Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Anaconda—Nagsisiwalat ba Sila ng Ilang Lihim?

Mga Anaconda—Nagsisiwalat ba Sila ng Ilang Lihim?

Mga Anaconda​—Nagsisiwalat ba Sila ng Ilang Lihim?

Ng Isang Kawaning Manunulat Ng Gumising!

EWAN ko sa iyo, ngunit higit na kinagigiliwan ko ang malalaking ahas kaysa sa ibang hayop. At kung pinag-uusapan natin ang tungkol sa malalaking ahas, pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga anaconda, mga miyembro ng pamilyang Boidae sa mga hayop. Gayunman, bilang pag-uusyoso, sa kabila ng pagiging napakalaki nito, kaunti lamang ang nalalaman hinggil sa kanilang paggawi​—pero hindi na ngayon.

Noong 1992, sinimulang pag-aralan ng biyologong si Jesús A. Rivas at ng mga mananaliksik sa Wildlife Conservation Society (WCS) na nakabase sa New York sa kauna-unahang pagkakataon ang mga dambuhalang ito sa iláng. * Nang mabasa ko ang anim-na-taóng pananaliksik na ito, na isinagawa sa latiang rehiyon ng Venezuela, ay nagsiwalat ng ilang bagong mga katotohanan, nag-isip-isip ako kung ano na kaya ang napag-alaman. Aking susubuking alamin sa araw na ito.

Tungkol sa mga Pangalan at Uri

Sa isang maaraw na hapon, nilisan ko ang aking opisina sa Brooklyn at nagtungo ako sa punong-tanggapan ng WCS, na matatagpuan sa Bronx Zoo sa Lunsod ng New York. Nakagawa na ako ng sapat na pananaliksik upang malaman ang ilang bagay tungkol sa mga anaconda.

Nakapagtataka, ang pangalang anaconda ay maaaring nagmula malayo sa tirahan ng hayop na ito sa Timog Amerika. Sinasabi ng ilan na ito’y galing sa mga salitang Tamil na anai, na nangangahulugang “elepante,” at kolra, na nangangahulugang “mamamaslang.” Inaakala naman ng iba na galing ito sa salitang Sinhala na henakandayā, (hena, na ang ibig sabihin ay “kidlat,” at kanda, na ang ibig sabihin naman ay “sanga”). Malamang na ang mga salitang Sinhala​—na orihinal na ginamit sa Sri Lanka para sa mga sawa​—ay dinala sa Timog Amerika ng mga mangangalakal na Portuges mula sa Asia.

Tungkol sa maling pangalan, kahit na ang opisyal na pangalan ng anaconda, ang Eunectes murinus, ay hindi eksaktong tama. Ang Eunectes ay nangangahulugang “mahusay na manlalangoy”​—at angkop ito. Subalit ang murinus ay nangangahulugang “kulay-daga.” Para sa isang ahas na may balat na kulay-berdeng olibo, ang pangalang ito ay “waring hindi talaga angkop,” ang sabi ng isang akdang reperensiya.

May isa pang bagay na dapat banggitin hinggil sa makasiyensiyang mga pangalan at pangkat ng hayop. Karaniwang binabanggit ng literatura may kinalaman sa mga anaconda na may dalawang uri ng anaconda. Ang isa ay siyang paksa ng artikulong ito​—ang berdeng anaconda, o sawa sa tubig, na pangunahing nagpapadausdos sa mga latian ng Amason at sa mga lunas ng Orinoco at sa mga Guiana. Ang isa naman ay ang mas maliit na dilaw na anaconda (E. notaeus), na matatagpuan sa Paraguay, sa gawing timog ng Brazil, at sa gawing hilaga ng Argentina.

Pakikipagkita sa Isang Dalubhasa

Narito ako sa Bronx Zoo. Ang parkeng ito ng buhay-iláng, na sumasaklaw ng 107 ektaryang kakahuyan, ay tahanan ng mahigit na 4,000 hayop, kabilang na ang mga isang dosenang anaconda. Narito upang salubungin ako sa pasukan ng zoo ang nakasuot ng kaki na si William Holmstrom ng Department of Herpetology (ang pag-aaral tungkol sa mga reptilya) ng WCS. Si G. Holmstrom​—isang 51-taong-gulang na taga-New York na nakasalamin, may bigote, at palangiti​—ang collection manager sa departamento ng reptilya sa zoo at nakibahagi sa pananaliksik hinggil sa mga anaconda sa Venezuela. Ayon sa kaniya, kinikilala ngayon ng mga siyentipiko ang pag-iral ng ikatlong uri ng anaconda (E. deschauenseei), na matatagpuan sa hilagang-silangan ng Brazil at sa baybayin ng French Guiana. * Sa hapong ito, si G. Holmstrom ang aking magiging dalubhasang giya.

Agad mong mapagwawari na mahilig sa mga ahas ang aking giya kung paanong ang iba ay mahilig sa mga asong poodle o sa mga loro. Sinabi niya sa akin na mula sa kaniyang pagkabata, may mga bubuli, palaka, at mga katulad nito sa bahay ng kaniyang mga magulang. “Mahilig sa mga ito si Itay. Pinapayagan naman ito ni Inay.” Sabihin pa, si G. Holmstrom ay nagmana sa kaniyang tatay.

Kahanga-hangang mga Sukat at Malalaking Pagkakaiba

Sa loob ng 100-taong-gulang na bahay ng reptilya, kaming dalawa ay huminto sa harap ng isang kulungan na may isang anaconda. Bagaman nakatingin ako sa isang hayop na inaasahan kong makita, hindi ko pa rin napigil ang aking pagkamangha. Namangha ako sa napakalaking sukat at kakatwang proporsiyon nito. Ang lapád na ulo nito, na mas malaki lamang sa kamay ng tao, ay nagmukhang bansot dahil sa napakalaking katawan na nakakabit dito. Sinabi sa akin ng aking giya na ang kahanga-hangang reptilyang ito ay isang babaing anaconda na 5 metro ang haba na tumitimbang nang mga 80 kilo. Bagaman ang katawan nito ay halos kasingkapal ng isang poste ng telepono, napag-alaman ko na ito ay “kalingkingan” lamang kung ihahambing sa may hawak ng rekord sa daigdig​—isang bilugang babaing anaconda na nahuli noong 1960 na, ayon sa tantiya, tumitimbang nang halos 227 kilo!

Walang lalaking anaconda ang maaaring mangarap man lamang na makamit ang gayong kahanga-hangang laki. Bagaman alam ng mga herpatologo na ang mga lalaking anaconda ay mas maliit kaysa sa mga babae, natuklasan sa pananaliksik na ang mga lalaki ay di-hamak na mas maliit anupat ang mga ito’y mukhang munting bersiyon ng mga babaing anaconda. Sa katunayan, ipinakita ng pag-aaral na ang mga babae, sa katamtaman, ay halos limang ulit na mas malaki kaysa sa mga lalaki. Ang malaking pagkakaibang iyan sa sukat ng lalaki’t babae ay maaaring nakalilinlang, gaya ng natuklasan ng biyologong si Jesús Rivas. Nag-alaga siya dati ng isang batang anaconda subalit sa tuwina’y nagtataka siya kung bakit lagi siyang kinakagat ng munting ahas. Noon lamang panahon ng pananaliksik na naunawaan niyang ang inaalagaan pala niya ay isang nasa hustong-gulang at naiinis na lalaking anaconda!

Pinaghahanap!​—May Naghihintay na Gantimpala

Bagaman ang laki ng anaconda ang siyang kilalang katangian nito, kahanga-hanga rin ang haba nito. Ipagpalagay nang ang mga anaconda ay hindi dambuhala gaya ng pagkakalarawan ng Hollywood sa mga ito​—itinampok ng isang pelikula ang isang anaconda na 12 metro ang haba​—subalit ang kanilang sukdulang haba na mga 9 na metro ay nakasisindak na kung iisipin.

Ang mga anaconda na gayong kalaki ay iilan lamang. Ang pinakamalalaking babaing anaconda na nahuli noong panahon ng pag-aaral ay tumitimbang nang tig-90 kilo na may sukat na mga 5 metro. Sa katunayan, napakahirap hanapin ang mas malalaking anaconda anupat ang gantimpalang $1,000, na inialok mga 90 taon na ang nakalipas ng New York Zoological Society (ang nauna sa WCS), para sa anumang buháy na ahas na mahigit sa 9.2 metro ang haba ay hindi pa rin nakukuha hanggang sa ngayon. “Tumatanggap kami ng dalawa o tatlong tawag sa telepono sa bawat taon mula sa mga tao sa Timog Amerika na umaangkin sa gantimpala,” ang sabi ni G. Holmstrom, “subalit kapag hinihilingan namin sila na magpadala sa amin ng patunay ng kanilang huli upang hindi masayang ang pagpunta namin doon upang suriin ito, hindi kailanman dumarating ang ebidensiya.” A, siyanga pala, ang gantimpala para sa isa na 9.2 metro ang haba ay $50,000 na ngayon!

Malapitang Tingin

Sinusundan ko ang aking giya habang dinadala niya ako patungo sa ikalawang palapag ng bahay ng reptilya, na nagsisilbing dakong pinagkukulungan at pinagpapalahian. Ang dako ay mainit at mahalumigmig. Upang walang makahadlang sa aking pagtingin sa bagay na kinagigiliwan ko, binuksan ni G. Holmstrom ang pinto ng isang kulungan na naglalaman ng isang napakalaking babaing anaconda.

Sa pagkakataong ito, mga dalawang metro​—at wala nang iba pa​—ang pagitan namin at ng hayop. Pagkatapos, dahan-dahang tumaas ang ulo ng anaconda at marahang gumapang patungo sa aming direksiyon. Sa ngayon ay isang metro na lamang ang distansiya ng ulo ng anaconda sa ulo namin.

“Makabubuting umatras tayo,” ang mahinahong sabi ni G. Holmstrom, “baka naghahanap siya ng pagkain.” Agad akong sumang-ayon. Isinara niya ang pinto ng kulungan, at bumaba ang ulo ng anaconda hanggang sa dahan-dahan itong huminto malapit sa gitna ng nakapulupot nitong katawan.

Kung hindi mo papansinin ang masamang tingin ng anaconda at mamasdan mong mabuti ang ulo nitong guhit-guhit na pula, makikita mo na mayroon itong kapansin-pansing mga katangian. Halimbawa, ang mga mata at mga butas ng ilong ng anaconda ang siyang pinakamataas na bahagi sa ulo nito. Ito ang nagpapangyari na mailubog ng ahas ang katawan at ulo nito sa ibabaw ng tubig na nakalitaw ang mga mata at butas ng ilong nito​—gaya ng ginagawa ng mga buwaya. Ipinaliliwanag nito kung paano nilalapitan ng ahas ang biktima nito habang nananatiling nakatago.

Mahihigpit na Pulupot at Maluluwang na Panga

Ang anaconda ay hindi makamandag. Pumapatay ito sa pamamagitan ng pagpulupot nang mahigpit sa biktima nito. Hindi nito dinudurog ang biktima nito, subalit tuwing humihinga nang palabas ang biktima, hinihigpitan ng ahas ang pagpulupot nito hanggang sa kapusin sa hininga ang kawawang biktima. Halos anumang bagay​—mula sa mga pato hanggang sa mga usa​—ay malamang na salakayin. Gayunman, bihira ang mapaniniwalaang mga ulat ng mga taong kinain ng mga anaconda.

Yamang hindi manguya o mapiraso ng mga ahas ang kanilang pagkain, walang magawa ang anaconda kundi ang lunukin nang buo ang patay na biktima nito​—kahit na ang biktima ay di-hamak na mas malaki kaysa sa ahas mismo. Sa katunayan, kung magagaya mo kung paano kumain ang isang anaconda, maipapasok mo ang isang niyog sa bibig mo at malulunok ito nang walang kahirap-hirap na parang ito’y isa lamang mani. Paano ito nagagawa ng anaconda?

“Pinalalakad nito ang ulo nito sa biktima,” ang sabi ni G. Holmstrom. Ipinaliwanag niya na ang mga panga ng anaconda ay maluwag na nakakabit sa ulo nito. Bago nito ibaon ang mga ngipin sa isang malaking biktima, ang ibabang panga nito ay maaaring lumaylay at lumuwang. Pagkatapos ay itinutulak ng anaconda ang isang panig ng ibabang panga nito pasulong, ikinakalawit nito sa biktima ang mga ngipin nitong nakatalikod, at hinihila ang panig na ito ng panga at ang biktima papasok sa bibig nito. Susunod, inuulit nito ang gayunding paraan sa kabilang panig naman ng ibabang panga nito. Nagagawa rin ito ng itaas na panga sa ilang antas. Sa pamamagitan ng halinhinang pasulong na pagkilos na ito, ang panga ng hayop ay wari ngang lumalakad sa biktima nito. Minsang nalululon na ang biktima, na maaaring gumugol ng ilang oras, ang ahas ay humihikab nang ilang ulit, at ang iba’t ibang mga bahagi ng malambot nitong ulo ay bumabalik sa normal na posisyon.

Ano ang humahadlang sa anaconda na mabulunan? Ang pagkakaroon nito ng humahabang lalaugan na nasa ibaba ng bibig nito. Samantalang ipinapasok ang pagkain nito, itinutulak naman ng anaconda ang lalaugan nito palabas tungo sa harap ng bibig nito. Sa ganitong paraan, nakahihinga ang anaconda sa tulad-snorkel na lalaugan nito habang kumakain.

Paano Makikilala ang mga Anaconda?

Inalis ngayon ng aking giya ang takip mula sa isang terrarium, at tiningnan namin sa ibaba ang dalawang batang anaconda. Nagtataka ako kung paano matitiyak ng mga mananaliksik ang pagkakaiba sa pagitan ng daan-daang anaconda mula sa iláng na kanilang pinag-aralan noong panahon ng kanilang proyektong pananaliksik sa Venezuela dahil sa magkakatulad na hitsura nito.

Ipinaliwanag ni G. Holmstrom na sinikap nilang lutasin ang problema tungkol sa pagkakakilanlan sa pamamagitan ng paggawa ng napakaliit na mga pangherong bakal mula sa mga paper clip. Ininit nila ang “mga bakal” at hineruhan ng maliliit na numero ang mga ulo ng anaconda. Naging mabisa ang pamamaraang ito hanggang sa maghunos ng kanilang balat ang mga ahas​—at ng kanilang mga numero! Gayunman, napansin ng mga mananaliksik na ang bawat anaconda ay mayroon nang kaniyang sariling tandang pagkakakilanlan. Ang bawat ahas ay may disenyo ng itim na mga marka sa kulay-dilaw na ilalim ng buntot nito​—na naiiba sa bawat ahas kung paanong ang tatak ng daliri ay naiiba sa bawat tao. “Ang kailangan na lamang naming gawin ay iguhit ang disenyong nasumpungan namin sa kahabaan ng balat na 15 kaliskis ang haba, at mayroon na kaming sapat na pagkasari-sari upang makilala ang 800 ahas na pinag-aralan namin.”

Ang Pinakamabilis, ang Pinakamalusog, o ang Pinakamalakas?

Habang tinatapos namin ang panayam sa tanggapan ni G. Holmstrom, ipinakita niya sa akin ang isang larawan ng mga lalaking anaconda na nakapulupot sa isa’t isa na kuha niya sa Venezuela. Kahanga-hangang tanawin ito. Ipinaliwanag niya na ang kumpol ng buhul-buhol na mga katawan ng anaconda ay nag-aanyong tinatawag na breeding ball. (Tingnan ang larawan sa pahina 26.) “Nasa loob ng buhul-buhol na mga katawang ito ang isang babaing anaconda. Minsan ay nasumpungan namin ang isang babaing anaconda na may 13 lalaking anaconda na nakapulupot sa kaniya​—iyan ay isang rekord.”

Nag-aaway ba ang mga lalaki? Buweno, ito’y parang isang mabagal na laban ng pagbubuno. Sinisikap ng bawat lalaking kalahok na siksikin ang iba palabas at maniobrahin ang kaniyang sarili sa posisyon ng pakikipagtalik sa babae. Ang labanan ay maaaring tumagal nang dalawa hanggang apat na linggo. Sino ang nagwawagi? Ang pinakamabilis (ang lalaking unang nakakita sa babae), ang pinakamalusog (ang lalaking nakapagpalabas ng pinakamaraming binhi), o ang pinakamalakas (ang lalaking nagwagi sa pakikipagbuno)? Ang mga mananaliksik ay umaasang masusumpungan ang kasagutan sa lalong madaling panahon.

Sa pagtatapos ng hapon, ako’y nagpasalamat sa aking giya para sa aming lubhang kawili-wiling paglilibot. Habang naglalakbay ako pabalik sa aking opisina, ginugunita ko ang aking natutuhan. Ipagpalagay nang hindi pa rin ako sang-ayon sa mga opinyon ng biyologong si Jesús Rivas, na ang “mga anaconda ay nakatutuwa,” subalit inaamin ko na walang-alinlangang naagaw ng mga anaconda ang aking pansin. Habang patuloy na sinusubaybayan ng mga mananaliksik ang mga anaconda sa iláng, kawili-wiling alamin kung ang mga dambuhalang ahas na ito ay magsisiwalat ng higit pa hinggil sa kanilang kahali-halinang mga lihim.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang Wildlife Department at ang mga grupo sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Flora and Fauna sa Venezuela ay tumulong upang pondohan ang pag-aaral.

^ par. 11 Journal of Herpetology, inilathala ng Society for the Study of Amphibians and Reptiles, No. 4, 1997, pahina 607-9.

[Larawan sa pahina 24]

Ang pananaliksik sa anaconda sa Venezuela

[Larawan sa pahina 25]

William Holmstrom

[Larawan sa pahina 26]

Buhul-buhol na nagpaparaming anaconda