Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Droga Mahusay ang pagkakasaliksik sa serye na “Kontrolado ba ng Droga ang Daigdig?” (Nobyembre 8, 1999). Nagtatrabaho ako bilang isang probation officer sa isang lugar na maraming kabataan ang sugapa sa droga. Ang labas na ito ay tutulong sa marami na makaalpas mula sa bisyo ng droga.
J. T., Alemanya
Napatibay ako nang husto ng kuwento ni Pedro at ng kaniyang asawa, si Ana. Sinira ng droga ang aking buhay sa loob ng anim na taon. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking natututuhan, natamo ko ang espirituwal na kalakasan upang makalaya sa bisyo ng droga.
D. J., Estados Unidos
Nagtuturo ako sa mga klase sa paaralan hinggil sa kalusugan sa loob ng 15 taon. Tamang-tama ang dating ng labas na ito ng Gumising!, yamang kasalukuyang sinasaklaw namin ang paksa tungkol sa alkohol, droga, at pagmamaneho. Tiyak na gagamitin ko ang impormasyon sa labas na ito!
C. J., Estados Unidos
Nuwes ng Tagua Nabasa ko ang bawat labas ng inyong magasin mula noong 1954, at lagi akong namamangha sa mga artikulo na naglalarawan sa maraming gamit ng mga bagay na nilalang ni Jehova. “Ang Nuwes ng Tagua—Makapagliligtas ba Ito ng mga Elepante?” ay isa sa gayong artikulo. (Nobyembre 8, 1999) Salamat sa pagtulong sa amin upang higit at higit na mapahalagahan ang kamangha-manghang karunungan ng ating Diyos.
D. H., Estados Unidos
Pangkukulam Maraming salamat sa artikulong “Ano ang Nasa Likod ng Pangkukulam?” (Nobyembre 8, 1999) Inaakala ng maraming tao na mga pangit at matatanda ang mga mangkukulam. Subalit ang kilusang Wicca ay umaakit ngayon ng maraming kabataang lalaki at babae. Ang akin mismong anak na babae ay nagsimulang magkainteres dito. Gayunman, humingi siya ng kaniyang sariling suskrisyon sa Gumising!, at ito ang artikulo sa unang labas na dumating! Ito’y dumating sa tamang panahon.
B. H., Estados Unidos
Mga Anghel Binabati ko kayo sa inyong prangkang serye ng mga artikulong “Ano ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel?” (Nobyembre 22, 1999) Sa wakas ay may naglakas-loob na sumulat ng isang magalang, subalit matapat, na pagbubunyag tungkol sa mga panganib ng pilipit na mga paniniwala tungkol sa mga anghel. Pinahahalagahan ko lalo na ang larawan sa pahina 9, na nagpapakita na ang mga anghel mismo ay tumatanggi sa labis na papuri at katanyagan na ibinibigay sa kanila ngayon.
J.L.A.H., Brazil
Paghihirap sa Pagpapagamot Ang kuwento ng pamilya Major sa artikulong “Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan” (Nobyembre 22, 1999) ay nagpatibay-loob sa akin. Ang aming anak na lalaki ay maraming malulubhang depekto sa puso na nangangailangan ng operasyon. Sinabi sa amin ng doktor, ‘Mamamatay ang anak ninyo kung hindi siya sasalinan ng dugo!’ Pinaghiwalay pa nga kaming mag-asawa ng mga doktor upang gipitin kami na pumayag sa isang pagsasalin ng dugo. Subalit tulad ng pamilyang Major, nanalangin kami para sa lakas at tibay ng loob. Naligtasan ng aming anak ang mga operasyon at siya ay mabuti na ngayon. Nagpahayag na siya ng pagnanais na mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
B. C., Estados Unidos
Ang aking asawa ay naospital, at sinabi ng mga doktor na maaari siyang lumagi roon nang mga buwan. Napapagod na ako sa pag-aalaga sa tatlong anak at kasabay nito ay dumadalaw sa aking asawa araw-araw. Ang aking mga kapatid na Kristiyano ay malaking tulong sa pag-aalaga sa mga bata. Noong panahon na para bang hindi ko na makakaya ito, umuwi na ang aking asawa. Nang mabasa ko ang nakapagpapatibay-loob na artikulong ito, hindi ko mapigilan ang lumuha dahil sa taos-pusong empatiya at kalungkutan sa lahat ng dinanas ng pamilyang Major. Ako’y tuwang-tuwa na makita ang labis na pagtitiwala nila kay Jehova!
J. A., Estados Unidos