Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Walang Katulad ang Planetang Lupa
Ayon sa mga astronomo, patuloy na natutuklasan ang bagong mga planeta habang sinusukat ng mga siyentipiko ang bahagyang paggalaw—na dahil sa hila ng grabitasyon ng planeta—ng malayong bituin na iniikutan ng mga planeta. Hanggang noong 1999, 28 gayong mga planeta ang sinasabing umiiral sa labas ng ating sistema solar. Ang mga bagong planeta na sinasabing natuklasan ay mga kasinlaki ng Jupiter o mas malaki pa. Mga 318 ulit na mas malaki ang Jupiter kaysa sa Lupa. Tulad ng Jupiter, ang mga planeta ay inaakalang binubuo ng helium at hidroheno. Dahil sa layo ng iniikutan ng mga planetang ito, sinasabing malamang na walang anumang planeta na sinlaki ng lupa ang maaaring umiral na kasama ng mga ito. Bukod pa riyan, di-tulad ng pabilog na orbita ng Lupa na 150 milyong kilometro, umiikot sila sa mga bituin sa habilog na mga orbita. Sa katunayan, ang isang orbita ay umiikot mula sa 58 milyong kilometro hanggang sa 344 milyong kilometro ang layo mula sa bituin nito. “Nagsisimula itong magtinging nakapuwesto nang maayos, ang pabilog na mga orbita na gaya ng nakikita natin sa atin mismong sistema solar ay bihirang-bihira,” ang sabi ng isang astronomo.
Pakikipagtalastasan sa Pamamagitan ng Pagsipol
Ang Kastilang mga batang mag-aaral sa isla ng Gomera, isa sa mga isla sa Canary Island, ay hinihilingang pag-aralan ang wika ng pagsipol na ginamit sa loob ng mga dantaon ng mga pastol doon, ang ulat ng The Times ng London. Dating ginamit bilang isang paraan ng pakikipagtalastasan sa ibayo ng mga libis sa bulubunduking lupain, ang silbo, o sipol, sa Gomera ay gumagamit ng mga tunog upang gayahin ang mga pantig sa pananalita. Inilalagay ng mga sumisipol ang kanilang mga daliri sa kanilang bibig upang pag-iba-ibahin ang tono, at inilalagay ang kanilang mga kamay sa gilid ng bibig upang ang tunog ay maihatid—hanggang sa layo na tatlong kilometro. Halos nawala na noong dekada ng 1960, ang silbo ay muling nauuso, at ang isla ngayon ay may taunang araw ng pagsipol. Subalit may mga limitasyon. “Maaari kang makipag-usap subalit kaunti lamang ang mga bagay na maaari mong ipakipag-usap,” ang sabi ni Juan Evaristo, isang lokal na direktor ng edukasyon.
Mga Bata at ang Tulog
“Ang mga magulang ay dapat maglagay ng mga limitasyon, hindi lamang kung anong oras dapat matulog ang mga batang nag-aaral kundi kung ano rin ang magagawa nila bago matulog,” sabi ng magasing Parents. “Ang panonood ng TV, paglalaro ng mga computer at video game, at pagbabasa ng mga impormasyon sa Internet ay mga gawaing nakapagpapasigla na nagpapanatili sa mga isip ng bata na patuloy na gumagana. At ang maraming gawain pagkatapos ng eskuwela ay humahadlang sa kanila na matapos ang kanilang mga gawaing-bahay sa makatuwirang oras.” Ipinakikita ng pananaliksik na ang kawalan ng sapat na tulog ay kadalasang may ibang epekto sa mga paslit na bata—sila’y nagiging sobrang aktibo at hindi masupil, samantalang ang mga adulto ay nagiging antukin at tahimik. Bunga nito, kapag nasa paaralan, ang mga batang kulang sa tulog ay nawawalan ng kakayahang magtuon ng isip, magbigay-pansin, matandaan ang kanilang natutuhan, at lumutas ng mga problema. Ang mga dalubhasa ay nagsasabi na ang mga magulang ay kailangang magtakda ng oras ng pagtulog para sa kanilang mga anak at gawin itong priyoridad—hindi ang huling mapagpipilian kapag naubusan na ng lakas o gawain.
AIDS sa Buong Daigdig
Ayon sa bagong ulat ng United Nations, sa buong daigdig ay “mahigit na 50 milyong tao ang nahawahan na ng HIV-AIDS—ang katumbas ng populasyon ng United Kingdom—at 16 na milyon ang namatay na,” ang sabi ng The Globe and Mail ng Canada. “Isinisiwalat ng pananaliksik sa siyam na mga bansa sa Aprika na 20 porsiyentong kahigitan ng mga babae kaysa sa mga lalaki ang ngayo’y nahawahan ng karamdamang ito” at na “ang mga tin-edyer na babae [ay] mga limang ulit na mas malamang na mahawahan ng HIV-AIDS kaysa sa mga tin-edyer na lalaki.” Inilalarawan ni Peter Piot, tagapagpaganap na patnugot ng Joint United Nations Programme on HIV-AIDS, ang kalagayan sa Silangang Europa bilang “mabilis na dumarami.” Binanggit ng ulat na “ang bilis ng pagkahawa ng HIV sa dating Unyong Sobyet ay mahigit na dumoble sa nakalipas na dalawang taon, ang pinakamabilis na pagdami sa buong daigdig.” Sinasabi ng mga dalubhasa na sinasalamin nito ang pagdami sa paggamit ng itinuturok na droga sa rehiyong iyon. Sa buong daigdig, mahigit na kalahati niyaong mga nahawahan ng HIV-AIDS ay “nagkaroon ng karamdaman sa gulang na 25 at sila ay karaniwang namamatay bago ang kanilang ika-35 kaarawan.”
Mga Sunscreen at Kanser
“Ang pagpapahid ng sunscreen na may mataas na antas ng proteksiyon ay nagpapakalma sa mga tao sa maling seguridad at maaaring magpalaki sa panganib na magkaroon sila ng kanser sa balat,” ulat ng The Times ng London. “Ito’y dahilan sa
gumugugol sila ng mas mahabang oras sa ilalim ng Araw at tumatanggap ng higit na radyasyon.” Nasumpungan ng mga mananaliksik mula sa European Institute of Oncology sa Milan, Italya, na yaong gumagamit ng factor 30 na sunscreen ay gumugugol nang 25 porsiyentong higit na panahon sa ilalim ng araw kaysa roon sa gumagamit ng factor 10. Ganito ang sabi ni Phillipe Autier, ang may-akda ng pag-aaral: “Ang pananggalang na epekto sa paggamit ng sunscreen laban sa kanser sa balat, lalo na ang melanoma, ay hindi nakikita sa populasyon sa pangkalahatan, subalit may nakakakumbinsing impormasyon na nagpapakita ng malaking kaugnayan sa pagitan ng tagal ng pagbibilad sa araw bilang paglilibang at ng kanser sa balat.” Ang mga propesyonal sa kalusugan ay nagbababala ngayon laban sa matagal na pagbibilad sa araw, anuman ang antas ng proteksiyon na ibinibigay ng isang sunscreen. Si Christopher New, ang manedyer ng kampanya laban sa kanser ng Health Education Authority ng Britanya, ay nagpapayo: “Huwag huminto sa paggamit ng mga sunscreen, subalit alalahanin na hindi ninyo dapat gamitin ang mga ito upang makapagbilad nang mas matagal sa araw.”Ang Bagay na Bagay na Transportasyon?
Ang mga pedicab, na kilala rin bilang mga trishaw o mga bisikletang ricksha, ay matagal nang ginagamit sa India sa loob ng mga dekada. Gayunman, ang magasing Outlook ay nagsabi na hindi nagbago ang mga ito, “isa na yari sa mabigat na kahoy, malaking tsasis na yari sa bakal, di-komportableng nakahilig na mga upuan at walang mga kambiyo.” Nitong nakaraang mga taon, nagkaroon ng maraming pagtutol sa paggamit nito dahil sa hirap na idinudulot nito sa mga nagpapatakbo nito, na kadalasan ay mas matanda at payat na mga lalaki. Ngayon, dahil sa naabot na ng India ang mapanganib na antas ng polusyon sa hangin, ang bisikletang ricksha ay binigyan ng panibagong pagkakataon na magpatuloy. Isang kompanya na nakabase sa Delhi ang nakagawa ng isang disenyo na nagtatampok ng mas magaan at mas magandang kayarian na nakababawas ng pagsalungat sa hangin, isang sistema ng kambiyo na lubhang nakababawas sa pagsikad sa pedal, mga upuan ng nagmamaneho na bagay sa katawan ng tao, mga manibelang nakababawas ng sakit sa pulsuhan, at mas maluwang, mas komportableng mga upuan ng pasahero. Ayon kay T. Vineet, ang lider ng proyekto, “bagay ito sa umiiral na pulitikal na kapaligiran sa ngayon kung saan ang mga karapatang pantao at kapaligirang walang polusyon ang usong mga sawikain.” Ganito ang sabi ng Outlook: “Ang hamak na rickshaw ay maaaring maging ang bagay na bagay na transportasyon sa ika-21 siglo.”
Hindi Mapapalitan ang Sulat
Hanggang sa ngayon, “hindi pa matagumpay na napapalitan ng teknolohiya ang epekto ng isang sulat,” ang sabi ng pahayagang Le Figaro. Noong 1999 ang paglilingkod sa koreo ng Pransiya ay naghatid ng pinakamataas na bilang na 25 bilyong sulat. Sa mga ito, 90 porsiyento ay mga sulat na pangkalakal, at 10 porsiyento lamang ang personal na sulat. Halos kalahati ng lahat ng sulat na ipinadala ay may kalakip na ilang anyo ng pag-aanunsiyo, kung saan 98 porsiyento niyaong tinanong ay nagsasabing binasa nila itong mabuti. Araw-araw, ang 90,000 kartero ng Pransiya, na 40 porsiyento nito ay mga babae, ay gumawa ng mahigit na 72,000 paglibot sa ruta upang ihatid ang 60 milyong sulat na tinatanggap sa koreo araw-araw.
Nababahalang mga Ahente ng Seguro
Iniulat ng pahayagang Pranses na Le Monde na ang 1999 ay “isang isinumpang taon para sa muling pagpapaseguro.” Ang likas na mga kasakunaan noong 1998 ay nagdulot ng 90 bilyong dolyar na pinsala, kung saan ang 15 bilyong dolyar ay binayaran ng mga kompanya ng seguro. Gayunman, ang 1999—kung kailan nagkaroon ng mga lindol sa Turkey at Taiwan, mga bagyo sa Hapón, mga baha sa India at Vietnam, at iba pang mga sakuna—ay maaaring ginugulan ng mas malaking halaga ng mga kompanya ng seguro. Ang mga ahente ng seguro ay nababahala hinggil sa lumalaking posibilidad ng malalaking sakuna sa mataong mga lugar. Ang nangungunang ahente sa seguro sa daigdig ay nagbabala hinggil sa “kapaha-pahamak na mga epekto” ng pag-init ng mundo at “ang mga idudulot ng mga gawain ng tao sa mga kalagayan ng klima.”
Mas Mataas Pa Ngayon ang Bundok Everest
“Ang Bundok Everest, ang pinakamataas na bundok sa daigdig, ay mas mataas pa kaysa dating inaakala ng mga siyentipiko, at tumataas pa,” sabi ng isang ulat kamakailan ng Reuters. “Sa paggamit ng lubhang makabagong mga sistema ng satelayt, nasukat ng mga umaakyat sa Everest ang taas nito na 8,850 metro—mga 8.9 kilometro ang taas . . . Iyan ay dalawang metrong higit kaysa dating opisyal na sukat na 8,848 metro, na nasukat noong 1954.” Ang bagong sukat ang siyang taas ng taluktok na natatakpan ng niyebe. Ang taas ng aktuwal na taluktok na bato sa ilalim ng niyebe ay hindi pa alam. Ginagamit na ng National Geographic Society ang bagong sukat sa mga mapa nito. Bukod pa sa pagtaas, ang bundok—sa katunayan ang buong hanay ng mga bundok sa Himalayas—ay kumikilos sa direksiyong pahilagang-silangan, patungo sa Tsina, nang 1.5 milimetro hanggang 6 na milimetro sa bawat taon.