Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Hinaharap ng mga Pamilya ang Malubhang Sakit

Kung Paano Hinaharap ng mga Pamilya ang Malubhang Sakit

Kung Paano Hinaharap ng mga Pamilya ang Malubhang Sakit

ANG salitang pagharap ay maaaring bigyang-katuturan bilang “ang kakayahang makayanan at matagalan ang mga kaigtingan na dumarating sa isa.” (Taber’s Cyclopedic Medical Dictionary) Lakip dito ang pagharap sa mga suliraning kaakibat ng malubhang sakit sa isang paraan na maaari ka pa ring magtamasa kahit paano ng isang antas ng kontrol at ng kapayapaan ng isip. At dahil sa katotohanan na ang buong pamilya ang nasasangkot sa isang malubhang sakit, ang maibigin at tapat na pagsuporta ng bawat miyembro ng pamilya ay kailangan upang matagumpay na makayanan ito ng pamilya. Ating isaalang-alang ang ilang paraan kung paano hinarap ng mga pamilya ang malubhang sakit.

Ang Halaga ng Kaalaman

Maaaring hindi posible na mapagaling ang sakit, ngunit ang pag-alam kung paano ito haharapin ay makababawas sa mental at emosyonal na dagok na dulot ng sakit. Ito ay kasuwato ng isang sinaunang kawikaan na nagsasabi: “Ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kapangyarihan.” (Kawikaan 24:5) Paano magkakaroon ng kaalaman ang isang pamilya hinggil sa pagharap sa sakit?

Ang unang hakbang ay ang humanap ng isang doktor na madaling kausapin at matulungin, isa na handang maglaan ng panahon upang maingat na ipaliwanag ang lahat ng bagay sa pasyente at sa pamilya. “Ang isang kanais-nais na doktor,” ang sabi ng aklat na A Special Child in the Family, “ay may malasakit sa buong pamilya at nagtataglay ng lahat ng kinakailangan na kasanayan sa medisina.”

Ang susunod na hakbang ay ang patuloy na pagbabangon ng espesipikong mga katanungan hanggang maunawaan mo ang kalagayan sa abot ng iyong makakaya. Gayunman, tandaan na kapag kausap mo ang doktor, madali kang kabahan at makalimot sa kung ano ang nais mo sanang itanong. Makatutulong ang mungkahi na isulat mo nang patiuna ang mga tanong. Nanaisin mo lalo nang malaman kung ano ang dapat asahan sa sakit at sa paggamot at kung ano ang gagawin hinggil dito.​—Tingnan ang kahong “Mga Tanong na Maaaring Ibangon ng Isang Pamilya sa Doktor.”

Lalo nang mahalaga na maglaan ng sapat na impormasyon sa mga kapatid ng isang bata na may malubhang sakit. “Ipaliwanag kung ano ang diperensiya mula pa noong nagpasimula ang sakit,” ang iminungkahi ng isang ina. “Madali silang makadama na sila’y nahihiwalay mula sa pamilya kung hindi nila nauunawaan ang mga nangyayari.”

Nasumpungan din ng ilang pamilya ang kapaki-pakinabang na impormasyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa lokal na aklatan, sa isang tindahan ng mga aklat, o sa Internet​—at madalas na nakakakuha sila ng detalyadong impormasyon sa espesipikong mga sakit.

Pagpapanatili sa Isang Maayos na Uri ng Buhay

Likas lamang na naisin ng mga miyembro ng pamilya na maging maayos ang buhay ng pasyente hangga’t maaari. Halimbawa, tingnan si Neil du Toit, na binanggit sa unang artikulo. Nasisiphayo pa rin siya sa nakapanghihinang mga epekto ng kaniyang sakit. Gayunman, gumugugol siya ng 70 oras sa isang buwan sa paggawa ng isang bagay na pinakagusto niyang gawin​—ang pakikipag-usap sa mga tao sa kaniyang pamayanan hinggil sa kaniyang salig-sa-Bibliyang pag-asa. “Nagbibigay rin sa akin ng panloob na kasiyahan,” ang sabi niya, “ang pagtuturo ng Bibliya sa kongregasyon.”

Lakip din sa maayos na uri ng buhay ang kakayahan na magpakita at tumanggap ng pag-ibig, tamasahin ang kasiya-siyang mga gawain, at mapanatili ang pag-asa. Nais pa rin ng mga pasyente na tamasahin ang buhay sa abot nang ipahihintulot sa kanila ng kanilang sakit at paggamot. Ang isang ama ng pamilyang nakitungo sa sakit sa loob ng mahigit na 25 taon ay nagpaliwanag: “Gustung-gusto namin ang mga tanawin ng kalikasan, ngunit dahil sa mga limitasyon ng aking anak na lalaki, hindi kami makapaglakad nang malayo. Kaya gumagawa kami ng ibang paraan. Nagpupunta kami sa mga lugar kung saan masisiyahan kami sa mga tanawin ng kalikasan nang hindi kami pagod na pagod.”

Oo, napananatili ng mga pasyente ang kanilang mga kakayahan na nagpapangyari sa kanilang masiyahan sa buhay sa isang antas. Depende sa kanilang sakit, marami ang nakapagpapahalaga pa rin sa magagandang tanawin at tunog. Habang mas nadarama nilang kontrolado nila ang iba’t ibang salik ng kanilang buhay, mas malamang na magtamasa sila ng isang maayos na uri ng buhay.

Pagharap sa mga Damdaming Mahirap Pakitunguhan

Ang isang mahalagang bahagi ng pagharap sa sakit ay ang pagkatuto na kontrolin ang nakapipinsalang mga emosyon. Ang isa sa mga ito ay ang galit. Kinikilala ng Bibliya na ang isang tao ay maaaring magkaroon ng dahilan upang magalit. Gayunman, hinihimok din tayo nito na maging “mabagal sa pagkagalit .” (Kawikaan 14:29) Bakit katalinuhang gawin ito? Ayon sa isang akdang reperensiya, ang galit “ay maaaring magdulot ng namamalaging kabalisahan at ng paghihinanakit o maaari itong umakay sa iyo na magsalita ng masasakit na bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli.” Kahit na ang minsang pagsiklab ng galit ay maaaring magdulot ng pinsala na mangangailangan ng mahabang panahon upang makalimutan.

Ipinapayo ng Bibliya: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Maliwanag, wala tayong magagawa upang pigilin ang paglubog ng araw. Ngunit makagagawa tayo ng mga hakbang upang dagling pahupain ang ating “kalagayang pukáw sa galit” nang sa gayon ay hindi natin patuloy na mapinsala ang ating sarili at ang iba. At malamang na mapakitunguhan mo nang mas maayos ang situwasyon kapag kalmado ka na.

Tulad ng anupamang pamilya, walang alinlangan na iba’t ibang pagbabago ang mararanasan ng iyong pamilya. Nasusumpungan ng marami na mas nakakayanan nila ito kapag naihihinga nila ang kanilang damdamin sa isa’t isa o sa ibang tao na madamayin at may empatiya. Ganiyan mismo ang naranasan ni Kathleen. Una niyang inalagaan ang kaniyang ina, na may kanser, at nang malaunan, ang kaniyang asawa, na nagdusa mula sa malubhang panlulumo at pagkatapos ay sa Alzheimer’s disease. Inamin niya: “Nagiginhawahan ako at lumuluwag ang aking kalooban kapag nakikipag-usap ako sa maunawaing mga kaibigan.” Si Rosemary, na nag-alaga sa kaniyang ina sa loob ng dalawang taon, ay sumasang-ayon. “Ang pakikipag-usap sa isang tapat na kaibigan,” ang sabi niya, “ay tumulong sa akin na manatiling timbang.”

Gayunman, huwag magulat kung hindi mo makayang pigilan ang iyong mga luha samantalang ikaw ay nakikipag-usap. “Ang pag-iyak ay nakababawas ng kaigtingan at kirot, at ito’y tumutulong na mapanagumpayan mo ang iyong pagdadalamhati,” ang sabi ng aklat na A Special Child in the Family. *

Panatilihin ang Isang Positibong Pangmalas

“Ang iyong determinasyong mabuhay ay tutulong sa iyo na magbata kapag ikaw ay may sakit,” ang isinulat ng marunong na si Haring Solomon. (Kawikaan 18:14, Today’s English Version) Napansin ng modernong mga mananaliksik na ang mga bagay na inaasahan ng pasyente​—ang mga iyon man ay negatibo o positibo​—ay madalas na makaimpluwensiya sa kalalabasan ng kanilang pagpapagamot. Paano, kung gayon, mapananatili ng pamilya ang optimismo sa harap ng isang pangmatagalang sakit?

Bagaman hindi winawalang-bahala ang sakit, mas makakayanan iyon ng mga pamilya kung magtutuon sila ng pansin sa mga bagay na maaari pa nilang gawin. “Maaaring lubusan kang maging negatibo dahil sa situwasyon,” ang pag-amin ng isang ama, “ngunit dapat mong matanto na marami ka pang bagay na tinatamasa. Mayroon ka pang buhay, nariyan pa ang isa’t isa, at ang iyong mga kaibigan.”

Bagaman hindi dapat malasin ang malubhang sakit bilang isang maliit na bagay, ang pagiging palabiro sa tamang antas ay tumutulong na maiwasan ang pesimistikong saloobin. Ang pagiging handa ng mga Du Toit na tumawa ay nagpapatunay sa puntong ito. Nagpaliwanag si Collette, ang bunsong kapatid na babae ni Neil du Toit: “Dahil sa natutuhan naming harapin ang ilang kalagayan, napagtatawanan namin ang mga bagay na nangyayari sa amin na maaaring makabalisa sa ilan. Ngunit ang paggawa ng gayon ay totoong nakatutulong na gumaan ang kaigtingan.” Binibigyan tayo ng katiyakan ng Bibliya na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”​—Kawikaan 17:22.

Espirituwal na mga Simulain na Pinakamahalaga sa Lahat

Para sa espirituwal na ikabubuti ng tunay na mga Kristiyano, may mahalagang bahagi ang ‘pagpapaalam ng kanilang mga pakiusap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo.’ Ang resulta ay tulad ng ipinapangako sa Bibliya: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Pagkatapos ng halos 30 taon ng pangangalaga sa dalawang anak na may malulubhang sakit, isang ina ang bumanggit: “Natutuhan namin na tinutulungan ka nga ni Jehova na makayanan ito. Tunay na inaalalayan ka niya.”

Bukod pa rito, marami ang napatitibay ng maka-Kasulatang mga pangako ng isang paraisong lupa na malaya mula sa kirot at pagdurusa. (Apocalipsis 21:3, 4) “Dahil sa malulubhang sakit na nakaharap ng aming pamilya,” ang sabi ni Braam, “naging lalong makahulugan sa amin ang pangako ng Diyos na ‘ang pilay ay aakyat na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.’” Tulad ng maraming iba pa, ang mga Du Toit ay buong-pananabik na umaasam sa pagdating ng Paraiso kung kailan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’”​—Isaias 33:24; 35:6.

Lakasan ang iyong loob. Ang kirot at pagdurusa na nagpapabigat sa sangkatauhan, sa ganang sarili nito, ay bahagi ng patotoo na malapit na ang mas mabubuting kalagayan. (Lucas 21:7, 10, 11) Gayunman, samantala ay di-mabilang na tagapag-alaga at mga pasyente ang makapagpapatunay na si Jehova ay totoong ‘ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’​—2 Corinto 1:3, 4.

[Talababa]

^ par. 17 Para sa isang higit na detalyadong pagtalakay kung paano haharapin ang emosyonal na dagok ng sakit, pakisuyong tingnan ang “Pag-aaruga​—Pagharap sa Hamon,” sa Gumising! ng Pebrero 8, 1997, pahina 3-13.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Mga Tanong na Maaaring Ibangon ng Isang Pamilya sa Doktor

• Paano lumalala ang sakit, at ano ang magiging kahihinatnan?

• Anong mga sintomas ang lilitaw, at paano makokontrol ang mga ito?

• Ano ang mapagpipiliang mga paraan ng paggamot?

• Ano ang posibleng mga masamang epekto, panganib, at mga kapakinabangan ng iba’t ibang paraan ng paggamot?

• Ano ang maaaring gawin upang sa gayon ay bumuti ang kalagayan, at ano ang dapat iwasan?

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Kung Paano Ka Makaaalalay

Maaaring mag-atubili ang ilang tao na dumalaw o mag-alok ng tulong sapagkat hindi nila alam kung ano ang sasabihin o kung paano pakikitunguhan ang situwasyon. Ang iba ay may tendensiya na maging agresibo at, dahil sa kanilang iginigiit ang sa tingin nila ay tama, nakadaragdag sila sa kaigtingang nadarama ng pamilya. Paano, kung gayon, maaaring umalalay ang isa, sa mga pamilyang may kapamilya na may malubhang sakit nang hindi nanghihimasok sa kanilang pribadong buhay?

Makinig nang may empatiya. “Maging matulin sa pakikinig,” ang sabi sa Santiago 1:19. Magpakita ng pagmamalasakit sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting tagapakinig at pagpapahintulot sa mga miyembro ng pamilya na pagaanin ang kanilang pasan kung nais nila na makipag-usap. Maaaring handang-handa sila na gawin ito kapag nadarama nila na ikaw ay may “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Gayunman, laging isipin na walang dalawang indibiduwal o pamilya ang magkatulad sa kanilang pakikitungo sa malubhang sakit. Kaya naman, “huwag mag-aalok ng payo hangga’t hindi mo talagang nalalaman ang lahat hinggil sa sakit o sa situwasyon,” ang sabi ni Kathleen, na nag-alaga sa kaniyang ina at nang malaunan sa kaniyang asawa na may malubhang sakit. (Kawikaan 10:19) At tandaan, kahit na may nalalaman ka nga hinggil sa paksa, maaaring ipasiya ng pasyente at ng pamilya na huwag kumonsulta sa iyo o tumanggap ng iyong payo.

Mag-alok ng praktikal na tulong. Bagaman kailangang isaisip mo ang pangangailangan ng pamilya na magkaroon ng pribadong buhay, ilaan ang iyong sarili kapag talagang kailangan ka nila. (1 Corinto 10:24) Si Braam, na palaging sinisipi sa seryeng ito ng mga artikulo ay nagsabi: “Malaki ang naitulong ng aming Kristiyanong mga kaibigan. Halimbawa, kapag natutulog kami sa ospital dahil sa kritikal na kondisyon ni Michelle, laging may nasa pagitan ng apat at anim kaming kaibigan na kasama naming nagbabantay sa magdamag. Kailanma’t kailangan namin ng tulong, ito’y naroon.” Ang asawa ni Braam, si Ann, ay nagdagdag: “Nanunuot sa buto ang ginaw noong taglamig na iyon, at sa loob ng dalawang linggo, iba’t ibang sopas ang ibinibigay sa amin araw-araw. Pinasigla kami ng mainit na sopas at ng saganang mainit na pag-ibig.”

Manalanging kasama nila. Kung minsan, kaunti lamang o wala ka pa ngang praktikal na magagawa. Gayunman, ang isa sa nakapagpapasiglang bagay na iyong magagawa ay ang pagbabahagi ng isang nakapagpapatibay na kaisipan mula sa Kasulatan o ang pananalangin nang taos-puso kasama ang mga pasyente at ang kanilang mga pamilya. (Santiago 5:16) “Huwag kailanman maliitin ang kapangyarihan ng pananalangin alang-alang sa​—at kasama ng​—​mga may malubhang sakit at mga kapamilya nila,” ang sabi ng 18-taong-gulang na si Nicolas, na may ina na nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo.

Oo, malaki ang magagawa ng tamang uri ng pag-alalay upang matulungan ang mga pamilya na makayanan ang mga kaigtingang kaakibat ng malubhang sakit. Ganito ang pagkakasabi ng Bibliya: “Ang kaibigan ay isang maibiging kasama sa lahat ng panahon, at ang isang kapatid ay ipinanganak upang makibahagi sa mga kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17, The New English Bible.

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Kapag ang Sakit ay Ikamamatay

Maaaring atubili ang ilang pamilya na pag-usapan ang nalalapit na kamatayan ng isang mahal sa buhay na may malubhang sakit. Gayunman, binabanggit ng aklat na Caring​—How to Cope na “kung may ideya ka kahit paano sa kung ano ang dapat asahan at kung ano ang dapat mong gawin, maaaring maibsan ang nararamdaman mong pagkabalisa.” Bagaman ang espesipikong mga hakbang ay mag-iiba-iba depende sa lokal na mga batas at mga kaugalian, narito ang ilang mga mungkahi na maaaring isaalang-alang ng pamilya kapag nag-aalaga sa bahay ng isang mahal sa buhay na malapit nang mamatay dahil sa malubhang sakit.

Patiunang Paghahanda

1. Tanungin ang doktor kung ano ang dapat asahan sa huling mga araw at oras at kung ano ang dapat gawin kapag namatay ang maysakit sa gabi.

2. Gumawa ng listahan ng mga dapat masabihan hinggil sa kamatayan.

3. Isaalang-alang ang mapagpipiliang mga kaayusan sa paglilibing:

• Ano ang mga kahilingan ng pasyente?

• Ililibing ba ang bangkay o susunugin? Paghambingin ang mga gastusin at serbisyo ng iba’t ibang embalsamador.

• Kailan dapat isagawa ang libing? Maglaan ng panahon para sa paglalakbay ng mga kamag-anak at mga kaibigan na nakatira sa malayo.

• Sino ang magpapahayag sa libing?

• Saan iyon isasagawa?

4. Kahit na binigyan ang pasyente ng gamot na pampakalma, maaaring nalalaman pa rin ng pasyente ang sinasabi at ginagawa sa kaniyang paligid. Mag-ingat na huwag magsalita ng anumang bagay sa kaniyang harapan na ayaw mong marinig niya. Maaaring nais mong patibayin ang kaniyang loob sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya nang mahinahon at paghawak sa kaniyang kamay.

Kapag Namatay Na ang Mahal sa Buhay

Narito ang ilang bagay na maaaring gawin ng iba upang tulungan ang pamilya:

1. Hayaang mapag-isa ang pamilya kasama ng namatay nang ilang panahon upang unti-unti nilang matanggap ang kamatayan.

2. Manalangin kasama ang pamilya.

3. Kapag handa na ang pamilya, mapahahalagahan nila ang tulong upang masabihan ang mga sumusunod:

• Ang doktor upang patotohanan niya ang kamatayan at maglaan siya ng isang sertipiko ng kamatayan.

• Ang isang embalsamador, punerarya, o krematoryo, upang mag-asikaso sa bangkay.

• Ang mga kamag-anak at mga kaibigan (Maaaring mataktika mong sabihin ang ganito: “Tumawag ako may kinalaman kay [ang pangalan ng pasyente]. Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na may masama akong balita. Gaya ng alam na ninyo, nakipagpunyagi siya sa [sakit] sa loob na ng ilang panahon, at namatay siya [kailan at saan].)

• Ang tanggapan ng isang pahayagan upang maglimbag ng isang patalastas hinggil sa kamatayan kung nais nila ng ganito.

4. Maaaring nais ng pamilya na may kasama sila sa panghuling pagtiyak ng mga kaayusan hinggil sa libing.

[Larawan sa pahina 9]

Dapat gawin ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang buong makakaya upang mapanatili ang isang maayos na buhay

[Larawan sa pahina 10]

Ang pananalanging kasama ng pamilya ay makatutulong sa kanila na makayanan ang kalagayan