Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paghahanap sa “Pang-imortal” na Gene

Ang Paghahanap sa “Pang-imortal” na Gene

Ang Paghahanap sa “Pang-imortal” na Gene

MARAMING sibilisasyon ang may mga kuwento at mga alamat na nagtatangkang magpaliwanag kung bakit namamatay ang sangkatauhan. Halimbawa, ayon sa isang alamat sa Aprika, isang hunyango raw ang isinugo ng Diyos upang magdala ng imortalidad sa sangkatauhan, subalit napakabagal ng paglalakbay nito kung kaya naunahan ito ng isa namang butiki na may dalang mensahe ng kamatayan. Tinanggap ng mapaniwalaing sangkatauhan ang mensahe ng butiki kaya naman hindi nito nakamtan ang imortalidad.

Sa loob ng maraming siglo, tinangka ring sagutin ng mga pilosopo ang tanong na, Bakit namamatay ang tao? Noong ikaapat na siglo B.C.E., itinuro ng pilosopong Griego na si Aristotle na ang pagpapatuloy raw ng buhay ng isang tao ay nakasalalay sa kakayahan ng katawan na pagtimbangin ang init at lamig. Sinabi niya: “Ang sanhi ng kamatayan ay dahilan lagi sa kakulangan ng init.” Sa kabilang banda naman, itinuro ni Plato na ang tao ay may imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan.

Sa ngayon, sa kabila ng kamangha-manghang mga pagsulong ng makabagong siyensiya, ang mga tanong ng mga biyologo hinggil sa kung bakit tayo tumatanda at namamatay ay halos hindi pa rin nasasagot. Sinabi ng The Guardian Weekly ng London: “Ang isa sa pinakamalaking misteryo sa siyensiyang pangmedisina ay hindi kung bakit namamatay ang mga tao sa sakit sa puso o sa kanser: ito ay kung bakit sila namamatay gayong wala naman talagang diperensiya. Kung ang mga selula ng tao ay nahahati-hati, at patuloy na napaninibago ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahati sa loob ng mga 70 taon, bakit bigla na lamang sabay-sabay na humihinto ang mga ito sa pagpaparami?”

Sa kanilang pagsisikap na maunawaan ang proseso ng pagtanda, ang mga dalubhasa sa henetiko at mga molekular na biyologo ay nagbaling ng kanilang pansin sa selula. Naniniwala ang maraming siyentipiko na sa loob ng pagkaliliit na yunit na ito, masusumpungan ang susi sa pagkakaroon ng mas mahabang buhay. Halimbawa, patiunang sinasabi ng ilan na malapit nang madaig ng mga siyentipiko ang kanser at sakit sa puso sa tulong ng henetikong inhinyeriya. Subalit gaano na ba kalapit ang siyensiya sa pagtupad sa pangarap ng sangkatauhan na mabuhay nang walang hanggan?

Pagtuklas sa mga Lihim ng Selula

Tinangkang tuklasin ng mga naunang henerasyon ng mga siyentipiko ang mga lihim ng selula, ngunit kulang sila ng kinakailangang kasangkapan upang magawa ito. Nito na lamang nakalipas na siglo nagkaroon ng kakayahan ang mga siyentipiko na masuri ang loob ng isang selula at maobserbahan ang marami sa mahahalagang sangkap nito. Ano ang natuklasan nila? “Ang selula,” ang sabi ng manunulat sa siyensiya na si Rick Gore, “ay isa palang pagkaliit-liit na uniberso.”

Upang maunawaan ang labis-labis na kasalimuutan ng isang selula, isipin na ang bawat isa ay binubuo ng trilyun-trilyon na mas maliliit na yunit na tinatawag na mga molekula. Gayunman, nang pagmasdan ng mga siyentipiko ang kayarian ng isang selula, nasumpungan nila ang kamangha-manghang kaayusan at katunayan ng pagkakadisenyo. Si Philip Hanawalt, katulong na propesor tungkol sa henetiko at molekular na biyolohiya sa Stanford University, ay nagsabi: “Sa normal na paglaki ng kahit pinakasimpleng nabubuhay na selula, kinakailangang maganap ang sampu-sampung libong kimikal na reaksiyon sa magkakasuwatong paraan.” Sinabi rin niya: “Ang nakaprogramang mga isinasakatuparan ng munting mga pagawaang ito ng kimikal ay makapupong higit pa sa mga nagagawa ng siyentipiko sa kaniyang laboratoryo.”

Gunigunihin, kung gayon, ang napakahirap na gawain na sikaping palawigin ang haba ng buhay ng tao sa pamamagitan ng biyolohikal na mga pamamaraan. Hindi lamang ito nangangailangan ng lubusang pagkaunawa sa kayarian ng mga saligang yunit ng buhay kundi pati na ng kakayahang maniobrahin ang mga saligang yunit na iyon! Tingnan natin saglit ang loob ng isang selula ng tao upang ilarawan ang hamong napapaharap sa mga biyologo.

Lahat ay Pawang Nakasalalay sa mga Gene

Sa loob ng bawat selula ay naroroon ang isang masalimuot na sentro ng kontrol na tinatawag na nukleo. Pinangangasiwaan ng nukleo ang mga ginagawa ng selula sa pamamagitan ng pagsunod sa isang kalipunan ng mga nakakodigong instruksiyon. Ang mga instruksiyong ito ay nakaimbak sa mga chromosome.

Ang ating mga chromosome ay pangunahin nang binubuo ng protina at deoxyribonucleic acid, o DNA sa maikli. * Bagaman may nalalaman na ang mga siyentipiko hinggil sa DNA sapol noong pagtatapos ng dekada 1860, noon lamang 1953 naunawaan sa wakas ang kayarian ng molekula nito. Magkagayunman, kinailangan pa rin ang halos isang dekada bago nagsimulang maunawaan ng mga biyologo ang “wika” na ginagamit ng mga molekula ng DNA upang ihatid ang mga henetikong impormasyon.​—Tingnan ang kahon, pahina 22.

Noong dekada ng 1930, natuklasan ng mga dalubhasa sa henetiko na sa dulo pala ng bawat chromosome ay may isang maikling kawing-kawing na DNA na tumutulong upang patibayin ang chromosome. Ang maliliit na pirasong ito ng DNA, na tinawag na mga telomere, mula sa salitang Griego na teʹlos (dulo) at meʹros (bahagi), ay nagsisilbing parang maliit na bilot sa dulo ng isang tali ng sapatos. Kung walang mga telomere, ang ating mga chromosome ay maaaring makalas at magkahiwa-hiwalay tungo sa maiikling piraso, magdidikit-dikit, o kaya ay maging marupok.

Subalit nang maglaon ay napansin ng mga mananaliksik na sa nakararaming uri ng mga selula, ang mga telomere ay umiikli tuwing matatapos ang sunud-sunod na paghahati-hati nito. Kaya, pagkatapos ng mga 50 pang paghahati-hati, ang mga telomere ng selula ay umiikli na hanggang sa maging mumunting bilog na lamang, at ang selula ay humihinto na sa paghahati at namamatay sa dakong huli. Ang obserbasyon na ang mga selula ay waring limitado sa isang takdang bilang ng paghahati bago mamatay ang mga ito ay unang iniulat ni Dr. Leonard Hayflick noong dekada ng 1960. Kaya naman, ang kababalaghang ito ay tinutukoy ngayon ng maraming siyentipiko bilang ang limitasyong Hayflick.

Natuklasan ba ni Dr. Hayflick ang susi sa pagtanda ng selula? Ganoon ang palagay ng ilan. Noong 1975, sinabi ng Nature/Science Annual na ang marurunong sa larangan ng pagtanda ay naniniwala na ang “lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagtataglay mismo ng isang inorasang pangwasak-sa-sariling mekanismo, isang orasan ng pagtanda na unti-unting umuubos ng lakas.” Sa katunayan, lumalaki na ang pag-asa na sa wakas ay nagsisimula nang maunawaan ng mga siyentipiko ang mismong proseso ng pagtanda.

Noong dekada ng 1990, ang mga mananaliksik na nagsusuri sa mga selula ng kanser sa tao ay nakatuklas ng isa pang mahalagang pahiwatig hinggil sa “orasan [na ito] ng selula.” Natuklasan nila na sa paanuman ay natutuhan ng mapaminsalang mga selula na mapawalang-bisa ang kanilang “orasan ng selula” at maghati-hati nang walang-takdang panahon. Ang tuklas na ito ay umakay sa mga biyologo upang balikan ang isang pinakadi-karaniwang enzyme, na unang natuklasan noong dekada ng 1980 at nang maglaon ay natuklasang naroroon din sa karamihan sa mga uri ng mga selula ng kanser. Ang enzyme na iyon ay tinatawag na telomerase. Ano ang ginagawa nito? Sa simpleng pananalita, ang telomerase ay maihahalintulad sa isang pampihit na muling nagsususi sa “orasan” ng selula sa pamamagitan ng pagpapahaba sa mga telomere nito.

Wakas ng Pagtanda?

Di-nagtagal at ang pananaliksik hinggil sa telomerase ay naging isa sa pinakasikat na larangan sa molekular na biyolohiya. Ipinahihiwatig nito na kung magagamit ng mga biyologo ang telomerase upang pigilin ang pag-ikli ng mga telomere kapag naghahati-hati ang normal na mga selula, marahil ay mahahadlangan ang pagtanda o sa paanuman ay maaantala nang matagal-tagal. Kapansin-pansin, iniuulat ng Geron Corporation News na naipakita na ng mga mananaliksik na nag-eeksperimento sa laboratoryo hinggil sa telomerase na maaaring mabago ang normal na mga selula ng tao upang magkaroon ito ng “isang walang-takdang kakayahang magparami.”

Sa kabila ng gayong mga pagsulong, may kaunting dahilan lamang para umasa na sa malapit na hinaharap, may malaking magagawa ang mga biyologo sa pagpapalawig sa haba ng ating buhay sa pamamagitan ng telomerase. Bakit hindi? Ang isang dahilan ay na higit pa ang nasasangkot sa pagtanda kaysa sa basta lamang pag-ikli ng mga telomere. Halimbawa, isaalang-alang ang mga komento ni Dr. Michael Fossel, awtor ng aklat na Reversing Human Aging: “Kung mapananagumpayan natin ang pagtanda ayon sa pagkaunawa natin sa ngayon, tatanda pa rin tayo sa isang bago at di-gaanong pamilyar na paraan. Kung pahahabain natin ang ating mga telomere hanggang sa walang takda, baka hindi nga tayo magkaroon ng mga sakit na ating iniuugnay ngayon sa pagtanda, ngunit manghihina pa rin tayo at mamamatay sa dakong huli.”

Sa katunayan, talagang may ilang biyolohikal na salik na nakatutulong sa proseso ng pagtanda. Ngunit ang mga sagot sa kasalukuyan ay nananatiling di-abot ng pang-unawa ng mga siyentipiko. Sinabi ni Leonard Guarente ng Massachusetts Institute of Technology: “Sa kasalukuyan, ang pagtanda ay talagang nananatili pa ring isang misteryo.”​—Scientific American, Fall 1999.

Habang ang selula ay patuloy pa ring sinusuri ng mga biyologo at mga dalubhasa sa henetiko upang maunawaan kung bakit tumatanda at namamatay ang sangkatauhan, isinisiwalat ng Salita ng Diyos ang tunay na dahilan. Simple lamang ang sinasabi nito: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Oo, ang kamatayan ng tao ay bunga ng isang kalagayan na hindi kailanman magagamot ng siyensiya​—ang minanang kasalanan.​—1 Corinto 15:22.

Sa kabilang panig naman, ipinangangako ng ating Maylalang na papawiin niya ang mga epekto ng minanang kasalanan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo. (Roma 6:23) Makatitiyak tayo na alam ng ating Maylalang kung paano mapawawalang-bisa ang pagtanda at kamatayan, sapagkat sinasabi ng Awit 139:16: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” Sabihin pa, ang Diyos na Jehova ang siyang gumawa sa henetikong kodigo at sumulat nito, wika nga. Kaya, sa kaniyang takdang panahon, titiyakin niya na pangyayarihin ng ating mga gene ang buhay na walang hanggan para sa mga masunurin sa kaniyang mga kahilingan.​—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa isang detalyadong paglalarawan sa DNA, tingnan ang Gumising!, Setyembre 8, 1999, pahina 5-10.

[Kahon sa pahina 22]

ANG “WIKA” NG DNA

Ang saligang mga yunit, o “mga titik,” ng wika ng DNA ay kimikal na mga sangkap na tinatawag na mga base. May apat na uri ng base: thymine, adenine, guanine, at cytosine, karaniwang dinadaglat na T, A, G, at C. “Isipin ang apat na mga base na iyon bilang mga titik sa isang apat-na-titik na alpabeto,” ang sabi ng magasing National Geographic. “Kung paanong inaayos natin ang mga titik ng ating alpabeto para maging makahulugang mga salita, ang mga A, T, G, at C na bumubuo ng ating mga gene ay inaayos sa tatluhang-titik na mga ‘salita’ na nauunawaan ng sistema ng ating selula.” Ang henetikong mga “salita” na ito naman ay bumubuo ng mga “pangungusap” na nagsasabi sa selula kung paano gagawa ng isang partikular na protina. Ang pagkakaayos ng mga kawing-kawing na mga titik ng DNA ang siyang tumitiyak kung ang protina ay gagana bilang isang enzyme na tutulong sa iyo upang tunawin ang iyong hapunan, isang antibody na hahadlang sa isang impeksiyon, o alinman sa libu-libong protina na matatagpuan sa loob ng iyong katawan. Hindi nga kataka-taka na ang DNA ay tukuyin ng aklat na The Cell bilang “ang saligang blueprint ng buhay.”

[Larawan sa pahina 21]

Pinangyayari ng mga dulo ng mga chromosome (ipinakikita rito na nagliliwanag) na patuloy na maghati ang mga selula

[Credit Line]

Courtesy of Geron Corporation