Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Panganib ng Pakikisakay

Ang mga Panganib ng Pakikisakay

Ang mga Panganib ng Pakikisakay

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

Isang maalinsangang araw ng tag-init noong 1990, ang 24-anyos na Britanong backpacker (nakabag sa likod) na si Paul Onions ay nakikisakay noon sa may Hume Highway, gawing timog ng Sydney, Australia. Tuwang-tuwa si Paul nang huminto ang isang estranghero upang pasakayin siya. Wala siyang kamalay-malay na ang pagtanggap dito ay magbibingit sa kaniya sa kamatayan. *

PALIBHASA’Y wala sa isip ang panganib, naupo si Paul sa unahang upuan ng sasakyan at nakipagkuwentuhan sa tsuper. Sa loob ng ilang minuto, ang sa wari’y mabait na tsuper ay naging mapusok at palatalo. Pagkatapos ay biglang huminto sa tabi ang tsuper at sinabing gusto niyang kumuha ng mga cassette tape sa ilalim ng upuan. Kinuha niya, hindi ang mga tape, kundi ang isang baril​—na itinutok niya sa dibdib ni Paul.

Sa kabila ng utos ng tsuper na manatiling nakaupo, dali-daling inalis ni Paul ang kaniyang seat belt, tumalon mula sa kotse, at buong-tuling tumakbo sa kahabaan ng haywey. Patakbong hinabol siya ng tsuper, habang kitang-kita ng ibang mga motorista. Sa wakas ay inabutan siya ng tsuper, sinunggaban ang kaniyang kamiseta, at ibinalibag siya sa lupa. Nang makahulagpos, patakbong sinalubong ni Paul ang parating na van, anupat napilitang huminto ang nahihintakutang tsuper, isang ina na may kasamang mga anak. Dahil sa pakiusap ni Paul, pinasakay siya ng ina, kinabig ang van sa gitna ng kalye, at mabilis na pinatakbong palayo. Nang maglaon lamang nakilala na ang sumalakay pala kay Paul ay isang mamamatay-tao na sunud-sunod na pumaslang sa pitong backpacker, na ilan sa mga ito ay nakikisakay nang dalawahan.

Bakit kaya ang mga biktimang ito ang kinawiwilihang puntiryahin ng mamamatay-tao? Nang nililitis ang mamamatay-tao, sinabi ng hukom: “Bawat biktima ay nasa kabataan pa. Sila’y nasa pagitan ng 19 at 22 anyos. Bawat isa’y naglalakbay nang malayo sa kanilang tahanan, anupat nagpapahiwatig na hindi sila gaanong hahanapin agad sakaling may mangyari sa kanila.”

Kalayaang Magpagala-gala

Higit na napakarami sa ngayon ang nangingibang bansa kaysa noong nakalipas na ilang taon lamang. Halimbawa, sa loob ng limang taon, higit pa sa doble ang bilang ng mga Australianong pumupunta sa Asia. Sa kagustuhang magkaroon ng karanasan o makipagsapalaran, patuloy ang pagdagsa ng mga tin-edyer at mga kabinataan at kadalagahang sumasakay sa eroplano patungo sa napakalalayong destinasyon. Marami sa mga naglalakbay na ito ay nagpaplanong makisakay na lamang upang makatipid. Nakalulungkot, sa karamihan ng lugar sa daigdig, ang pakikisakay ay hindi na nakawiwili at ligtas na paraan ng paglalakbay na di-gaya noon​—kapuwa sa mga nakikisakay at sa mga nagpapasakay.

Ang isang positibong saloobin at kasabikan sa paglalakbay ay talagang hindi maipapalit sa mahinahon at praktikal na karunungan. “Ang kasabikan sa paglalakbay ay madalas na nangangahulugan na ang mga kabataan ay umaalis nang walang sapat na paghahanda para sa paglalakbay at walang lubusang kaunawaan sa mga panganib o sa kanilang mga pananagutan,” sabi ng isang buklet na isinulat para sa mga pamilyang naghahanap ng nawawalang mga anak.

Idinagdag pa ng buklet: “Ang mga taong naglalakbay kasama ng organisadong tour group, dahil sa negosyo, o sumusunod sa maingat na isinaplanong itineraryo ay bihirang mawala. Sa Australia man o sa ibang bansa, karamihan sa mga tao na sa dakong huli’y sinasabing nawawala, ay waring yaong mga naka-back pack at nagtitipid sa paglalakbay.”

Nakikisakay man o hindi, ang paglalakbay nang walang itineraryo​—bagaman mas gusto ito ng iba na ayaw patali sa itineraryo​—ay nagpapangyari sa isang tao upang mas madali siyang mapinsala. Kung hindi alam ng mga kamag-anak at mga kaibigan ang kinaroroonan ng isang naglalakbay, wala sila sa kalagayan upang makatulong sakaling may biglaang pangangailangan. Halimbawa, paano kung ang naglalakbay ay mawalan ng malay sa isang ospital at walang nakaaalam sa kanilang bahay kung nasaan siya?

Makipag-ugnayan

Sa kaniyang aklat na Highway to Nowhere, sumulat ang Britanong peryodista na si Richard Shears tungkol sa pitong nawawalang nakisakay na “bigla na lamang hindi nakipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya at mga kaibigan.” Mangyari pa, sa simula, baka hindi nakatitiyak ang mga pamilya kung ang kanilang mga kamag-anak ay nawawala na o hindi lamang nakikipag-ugnayan ang mga ito. Nag-aatubili tuloy silang tawagan ng pansin ang mga awtoridad kapag wala silang balita mula sa mga naglalakbay.

Isa sa mga nakikisakay na ito ay madalas na napuputol ang pakikipag-usap sa telepono sa kaniyang mga magulang kapag nauubusan na siya ng barya. Palibhasa’y patiunang napagwari ito, hinimok ng kaniyang mga magulang ang mga pamilya na bigyan ang kanilang mga anak ng mga phone card o ilang iba pang paraan upang makatawag sa bahay. Bagaman maaaring hindi ito nakapagligtas sa buhay ng kabataang babaing ito, ang regular na pakikipag-ugnayan ay madalas na nakatutulong sa naglalakbay upang makaiwas, o sa paanuman ay makaharap, sa mas kakaunting problema.

Maaaring nabasa ng napatay na pitong backpacker ang aklat ukol sa paglalakbay na nagsasabing ang Australia ay isa sa pinakaligtas na mga bansa sa daigdig para sa mga nakikisakay. Gayunman, minsan pang napatunayan na ang pakikisakay ay isang kapangahasan​—kahit dalawahan at kahit sa “pinakaligtas” na mga bansa.

[Talababa]

^ par. 3 Dapat pansinin na sa ilang lugar ay ipinagbabawal ang pakikisakay.