Kapag Dinapuan ng Malubhang Sakit ang Isang Pamilya
Kapag Dinapuan ng Malubhang Sakit ang Isang Pamilya
NAKAHAHAWA ang kasiglahan ng pamilyang Du Toit. Isang kagalakang makita ang mainit na pag-iibigan nila sa isa’t isa. Kapag nakausap mo sila, hindi mo iisipin na napakarami na nilang hirap na tiniis.
Una sa lahat, nang ang kanilang panganay na anak, si Michelle, ay dalawang taon, nalaman nina Braam at Ann na mayroon siyang minana na malubhang sakit na nagdudulot ng matinding panghihina ng kalamnan.
“Walang anu-ano,” ang paliwanag ni Ann, ang ina, “kailangan mong matuto kung paano pakikitunguhan ang isang malubhang sakit na nakapanlulupaypay. Naiisip mo na hindi na maibabalik sa dati ang inyong buhay pampamilya.”
Subalit pagkasilang ng isa pang anak na babae at isa pang anak na lalaki, may karagdagang trahedya na sumapit sa pamilyang ito. Isang araw habang ang tatlong bata ay naglalaro sa labas, ang dalawang batang babae ay tumakbong papasok sa bahay. “Inay! Inay!” ang kanilang sigaw. “Halikayo, dali. May nangyayari kay Neil!”
Agad na tumakbo si Ann papalabas at nakita niyang nakalaylay ang ulo ng tatlong-taong-gulang na si Neil. Hindi niya kayang dalhin ang kaniyang ulo.
“Matindi ang aking pagkasindak,” ang naalala ni Ann, “at karaka-raka kong natanto kung ano ang nangyayari. Nanlumo ang aking puso na kailangan ding harapin ng malusog na batang lalaking ito ang hamon ng pamumuhay nang may nakakatulad na panghihina sa kalamnan na taglay ng kaniyang nakatatandang kapatid na babae.”
“Ang kasayahan na magpasimula ng isang malusog na pamilya,” ang sabi ng ama, si Braam, “ay naglaho nang malaunan dahil sa ilan sa pinakamalalaking hamon na kinailangan naming harapin.”
Nang maglaon, sa kabila ng pinakamahusay na panggagamot ng ospital, namatay rin si Michelle dahil sa mga komplikasyon na dulot ng kaniyang sakit. Siya ay 14 na taong gulang lamang noon. Patuloy pa ring nakikipagpunyagi si Neil sa mga epekto ng kaniyang sakit.
Ibinabangon nito ang katanungan, Paano hinaharap ng mga pamilyang tulad ng mga Du Toit ang mga hamon ng pagkakaroon ng isang miyembro ng pamilya na may malubhang sakit? Upang masagot ang tanong na iyan, ating suriin ang ilang paraan kung paano naaapektuhan ang mga pamilya ng isang malubhang sakit.