Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naiimpluwensiyahan ba ng Buwan ang Iyong Buhay?

Naiimpluwensiyahan ba ng Buwan ang Iyong Buhay?

Naiimpluwensiyahan ba ng Buwan ang Iyong Buhay?

SA LOOB ng libu-libong taon, naniwala ang mga tao na kontrolado ng buwan ang aspekto ng buhay sa lupa. Inaakalang ang pagbabago sa hugis ng buwan ay may epekto sa mga halaman, hayop, at maging sa mga tao. Bagaman ang ilang malaon nang pinaniniwalaang ideya ay pinasinungalingan ng makabagong pananaliksik sa siyensiya, ang ibang paniniwala ay nananatili pa rin hanggang sa ngayon. Ano ang ipinakikita ng mga katotohanan?

Ang ilang tao ay kumbinsido na may kaugnayan ang mga pagbabago sa hugis ng buwan sa paglaki ng mga halaman. Kaya, gumagamit sila ng mga kalendaryo at mga almanak sa pagpapasiya kung kailan magtatanim ng mga bulaklak, maglalagay ng pataba, magsasabotelya ng alak, o gagawa ng minatamis na prutas. Ginagawa ito sa paniniwalang kung ang isang atas ay ginagawa sa maling pagbabago sa hugis ng buwan, hihina ang kalidad ng produkto. Ganito ang payo ng isang aklat sa mga naghahalaman: “Ang mga gulay na kakainin nang sariwa ay dapat na anihin kapag papalaki ang buwan, samantalang ang mga gulay na ipipreserba ay dapat anihin kapag papaliit ang buwan.” May makasiyensiyang saligan ba para sa kaugaliang ito?

Waring iniuugnay ng ilang pag-aaral ang paglaki ng mga halaman sa mga kilos ng buwan. Gayunman, hindi kumbinsido ang maraming siyentipiko. Binabanggit nila na ang mga kilos ng buwan ay masalimuot, ang mga ito ay hindi lubusang palagian, at ang mga epekto nito ay hindi kapansin-pansin, kaya mahirap ulitin ang mga eksperimento na pinagbatayan ng mga pag-aaral.

Gayunman, ang ilang epekto ng buwan ay napatunayan. Halimbawa, ipinakita na ang gawain, pagkain, pagpaparami, at biyolohikal na mga kilos ng maraming nabubuhay na organismo ay nauugnay sa paglaki at pagliit ng tubig sa dagat, na tuwiran namang naiimpluwensiyahan ng puwersa ng grabitasyon ng buwan.

Sinasabi ng ilan na kung naiimpluwensiyahan ng buwan ang paglaki at pagliit ng tubig sa dagat, apektado rin nito ang mga tao, yamang ang kalakhang bahagi ng katawan ng tao ay tubig. At kumusta naman ang ipinalalagay na kaugnayan sa pagitan ng pagbabago sa hugis ng buwan at ng sakit sa pag-iisip, ang panahon ng kapanganakan ng isa, at maging ang siklo ng pagreregla, na ang haba ay humigit-kumulang na katulad ng isang lunar na buwan?

Nagsagawa na ng mga pag-aaral sa mga larangan ng saykayatri, sikolohiya, at gynecology upang alamin ang katotohanan hinggil sa bagay na ito. Ang mga resulta ay hindi tiyak. Sinasabi ng ilang mananaliksik na nakasumpong sila ng bahagyang kaugnayan sa pagitan ng mga gawain ng tao at ng mga kilos ng buwan, subalit ang iba naman ay tahasang nagsasabi na walang anumang kaugnayan ang mga ito. Nangangatuwiran sila na kung ang mga siklo ng buwan ay may kapansin-pansing impluwensiya sa mga kapanganakan ng tao, malaon na sanang naipakita ang maliwanag na kaugnayan. Bukod pa riyan, wala sa mga iminungkahing teoriya upang magpaliwanag sa ipinalalagay na epekto ng buwan sa tao ang nakakumbinsi sa mga siyentipiko sa pangkalahatan. *

Bagaman ipinakita ng siyensiya na ang buwan ay may ilang epekto sa iba’t ibang anyo ng buhay sa lupa, ang lawak nito ay hindi madaling matiyak. Ang ating pisikal na sansinukob ay masalimuot, at sa paano man sa ngayon, marami sa kamangha-manghang mekanismo na namamahala rito ay hindi pa rin nalalaman.

[Talababa]

^ par. 7 Ang ilan sa mga teoriyang ito ay nagsasangkot sa liwanag ng buwan, grabidad, mga puwersang heomagnetiko, at elektromagnetismo.

[Larawan sa pahina 19]

Ang diyosang si Selene, na sinamba ng sinaunang mga Griego at mga Romano bilang ang personipikasyon ng buwan

[Credit Line]

Musei Capitolini, Roma