Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Cystic Fibrosis Nais kong ipahayag ang aking lubos na pasasalamat dahil sa artikulong “Pamumuhay Nang May Cystic Fibrosis.” (Oktubre 22, 1999) Kaming mag-asawa ay halos kasing-edad nina Jimmy Garatziotis at ng kaniyang asawa, at lubhang nakapagpapatibay na makita ang mga kabataan na may gayong katibay na pananampalataya sa kabila ng malulubhang suliranin.

S. D., Italya

Maraming taon ko nang hinihintay na ilathala ang gayong artikulo. Kaming mag-asawa ay may anim-na-taóng-gulang na anak na babae na may cystic fibrosis. Kaya agad kong binasa ang artikulo. Kahanga-hangang makita ang sigasig ni Jimmy Garatziotis sa gawaing pangangaral, bagaman siya ay may sakit. At nakaaaliw na malaman na taglay natin ang pag-asa sa isang bagong sanlibutan na doo’y wala nang sakit.

H. O., Estados Unidos

Pinatutunayan ng halimbawa ni Jimmy na kahit na mahina ang ating kalusugan, marami tayong magagawa upang purihin si Jehova.

P. C., Brazil

Droga Salamat sa inyong paglalathala sa seryeng “Kontrolado ba ng Droga ang Daigdig?” (Nobyembre 8, 1999) Dati akong gumagamit ng droga​—cocaine, marijuana, hashish. Nag-abuso rin ako sa alkohol at humitit nang mahigit sa 40 sigarilyo bawat araw. Napakahirap alisin ang mga bisyong ito, subalit pinalakas ako ng Diyos. Siyam na taon na ang nakalilipas mula nang huminto ako, at ako’y nagpapasalamat na nakaahon ako sa lusak ng daigdig na ito nang hindi nahawa sa isang malubhang sakit o nasadlak sa bilangguan. Dahilan sa alam ko ang hirap na dulot ng pag-aabuso sa droga sa katawan, emosyon, at sa kabuhayan, umaasa ako na ang mga artikulong gaya nito ay makaaantig sa puso ng mga kabataan.

G. M., Italya

Ginamit ko ang serye sa isang sanaysay sa paaralan, na dahil dito’y natanggap ko ang pinakamataas na makukuhang marka at ang mga papuri ng aking guro. Lagi akong natutuwang basahin ang Gumising!, lalo na ang mga artikulong tumatalakay sa kasalukuyang mga isyu. Tumutulong ito sa akin na maging realistiko sa buhay.

I. M., Italya

Mga Harding Palma Ang artikulong “Pagdalaw sa Isang Kakaibang Hardin” (Nobyembre 8, 1999) ay isa sa pinakamagagandang artikulo na nagdulot ng kasiyahan sa akin kamakailan lamang. Halos naguguniguni ko na ang aking sarili sa Paraiso, na maingat na ipinaplano ang gayong kagandang hardin. Ang pagkagiliw ng taong ito sa kaniyang mga halaman ay talagang nakaantig sa akin. Tunay na pinahahalagahan niya ang magandang nilalang ni Jehova, na dapat na pahalagahan din nating lahat!

L. C., Canada

Palakaibigan Labis pong nakaantig sa akin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magiging Higit na Palakaibigan?” (Nobyembre 22, 1999) Ako po ay 16 anyos at nahihirapan akong makipag-usap sa iba, lalo na kapag nasa mga pulong Kristiyano. Salamat po at isinaalang-alang ninyo ang mga kabataang tulad ko na may ganitong suliranin. Sisikapin ko pong ikapit ang mabuting payo na inyong ibinigay sa artikulong ito.

I. A., Pransiya

Mga Ibong Umaawit Salamat sa inyo dahil sa artikulong “Kalugud-lugod na Duwetong Mang-aawit.” (Disyembre 8, 1999) Parang naguguniguni kong nakikinig ako sa mga ibong ito na humuhuni ng magandang musika samantalang nasa isang sanga ng punungkahoy! Araw-araw ay pinasasalamatan ko si Jehova sa paglalang ng mga hayop na umaaliw sa atin.

Y. S., Hapon

Diyabetis Bilang bahagi ng aking kurso pagkaraang magtapos ako, inatasan akong magdaos ng isang seminar hinggil sa diabetis mellitus. Ang simple at tuwirang paliwanag na inilathala sa artikulong “May Diyabetis ang Iyong Anak!” (Setyembre 22, 1999) ay malaking tulong. Ipinaunawa sa akin ng kasaysayan ni Sonya Herd kung gaano karaming malinaw na impormasyon ang kailangan ng isang pasyente.

T. K., Brazil