Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aspirin Araw-Araw—Ako ba’y Dapat o Hindi Dapat Uminom Nito?

Aspirin Araw-Araw—Ako ba’y Dapat o Hindi Dapat Uminom Nito?

Aspirin Araw-Araw​—Ako ba’y Dapat o Hindi Dapat Uminom Nito?

Ang sumusunod ay isang pangyayari sa tunay na buhay na inilarawan ng isang doktor. Ipinaaaninaw nito ang isang nakalulungkot na suliraning madalas maulit.

ANG buong pamilya ay nag-aalala. Ngayon ay pati na ang doktor. “Kapag hindi agad tumigil ang kaniyang pagdurugo,” ang sabi ng doktor, “maaaring isaalang-alang namin ang pagsasalin ng dugo.”

Ang lalaki ay unti-unting nauubusan ng dugo sa kaniyang pagdumi sa loob ng ilang linggo, at napag-alaman mula sa resulta ng pagsusuri na ang suliranin ay pamamaga ng sikmura, o gastritis. “Sigurado ka bang hindi ka umiinom ng kahit anong gamot?” ang tanong ng nasiphayong doktor.

“Hindi. Ito lamang natural na nabibiling gamot nang walang reseta para sa artritis ko,” ang sabi ng lalaki.

Kaagad-agad na nagbigay nang higit na pansin ang doktor. “Tingnan ko nga.” Habang maingat na sinusuri ang etiketa ng mga sangkap, nakita niya ang kaniyang hinahanap. Acetylsalicylic acid! Nalutas ang problema. Nang tumigil ang pasyente sa pag-inom ng gamot na may halong aspirin at pinainom ng iron at ilang gamot na nakapagpapagaling sa sikmura, naampat ang pagdurugo at ang dami ng kaniyang dugo ay muling naging normal.

Pagdurugo Dahil sa Gamot

Ang pagdurugo sa sikmura at bituka dahilan sa gamot ay isang malubhang suliraning medikal sa ngayon. Bagaman maraming gamot ang maaaring dahilan nito, ang karamihan ng gayong mga suliranin ay mula sa mga gamot na iniinom para sa artritis at kirot. Kabilang sa mga ito ang isang klase ng mga gamot na tinatawag na mga nonsteroidal anti-inflammatory drug, o NSAIDS. Ang mga pangalan nito ay maaaring iba-iba sa iba’t ibang bansa.

Masusumpungan ang aspirin sa maraming nabibiling gamot nang walang reseta, at sa maraming bansa ang araw-araw na pag-inom ng mga tao ng aspirin ay tumaas sa nakalipas na ilang taon. Bakit?

Kasabikan sa Aspirin

Noong 1995 nag-ulat ang Harvard Health Letter na “ang rutin na pag-inom ng aspirin ay nagliligtas ng buhay.” Sa pagsipi sa ilang pambuong daigdig na mga pagsusuri, na inulit-ulit pa nang maraming beses mula noon, ang mga mananaliksik ay nagsabi: “Halos lahat ng inatake na sa puso o naistrok, nagdurusa mula sa angina (makirot na paninikip ng dibdib), o naoperahan na ang ugat sa puso ay dapat na uminom ng kalahati hanggang isang tableta ng aspirin araw-araw malibang alerdyik sila sa gamot na ito.” *

Sinasabi ng ibang mga mananaliksik ang mga pakinabang ng pag-inom ng aspirin araw-araw para sa mga lalaking mahigit na 50 anyos na nanganganib na atakihin sa puso at para sa mga babaing nanganganib din. Isa pa, may mga pag-aaral na nagpapakita na ang pag-inom ng aspirin araw-araw ay nagpapababa ng panganib ng kanser sa kolon at na ang malaking dosis sa loob ng mahabang yugto ng panahon ay makatutulong upang pababain ang mga antas ng dami ng asukal sa dugo ng mga may diyabetis.

Paano nagkakabisa ang aspirin upang maglaan ng sinasabing mga pakinabang na ito? Bagaman hindi batid ang lahat, ipinakikita ng mga katibayan na ang aspirin ay gumagana upang palabnawin ang mga platelet sa dugo, sa gayo’y humahadlang sa mga pamumuo ng dugo. Diumano, ito’y tumutulong upang maiwasan ang pagbabara ng maliliit na ugat patungo sa puso at utak, sa ganitong paraan ay nahahadlangan ang pinsala sa mahahalagang sangkap.

Taglay ang lahat ng sinasabing mga pakinabang na ito ng aspirin, bakit hindi lahat ay umiinom nito? Ang isang dahilan ay marami pa ang hindi nalalaman tungkol dito. Maging ang tamang-tamang dosis ay hindi maliwanag. Ang mga mungkahi ay mula sa karaniwang pag-inom ng isang tableta dalawang beses isang araw hanggang sa kasing-unti ng isang pansanggol na aspirin tuwing makalawang araw. Dapat bang naiiba ang dosis para sa mga babae kaysa roon sa mga lalaki? Hindi nakatitiyak ang mga doktor. Bagaman ang aspirin na nilayong matunaw sa bituka ay tila nakabubuti, ang kapakinabangan ng aspirin na hinaluan ng antacid ay nananatili pa ring kontrobersiyal.

Mga Dahilan sa Pag-iingat

Bagaman sa teknikal na paraan ang aspirin ay isang likas na sangkap​—nakakakuha ang mga Amerikanong Indian ng mga sangkap ng aspirin mula sa balat ng punungkahoy na willow​—marami itong masasamang epekto. Maliban sa katotohanang nagdudulot ito ng mga suliranin sa pagdurugo sa ilang tao, maraming iba pang mga komplikasyon ang maaaring mangyari dahil sa aspirin, kabilang na ang mga alerdyi sa mga taong sensitibo sa aspirin. Maliwanag, ang pag-inom ng aspirin sa araw-araw ay hindi para sa lahat.

Gayunman, ang isang taong nanganganib na atakihin sa puso o maistrok o nagtataglay ng maraming salik ng panganib, ay magnanais na magtanong sa kaniyang doktor hinggil sa mga panganib at mga pakinabang ng pag-inom ng aspirin araw-araw. Tiyak na nanaisin ng pasyente na masigurong siya ay walang mga suliranin sa pagdurugo, hindi sensitibo sa aspirin, at walang mga suliranin sa tiyan o sikmura at bituka. Ang iba pang posibleng suliranin o resulta ng mga gamot ay dapat na ipasuring-muli sa manggagamot bago ang paggamot.

Gaya ng nabanggit sa pasimula, ang aspirin at tulad-aspirin na mga gamot ay nagtataglay ng malaking panganib sa pagdurugo. At ang pagdurugong iyan ay maaaring tuso, hindi agad mahahalata, at unti-unting lumalalâ sa paglipas ng panahon. Kailangan ding isaalang-alang nang maingat ang ibang mga gamot, lalo na ang ibang mga gamot laban sa pamamaga. Tiyaking ipagbigay-alam sa iyong manggagamot kung umiinom ka ng alinman sa mga ito. Sa karamihan ng kaso ay katalinuhang itigil ang pag-inom ng gamot bago ang pagpapaopera. Marahil maging ang paulit-ulit na pagpapasuri sa mga antas ng dugo ay makatutulong.

Kung nais nating ipagsanggalang ang ating sarili mula sa mga suliranin sa hinaharap, susundin natin ang kawikaan sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Sa medikal na bagay na ito, nawa’y mapabilang tayo sa matatalino upang hindi tayo dumanas ng pinsala sa ating kalusugan.

[Talababa]

^ par. 11 Hindi nagrerekomenda ang Gumising! ng anumang partikular na uri ng paggamot na medikal.

[Kahon/Larawan sa pahina 20, 21]

Kung Sino ang Maaaring Magsaalang-alang sa Pag-inom ng Aspirin Araw-Araw

● Mga taong may sakit sa mga ugat sa puso o lumiit na mga carotid artery (ang pangunahing mga ugat ng dugo sa leeg).

● Mga taong nagkaroon ng thrombotic stroke (ang uri na dahil sa pamumuo ng dugo) o transient ischemic attack (isang saglit na tulad-istrok na pangyayari).

● Mga lalaking mahigit na 50 anyos na may isa o higit pang mga salik ng panganib sa sakit sa puso at mga ugat ng dugo: paninigarilyo, alta presyon, diyabetis, mataas na kabuuang antas ng kolesterol, mababang kolesterol na HDL, labis na katabaan, malakas uminom ng alak, kasaysayan ng pamilya nang maagang pagkakasakit sa puso (atake sa puso bago mag-edad 55) o ng istrok, at isang laging nakaupong istilo ng buhay.

● Mga babaing mahigit 50 anyos na nagtataglay ng dalawa o higit pa sa mga salik na ito ng panganib.

Baka nais mong kumonsulta sa iyong manggagamot bago gumawa ng anumang mga pagpapasiya hinggil sa bagay na ito.

[Credit Line]

Pinagkunan: Consumer Reports on Health