Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Makabubuti sa Atin na Imbentuhin Sila”
Pinapupurihan ni Propesor Anatoly P. Zilber, tsirman ng Department of Intensive Care and Anesthesia, sa Petrozavodsk University at sa Republican Hospital sa Karelia, Russia, ang mga Saksi ni Jehova, na nagsasabi: “Hindi sila nagpapakalabis sa alak, hindi sila naninigarilyo, hindi sila sakim sa salapi, hindi sila sumisira sa kanilang mga pangako, ni nagbibigay man ng huwad na patotoo . . . Hindi ito isang mahiwagang sekta, kundi mga mamamayang masunurin sa batas.” Sinabi pa niya: “[Sila’y] kagalang-galang, maliligayang tao, interesado sa kasaysayan, literatura, sining, at buhay sa lahat ng aspekto nito.” At pagkatapos itala ang kapaki-pakinabang na mga pagbabagong pinapangyari ng mga Saksi may kinalaman sa pag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo, ang propesor ay nagsabi: “Kung babaguhin ang mga salita ni Voltaire, masasabi namin na kung walang mga Saksi ni Jehova, makabubuti sa atin na imbentuhin sila.”
Ang Kasukdulan ng Kausuhan?
Ang matataas na sapatos na tinatawag na platform shoes, “isang mahalagang karagdagang gamit para sa mga kabataang mahilig sa uso,” pati na ang mga sapatos na matataas ang takong ang dahilan ng mga 10,000 pinsala sa isang taon sa Britanya, sabi ng The Times ng London. Ganito ang sabi ni Steve Tyler, isang tagapagsalita para sa British Standards Institution: “Ang pinakakaraniwang pinsala ay napilipit o napilay na mga bukung-bukong at nabaling mga paa, subalit ang mga sapatos na ito’y maaari ring maging sanhi ng mga problema sa likod, lalo na sa mga kabataang babae na ang mga katawan ay lumalaki pa.” Sa Hapón, ang mga platform shoes ay nasangkot pa nga sa pagkamatay ng dalawang babae mga ilang buwan lamang ang nakalilipas. Sa isang kaso, isang 25-anyos na nagtatrabaho sa nursery school na nakasuot ng sandalyas na limang-pulgada ang taas ang natalisod, nabasag ang kaniyang bungo, at namatay. Isa namang dalaga ang namatay nang ang kotseng kaniyang sinasakyan ay bumangga sa isang kongkretong poste sapagkat hindi nakapagpreno nang tama ang tsuper samantalang suot ang kaniyang anim na pulgadang platform boots. Sa isang pagsisikap upang maiwasan ang mga demanda, ang ilang pabrikante ay nagsimulang maglagay sa kanilang mga sapatos ng mga etiketang nagbababala.
Mga Gawaing-Bahay Para sa mga Bata
“Ang abalang mga magulang sa ngayon ay maluwag may kinalaman sa paghingi ng tulong sa kanilang mga anak sa mga gawain sa bahay,” ang ulat ng The Toronto Star. Bagaman ang mga gawaing-bahay ay “hindi kailanman magiging unang priyoridad sa mga bata,” ang sabi ni Jane Nelsen, awtor ng Positive Discipline, ang mga atas na ito ay “tumutulong sa pagkakaroon ng pagtitiwala sa sarili at pagpapahalaga sa sarili.” Ayon sa isang pag-aaral na lumitaw sa magasing Child, ang ilang nababagay na mga gawaing-bahay para sa mga dalawa- hanggang tatlong-taóng-gulang ay ang pagliligpit ng mga laruan at gayundin ang paglalagay ng maruruming damit sa ropero. Ang mga batang tatlo hanggang limang taon ay maaaring maghanda ng mesa, magdala ng mga pinggan sa lababo, at panatilihing maayos ang kanilang dakong pinaglalaruan. Ang mga 5 hanggang 9 na taóng gulang ay maaaring magligpit ng kanilang sariling higaan, magkalaykay ng mga dahon, at magbunot ng mga panirang-damo, samantalang ang mga 9- hanggang 12-taóng-gulang ay makagagawa ng mga gawaing-bahay na gaya ng paghuhugas at pagpapatuyo ng mga pinggan, paglalabas ng basura, pagtatabas ng damo, at pagba-vacuum. Idinagdag pa ni Nelsen na “nakatutulong kapag magbibigay ng takdang panahon sa paggawa nito.”
Mga Kabataan at Krimen
Isang surbey ng Scottish Executive ang nagsisiwalat na 85 porsiyento ng mga lalaki at 67 porsiyento ng mga babae sa Scotland sa pagitan ng mga edad na 14 at 15 ang nagsasabi na sila’y nakagawa ng isang krimen noong nakalipas na taon. Ang pahayagang The Herald sa Glasgow ay nag-uulat na sa 1,000 mag-aaral na tinanong mula sa anim na paaralan, 12 porsiyento lamang ang nagsabi na hindi sila kailanman gumawa ng anumang kasalanan. Sa mga nagawang krimen, 69 na porsiyento ng mga lalaki at 56 na porsiyento ng mga babae ang nakapinsala ng ari-arian. Mga 66 na porsiyento ng mga lalaki at 53 porsiyento ng mga babae ang nagnakaw sa mga tindahan, at halos kalahati ang nagnakaw sa paaralan. Kabilang sa iba pang krimen ang pagsunog ng ari-arian at paggamit ng isang sandata upang makapinsala. Inamin ng mga kabataan sa pangkat na ito na ang panggigipit ng mga kasamahan ang pangunahing dahilan ng kanilang mga krimen, samantalang doon sa mga mahigit 15 anyos, malamang na ang dahilan ay ang pagtustos sa bisyo ng droga.
Magugulong Estudyante
Karaniwan na, bihira ang paghihimagsik ng mga tin-edyer sa Hapón. Subalit ang mga guro sa paaralan sa buong Hapón ay nag-uulat ngayon na nagiging mas mahirap panatilihin ang kaayusan sa klase dahilan sa di-mapakali at magugulong estudyante. Tinanong ng pamahalaan
sa kalakhang Tokyo ang 9-, 11-, at 14-anyos na mga estudyante upang alamin ang kanilang mga damdamin sa ibang tao. Ayon sa The Daily Yomiuri, 65 porsiyento ang nagsabi na naiinis at nagsasawa na sila sa kanilang mga kaibigan, 60 porsiyento sa kanilang mga magulang, at 50 porsiyento sa kanilang mga guro. Apatnapung porsiyento ang nagsabi na hindi kailanman o bihira nilang makontrol ang kanilang galit. Ibinubulalas ng 1 sa 5 estudyante ang kaniyang galit sa pamamagitan ng pagsira sa mga bagay-bagay.“Mahiwagang Virus”
“Nahahawahan ng isang mahiwagang virus ang mga suplay ng dugo sa buong daigdig,” ang ulat ng New Scientist. “Walang nakaaalam kung ang ‘TT’ virus na ito ay mapanganib, subalit ipinangangamba na ito ay maaaring pagmulan ng sakit sa atay.” Ang virus, na pinanganlang TT ay isinunod sa mga unang titik ng pangalan ng pasyenteng Haponés na sa dugo nito una itong natuklasan, ay nasumpungan “kapuwa sa mga nagkaloob ng dugo at sa mga pasyente na may sakit sa atay na nagpapasalin ng dugo.” Sa katunayan, ipinakita ng pag-aaral ang virus ay nasa 8 sa 102 nagkaloob ng dugo sa California na ang dugo ay nasubok na negatibo sa mga virus, pati na sa HIV at hepatitis B at C. Tinatayang ang bilis ng paghawa ay 2 porsiyento sa Britanya, 4 hanggang 6 na porsiyento sa Pransiya, 8 hanggang 10 porsiyento sa Estados Unidos, at 13 porsiyento sa Hapón. Ang mga siyentipiko na “nag-aaral hinggil sa TT virus sa buong daigdig ay naghahangad na huwag itong pagmulan ng kaguluhan,” ang sabi ng artikulo, subalit sinisikap nilang “malaman kung ang virus ay may anumang panganib sa kalusugan.”
Kulyar ng Buhay
Ang mga naghahayupan sa ilang lugar sa Timog Aprika ay maaaring malugi nang hanggang 40 porsiyento ng kanilang bagong silang na mga hayop bawat kapanahunan dahil sa mga chakal. Hindi lamang ito nakapanlulumo sa pinansiyal na paraan kundi nagbunga rin ito ng lubhang pagdami ng mga chakal. Ang mga pagsisikap na alisin ang mga chakal ay napatunayang hindi matagumpay at mapanganib pa nga sa ibang buhay-iláng. Subalit, isang matalinong lunas ang ginawa at ginamit sa nakalipas na mga taon lamang. Ito’y isang medyo matigas na kulyar ng tupa na naibabagay at muling nagagamit at hindi nakahahadlang sa pagkilos ng tupa o nakasasakit sa chakal. Hinahadlangan lamang nito ang chakal na mangagat na siyang ikamamatay ng tupa. Ayon sa pahayagang Natal Witness, ang mga naghahayupan na gumagamit na nang mga kulyar “ay nag-ulat ng kagyat at permanenteng wakas sa mga hayop na napapatay ng chakal.” At dahil sa ang mga chakal ay limitado na lamang sa kanilang likas na pagkain ng mga insekto, mga daga, at bulok na hayop, ang kanilang bilang ay umuunti.
Putakting Nagtatrabaho sa Kahoy
Ang putakting ichneumon ay may pantanging sangkap sa pangingitlog na “pinatigas sa pamamagitan ng ionized manganese o zinc,” ulat ng National Geographic. Ginagamit ng putakti ang kasangkapang metal nito upang magbarena nang malalim sa mga katawan ng punungkahoy upang mangitlog o sa loob ng katawan ng mga uod. “Ang ilan ay nakababarena nang hanggang tatlong pulgada sa matibay na kahoy,” sabi ni Donald Quicke ng Imperial College ng Britanya. Kapag napisa ang putakti, kinakain nila ang bumubutas-sa-kahoy na mga uod at pagkatapos ay nginunguya ang kanilang daraanan palabas ng punungkahoy na ginagamit ang mga bahagi ng bibig na pinatigas ng mga mineral mula sa mga uod na kanilang kinain.
“Tahimik na Emerhensiya” ng India
“Sa kabila ng mga pagsulong sa kalusugan at kapakanan sa nakalipas na ilang taon, ang malnutrisyon ay nananatili pa ring isang ‘tahimik na emerhensiya’ sa India,” ang ulat ng The Times of India. Gumagastos ang India ng mahigit na $230 milyon sa pangangalagang pangkalusugan at nawalang produksiyon dahil sa malnutrisyon. Ayon sa report, mahigit na 50 porsiyento ng mga bata sa India na wala pang apat na taon ay kulang sa pagkain, 30 porsiyento ng mga bagong-silang na sanggol ay “lubhang kulang sa timbang,” at 60 porsiyento ng mga babae ay anemik. Ang nakatataas na espesyalista sa panlipunang pag-unlad sa World Bank, si Meera Chatterjee, ay nagsabi na “hindi lamang sinisira ng malnutrisyon ang buhay ng mga indibiduwal at mga pamilya kundi binabawasan din nito ang mga pakinabang sa pamumuhunan sa edukasyon at nagiging isang malaking hadlang sa pagsulong ng lipunan at ng ekonomiya.”
Mga Paring Hindi Maligaya?
Tatlong ulit sa nakalipas na anim na taon, isang surbey ang isinagawa hinggil sa pagkatao ng mga pari sa lipunang Pranses. Gaya ng inilathala sa pahayagang Katoliko na La Croix, isinisiwalat ng pinakabagong surbey na hindi itinuturing ng 45 porsiyento ng mga mamamayang Pranses ang mga pari bilang mga taong maliligaya o nasisiyahan. Karaniwan pa ring itinuturing ng mga tao ang mga pari bilang isa na malapít sa iba at bilang isa na nakikinig. Gayunman, sinasabi ng pahayagan na “pakaunti nang pakaunting mga Pranses ang nagtuturing sa kaniya bilang isang tao na mahalaga sa lipunan” at na 56 na porsiyento lamang ang naniniwala sa kaniya bilang “isang saksi ng Diyos sa lupa.” Wala pang 1 sa 3 ng mga tao sa pangkalahatan at 51 porsiyento lamang ng palagiang nagsisimba ang humihimok sa kanilang anak na lalaki o kamag-anak na magpari.