Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Teatro ng Epidaurus—Naingatan sa Loob ng mga Siglo

Ang Teatro ng Epidaurus—Naingatan sa Loob ng mga Siglo

Ang Teatro ng Epidaurus​—Naingatan sa Loob ng mga Siglo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA

MAHILIG ka bang pumunta sa teatro? Nasisiyahan ka ba sa matutunog na halakhakan na dulot ng isang komedya? Ikaw ba ay nabubuhayan ng loob o naliliwanagan pa nga dahil sa isang drama na puno ng aral anupat nakababagbag ito sa iyong damdamin o nakapagtuturo sa iyo hinggil sa kalikasan ng tao? Kung gayon ay maaaring interesado kang malaman ang tungkol sa teatro ng Epidaurus. May malapit itong kaugnayan sa pinagmulan ng drama sa sinaunang Gresya.

Ang Griegong heograpo, noong ikalawang siglo C.E., na si Pausanias ay sumulat na sa Epidaurus ‘matatagpuan ang pinakakakaibang teatro sa sinaunang daigdig. Bagaman mas mariringal at napakalálakí ang mga teatro sa Roma, walang sinumang arkitekto ang makapapantay sa kagandahan at kaayusan ng teatro ng Epidaurus.’

Ang Pinakanaingatan sa Lahat

Mga 60 kilometro sa timog ng Griegong lunsod ng Corinto ay matatagpuan ang maliit na nayon ng Epidaurus. Dalawampu’t limang siglo na ang nakararaan, ito ay isang mahalagang sentro ng komersiyo at relihiyon.

Nang tumagal, ang makinis na hanay ng mga burol, ang sinasakang mga bukirin, at ang mga taniman ng puno ng olibo ay hindi kakikitaan ng anumang bakas na nagkaroon ng isang malaking teatro doon. Gayunman, nakatitiyak si Panagís Kavadías, isang prominenteng arkeologong Griego noong ika-19 na siglo, na may pinakaiingatang lihim ang mga burol na iyon. Napukaw ang kaniyang interes dahil sa paglalarawan ni Pausanias na sinipi kanina, at naniniwala siya na sa likuran ng pangkaraniwang tanawin na ito ay matutuklasan niya ang isang kagila-gilalas na teatro. At natuklasan nga niya iyon noong tagsibol ng 1881.

Pagkatapos ng anim na taóng puspusang pagpapagal, naisiwalat ng paghuhukay ni Kavadías ang isang dambuhalang teatro na halos buung-buo pa. Ayon sa mga arkeologo, ang teatrong ito ay itinayo noong bandang 330 B.C.E. ni Polyclitus the Younger, isang tanyag na iskultor at arkitekto mula sa kalapit na lunsod ng Argos. Ipinahayag ng makabagong-panahong arkitekto na si Mános Perrákis ang karaniwang opinyon ng mga mananaliksik nang kaniyang tawagin ang Epidaurus na “ang pinakatanyag at pinakanaingatang teatro sa Gresya.”

Ang pagkatuklas sa teatro ng Epidaurus ay mahalaga kapuwa sa arkeolohiya at arkitektura. Samantalang karamihan sa nananatiling mga sinaunang teatro ay may mga bahaging nasira o isinauli sa dati, ang teatro ng Epidaurus ay nanatiling buo sa loob ng mga siglo sapagkat natabunan ito ng mahigit sa anim na metro ng lupa na nagsilbing proteksiyon.

Napakaliwanag na matutukoy ng isang makabagong-panahong bisita ang pangunahing mga bahagi ng teatro. Ang orkestra, isang malapad at pabilog na bahagi na ginagamit para sa sayawan at sa koro, ay napalilibutan ng isang makitid na linya ng marmol. Ang sahig nito ay siksik na lupa, at may altar sa gitna nito. Sa likuran ng orkestra ay ang pang-eksenang gusali kung saan ay mga pundasyon na lamang nito ang natitira. Sa pasimula, ang mga artista ay nagtatanghal sa loob ng orkestra, at ang mga set ay binubuo ng mga pininturahang panel na nasa umiikot na tatsulok na mga tabla na nakapirme sa entablado. Nang malaunan, ang mga artista ay nagsimula nang magtanghal sa sahig mismo ng pang-eksenang gusali, anupat ang koro na lamang ang nasa orkestra, at ang mga set ay inilipat sa mga pader ng pang-eksenang gusali.

Ang orihinal na dami ng makauupo sa teatro ng Epidaurus ay 6,000. Noong ikalawang siglo B.C.E., ang itaas na bahagi ay nilakihan upang makapaglagay ng karagdagan pang 21 hilera ng mga upuan, sa gayon ay naging 13,000 ang kabuuang bilang ng mga upuan. Ang mga upuan sa harapang hilera, na nakareserba para sa mga dignitaryo, ay naiiba mula sa karamihan sapagkat ang mga ito ay gawa sa mapula-pulang bato at may sandalan.

Isang Kagila-gilalas na Akustika

Ang teatro ng Epidaurus ay tanyag dahil sa namumukod-tanging akustika nito. “Ang pinakabahagyang tunog​—isang pagbubuntunghininga o ang pagpunit sa isang piraso ng papel​—ay malinaw na maririnig maging hanggang sa pinakamataas na huling hilera ng mga upuan,” ang sabi ng propersor sa arkeolohiya na si S.E.E. Iakovídis.

Kapag binibisita ang teatrong ito, nais ng maraming turista na tumayo sa gitna ng orkestra at bumigkas ng mga tula, kumanta, o kahit bumulong sa kanilang mga kaibigang nakaupo sa matataas na mga hilera ng upuan. Namamangha sila sa kagila-gilalas na paraan ng pagpapaabot ng tunog sa bawat sulok ng malaking awditoryum na ito.

Ang tulad-ampiteatro at kalahating-bilog na hugis ng teatro ng Epidaurus ang dahilan kung bakit nagkaroon ito ng gayong kagandang akustika. Ipinagugunita nito sa atin ang pagbigkas ni Jesus ng mga sermon sa malaking pulutong ng mga tao sa likas na mga ampiteatro​—madalas ay sa mga dalisdis ng burol​—upang malinaw siyang marinig ng lahat.​—Mateo 5:1, 2; 13:1, 2.

Karagdagan pa, malapit lamang ang distansiya mula sa entablado hanggang sa pinakamatataas na mga hilera dahil sa pagiging matarik ng mga baitang ng upuan sa Epidaurus. Ang mga tunog ay halos hindi man lamang humina pagdating sa matataas na hilerang iyon.

Ang isa pang bagay na nakatutulong upang magkaroon ng magandang akustika ay ang tamang distansiya sa pagitan ng mga hilera. Pinangyayari nito na ang tunog ay makaabot sa lahat ng dako nang may pare-parehong lakas at linaw. Ang iba pang salik ay ang pagtalbog ng tunog sa matigas at siksik na sahig ng orkestra at mga baitang ng mga upuan, ang mahusay na uri ng marmol na ginamit, ang paligid na tahimik, at ang banayad na hangin na patuluyang humihihip mula sa orkestra tungo sa mga manonood.

Teatro​—Ang Tamang Dako Para sa Drama

Sapagkat naging metikuloso at may-kasanayan ang sinaunang mga Griego sa paggawa ng mga teatro tulad ng isa na nasa Epidaurus, may kaalwanang nakikita at naririnig ng mga manonood ang mga drama. Ang drama ay nagmula sa mga piging ng pag-aanak upang ipagdiwang ang ani at ang bunga ng mga ubasan gayundin ang mga ideya hinggil sa kamatayan at pagbabago ng buhay. Ang gayong seremonyal na mga piging ay nagpaparangal kay Dionysus, ang maalamat na diyos ng alak at pag-aanak. Ang ganitong mga pagtatanghal ay hindi lamang pumupuri sa maalamat na mga diyos kundi madalas ay nagsasalaysay rin ng isang kuwento. Tatlong pangunahing anyo ng pagkukuwento ang lumitaw: trahedya, komedya, at satiriko. Yamang talos ng mga namamahala sa lunsod ang popularidad ng gayong mga pagdiriwang, kanilang sinuportahan ang mga ito upang maging higit na makapangyarihan sa pulitika.

Sa paglipas ng panahon, ang impluwensiya ng mga pagdiriwang ukol kay Dionysus sa drama at ang pangingibabaw ng seremonyal na mga pagtatanghal ay nabawasan. Sa paghahanap ng bagong mga tema para sa kanilang mga dula, ang kilalang mga dramatista ng ikalimang siglo B.C.E., tulad nina Aeschylus, Sophocles, at Euripides, ay bumaling sa kasaysayan at mitolohiya ng Gresya. Ang lumalago at lumalawak na popularidad ng drama ang naging dahilan para mangailangan ng mas malalaking teatro, tulad ng isa na nasa Epidaurus. At ang pangangailangan na marinig ng mga manonood ang bawat salita sa mga drama​—na kadalasan ay may pinong paglalaro sa mga salita at pagsasagutan​—ang dahilan kung bakit kailangan ang pagiging napakametikuloso at dalubhasa sa pagtatayo ng mga teatro.

Ang bawat dula sa teatro ay nangangailangan ng isang koro (kadalasa’y 10 hanggang 15 tao) at mga artista (hindi hihigit sa 3 tauhan na nagsasalita sa bawat eksena). Ang mga artista ay tinatawag na hy·po·kri·taiʹ, ang mga sumasagot sa koro. Nang maglaon, ang terminong ito ay ginamit sa matalinghagang diwa upang ilarawan ang isang tao na nanlilinlang o nagkukunwari. Ginamit ng Ebanghelyo ni Mateo ang salitang ito upang ilarawan ang mapanlinlang na mga eskriba at Fariseo noong kaarawan ni Jesus.​—Mateo 23:13.

Ang Epidaurus at ang Sinaunang Drama sa Ngayon

Ang pagtatanghal ng sinaunang drama ay napanumbalik sa Gresya sa Epidaurus at saanman. Hanggang noong pasimula ng ika-20 siglo, ang sinaunang mga drama sa Gresya, lalo na ang mga trahedya, ay mga aralin na lamang sa paaralan. Ngunit mula noong 1932 patuloy, dahil sa pagkakatatag ng National Theater of Greece, ang mga akda ng sinaunang mga dramatista ay naisalin na sa modernong Griego.

Mula pa noong 1954, ang Epidauria na kapistahan ng mga drama ay naging isa nang taunang pangyayari. Tuwing tag-init, inaanyayahan ang maraming Griego at banyagang mga kompanyang pang-teatro na magtanghal ng sinaunang mga dula sa teatro ng Epidaurus. Libu-libong turista at mahihililg sa teatro ang nagpupunta sa lugar na ito upang masaksihan ang makabagong-panahong mga pagtatanghal ng mga dulang isinulat halos 2,500 taon na ang nakalilipas.

Kaya sa susunod na pagkakataon na dumalaw ka sa Gresya, ikaw ay inaanyayahang pumunta sa Epidaurus. Pagkatapos na makita ang nakabibighaning teatro nito, maaaring masabi mo rin ang naging konklusyon ni Pausanias: ‘Walang sinumang arkitekto ang makapapantay sa kagandahan at kaayusan ng teatro ng Epidaurus.’

[Kahon sa pahina 13]

Ang Teatro at ang Sinaunang mga Kristiyano

“Naging pandulaang panoorin kami sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao,” ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto, na nakatira malapit sa Epidaurus. (1 Corinto 4:9; Hebreo 10:33) Ibig niyang sabihin na dahil sa sila’y kinapopootan at pinag-uusig, para bang sila’y nakalantad sa isang teatro sa harapan ng lahat ng uri ng manonood. Noong kapanahunan ni Pablo, ang mga dula sa teatro ay isang popular na anyo ng paglilibang. Gayunman, ang sinaunang mga Kristiyano ay pinapag-ingat laban sa imoralidad at matinding karahasan, na kadalasang itinatampok sa mga pagtatanghal sa teatro noong panahong iyon. (Efeso 5:3-5) Kung minsan, ang mga Kristiyano mismo ay puwersahang dinadala sa mga teatro o arena ng Imperyong Romano upang gawing tampulan ng paglilibang, anupat inihaharap pa nga sila sa mababangis na hayop.

[Mga larawan sa pahina 12]

Sophocles

Aeschylus

Euripides

[Credit Line]

Mga dramatistang Griego: Musei Capitolini, Roma

[Picture Credit Line sa pahina 11]

Courtesy GNTO