Ang Panghalina ng Santeria
Ang Panghalina ng Santeria
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
ANG Santeria ay naging pangunahing relihiyon sa Cuba sa loob ng maraming taon. Gayunman, ang anyo ng pagsambang ito ay unti-unting naipasok sa ibang mga bansa. Halimbawa, isa sa malalaking pamilihan sa kabayanan ng Lunsod ng Mexico ay nagtatampok ng mga tindahan na pantanging nagbebenta ng mga kagamitan ng Santeria, gaya ng mga krus, kandila, anting-anting, at mga agimat. Ang karamihan sa mga tindahang ito ay kilala bilang mga botanica (tindahan ng mga damong-gamot at gayuma), at masusumpungan ang mga ito sa iba pang malalaking lunsod sa Amerika. Sa Lunsod ng New York, gayon na lamang ang pag-aanunsiyo sa mga botanica sa mga direktoryo ng telepono, anupat mas marami pa ang talaan nito sa yellow pages kaysa sa ibang panrelihiyong mga tindahan.
Maraming tao ang nahahalina ng mistisismo at kakaibang pang-akit ng Santeria. Ang pangunahing mga ideya ng Santeria ay masusumpungan sa ilang kilalang mga musika at literaturang Latin. Ang Santeria ay higit na nagiging sekular at pangkultura sa halip na panrelihiyon, at ito’y lumaganap na sa musika at pangkulturang mga kaganapan ng Afro-Caribbean.
Mga Pinagmulan sa Sinaunang Aprika
Taglay ng Santeria ang pangunahing mga katangian at tradisyon ng sinaunang relihiyon sa Aprika na isinagawa ng mga Yoruba sa Nigeria. Nang dalhin ang mga Yoruba sa mga isla ng Caribbean bilang mga alipin sa pagitan ng mga dekada ng 1770 at 1840, dinala nila ang kanilang relihiyon. Nang makarating sa Bagong Daigdig, sapilitang pinatanggap sa mga Aprikanong bihag na ito ang Katolisismo, subalit tumanggi silang isuko nang lubusan ang kanilang mga tradisyon. Kaya bumuo sila ng bagong anyo ng pagsamba na may mga gawaing hinango mula sa dalawang relihiyon. Ang gayong pagsasanib ng mga gawaing panrelihiyon ay tinatawag na syncretism.
Sa pagsisikap na sumamba ayon sa kanilang sinaunang mga paniniwala, binigyan ng mga alipin ang mga santo ng Katoliko ng dalawang pagkakakilanlan, anupat bawat isa ay katugma ng isang Aprikanong diyos na may partikular na mga katangian at kapangyarihan. Kaya naman, ang Aprikanong mga diyos at diyosa, na tinatawag na orisha, ay nagtaglay ng pangalan at kaanyuan ng mga santo ng Katoliko. Gayunman, ang mga ritwal, kaugalian, at paniniwala ay nanatiling katulad ng isinasagawa sa Aprika. Ganito ang paliwanag ng isang pari ng Santeria sa Cuba: “Ipinahihintulot ng syncretism na
sumamba kami sa diyos ng Katoliko sa altar, subalit ang aming nakikita sa likuran nito ay ang diyos ng Aprikano.”Ang mga relihiyong gaya ng voodoo, Obeah, at macumba ay binubuo rin ng mga simulain mula sa Romano Katolikong liturhiya, sakramento, at sagradong mga kagamitan na sinamahan ng espiritistikong mga gawain mula sa Aprika. Dahilan sa pasimula pa lamang ay ipinagbawal na ng Simbahang Katoliko sa Latin Amerika ang mga Aprikanong relihiyon, kinailangang isagawa nang palihim ang Santeria sa loob ng mahabang panahon. Sa wakas, pinahintulutan na ng Simbahang Katoliko ang syncretism na ito sa gitna ng mga alipin.
Ang mga Katangian ng Santeria
Anu-ano ang katangian ng relihiyosong pagsambang ito? Ang mga Santero, gaya ng tawag sa mga nagsasagawa ng Santeria sa ngayon, ay sumasamba sa isang kataas-taasang diyos at sa isang grupo ng mga diyos, o orisha, na siyang bumubuo sa kinikilalang mga diyos ng mga Yoruba. Ang kalooban ng orisha ay binibigyang-kahulugan ng mga pari ng Santeria sa pamamagitan ng panghuhula. Sinasabi na kung minsan ay sumasanib ang orisha sa mga mananamba upang masabi ang kanilang payo. Maaaring dumulog sa orisha ang mga tagasunod sa pamamagitan ng panalangin, musika, tamang paggawi, at mga handog. Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga altar sa pagsamba; itinatayo ito ng mga santero sa kanilang mga tahanan at nag-aalay ng mga bulaklak, alak, keyk, at tabako sa mga ito upang mapanatiling maligaya at matulungin ang mga diyos.
Ipinaliwanag ni Lizette Alvarez sa isang artikulo sa New York Times ang tungkol sa pilosopiya ng Santeria: “Binibigyang-diin ng relihiyon ang kasalukuyang buhay sa halip na ang kabilang buhay, at ito’y nagtutuon ng pansin sa likas na mga puwersa. Kinakatawan ng bawat diyos ang isang bahagi ng kalikasan, gaya ng kulog, at katangian ng tao, gaya ng kapangyarihan.” Tumutulong ang mga pari ng Santeria sa mga tao upang malutas ang pang-araw-araw na problema sa pamamagitan ng pagsangguni sa orisha. Ang mga ito’y hindi mga paring Katoliko, at ang kanilang karaniwang mga ritwal ng Santeria ay isinasagawa sa mga tahanan sa halip na sa mga templo.
Ang mga taong nangangailangan ng tulong sa emosyon at kabuhayan ay lalo nang nahahalina sa Santeria sapagkat ito’y naglalaan ng isang damdaming pampamayanan, gaya ng isang malaking pamilya. Ang pinakanahahalina ay ang mga taong pinagkaitan at gayundin ang mga nandarayuhan na lumipat sa mga bansa kung saan isinasagawa ang Santeria. Ang mga tagasunod ay kabilang sa isang espesipikong pamayanan na may isang lalaki o babaing santero na naglilingkod bilang ninong o ninang, tagapayo, at pari para sa komunidad. Ang mga bagong miyembro ay tinatanggap ng mga pari bilang bagong mga kasapi sa isang seremonya na nilalakipan ng musika, sayawan, at
mga paghahandog ng hayop. Naghahandog din ng mga hayop upang ipagdiwang ang mga kapanganakan, pag-aasawa, at pagkamatay. Kabilang sa mga hayop na ginagamit ay ang mga manok, kambing, kalapati, batu-bato, at pagong.Ang Musika ng Santeria
Malaking bahagi ang ginagampanan ng musika bilang isang pangkaraniwang katangian ng pagsamba ng Santeria. Ginagamit ang musika sa panahon ng bembés, o mga seremonya na pinatutunog ang mga tambol upang manawagan sa mga diyos. Ang espesipikong ritmo ay pinatutugtog upang makiusap sa isang partikular na diyos. Ubod nang lakas ang tunog anupat ang patuloy na ritmo ng tambol ay maririnig hanggang sa malalayong bloke.
Ang mga instrumentong pinapalo gaya ng mga tambol, silopono, o marimba, ay mga instrumentong ginagamit sa kulto sa Kanlurang Aprika sa loob ng mga dantaon. Iyan ang karaniwang kahalagahan ng mga ito nang dalhin ng mga alipin ang mga ito sa Amerika. Sa Brazil, ang mga himaymay ng sagradong mga tambol ay gawa sa balat ng mga hayop na inihandog sa ritwal, at ang bagong mga instrumento ay karaniwang binibinyagan, lalung-lalo na nang “banal” na tubig mula sa Simbahang Katoliko. Kinakatawan naman ng ibang tambol ang isang uri ng diyos, gaya sa kulturang Afro-Caribbean sa Haiti.
Pangkaraniwan nang makakakita sa mga tindahan ng mga compact disc ng sagradong musika ng Santeria, na hayagang tinatagurian ng gayon. Ang mga tambol ang pangunahing instrumento sa ritmo, at ang ilang tugtugin ay may mga pamagat na mga pangalan mismo ng mga diyos ng Santeria o mga kaugalian ng relihiyong ito. Sa paglipas ng panahon, ang mga ritmong ito ay isinama na rin sa ilang musikang Latin. Ang mga katawagan ng Santeria ay napalakip na sa ilang tugtugin.
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Ang Santeria ay may malapit na kaugnayan sa espiritismo, isang anyo ng pagsamba na hinahatulan sa Bibliya. (Levitico 19:31) Ibinibilang ng Salita ng Diyos ang “pagsasagawa ng espiritismo” sa “mga gawa ng laman,” na humahadlang sa isang tao para magmana ng Kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Iniuutos din ng Kasulatan sa mga nagnanais na sang-ayunan ng Diyos na ‘tumakas mula sa idolatriya’ at ‘sumamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.’—1 Corinto 10:14; Juan 4:23, 24.
Ang mga Kristiyano ay dapat na gising sa katotohanan na ang mga gawain at musika ng Santeria ay nagiging higit na sekular ang kayarian. Ang iba’t ibang anyo ng libangan at ilang pitak ng kultura ng Latin-Amerika ay naihahalo sa mga simulain ng Santeria. Nagiging higit na popular ang mga ito at malaganap na itinuturing na di-nakapipinsala. Gayunpaman, pinapayuhan ang mga Kristiyano na umiwas sa anumang bagay na tuwirang sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya gaano man kapopular ito o gaano man ito itinuturing na waring di-nakapipinsala.—2 Corinto 6:14-18.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
MGA KATAWAGANG GINAGAMIT NG SANTERIA
Babalú-aye: Diyos ng pagpapagaling na sinasamba bilang si “San” Lazaro.
Changó: Diyos ng apoy, kulog, at kidlat at patron din ng mga artilyerya, na sinasamba bilang “Santa” Barbara sa pananampalatayang Katoliko.
Ifa Corpus: Sistema ng mga kautusan na ipinahahayag sa 256 na sagisag na kumakatawan sa tradisyong Santeria.
Ikole orun: Ang “langit” kung saan lahat ng tao ay magtutungo kapag sila’y namatay. Gayunman, ang masasamang tao ay mamumuhay sa impiyerno sa lupa at maghihirap sa ikole orun.
Obatalá: Isang diyos na lumalang sa buhay at kamalayan ng tao mula sa sangkap ng lupa.
Ochún: Diyosa ng mga ilog, pag-ibig, pag-aasawa, salapi, kagalakan, at kasaganaan, na gumaganap din bilang Virgen de la Caridad, santong patron ng Cuba.
Oggún: Diyos na patron ng mga minero at mga manggagawa, sinasamba bilang “San” Pedro.
Oloddumare: Ang kataas-taasang diyos, na siyang lumikha sa sansinukob.
Orumila: Ang diyos na nagpapasiya sa kapalaran ng isang indibiduwal.
Yemayá, o Xemayá: Diyosa ng karagatan at ng pag-aanak, na inihalintulad kay Birheng Maria, o ang Virgen de Regla sa Cuba.
[Larawan sa pahina 24]
Mga kagamitan ng Santeria na nakadispley sa isang botanica