhin ang disenyo nito, ipinakita ng tatlong manggagawa ng relo na puwede pang kumpunihin ang orasan, kung kaya ito’y ibinalik sa hitsura nito noong bago magkadigma. Kaya naman, nakikita pa rin natin sa ngayon ang isang kuripot, ang isang kalansay, ang isang Turko, at ang mga apostol, sa halip na, halimbawa’y, isang karpintero, isang tagapaglatag ng ladrilyo, isang sastre, at isang labandera.

Sa Wakas Tumilaok ang Tandang

Labindalawang apostol ang nagmamartsa sa prusisyon ng astronomikong orasan, subalit ang ilang detalye ay hindi naman talagang mula sa Bibliya. Sina Judas Iscariote at Santiago na anak ni Alfeo ay pinalitan nina Pablo at Bernabe, na hindi naman kabilang sa 12 sa Bibliya. (Gawa 1:12-26) May nakalagay na sinag sa palibot ng ulo ng bawat apostol​—isang paganong simbolo na hindi ginamit ng mga sinaunang Kristiyano.

Pagkatapos lumitaw ang pinakahuling tau-tauhan na kumakatawan sa apostol, isang ginintuang tandang na nakadapo sa itaas ng bintana ang tumilaok. Tumunog ang orasan, sumara ang mga bintana, at naghiwa-hiwalay na ang mga tao. Gusto mo ba itong makitang muli? Buweno, kailangan tayong maghintay muli ng isang oras. Samantala, maaari nating pag-aralan ang mukha ng orasang ito, na malaon nang umaakit sa mga panauhin sa Old Town Hall ng Prague sa loob ng 600 taon.

[Dayagram/Larawan sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANG ASTRONOMIKONG MUKHA

Kasalukuyang oras 12:57 n.h.

Paglubog ng araw 5:21 n.h.

[Dayagram/Larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANG CALENDAR DISK

Ang nakalagay na petsa ay Enero 1

[Larawan sa pahina 16]

Si Kapalaluan at si Kuripot

[Larawan sa pahina 17]

Si Kamatayan at ang Turko