Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang mga Bata at ang mga Relihiyosong Serbisyo
“Dumadalo ba ang mga bata sa mga relihiyosong serbisyo?” ang tanong sa isang kamakailang edisyon ng publikasyong Canadian Social Trends. Bilang sagot ay sinabi nito na ayon sa isang pagsusuri ng Statistics Canada, “mahigit sa sangkatlo, 36%, ng mga bata sa Canada na wala pang 12 anyos ang dumadalo sa mga relihiyosong serbisyo nang di-kukulangin sa minsan sa isang buwan, at ang karamihan ay dumadalo nang lingguhan. Ang 22% pa ay hindi gayong kadalas dumalo, subalit dumadalo naman kahit minsan lamang sa isang taon.” Gayunman, idiniin ng artikulo na ang “relihiyong kinaaaniban ang siyang sanhi ng pinakamalalaking pagkakaiba sa regular na pakikibahagi ng mga bata sa mga relihiyosong serbisyo. . . . Ang mga bata sa itinuturing ng maraming tagamasid bilang mga pangunahing relihiyon, tulad ng Anglikano at United Church, ang siyang nag-ulat ng pinakamababang bilang ng mga dumadalo linggu-linggo (18%).” Mas maigi naman ng kaunti rito ang mga batang Romano Katoliko, na may 22 porsiyento ng mga dumadalo linggu-linggo. Bagaman 44 na porsiyento ng mga batang Muslim ang lingguhang dumadalo sa mga relihiyosong serbisyo ng Islam, “sila rin ang iniulat na may pinakamalaking bilang ng mga hindi dumadalo (39%) sa sinundang taon bago ang surbey.”
Babala Hinggil sa Andador
Ang paggamit ng mga andador ay makaaapekto sa pisikal at intelektuwal na paglaki ng mga sanggol, ulat ng pahayagang Independent ng London. Natuklasan ng mga mananaliksik sa State University of New York na ang mga andador na may malaking bandeha sa harapan ay nakahahadlang sa mga sanggol na lubusang makita ang kanilang mga binti at nakapipigil sa kanila sa pag-abot upang mahawakan ang mga bagay sa palibot nila. Napansin na ang mga sanggol na gumagamit ng mga andador ay gumugugol ng karagdagan pang mahigit na limang linggo bago makaupo nang tuwid, makagapang, at makalakad kung ihahambing sa iba na hindi gumamit kailanman ng andador. Bukod dito, isinisiwalat ng mga pagsisiyasat na taun-taon, 50 porsiyento ng mga sanggol na gumagamit ng mga andador ang nasasaktan dahil sa mga aksidenteng gaya ng pagkahulog sa mga hagdan o sa apoy o dahil sa pagkatumba lamang. Si Dr. Denise Kendrick, ng Nottingham University Medical School ng Britanya, ay nagsabi: “Mapanganib ang mga andador. Waring inilalaan ng mga ito ang mga pangangailangan ng mga magulang sa pagpapangyaring maging abala ang kanilang mga anak sa halip na magbigay ng anumang kapakinabangan sa bata.”
Nilalabanan ng mga Pampalasa ang Baktirya
Ang pinakagrabeng biglaang pagkalason sa pagkain sa daigdig ay naganap sa Britanya noong 1996, anupat pumatay ito ng 18 katao. Ang sanhi ay ang baktiryang E. coli O157 na nasa karne. Kamakailan, natuklasan ng mga mananaliksik na ang paghahalo ng kanela (cinnamon) sa di-inisterilisang katas ng mansanas ay pumatay sa 99.5 porsiyento ng baktirya sa loob ng tatlong araw, ayon sa The Independent ng London. Sa isa pang pagkakataon, ang mga siyentipiko ay naglagay ng mga pampalasa sa hilaw na karne ng baka at suriso (sausage) at natuklasan na ang kanela, mga klabo, at bawang ang siyang pinakamabibisa sa pagpatay sa E. coli O157. Iniisip ng mga mananaliksik na ang mga pampalasang ito ay maaaring maging mabisa sa paglaban sa iba pang baktirya, kasali na ang salmonella at campylobacter.
Personal na Utang ng mga Britano
Ang mga Britano ay may utang na $170 bilyon mula sa personal na mga pagkakautang, credit card, at mga biniling hulugan at sila’y nagbabayad ng $5.5 bilyong interes taun-taon, ayon sa mga impormasyong inilathala ng People’s Bank at iniulat sa The Times ng London. Mahigit sa sangkatlo ng populasyon ay may isang uri ng walang-kolateral na utang, isang katamtamang $10,400 bawat tao. Ang paggastos sa pamamagitan ng credit card sa Britanya ay nadoble sa loob ng tatlong taon, anupat umabot sa $115 bilyon noong 1998. Natuklasan din ng surbey na 13 porsiyento lamang ang nababahala na baka sila mabaon sa utang. At 1 sa bawat 5 ang umamin na sila’y nangungutang “upang mapanatili ang kanilang istilo ng pamumuhay,” ang sabi ng People’s Bank.
Laban sa Kaniyang Kalooban
Sa 304 na kabataang babae na sinurbey sa isang pagsusuri na iniulat ng magasing Aleman na Psychologie Heute, halos sangkapat ang nagsabi na pinilit silang magsagawa ng isang anyo ng seksuwal na gawain nang laban sa kanilang kalooban. Bukod dito, sinasabi ng ulat na mahigit na sangkapat sa mga babae ang nag-ulat na sinikap ng mga lalaki na gumamit ng mga droga at alkohol upang hikayatin silang makipagtalik nang hindi kinukusa. Idinagdag pa nito: “Kung isasaalang-alang ang mga pagtatangka ng mga kabataang lalaki na pahinain ang pagtutol ng babae sa pamamagitan ng panggigipit sa isipan, mga droga, o alkohol, posibleng tumaas nang mahigit sa 50 porsiyento ang dami ng mga kabataang babae na nasa pagitan ng edad 17 at 20 na mapipilit na makipagtalik nang laban sa kanilang kalooban.”
Ang Unang Parke sa Daigdig na May Madilim na Kalangitan
“Nakakubli sa ningning ng mga ilaw sa lunsod at natatakpan ng tulad-ulap na polusyon sa hangin ang isang tanawin na hindi na nakikita ngayon ng marami—ang tulad-pelus na kagandahan ng kalangitan kung gabi,” ang sabi ng The Globe and Mail ng Canada. Ganito ang hinagpis ng astronomong manunulat na si Terence Dickinson: “Posibleng lumaki ang mga tao, hanggang sa pagkamaygulang, nang hindi kailanman nakikita ang kagandahan ng kalangitan kung gabi.” Halimbawa, ang sabi niya, nang mawalan ng elektrisidad pagkatapos lumindol sa mga bahagi ng California ilang taon na ang nakalilipas, ang ilang residente ay tumawag sa pulisya upang sabihin ang “di-karaniwang paglitaw ng mga bituin at isang tulad-hamog na guhit” sa kalangitan. Upang mapaglaanan ng dako ang mga nagmamasid ng mga bituin sa Canada, na doo’y matatanaw nila ang kalangitan kung gabi nang hindi nagagambala at halos malaya sa sobrang liwanag, isang 1,990 ektaryang pampublikong lupa sa distrito ng Muskoka Lakes sa gawing hilaga ng Toronto ang itinalaga bilang isang “parkeng may madilim na kalangitan.” Tinatawag na Torrance Barrens Conservation Reserve, ito ay pinaniniwalaang ang kauna-unahang parke sa daigdig na may madilim na kalangitan.
Mga Ama at mga Anak na Babae
Isang pagsusuri kamakailan ng Health Canada na salig sa mga surbey sa 2,500 tin-edyer ang nagsisiwalat na may agwat sa komunikasyon sa pagitan ng mga ama at ng kanilang mga anak, lalo na ng mga anak na babae, ang ulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Tatlumpu’t tatlong porsiyento lamang ng mga batang babae na may edad na 15 hanggang 16 ang nakasusumpong na “madali o napakadaling makipag-usap sa kanilang mga ama hinggil sa mga bagay na talagang nakababahala sa kanila,” kung ihahambing sa 51 porsiyento ng mga batang lalaki. Gayunpaman, “may tendensiya ang mga batang babae na higit na magpahalaga sa kanilang mga ama at mangailangan ng kanilang suporta,” ang sabi ng ulat. Inamin ni Propesor Alan King ng Queen’s University na “mahirap para sa mga ama na makipag-usap sa kanilang mga anak, lalo na sa nakaliligalig na mga taon ng pagsisimula ng pagbibinata’t pagdadalaga,” na sa panahong iyon ay ipinagwawalang-bahala ng maraming ama ang mga paksang hinggil sa sekso at sa mapanganib na paggawi. Subalit hinihimok niya ang mga ama na harapin ang hamon, lalo na ngayon na maraming ina ang hindi na gaanong gumugugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak di-tulad noon.
‘Hindi Puwedeng Walang TV!’
Ano ang dadalhin mo kung kailangang lumagi ka ng ilang panahon sa isang bukod na isla? Ito ay itinanong sa 2,000 kabataan sa Alemanya. Para sa karamihan, ang pinakamahahalagang bagay ay ang mga TV at radyo, kasama ang mga rekording sa CD at cassette, ang ulat ng pahayagang Westfälische Rundschau. Pumapangalawa rito ang mga pagkain at inumin, samantalang pumapangatlo naman ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan. Ipinaliwanag ng isang 13-anyos kung bakit ganoon ang kaniyang pinili:“Hindi ko puwedeng makayanan iyon kung walang TV.” Mga sangkatlo lamang niyaong mga tinanong ang nagsabi na magdadala rin sila ng kapaki-pakinabang na mga kagamitan na gaya ng mga kutsilyo, piko, at mga lagari. Tanging 0.3 porsiyento lamang ang bumanggit na sila’y magdadala ng Bibliya. Ang pinakabata sa mga tinanong, isang pitong-taóng-gulang na batang babae, ang nagsabi: “Isasama ko lamang ang aking ina. Kapag naroon siya, walang masamang mangyayari.”
Mga Super Sumo Wrestler
Ang mga sumo wrestler, kilala sa daigdig dahil sa laki ng kanilang katawan, ay nagiging masyadong mabigat para sa kanilang sariling mga binti, ang sabi ng mga pisyologo sa isport sa Hapon. Iniuulat ng magasing New Scientist na nadoble ang bilang ng mga napipinsala sa dalawang pangunahing kategorya sa sumo sa loob ng nakaraang limang taon, anupat nag-udyok ito sa isang pangkat ng mga pisyologo na paghambingin ang taba sa katawan at lakas ng binti ng 50 wrestler. “Ang sangkapat sa kanila ay walang sapat na lakas ng kalamnan sa binti upang kargahin nang wasto ang laki ng kanilang katawan,” ang sabi ng ulat. Ang katamtamang timbang ng mga pangunahing sumo wrestler ay tumaas mula 126 kilo noong 1974 hanggang sa 156 kilo noong 1999. “Ang isang dahilan nito ay ang paglaki ng katamtamang pangangatawan ng mga Hapones sa pangkalahatan,” ang sabi ng komentarista hinggil sa mga sumo na si Doreen Simmonds. Subalit ang pagbigat ng timbang ay hindi naman laging nangangahulugan ng pagsulong ng kakayahan. “Ang pinakamagandang hubog ng pangangatawan para sa sumo ay hugis-peras,” ang sabi ni Simmonds. “Mabababang balakang, naglalakihang mga hita at tulad-encinang kalamnan sa binti.”
Nanganganib na mga Bata
Ang Angola, Sierra Leone, at Afghanistan ay ang pinakamapanganib na mga lugar sa daigdig para sa mga bata, at ‘maliit ang posibilidad na manatiling buháy ang isang bata hanggang sa edad na 18,’ ang sabi ng isang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF). Ang mga digmaan, patuloy na karukhaan, at ang paglaganap ng HIV at AIDS ay lalong nagsasapanganib sa buhay ng mga bata kaysa noong nakaraang dekada. Ginagamit ang isang “panukat sa panganib sa bata” na may antas na 1 hanggang 100, tinataya ng UNICEF na 96 ang antas ng panganib sa Angola, 95 sa Sierra Leone, at 94 sa Afghanistan. Kung ihahambing dito, ang katamtamang antas ng panganib sa mga bata sa Europa ay 6, ulat ng The Times ng London.