Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Manipulasyon sa Impormasyon

Ang Manipulasyon sa Impormasyon

Ang Manipulasyon sa Impormasyon

“Sa pamamagitan ng tuso at matiyagang paggamit ng propaganda kahit ang langit ay maaaring magmukhang impiyerno sa mga tao, at sa kabaligtaran ang pinakahamak na buhay ay maaaring magmukhang paraiso.”​—ADOLF HITLER, MEIN KAMPF.

HABANG lumalawak ang paraan ng pakikipagtalastasan​—mula sa paglilimbag tungo sa telepono, radyo, telebisyon, at sa Internet​—ang pagdagsa ng mapanghikayat na mga mensahe ay mabilis na dumami. Ang malaking pagbabagong ito sa pakikipagtalastasan ay umakay sa labis na pagdami ng impormasyon, habang ang mga tao ay binabaha ng walang-katapusang mga mensahe mula sa iba’t ibang tao. Marami ang tumutugon sa panggigipit na ito sa pamamagitan ng mas mabilis na pagtanggap sa mga mensahe at tinatanggap ang mga ito nang hindi muna inuusisa o sinusuri.

Gustung-gusto ng tusong propagandista ang gayong pagmamadali sa pag-iisip​—lalo na yaong mga nagwawalang-bahala sa makatuwirang pag-iisip. Pinasisigla ito ng propaganda sa pamamagitan ng pagpukaw sa emosyon, sa pagsasamantala sa kawalan ng katiyakan, sa pagkakasangkapan sa kalabuan ng wika, at sa pagpilipit sa mga tuntunin ng lohika. Gaya ng pinatutunayan ng kasaysayan, ang gayong mga taktika ay pawang napatunayan na napakabisa.

Isang Kasaysayan ng Propaganda

Sa ngayon, ang salitang “propaganda” ay may negatibong kahulugan, anupat nagpapahiwatig ng di-matapat na mga taktika, subalit hindi ganoon ang dating kahulugan na nilayon sa terminong ito. Lumilitaw na ang “propaganda” ay galing sa pangalang Latin ng isang grupo ng mga kardinal na Romano Katoliko, ang Congregatio de Propaganda Fide (Kongregasyon Para sa Pagpapalaganap ng Pananampalataya). Ang komiteng ito​—tinawag na Propaganda sa maikli​—ay itinatag ni Pope Gregory XV noong 1622 upang mangasiwa sa mga misyonero. Unti-unti, ang kahulugan ng “propaganda” ay nauwi sa anumang pagsisikap na magpalaganap ng paniniwala.

Subalit ang konsepto ng propaganda ay hindi nagsimula noong ika-17 siglo. Mula pa noong sinaunang panahon, ginamit na ng mga tao ang lahat ng magagamit na paraan upang magpalaganap ng mga ideolohiya o pasulungin ang katanyagan at kapangyarihan. Halimbawa, ang sining ay nagsilbi ukol sa mga layuning makapropaganda sapol noong panahon ng mga faraon ng Ehipto. Dinisenyo ng mga haring ito ang kanilang mga piramide upang ipagparangya ang isang larawan ng kapangyarihan at katatagan. Gayundin naman, ang arkitektura ng mga Romano ay nagsilbi ukol sa layuning makapulitika​—ang pagluwalhati sa estado. Ang terminong “propaganda” ay nagkaroon ng pangkalahatang negatibong kahulugan noong Digmaang Pandaigdig I nang ang mga pamahalaan ay nagsimulang magkaroon ng aktibong bahagi sa pag-iimpluwensiya sa impormasyon tungkol sa digmaan na pinalalaganap ng media. Noong Digmaang Pandaigdig II, pinatunayan nina Adolf Hitler at Joseph Goebbels na sila ay dalubhasang mga propagandista.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, lalong nagiging pangunahing instrumento ang propaganda sa pagtataguyod sa patakaran ng bansa. Ang mga pangkat kapuwa ng Kanluran at Silangan ay nagtaguyod ng puspusang pangangampanya upang mawagi sa kanilang panig ang napakalaking pulutong ng mga taong wala pang pinapanigan. Bawat aspekto ng buhay at patakaran sa bansa ay sinasamantala para gamitin sa mga layuning makapropaganda. Nitong mga taóng nakararaan, ang patuloy na pagsalimuot ng mga pamamaraan sa propaganda ay kitang-kita na sa mga kampanya sa halalan, gayundin sa anunsiyo ng mga kompanya ng tabako. Ang tinaguriang mga eksperto at iba pang mga lider ay inuupahan upang isalarawan ang paninigarilyo bilang kahali-halina at nakabubuti sa kalusugan at hindi panganib sa kalusugan ng publiko gaya ng talagang epekto nito.

Kasinungalingan, Kasinungalingan!

Tiyak, ang pinakamadaling paraan ng propagandista ay ang paggamit ng tahasang kasinungalingan. Kuning halimbawa ang kasinungalingan na isinulat ni Martin Luther noong 1543 tungkol sa mga Judio sa Europa: “Nilagyan nila ng lason ang mga balon, namaslang, nangidnap ng mga bata . . . Sila ay makamandag, galit, mapaghiganti, tusong mga ahas, mamamaslang, at mga anak ng diyablo na tumitibo at namiminsala.” Ang kaniyang payo sa tinaguriang mga Kristiyano? “Sunugin ang kanilang mga sinagoga o paaralan . . . Ang kanilang mga bahay ay [dapat] ding gibain at sirain.”

Isang propesor ng pamahalaan at araling panlipunan na nagsagawa ng pag-aaral sa panahong iyon ay nagsabi: “Ang antisemitismo ay pangunahin nang walang kinalaman sa mga ginawa ng mga Judio, at kung gayon ay pangunahin nang walang kinalaman sa kabatiran ng isang antisemita hinggil sa tunay na kalikasan ng mga Judio.” Sinabi rin niya: “Ang mga Judio ay kumatawan sa lahat ng mali, anupat ang nakasanayang reaksiyon sa isang likas o panlipunang problema ay ang iugnay ito sa ipinalalagay na Judiong pinagmulan.”

Paggawa ng Panlahatang Palagay

Ang isa pang napakatagumpay na taktika ng propaganda ay ang panlahatang palagay. Ang panlahatang palagay ay nagpapangyaring lumabo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa tunay na mga isyung pinagtatalunan, at malimit gamitin ang mga ito upang ibagsak ang lahat ng grupo ng mga tao. Halimbawa, “ang mga hitano [o mga dayuhan] ay mga magnanakaw” ay isang parirala na malimit marinig sa ilang bansa sa Europa. Ngunit totoo ba iyon?

Sinabi ni Richardos Someritis, isang kolumnista, na sa isang bansa ang gayong mga pananaw ay naging sanhi ng isang uri ng “pagkapoot sa mga banyaga at kadalasa’y silakbo ng galit ng mga nagtatangi ng lahi” laban sa mga banyaga. Gayunman, naipakita na kapag may kinalaman sa mga delingkuwenteng gawa, ang mga may kagagawan sa bansang iyon ay mas malamang na katutubo sa halip na banyaga. Halimbawa, sinabi ni Someritis na ang mga surbey ay nagpakita na sa Gresya, “96 sa 100 krimen ay kagagawan ng [mga Griego].” “Ang mga sanhi ng kriminalidad ay pangkabuhayan at panlipunan,” ang sabi niya, “hindi ‘panlahi.’ ” Sinisisi niya ang media “sa sistematikong paglilinang ng pagkapoot sa mga banyaga at pagtatangi ng lahi” sa pamamagitan ng pilipit na pagbabalita sa krimen.

Pagbabansag ng Pangalan

Iniinsulto ng ilang tao ang mga kumokontra sa kanila sa pamamagitan ng pagkuwestiyon sa pagkatao o motibo sa halip na pagtutuon ng pansin sa mga katotohanan. Ang pagbabansag ng pangalan ay nagbubunton ng isang negatibo, madaling-tandaan na taguri sa isang tao, isang grupo, o isang ideya. Umaasa ang nagbansag ng pangalan na ang taguring iyon ay mamamalagi. Kung tatanggihan ng mga tao ang indibiduwal o ang ideya salig sa negatibong taguri sa halip na salig sa kanila mismong pagtitimbang-timbang sa ebidensiya, ang estratehiya ng nagbansag ng pangalan ay naging mabisa.

Halimbawa, nitong mga taóng nakalipas, isang makapangyarihang laban-sa-sektang kaisipan ang lumaganap sa maraming bansa sa Europa at sa iba pang lugar. Pinukaw ng kalakarang ito ang mga damdamin, lumikha sa isipan ng larawan ng isang kaaway, at nagpasidhi sa umiiral na pagtatangi laban sa mga minoryang relihiyon. Kadalasan, ang “sekta” ay nagiging isang katawagan. Ang “‘sekta’ ay katumbas ng salitang ‘erehe,’” ang isinulat ng Aleman na si Propesor Martin Kriele noong 1993, “at ang isang erehe sa ngayon sa Alemanya, gaya noong sinaunang panahon, ay [hinahatulang mamatay]​—kung hindi susunugin . . . , kung gayon ay sisiraang-puri, ibubukod at wawasakin ang kabuhayan.”

Sinabi ng Institute for Propaganda Analysis na “ang masasamang pangalan ay gumanap ng lubhang napakabisang papel sa kasaysayan ng daigdig at sa pagsulong natin bilang indibiduwal. Ang mga ito ay sumira ng reputasyon, . . . nagpabilanggo [ng mga tao], at nagpagalit nang husto sa mga tao upang udyukan silang makipagdigma at paslangin ang kanilang mga kapuwa tao.”

Pagmamaniobra sa Emosyon

Bagaman ang mga damdamin ay maaaring walang kaugnayan pagdating sa makatotohanang mga pag-aangkin o sa lohika ng isang argumento, gumaganap ang mga ito ng mahalagang papel sa panghihikayat. Ang mga panawagan sa emosyon ay kinakatha ng mga sanay na mga tagapagpropaganda, na nagmamaniobra sa mga damdamin gaya ng may-kasanayang pagmamaniobra ng isang birtuso sa piyano.

Halimbawa, ang takot ay isang emosyon na maaaring makapagpalabo sa unawa. At, gaya sa kaso ng inggit, ang takot ay maaaring maniobrahin. Iniulat ng pahayagan sa Canada na The Globe and Mail, ng Pebrero 15, 1999, ang sumusunod mula sa Moscow: “Nang magpatiwakal ang tatlong batang babae sa Moscow noong nakaraang linggo, ang media sa Russia ay agad na nagpahiwatig na ang mga ito ay panatikong mga tagasunod ng mga Saksi ni Jehova.” Pansinin ang salitang “panatiko.” Siyempre pa, ang mga tao ay matatakot sa isang panatikong relihiyosong organisasyon na sinasabing nag-uudyok sa mga kabataan na magpatiwakal. Ang mga kaawa-awang batang babae bang ito ay talagang may kaugnayan sa paanuman sa mga Saksi ni Jehova?

Ang Globe ay nagpatuloy: “Nang maglaon ay inamin ng pulisya na ang mga batang babae ay walang kaugnayan sa [mga Saksi ni Jehova]. Subalit nang panahong iyon ay nakapagbunsod na ang isang istasyon ng telebisyon sa Moscow ng isang bagong pagtuligsa sa sektang iyon, na sinasabi sa mga manonood na ang mga Saksi ni Jehova ay nakipagsabuwatan noon kay Adolf Hitler sa Alemanyang Nazi​—sa kabila ng mga patotoo sa kasaysayan na libu-libo sa kanilang miyembro ang naging biktima ng mga Nazi sa mga kampong patayan.” Sa isip niyaong mga nakatanggap ng maling balita at posibleng takót na publiko, ang mga Saksi ni Jehova ay isang kultong nagpapatiwakal o kaya’y mga kasabuwat ng Nazi!

Ang pagkapoot ay isang matinding emosyon na sinasamantala ng mga propagandista. Ang mga may-pasaring na pananalita ay pantanging mabisa sa pagpukaw rito. Waring halos walang katapusan ang masasamang salita na magagamit sa pagbubunsod at pagsasamantala sa poot laban sa partikular na lahi, etniko, o relihiyosong grupo.

Minamaniobra ng ilang propagandista ang pagmamapuri. Kadalasan ay makapapansin tayo ng mga pagpukaw sa pagmamapuri sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga susing parirala na gaya ng: “Sinumang matalinong tao ay nakababatid na . . .” o, “Ang isang edukadong tao na gaya ninyo ay hindi maaaring hindi makapansin na . . .” Ang kabilang mukha ng pagpukaw na ito sa pagmamapuri ay nagmamaniobra sa ating takot na magmistulang hangal. Lubos na nababatid ng mga propesyonal sa panghihikayat ang bagay na iyan.

Mga Islogan at mga Simbolo

Ang mga islogan ay malalabong pangungusap na karaniwan nang ginagamit upang ipahayag ang mga paninindigan o tunguhin. Dahil sa kalabuan ng mga ito, madaling tanggapin ang mga ito.

Halimbawa, sa mga panahon ng krisis o digmaan sa bansa, ang mga lider ng bayan ay maaaring gumamit ng mga islogan na gaya ng “Ang aking bansa, tama man o mali,” “Amang-Bayan, Relihiyon, Pamilya,” o “Kalayaan o Kamatayan.” Subalit maingat bang sinusuri ng nakararaming tao ang tunay na mga isyung nasasangkot sa mga krisis o digmaan? O basta tinatanggap na lamang nila kung ano ang sabihin sa kanila?

Nang sumusulat hinggil sa Digmaang Pandaigdig I, sinabi ni Winston Churchill: “Isang hudyat lamang ang kailangan upang baguhin ang malalaking pulutong na ito ng mapapayapang magsasaka at manggagawa upang maging makapangyarihang mga hukbo na magluluray-luray sa isa’t isa.” Sinabi pa niya na kapag sinabihan kung ano ang gagawin, karamihan sa mga tao ay tumutugon nang hindi nag-iisip.

Ang propagandista ay may napakalawak ding mga simbolo at mga hudyat na sa pamamagitan niyaon ay naitatawid niya ang kaniyang mensahe​—isang 21 sabay-sabay na pagpapaputok ng mga baril, isang saludong militar, isang watawat. Ang pag-ibig sa mga magulang ay maaari ring samantalahin. Kaya naman, ang mga simbolismo na gaya ng amang-bayan, ang inang bayan, o ang inang simbahan ay mahahalagang kasangkapan sa mga kamay ng tusong tagapaghikayat.

Kaya ang tusong sining ng propaganda ay maaaring makapagparalisa ng isip, makahadlang sa malinaw na pag-iisip at unawa, at makapagkondisyon sa mga indibiduwal upang kumilos nang sabay-sabay. Paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili?

[Blurb sa pahina 8]

Ang tusong sining ng propaganda ay maaaring makaparalisa sa isip at makahadlang sa malinaw na pag-iisip

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

MAKAPROPAGANDA BA ANG GAWAIN NG MGA SAKSI NI JEHOVA?

Ang ilang kaaway ng mga Saksi ni Jehova ay nag-aakusa na nagpapalaganap daw ang mga Saksi ng propagandang Zionista. Ang iba naman ay nagpaparatang na ang ministeryo ng mga Saksi ay nagtataguyod ng Komunismo. Sinasabi pa ng iba na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nagtataguyod ng mga mithiin at interes ng “imperyalismong Amerikano.” At nandiyan din ang mga naggigiit na ang mga Saksi ay mga anarkista, nagsusulsol ng kaguluhan taglay ang tunguhing baguhin ang kaayusan sa lipunan, kabuhayan, pulitika, o batas. Maliwanag, ang nagkakasalungatang mga akusasyong ito ay pawang hindi maaaring maging totoo.

Ang malinaw na katotohanan ay na hindi ganoon ang mga Saksi ni Jehova. Ang gawain ng mga Saksi ay isinasagawa dahil sa tapat na pagsunod sa utos ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang kanilang gawain ay nakasentro lamang sa mabuting balita ng makalangit na Kaharian​—ang gagamitin ng Diyos sa pagdudulot ng kapayapaan sa buong lupa.​—Mateo 6:10; 24:14.

Kailanman ay walang nasumpungang patotoo ang mga nagmamasid sa mga Saksi ni Jehova na ang lupon ng mga Kristiyanong ito ay naging isang puwersang nakasisira sa mabuting kaayusan ng alinmang lupain.

Maraming peryodista, hukom, at iba pa ang nagkomento sa positibong naitutulong ng mga Saksi ni Jehova sa mga pamayanang kanilang pinaninirahan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa. Matapos daluhan ang isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, isang reporter mula sa katimugang Europa ang nagkomento: “Ang mga taong ito ay may matitibay na buklod ng pamilya, sila’y tinuruang umibig at mamuhay na kaayon ng kanilang budhi upang hindi makapinsala sa iba.”

Isa pang peryodista, na dating ayaw sa mga Saksi, ang nagsabi: “Mayroon silang huwarang pamumuhay. Hindi nila nilalabag ang moral at matuwid na mga pamantayan.” Isang dalubhasa sa pulitika ang nagsabi rin ng ganito tungkol sa mga Saksi: “Sila’y nakikitungo sa ibang mga tao nang may lubos na kabaitan, pag-ibig at pagkamalumanay.”

Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova na nararapat ang pagpapasakop sa awtoridad. Bilang mga mamamayang masunurin sa batas, sinusunod nila ang mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa katapatan, katotohanan, at kalinisan. Nililinang nila ang mabubuting moral sa kani-kanilang sariling pamilya, at tinutulungan nila ang iba na matuto kung paano rin nila magagawa ang gayon. Payapa silang namumuhay kasama ng lahat ng tao, anupat hindi nasasangkot sa magugulong protesta o mga himagsikan sa pulitika. Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging huwaran sa pagsunod sa mga batas ng mga nakatataas na awtoridad ng tao, samantalang matiyaga silang naghihintay sa Kataas-taasang Awtoridad, ang Soberanong Panginoong Jehova, na isauli ang sakdal na kapayapaan at matuwid na pamahalaan sa lupang ito.

Kasabay nito, ang gawain ng mga Saksi ay nakapagtuturo. Sa paggamit sa Bibliya bilang saligan, tinuturuan nila ang mga tao sa buong daigdig na mangatuwiran salig sa mga simulain ng Bibliya at sa gayon ay malinang ang matuwid na mga pamantayan ng paggawi at katapatan sa moral. Itinataguyod nila ang mga kagalingan na nagpapabuti sa buhay pampamilya at tinutulungan ang mga kabataan na mapagtagumpayan ang kanilang kakaibang mga hamon. Tinutulungan din nila ang mga tao na makasumpong ng lakas upang mapanagumpayan ang masasamang bisyo at mapaunlad ang kakayahang makitungo sa iba. Ang gayong gawain ay mahirap na taguriang “propaganda.” Gaya ng sinasabi ng The World Book Encyclopedia, sa isang kapaligiran na malayang naipahahayag ang mga ideya, ang “propaganda ay naiiba sa edukasyon.”

[Mga larawan]

Ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagtataguyod ng mga kagalingang pampamilya at matataas na pamantayang moral

[Mga larawan sa pahina 5]

Ang propaganda na nagtataguyod ng digmaan at paninigarilyo ay naging sanhi ng maraming kamatayan