Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kurbata Noon at Ngayon

Mga Kurbata Noon at Ngayon

Mga Kurbata Noon at Ngayon

SA LOOB ng maraming milenyo ay naging interesado ang mga lalaki sa pagpapalamuti sa kanilang mga lalamunan at mga leeg. Halimbawa, noong mga 1737 B.C.E., binigyan ng Paraon ng Ehipto si Jose ng isang kuwintas na ginto.​—Genesis 41:42.

Sa maraming bahagi ng lupa sa ngayon, isinusuot ng mga lalaki ang tinatawag nating mga kurbata. Ayon sa iba’t ibang pinagmumulan ng impormasyon, ang mga tagapanguna ng makabagong kurbata ay lumitaw sa Inglatera at Pransiya noong huling mga taon ng ika-16 na siglo. Nagsuot ang mga lalaki ng diyaket na tinatawag na doublet. Bilang palamuti ay nagsuot sila ng ruff (pabilog at matigas na kuwelyong nakarapols) sa leeg. Sa maraming kaso ang ruff, na maaaring magkaroon ng kapal na ilang pulgada, ay isang malaki at bilog na parang plato na nakapaikot sa leeg. Ito ay gawa sa puting tela at pinatigas upang mapanatili ang hugis nito.

Sa kalaunan, ang ruff ay hinalinhan ng tinatawag na nakabitin na kuwelyo. Ito ay isang puting kuwelyo na tumatakip sa buong balikat at nakabitin sa ibabaw ng braso. Ang mga kuwelyong ito ay tinatawag ding mga Vandyke. Ang mga Puritan, kabilang sa iba pa, ay nagsuot ng mga ito.

Noong ika-17 siglo, isang mahabang panloob na kasuutan na tinatawag na waistcoat o tsaleko ang isinusuot sa ilalim ng karaniwan nang mahabang amerikana. Ang leeg ng nagsusuot ay binabalot ng isang tila-alampay na telang-panleeg, o cravat. Ang telang ito ay iniikot sa leeg nang mahigit sa isang beses. Ang mga dulo nito ay nakabitin sa harapan ng kamisadentro. Ang mga ipinintang larawan mula sa huling mga taon ng ika-17 siglo ay nagpapakita na usung-uso na noon ang mga cravat.

Ang mga cravat ay gawa sa muslin, manipis na telang lino o koton, at maging sa puntas. Ang mga gawa sa puntas ay mahal. Si James II ng Inglatera ay sinasabing nagbayad ng 36 na pound at 10 shilling para sa isa nito sa kaniyang koronasyon, na malaki-laki nang halaga ng salapi noong panahong iyon. Ang ilang cravat na gawa sa puntas ay malalaki. Ang rebulto ni Charles II sa Westminster Abbey ay nagpapakita na ang kaniyang cravat ay 15 centimetro ang lapad at 86 na centimetro ang haba.

Maraming uri ng buhol ang ginagamit upang itali ang mga cravat. Sa ilang kaso ay isang laso ng seda ang ikinakabit sa ibabaw ng cravat upang panatilihin ang ayos nito at pagkatapos ay itinatali sa isang malaking laso sa ilalim ng baba. Ang istilong ito ng telang-panleeg ay tinatawag na solitaire. Ang laso ay kahawig ng isang makabagong bow tie. Sinasabing mayroon daw hindi bababa sa isang daang paraan upang itali ang isang cravat. Si Beau Brummell, isang taga-Inglatera na nakaimpluwensiya sa mga istilo ng pananamit ng mga lalaki, ay sinasabing nakagugol ng buong umaga sa pagtatali ng isang cravat upang magawa lamang ito nang wasto.

Noong dekada ng 1860, ang cravat na may mahahabang dulo ay nagsimulang makahawig ng makabagong bersiyon ng kasuutang panleeg at tinawag na kurbata. Ito ay tinatawag ding four-in-hand. Ang pangalang ito ay nagmula sa buhol na ginagamit ng mga hinete ng mga koponan ng apat-na-kabayo. Ang mga kamisadentrong may kuwelyo ay nauso na. Ang kurbata ay ibinubuhol sa ilalim ng baba, at ang mahabang mga dulo nito ay nakabitin sa harapan ng kamisadentro. Noon lumitaw ang makabagong kurbata. Ang isa pang uri ng kurbata, ang bow tie, ay naging popular noong dekada ng 1890.

Sa ngayon ang kurbata ay itinuturing ng marami bilang isang mahalagang bahagi ng hitsura ng nagsusuot nito. Ang ilang tao ay maaari pa ngang makabuo ng opinyon tungkol sa isang estranghero batay sa uri ng kurbata na kaniyang isinusuot. Kaya, katalinuhan na magsuot ng mga kurbata na malinis at may mga disenyo o kulay na bumabagay sa iyong kamisadentro, pantalon, at amerikana.

Ang buhol na napili ay dapat na itali nang maayos. Marahil ang pinakapopular na buhol ay ang four-in-hand. (Tingnan ang dayagram sa pahina 14.) Ito ay malinis tingnan at simple at madalas gamitin sa pormal na mga okasyon. Isa pang popular na buhol ay ang Windsor knot, na medyo mas malaki. Kadalasang nilalagyan ng lubog ang ibabaw ng kurbata sa bandang ibaba lamang ng buhol.

Maraming lalaki ang di-komportable sa pagsusuot ng kurbata. Ayaw nila yaong para silang sinasakal. Gayunman, natuklasan ng ilan na nakaranas ng suliraning ito na ang pagiging di-komportable ay mas dahilan sa sukat ng kamisadentro. Kung ito ang iyong problema, tiyakin na hindi masyadong maliit ang sukat ng kuwelyo ng iyong kamisadentro. Kapag tama ang sukat nito, baka hindi mo pa nga mapansin na may suot kang kurbata.

Sa maraming lupain ang kurbata ay itinuturing na isang mahalagang bahagi ng kasuutang pangnegosyo o pandisente. Sa dahilang iyan maraming lalaking Kristiyano ang nagsusuot ng mga kurbata kapag nakikibahagi sa pormal na aspekto ng kanilang ministeryo. Oo, ang isang piraso ng tela sa palibot ng leeg ng isang lalaki ay makadaragdag ng dignidad at magpapangyaring magmukha siyang kagalang-galang.

[Dayagram sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kung paano itatali ang buhol na four-in-hand *

1 Magsimula na ang malapad na bahagi ng kurbata ay mas mababa nang humigit kumulang 30 centimetro kaysa sa makitid na dulo nito, at ipatong ito sa makitid na dulo, at ikutin ito pailalim.

2 Ipaibabaw muli ang malapad na dulo, at hilahin ito paitaas papasok sa silo.

3 Habang hinahawakan nang maluwag ang harap ng buhol sa pamamagitan ng hintuturo, hilahin ang malapad na dulo papasok sa silo sa harapan.

4 Higpitan nang dahan-dahan ang buhol, na hinahawakan ang makitid na dulo at pinadudulas ang buhol patungo sa kuwelyo.

[Talababa]

^ par. 15 Mula sa aklat na Shirt and Tie.

[Mga larawan sa pahina 15]

Mga istilo ng kurbata mula noong ika-17 siglo hanggang sa kasalukuyan