“Gusto Ko ang Paraan ng Pagtalakay Nito sa mga Bagay”
“Gusto Ko ang Paraan ng Pagtalakay Nito sa mga Bagay”
Iyan ang sinabi ng isang kabataang business administration assistant mula sa Yucatán, Mexico, hinggil sa paraan ng pagtalakay ng magasing Gumising! sa mga paksa. Sa isang sulat ay ipinaliwanag niya na nakabasa siya ng Gumising! dahil sa isang katrabahong Saksi sa kompanya ng seguro kung saan sila kapuwa ay nagtatrabaho.
May kinalaman sa Gumising!, sinabi niya: “Isa itong tunay na pinagmumulan ng impormasyon at katotohanan. Gusto ko ang paraan ng pagtalakay nito sa mga bagay, yamang hindi nito kinikilingan ang anumang pulitikal na panig at hindi nito itinatangi ang ilang tao nang higit sa iba. Nakasumpong ako ng mga lunas sa mga problema sa pamamagitan ng pagbabasa sa magasing ito. Ito ay isang maganda, timbang, napapanahon, at nakapagpapaunlad na publikasyon. Ipinaaabot ko sa inyo ang aking lubos at taimtim na pagbati!”
Mga ilang taon na ang nakalipas ay tinalakay ng Gumising! ang hamon ng pagharap sa kamatayan ng isang minamahal. Nang maglaon, ang impormasyong iyon ay muling inedit at iniharap sa brosyur na pinamagatang Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Marahil ikaw o mayroon kang nakikilala na maaaring maaliw sa pamamagitan ng pagbabasa sa 32-pahinang brosyur na ito. Maaari kang humiling ng isang kopya kung pupunan mo at ihuhulog sa koreo ang kalakip na kupon sa direksiyong nasa kupon o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
◻ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.
◻ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin hinggil sa isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.