Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Muling Nabuo ang Aming Pamilya

Kung Paano Muling Nabuo ang Aming Pamilya

Kung Paano Muling Nabuo ang Aming Pamilya

Ayon sa salaysay nina Lars at Judith Westergaard

ANG tirahan nila ay gaya ng isang karaniwang kalagayan ng alinmang maligayang pamilya sa Denmark. Ito’y isang komportableng bahay na may magandang hardin, na nasa isang tahimik na nayon. Sa loob, makikita sa isang malaking larawan sa dingding ang malulusog at nakangiting mga anak ng pamilya.

Ang ama, si Lars, ay isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang asawa, si Judith, ay isang payunir (isang buong-panahong ebanghelisador). Bagaman maligaya silang mag-asawa, hindi laging ganiyan ang naging kalagayan nila. Sina Lars at Judith ay dumanas ng mga problema at matitinding awayan na humantong sa diborsiyo at paghihiwalay ng kanilang pamilya. Subalit ngayon, muling nabuo ang kanilang pamilya. Bakit? Sila mismo ang magpapaliwanag sa nangyari.

Pumapayag sina Lars at Judith na sabihin ang naging malaking problema sa kanilang pagsasama at kung paano sila nagkabalikan. Nadarama nilang maaaring makatulong sa iba ang kanilang naging karanasan.

Sa Pasimula’y Napakabuti

Lars: Pawang kaligayahan ang aming pagiging mag-asawa nang ito’y magsimula, noong Abril 1973. Animo’y bukás ang buong daigdig para sa amin. Wala kaming alam hinggil sa Bibliya ni sa mga Saksi ni Jehova, subalit naniniwala kami na mapabubuti pa namin nang husto ang daigdig bilang tirahan kung pagsisikapan ito ng lahat ng tao. Kaya naging abala kami sa maraming pagsisikap sa pulitika. Lalong nag-ibayo ang aming kaligayahan nang ang aming pamilya ay maragdagan ng tatlong malulusog at masisiglang batang lalaki​—sina Martin, Thomas, at Jonas.

Judith: Hawak ko ang isa sa pinakamataas na posisyon sa isang sangay ng paglilingkod-bayan. Kasabay nito, abala rin ako sa mga gawain sa pulitika at sa unyon ng mga manggagawa. Unti-unting ibinigay sa akin ang mga pangunahing posisyon.

Lars: Kung tungkol naman sa akin, ang trabaho ko ay sa isang malaking unyon ng mga manggagawa, at ako’y umasenso tungo sa isang mahalagang posisyon. Napakabilis ng pag-asenso ng katungkulan namin, at sa wari’y napakaaliwalas ng langit para sa amin.

Unti-Unting Nagkakalayo

Lars: Subalit wiling-wili kami sa aming magkahiwalay na mga gawain anupat pakaunti nang pakaunti ang aming panahon sa isa’t isa. Iisang partido sa pulitika ang aming pinagtatrabahuhan subalit sa magkaibang larangan nito. Ibang tao ang nag-aalaga sa aming tatlong anak na lalaki, alinman sa pribado o kaya’y sa mga institusyon ng day care. Palibhasa’y nakatuon ang aming pansin sa aming kani-kaniyang gawain, naging disorganisado ang buhay ng aming pamilya. Kapag nagkataong nasa bahay kaming dalawa, madalas na nagkakaroon ng maiingay na awayan. Nang magkagayon ay nagsimula na akong uminom ng alak bilang isang uri ng gamot na pampakalma.

Judith: Mangyari pa, mahal pa rin namin ang isa’t isa at ang mga bata, subalit hindi kailanman nalinang ang aming pagmamahalan sa paraang nararapat; ito’y waring nalanta. Hindi na naging maganda ang aming relasyon, at dahil dito ay nagdusa ang mga bata.

Lars: Palibhasa’y desperado na akong maibalik sa dating kalagayan ang aming pamilya, ipinasiya kong umalis sa aking trabaho. Noong 1985, umalis kami sa lunsod at lumipat sa nayon na tinitirhan namin sa ngayon. Saglit na bumuti ang mga bagay-bagay, subalit kaming mag-asawa’y patuloy pa ring nakasubsob sa aming magkahiwalay na pinagkakaabalahan. Nang dakong huli, noong Pebrero 1989, ang aming 16 na taóng pagsasama ay nagwakas sa diborsiyo. Gumuho ang aming pamilya.

Judith: Napakasakit na makita ang pagkawasak ng aming sariling pamilya at makita ang pagdurusa ng mga bata. Suklam na suklam kami sa isa’t isa anupat ni hindi kami kapuwa makapayag na pagsaluhan ang pangangalaga sa mga bata, kaya napunta sa akin ang karapatan sa pangangalaga sa kanilang tatlo.

Lars: Gumawa naman kami ni Judith ng ilang litóng pagsisikap upang mapanatiling buo ang aming nabubuwag na pamilya. Nanalangin pa nga kami sa Diyos. Subalit halos wala kaming kaalam-alam tungkol sa Diyos.

Judith: Nadama naming hindi pinakinggan ng Diyos ang aming mga panalangin. Nagpapasalamat kami na mula noon ay nakita naming nakikinig naman pala ang Diyos sa mga panalangin.

Lars: Hindi namin napagtanto na kailangan pala naming magsikap at gumawa mismo ng mga pagbabago. Kaya naging isang malungkot na katotohanan ang pagdidiborsiyo.

Isang Di-Inaasahang Pagbabago Para kay Lars

Lars: Habang ako’y nag-iisa sa buhay, ang mga pangyayari ay nagdulot ng isang ganap na di-inaasahang pagbabago para sa akin. Isang araw, tumanggap ako ng dalawang magasin mula sa mga Saksi ni Jehova. Bago noon, karaka-raka kong tinatanggihan ang mga Saksi. Subalit nang tingnan ko ang mga magasing iyon, nakita ko na ang mga Saksi ay talagang naniniwala kapuwa sa Diyos at kay Jesu-Kristo. Gulat na gulat ako. Hindi ko akalaing mga Kristiyano pala sila.

Halos kasabay nito, nakisama ako sa isang babae na nakilala ko. Siya pala’y dating Saksi ni Jehova. Nang magtanong ako, ipinakita niya sa akin sa Bibliya na Jehova ang pangalan ng Diyos. Kaya ang mga “Saksi ni Jehova” ay nangangahulugang mga “Saksi ng Diyos”!

Isinaayos ng babaing ito na makadalo ako sa isang pahayag pangmadla sa isang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. Talagang napukaw ang aking interes sa nakita ko roon. Dumalo ako sa Kingdom Hall sa aming lugar upang matuto pa nang higit, at naitatag ang isang pag-aaral sa Bibliya. Hindi nagtagal at napagtanto kong mali pala ang aking paraan ng pamumuhay, kaya humiwalay ako sa aking kaibigang babae at namuhay na mag-isa sa aking sariling bayan. Matapos ang ilang pagbabantulot, nakipag-ugnayan ako sa mga Saksi ni Jehova roon at nagpatuloy sa aking pag-aaral ng Bibliya.

Subalit, hindi pa rin nawawala sa akin ang ilang pag-aalinlangan. Talaga nga kayang bayan ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova? Paano naman ang lahat ng aking natutuhan noong ako’y bata pa? Yamang ako’y pinalaking isang Seventh-Day Adventist, nakipag-ugnayan naman ako ngayon sa isang ministrong Adventist. Pumayag siyang makipag-aral sa akin tuwing Miyerkules, habang ang mga Saksi ni Jehova naman ay nakikipag-aral sa akin tuwing Lunes. Ang nais ko ay makakuha ng isang maliwanag na sagot mula sa dalawang grupong ito tungkol sa apat na espesipikong bagay: ang pagbabalik ni Kristo, ang pagkabuhay-muli, ang doktrina ng Trinidad, at kung paano dapat organisahin ang kongregasyon. Ilang buwan lamang at nawalang lahat ang aking pag-aalinlangan. Sa bawat isa sa apat na pitak​—at sa lahat ng iba pa​—tanging ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova ang lubusang nakasalig sa Bibliya. Bunga nito, masaya akong nakibahagi sa lahat ng mga gawain ng kongregasyon at di-nagtagal ay nag-alay ako kay Jehova. Noong Mayo 1990, nabautismuhan ako.

Kumusta Naman si Judith?

Judith: Sa kasagsagan ng aming problema bilang mag-asawa, nagsimula na naman akong magsimba. Nang mabalitaan ko na magiging isa nang Saksi ni Jehova si Lars, galit na galit ako. Ang aming bunso, ang sampung-taóng-gulang na si Jonas, ay dumadalaw paminsan-minsan sa kaniyang ama, ngunit pinagbawalan ko si Lars na isama si Jonas sa anumang pulong ng mga Saksi. Nag-apela si Lars sa mga awtoridad, ngunit sa akin sila pumanig.

May nakilala akong ibang lalaki. Gayundin, lalo akong napasangkot sa pulitika at sa lahat ng uri ng gawaing pampamayanan. Kaya kapag may umuungkat tungkol sa posibleng pagbabalikan ng aming pamilya noon, sa tingin ko’y imposible itong mangyari.

Sa paghahanap ng maisusumbat laban sa mga Saksi ni Jehova, pumunta ako sa ministro ng parokya sa aming lugar, na agad umamin na wala siyang nalalaman tungkol sa mga Saksi at wala siyang literatura tungkol sa kanila. Wala siyang nasabi sa akin kundi mas makabubuti raw kung iiwasan ko ang mga ito. Mangyari pa, hindi nito nabago ang aking negatibong pangmalas sa mga Saksi ni Jehova. Subalit napilitan akong makilala sila sa isang paraang hindi ko kailanman inaasahan.

Ang aking kapatid na lalaki na naninirahan sa Sweden ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova, at ako’y inanyayahan sa kaniyang kasal sa isang Kingdom Hall! Napakalaking pagbabago tungkol sa aking pangmalas sa mga Saksi ang nagawa ng karanasang iyan. Nagulat ako nang makita kong hindi naman pala sila nakababagot na mga tao na gaya ng aking akala. Sila’y mababait at masasaya, at mga palabiro pa nga.

Samantala, lubusan nang nagbago ang aking dating asawang si Lars. Siya’y naging higit na responsable, may panahon siya sa mga bata, mabait siya at kontrolado niya ang kaniyang pananalita, at hindi na siya malakas uminom na gaya noon. Totoong kaakit-akit ang kaniyang personalidad! Siya na ngayon ang uri ng lalaking pinangarap ko noon sa kaniya. Hinayang na hinayang ako’t hindi na kami mag-asawa at na marahil balang-araw ay pakakasalan siya ng ibang babae!

Sa gayon ay nagplano ako ng isang lihim na “pag-atake.” Minsan, habang si Jonas ay nasa kaniyang ama, nagsaayos ako na dalawin sina Jonas at Lars kasama ng aking dalawang kapatid na babae na kunwa’y dadalawin ng dalawang tiyahin ang kanilang pamangkin. Nagkita kami sa isang amusement park. Habang inaalagaan ng mga tiyahin ang bata, nakakita kami ni Lars ng isang mauupuan at naupo kami.

Nagulat ako nang karaka-raka matapos kong ungkatin ang tungkol sa aming kinabukasan, dinukot ni Lars ang isang aklat sa kaniyang bulsa. Ang pamagat nito ay Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya. * Iniabot niya sa akin ang aklat at iminungkahi na basahin ko ang mga kabanata tungkol sa papel ng asawang lalaki at asawang babae sa isang pamilya. Pantanging iminungkahi niya na tingnan ko ang mga kasulatan.

Pagkatapos, nang kami ni Lars ay tumayo, nais ko sanang kumapit sa kaniyang bisig, ngunit may-kabaitang tinanggihan niya ito. Walang intensiyon si Lars na muling makipag-ugnayan sa akin nang hindi muna nalalaman ang aking pangmalas hinggil sa kaniyang bagong pananampalataya. Medyo sumama ang loob ko dahil doon, ngunit napag-isip-isip kong may katuwiran naman ang iginawi niya at para na rin iyon sa ikabubuti ko sakaling maging asawa ko siyang muli.

Lahat ng ito ay naging dahilan upang lalo akong magkainteres higit kailanman na alamin ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Kinabukasan, nakipag-ugnayan ako sa isang babae na alam kong isang Saksi, at isinaayos namin na ibibigay nilang mag-asawa sa akin ang mga impormasyon na nais kong malaman tungkol sa kanilang relihiyon. Sila ay may mga sagot mula sa Bibliya sa lahat ng aking maraming tanong. Napag-unawa ko na ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ay lubusang nakasalig sa Bibliya. Sa bawat pag-uusap namin, aminado akong ito na nga ang katotohanan.

Sa panahong ito ay nagbitiw na ako sa Evangelical Lutheran Church at tinapos ko na ang aking mga gawain sa pulitika. Tinigilan ko na rin ang paninigarilyo. Iyan ang pinakamahirap na hakbang sa lahat. Nagsimula ang aking pag-aaral ng Bibliya noong Agosto 1990, at noong Abril 1991, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

Ang Kanilang Pangalawang Kasal

Judith: Ngayon ay kapuwa na kami bautisadong Saksi. Bagaman kami’y magkahiwalay, kapuwa kami nag-aral ng Bibliya. Sa tulong ng maiinam na turo nito, kami’y nagbago mula sa dati. Mahal pa rin namin kapuwa ang isa’t isa, marahil mas masidhi pa nga ngayon kaysa noon. Kaya heto, malaya na kami ngayon upang magpakasal muli​—at iyan nga ang aming ginawa. Nagsumpaan kami sa ikalawang pagkakataon, ngunit sa pagkakataong ito ay sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.

Lars: Naganap ang mahirap paniwalaan​—muling nabuo ang aming pamilya! Napakasaya at napakaligaya namin ngayon!

Judith: Ang aming kasal ay dinaluhan ng aming mga anak, maraming kamag-anak, at maraming bago at dating kaibigan. Isa itong kahanga-hangang karanasan. Kabilang sa aming mga panauhin ang ilan sa mga nakakakilala sa amin noong una kaming ikinasal; natutuwa silang makita kaming magkasamang muli at nagulat sa nakita nilang tunay na kagalakan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.

Ang mga Bata

Lars: Mula nang kami’y mabautismuhan, nagalak kaming makita na dalawa sa aming mga anak ang nagpasiyang mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova.

Judith: Pinahalagahan na ni Jonas ang katotohanan sa Bibliya mula nang makilala niya ito noong bata pa siya nang dinadalaw niya ang kaniyang ama. Sampung taon pa lamang siya noon nang sabihin niya sa akin na gusto niyang pumisan sa kaniyang ama dahil, gaya ng paliwanag niya rito, “Sumusunod si Daddy sa Bibliya.” Nabautismuhan si Jonas noong siya’y 14. Tapos na siya sa pag-aaral, at ngayo’y isa na siyang buong-panahong ministro.

Lars: Ang aming panganay, si Martin, ay 27 na ngayon. Ang mga pagbabagong nakita niyang ginagawa namin ay naging dahilan upang pag-isipan niya ang maraming bagay. Umalis siya ng bahay at nanirahan sa ibang bahagi ng bansa. Makalipas ang dalawang taon, nagsimula na siyang makipag-aral ng Bibliya sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar doon. Makalipas lamang ang limang buwan, handa na siyang magpabautismo. Ipinagpatuloy niya ang maiinam na plano ng kaniyang kinabukasan bilang isang Kristiyano.

Ang aming panggitnang anak, si Thomas, ay hindi pa isang Saksi ni Jehova sa kasalukuyan. Mangyari pa, mahal din namin siya, at maganda ang aming pagsasamahan. Natutuwa siya sa pagbabagong naganap sa aming pamilya. At kaming lahat ay sumasang-ayon na dahil sa mga simulaing natutuhan namin mula sa Bibliya bilang mga magulang, muling nabuo ang aming pamilya. Tunay na isang pagpapala para sa amin na madalas na kami ngayong nagkakasama-sama bilang isang pamilya sa iisang bubong, ang lahat ng tatlo naming anak at kami na mga magulang!

Ang Aming Buhay Ngayon

Lars: Hindi naman namin sinasabing sakdal na kami. Pero may natutuhan kami​—na ang pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ay mahahalagang susi sa isang matagumpay na pag-aasawa. Ang pundasyon na pinagsasaligan ngayon ng aming pagsasama ay ibang-iba na kaysa rati. Tinatanggap naming dalawa ngayon ang isang awtoridad na nakatataas kaysa sa aming mga sarili, dahil kapuwa namin kinikilala na kami’y nabubuhay para kay Jehova. Nadarama namin ni Judith na kami’y tunay na nagkakaisa at kami’y nakatanaw sa kinabukasan taglay ang pagtitiwala.

Judith: Sa palagay ko’y mga buháy na patotoo kami na si Jehova ang pinakamahusay na tagapayo sa pag-aasawa at sa pamilya.

[Talababa]

^ par. 30 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1978; hindi na ngayon iniimprenta.

[Larawan sa pahina 20]

Sina Lars at Judith nang sila’y unang ikinasal, noong 1973

[Larawan sa pahina 21]

Tatlong batang lalaki ang nawalan ng nagkakaisang pamilya at nasumpungan naman itong muli

[Larawan sa pahina 23]

Sina Lars at Judith sa ngayon, nagkabalikan dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya