Nabuhay ang “Bangkay”
Nabuhay ang “Bangkay”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa INDONESIA
NOONG Hulyo 17, 1997, isang pambihirang pagbabalita ang ginawa sa pambansang balita sa gabi sa Indonesia. Namulaklak na ang isa sa pinakamalaking bulaklak sa daigdig. Bakit karapat-dapat na maging paksa ng balita sa gabi ang basta pamumulaklak ng isang halaman? Sapagkat ang halamang ito ay naiiba—maaari itong mamulaklak sa loob lamang ng dalawa o tatlong araw tatlo o apat na beses sa haba ng buhay nito na 40 taon. Pagkatapos ng pagbabalita, ang bilang ng mga dumadalaw sa Bogor Botanical Garden, kung saan naroon ang halaman, ay dumami nang 50 porsiyento. Sa katunayan, mahigit sa 20,000 ang dumalaw sa halaman sa loob lamang ng isang araw!
Ang buong botanikal na pangalan ng halaman ay Amorphophallus titanum. Tinatawag ito ng ilan na titan arum sa maikli, subalit karamihan ng mga taga-Indonesia ay tinatawag itong bulaklak na bangkay dahil sa ang amoy nito kapag ito’y namumulaklak ay nagpapagunita sa kanila ng isang nabubulok na isda o ng isang nabubulok na daga. Ang mabahong amoy ay naghuhudyat sa mga bubuyog na nagsasagawa ng polinasyon na namumulaklak na ang halaman.
Bukod sa natatanging amoy nito, ang isa pang bagay na gumagawa sa titan arum na natatangi ay ang laki nito. Nahihigitan sa taas ng may-gulang na halaman ang lahat maliban sa pinakamataas na tao. Ang isang halaman sa Bogor Botanical Garden ay tumaas nang 2.5 metro at lumitaw mula sa napakalaking hugis-plorera at nakapileges na takupis na 2.6 metro ang diyametro. Ang dambuhalang bulaklak na ito ay mula sa isang lamáng-ugat na tumitimbang nang halos 100 kilo!
Sa kabila ng napakalaking sukat ng bulaklak nito, ang titan arum ay hindi makapagmamalaki bilang ang pinakamalaking bulaklak sa daigdig sapagkat ang halaman ay talagang binubuo ng, hindi isa, kundi maraming maliliit na bulaklak.
Ang titan arum ay isa lamang halimbawa na nagpapakita sa katotohanan ng pananalita ng salmista: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa . . . Walang sinumang maihahambing sa iyo.”—Awit 40:5.