Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Malaking Aral Mula sa Isang Maliit na Pulo

Isang Malaking Aral Mula sa Isang Maliit na Pulo

Isang Malaking Aral Mula sa Isang Maliit na Pulo

ANG Rapa Nui, na isang 170-kilometro-kuwadradong nabuong pulo na resulta ng pagputok ng bulkan na halos walang mga punungkahoy, ay ang pinakamalayong pinaninirahang bahagi ng lupa sa daigdig. * Ang buong pulo ay isa na ngayong makasaysayang bantayog, na bahagyang dahilan na rin sa batong mga istatuwa na tinatawag na moai. Ito ay mga gawa ng isang dating masiglang sibilisasyon.

Inukit mula sa batong galing sa bulkan, ang ilang moai ay nakabaon nang napakalalim anupat ang kanilang higanteng mga ulo lamang ang nakikita. Sa ilang kaso, ang katawan ay nakalitaw sa ibabaw ng lupa, at ang ilang moai ay may palamuti sa ulo na tinatawag na pukao. Marami sa kalakhan ng mga istatuwa ay naiwang hindi tapos sa mga tibagan ng bato o nakapangalat sa sinaunang mga lansangan, na para bang basta na lamang inihagis ng mga manggagawa ang kanilang mga kasangkapan at iniwan ang trabaho. Yaong mga nakatayo ay nagkakaiba-iba mula sa nagsosolong mga istatuwa hanggang sa mga nakahanay na may bilang na umaabot ng 15, na ang bawat isa ay nakatalikod sa dagat. Mauunawaan naman, malaon nang nahihiwagaan ang mga bisita sa moai.

Sa nakalipas na mga taon ay nagsimulang maunawaan ng siyensiya hindi lamang ang misteryo ng moai kundi gayundin ang palaisipan kung bakit ang dating maunlad na sibilisasyon na nagtayo sa mga ito ay bumagsak. Kapansin-pansin, ang mga katotohanang naisisiwalat ay may higit na kahalagahan kaysa sa basta kasaysayan lamang. Ayon sa Encyclopædia Britannica, nagbibigay ang mga ito ng “isang mahalagang aral para sa makabagong daigdig.”

Ang aral na iyan ay may kinalaman sa pangangasiwa ng lupa, lalo na sa likas na mga yaman nito. Sabihin pa, ang lupa ay ibayong higit na masalimuot at kakaiba sa biyolohikal na paraan kaysa sa isang maliit na pulo, ngunit hindi nangangahulugan iyan na dapat nating ipagwalang-bahala ang aral ng Rapa Nui. Kung gayon, gumugol tayo ng ilang sandali upang magbalik-tanaw sa ilang tampok na bahagi sa kasaysayan ng Rapa Nui. Ang ating ulat ay nagsisimula halos 400 C.E. noong ang unang mga pamilyang nanirahan sa pulo ay dumating sakay ng kanilang mga bangkang pandagat. Ang tanging mga mata na nagmamasid ay yaong sa daan-daang ibong-dagat na nagpapaikut-ikot sa itaas.

Isang Paraisong Pulo

Ang pulo ay walang maraming uri ng mga halaman, ngunit ito ay lubhang pinagpala ng mga gubat ng palma, hauhau, at mga puno ng toromiro, maliban sa mga palumpong, damong-gamot, pakô, at mga damo. Hindi kukulangin sa anim na uri ng mga ibong-lupa, kabilang na ang mga kuwago, kandanggaok, rail, at mga loro, ang nabubuhay sa malayong lugar na ito. Ang Rapa Nui rin “ang pinakamayamang lugar na pinangingitlugan ng mga ibong-dagat sa Polynesia at marahil sa buong Pasipiko,” ang sabi ng magasing Discover.

Ang mga kolonista ay maaaring nagdala ng mga manok at nakakaing mga daga, na itinuturing nilang masarap na pagkain, sa pulo. Nagdala rin sila ng inaaning mga pananim: gabi, tugi, kamote, saging, at tubo. Mataba ang lupa kung kaya kaagad silang naghawan ng lupa at nagtanim​—isang proseso na nagpatuloy habang lumalago ang populasyon. Ngunit ang Rapa Nui ay may limitadong laki at, bagaman lubhang magubat, may limitadong bilang ng mga punungkahoy.

Ang Kasaysayan ng Rapa Nui

Ang nalalaman natin tungkol sa kasaysayan ng Rapa Nui ay pangunahin nang batay sa tatlong larangan ng pananaliksik: pagsusuri ng polen, arkeolohiya, at paleontolohiya. Nasasangkot sa pagsusuri ng polen ang pagkuha ng mga sampol ng polen mula sa latak ng mga sapa at mga latian. Ang mga sampol na ito ay nagsisiwalat ng iba’t ibang uri ng mga halaman at ang kanilang kasaganaan sa loob ng maraming dantaon. Habang mas malalim ang kinaroroonan ng sampol ng polen sa loob ng suson ng latak, mas naunang yugto ng panahon ang kinakatawan nito.

Nagtutuon ng pansin ang arkeolohiya at paleontolohiya sa mga bagay na tulad ng mga tirahan, kasangkapan, ang moai, at ang mga labí ng mga hayop na nagsilbing pagkain. Yamang anumang rekord sa Rapa Nui ay nasa anyong heiroglyphic (drowing ang pinakatitik) at mahirap basahin, ang mga petsa bago ang pagdating ng mga taga-Europa ay mga pagtaya lamang, at marami sa mga palagay ay hindi mapatutunayan. Isa pa, ang ilang mga pangyayari, gaya ng iniharap sa ibaba, ay maaaring magsanib sa magkakaagapay na mga yugto ng panahon. Ang lahat ng petsa, na nasa malalaking titik ay sa Common Era.

400 Nasa pagitan ng 20 at 50 dayuhang taga-Polynesia ang dumating, malamang sakay ng 15-metro o mas mahaba na dobleng bangka na may kakayahang maglulan ng mahigit sa 8,000 kilo bawat isa.

800 Ang dami ng polen ng punungkahoy sa latak ay umuunti, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang pagkalbo sa kagubatan. Dumami ang polen ng damo habang kumakalat ang damo sa ilan sa mga lugar na hinawan.

900-1300 Halos sangkatlo ng mga buto ng hayop na hinuli upang maging pagkain sa yugtong ito ay mga buto ng lampasut. Upang makahuli ng mga lampasut mula sa laot ng dagat, gumamit ang mga naninirahan sa pulo ng malalaking bangka na gawa sa mga puno ng malalaking palma. Naglalaan din ang mga punungkahoy ng kagamitang panangkap para sa kasangkapang ginagamit upang ilipat at itayo ang moai, na kasalukuyan nang ginagawa sa panahong ito. Ang lumalawak na agrikultura at ang pangangailangan sa kahoy na panggatong ay patuloy na unti-unting umuubos sa mga kagubatan.

1200-1500 Kasagsagan ng paggawa ng mga istatuwa. Ang Rapa Nui ay gumugugol ng malaking bilang ng mga materyales, lakas, at kadalubhasaan sa paggawa ng moai at ang seremonyal na mga plataporma kung saan nakatayo ang mga ito. Ang arkeologong si Jo Anne Van Tilburg ay sumulat: “Ang panlipunang kayarian ng Rapa Nui ay may-pagdiriing nagpapasigla sa paggawa ng mas marami at mas malalaking istatuwa.” Idinagdag pa niya na “humigit-kumulang sa 1,000 istatuwa ang nagawa sa loob ng mahigit na 800 hanggang 1,300 taon . . . , isa para sa bawat pito hanggang siyam na tao sa pinakamataas na pagtaya sa populasyon.”

Maliwanag na ang moai ay hindi sinamba, bagaman ang mga ito ay gumanap ng papel sa mga seremonya sa paglilibing at sa agrikultura. Minalas ang mga ito na tahanan para sa mga espiritu. Waring isinasagisag din ng mga ito ang kapangyarihan, katayuan, at talaangkanan ng mga nagtayo nito.

1400-1600 Ang populasyon ay umabot sa pinakamataas na bilang na nasa pagitan ng 7,000 at 9,000. Naglaho ang natitirang maliliit na tumpok ng kagubatan, na bahagyang dahilan na rin sa pagkalipol ng katutubong mga ibon, na nagsasagawa ng polinasyon sa mga punungkahoy at nagkakalat ng mga binhi. “Walang eksemsiyon, bawat uri ng katutubong ibong-lupa ay nalipol,” ang sabi ng Discover. Naging sanhi rin ng pagkalbo sa kagubatan ang mga daga; ipinakikita ng mga patotoo na kinain nila ang nuwes ng palma.

Hindi nagtagal at naagnas ang lupa, nagsimulang matuyo ang mga batis, at nagkaroon ng kakulangan sa tubig. Hindi na makikita sa mga suson sa mga lugar na tapunan ng basura ang mga buto ng lampasut noong mga 1500, malamang na dahil sa kawalan ng mga punungkahoy na sapat ang laki upang makagawa ng mga bangkang pandagat. Naglaho na ngayon ang anumang pagkakataong makatakas mula sa pulo. Naubos ang mga ibong-dagat dahilan sa pagiging desperado ng mga tao sa paghahanap ng pagkain. Mas maraming manok ang kinain.

1600-1722 Ang kawalan ng mga punungkahoy, labis-labis na paggamit ng lupa, at pagkasaid ng lupa ay nagpalala pa sa kawalan ng ani. Nagsimula ang malawakang taggutom. Ang Rapa Nui ay nahati sa dalawang magkalabang alyansa. Lumitaw ang unang mga palatandaan ng panlipunang kaguluhan, marahil pati na ang kanibalismo. Ito ang panahon ng katanyagan ng mga mandirigma. Nagsimulang manirahan ang mga tao sa mga kuweba para sa proteksiyon. Mga taóng 1700, bumagsak ang populasyon sa halos 2,000.

1722 Ang manggagalugad na Olandes na si Jacob Roggeveen ay ang kauna-unahang Europeo na nakatuklas sa pulo. Ito’y naganap noong Easter, kaya pinanganlan niya itong Easter Island. Kaniyang iniulat ang kaniyang unang impresyon: “Ang tiwangwang na anyo [ng Easter Island] ay nagbibigay lamang ng impresyon ng kapansin-pansing karukhaan at pagiging tigang.”

1770 Sa mga panahong ito ay sinimulang ibuwal ng magkaribal na mga angkan ng nalalabing Rapa Nui ang mga istatuwa ng bawat isa. Nang ang manggagalugad na Britano na si Kapitan James Cook ay dumalaw noong 1774, nakakita siya ng maraming nakabuwal na istatuwa.

1804-63 Dumalas ang pakikipag-uganayan sa ibang sibilisasyon. Ang pang-aalipin, na karaniwan na ngayon sa Pasipiko, at sakit ay kumitil ng marami. Ang tradisyunal na kultura ng Rapa Nui ay halos nagwakas na.

1864 Sa panahong ito lahat ng moai ay nabuwal na at ang ilan ay sinadyang pugutan ng ulo.

1872 Mayroon na lamang 111 katutubo na nalabi sa pulo.

Ang Rapa Nui ay naging lalawigan ng Chile noong 1888. Sa nakalipas na mga taon, ang Rapa Nui ay nagkaroon ng populasyon na may iba’t ibang lahi na mga 2,100. Idineklara ng Chile ang buong pulo na isang makasaysayang bantayog. Upang maingatan ang kakaibang katangian at kasaysayan ng Rapa Nui, maraming istatuwa ang muling itinayo.

Isang Aral Para sa Ngayon

Bakit hindi napansin ng Rapa Nui kung saan sila patungo at nagawang iwasan ang kasakunaan? Pansinin ang komento ng iba’t ibang mananaliksik hinggil sa kalagayan.

“Ang kagubatan . . . ay hindi lamang basta nawala sa isang araw​—ito’y naglaho nang unti-unti, sa loob ng mga dekada. . . . Sinuman sa mga naninirahan sa pulo na nagtangkang magbabala hinggil sa mga panganib ng patuloy na pagkalbo sa kagubatan ay matatalo ng pansariling mga pakinabang ng mga manlililok, burukrasya, at mga pinuno.”​—Discover.

“Ang halagang ibinayad nila sa pinili nilang paraan upang maipahayag ang kanilang espirituwal at pulitikal na mga kaisipan ay isang pulong daigdig na naging, sa maraming paraan, isang anino na lamang ng dating likas na kalagayan nito.”​— Easter Island​—Archaeology, Ecology, and Culture.

“Ang nangyari sa Rapa Nui ay nagpapagunita na ang hindi mapigil na pag-unlad at ang pangganyak na pagsamantalahan ang kapaligiran nang labis-labis ay hindi lamang mga katangian ng industriyalisadong daigdig; ang mga ito’y karaniwang katangian ng tao.”​—National Geographic.

Ano ang mangyayari sa ngayon kung walang pagbabago sa tinatawag na kalagayan ng tao? Paano kung patuloy na igigiit ng sangkatauhan sa ating lupa​—ang ating pulo sa kalawakan​—ang isang paraan ng pamumuhay na hindi kayang tustusan ng kapaligiran? Ayon sa isang manunulat, mayroon tayong isang malaking kalamangan sa Rapa Nui. Taglay natin ang babalang mga halimbawa ng “mga kasaysayan ng ibang nawasak na lipunan.”

Ngunit, maaaring maitanong, Nagbibigay pansin ba ang sangkatauhan sa mga kasaysayang ito? Ang malawakang pagkalbo sa kagubatan at ang patuloy na pagkalipol ng nabubuhay na mga bagay sa lupa sa nakatatakot at mabilis na paraan ay nagpapakitang hindi nga. Sa Zoo Book, si Linda Koebner ay sumulat: “Ang pagkalipol ng isa o dalawa o limampung uri [ng bagay na nabubuhay] ay magkakaroon ng mga epekto na hindi natin mahuhulaan. Ang mga pagkalipol ay gumagawa ng mga pagbabago bago pa man natin maunawaan ang mga pinsala nito.”

Ang isang maninira na paisa-isang nag-aalis ng rimatse sa isang eroplano ay hindi nakaaalam kung aling rimatse ang magiging sanhi ng pagbagsak; ngunit kapag ang mahalagang rimatse ay wala na, ang kahihinatnan ng eroplano ay tiyak na, bagaman maaaring hindi pa ito bumagsak sa susunod na paglipad. Sa katulad na paraan, tinatanggal ng mga tao ang nabubuhay na “mga rimatse” ng lupa sa bilis na 20,000 uri bawat taon, nang walang palatandaan ng pagtigil! Sino ang nakaaalam kung hanggang saang punto ang wala nang pag-asa na makabawi pa? At ang gayon bang patiunang kaalaman ay talagang may malaking epekto sa paggawi ng mga tao?

Ang aklat na Easter Island​—Earth Island ay gumawa ng mahalagang komentong ito: “Nauunawaan ng taong pumutol sa huling punungkahoy [sa Rapa Nui] na ito na ang huling puno. Ngunit pinutol pa rin niya ito.”

“Kailangan Nating Palitan ang Ating Relihiyon”

“Kung mayroon mang anumang pag-asa,” ang dagdag ng Easter Island​—Earth Island, “ito’y tiyak na sa kaisipan na kailangan nating palitan ang ating relihiyon. Ang ating kasalukuyang mga diyos ng pag-unlad sa ekonomiya, siyensiya at teknolohiya, patuluyang pagtaas ng mga pamantayan sa pamumuhay, at ang mga kagalingan ng kompetisyon​—ito ang mga diyos na itinuturing nating makapangyarihan-sa-lahat​—ay tulad ng higanteng mga istatuwa sa mga plataporma sa Easter Island. Ang bawat nayon ay nakipagpaligsahan sa mga karatig nayon nito upang maitayo ang pinakamalaking istatuwa. . . . Higit at higit na pagsisikap ang nauwi sa umuubos ng kayamanan . . . , ngunit walang-kabuluhan, na paglilok, paglilipat at pagtatayo.”

Isang matalinong tao ang minsa’y nagsabi: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang ating Maylalang ang tanging isa na makapagpapakita sa atin kung paano ‘magtuwid ng ating hakbang.’ Siya lamang mag-isa ang makapag-aahon sa atin mula sa malungkot na kalagayan natin. Ito ang ipinangako niyang gagawin na nasa kaniyang Salita, ang Bibliya​—isang aklat na nag-uulat din ng maraming mabubuti at masasamang halimbawa ng nakalipas na mga sibilisasyon. Tunay, ang aklat na ito ay magsisilbing isang ‘liwanag sa ating landas’ sa madilim na mga panahong ito.​—Awit 119:105.

Sa kalaunan, ang landas na iyan ang magdadala sa masunuring sangkatauhan sa isang paraiso ng kapayapaan at kasaganaan​—isang bagong sanlibutan kung saan mapapabilang ang maliit na lupaing iyon sa Timog Pasipiko na tinatawag na Rapa Nui.​—2 Pedro 3:13.

[Talababa]

^ par. 2 Bagaman tinatawag ng mga naninirahan ang kanilang pulo at ang kanilang sarili na Rapa Nui, ang pulo ay mas kilala sa tawag na Easter Island, at ang mga mamamayan ay kilala bilang mga Easter Islander.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Easter Island

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 23]

“Humigit-kumulang sa 1,000 istatuwa ang nagawa”

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang buong lupa, kabilang na ang malalayong pulo, ay magiging isang paraiso