Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Bakasyon ng mga Baka!

Kapag Bakasyon ng mga Baka!

Kapag Bakasyon ng mga Baka!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWITZERLAND

ALAM mo ba na libu-libong baka sa Switzerland ang nagbabakasyon taun-taon? Dapat na makita mo kung gaano nila kinagigiliwan ito!

Sa panahon ng maginaw at maniyebeng mga buwan ng taglamig sa Switzerland, ang mga bakang gatasán ay isinisilong sa mga kuwadra. Kay laking ginhawa kapag sumapit ang tagsibol at ang mga baka ay maaari nang lumabas at manginain sa luntiang kaparangan na nakakalatan ng kulay-matingkad na dilaw na mga dandelion. Ang paminsan-minsang paglundag ng mga ito sa ere ay waring nagpapahayag sa matinding kasiyahan ng mga ito dahil sa nabagong kapaligiran at panahon.

Pagsapit ng Mayo o sa pagsisimula ng Hunyo, nagiging lalong malawak ang mga pastulan kapag inilalantad ng natutunaw na niyebe ang kaparangan sa matataas na dako. Panahon na para dalhin ang mga baka sa mga bundok tuwing tag-araw.

Isang Lupain ng Lubhang-Nadidiligang Pastulan

Sa Switzerland, may mga 10,000 pastulan sa matataas na dako, na sumasaklaw ng mga 10,000 kilometro kuwadrado. Ito ay katumbas ng sangkapat na bahagi ng kabuuang sukat ng lupain ng bansa. Kaya naman buong-ingat na ipinagsasanggalang ang napakahalagang kayamanang ito.

Ang tao at ang hayop ay nagtutulungan upang mapanatiling walang mga palumpong o mga sukal ang matataas na kaparangan. Sa layuning ito, ipinagkakatiwala ng mga magsasaka ang mga 500,000 baka sa pangangalaga ng propesyonal na mga pastol. Ang mga bakang gatasán, kasali na ang mga guya, ay isinasakay sa trak o tren para dalhin sa mga bundok upang manginain doon bilang pagbabakasyon sa tag-araw.

Yamang ang mga daan at mga riles ay hindi nakaaabot nang gayong kataas, ang huling bahagi ng paglalakbay ay kailangang lakarin. Ang mga kawan ay patuloy sa pag-akyat habang nagpapatuloy ang tag-araw. Doon, sa mga pastulan na kung minsa’y mga 6,000 hanggang sa 7,000 ang taas mula sa kapantayan ng dagat, ang mga baka ay nakasusumpong ng masasarap na damo sa kabundukan at ng mga bulaklak na iba’t iba ang kulay. Napakaraming bukal sa bundok, kaya sagana ang maiinom na tubig.

Ang purong gatas na iniluluwal ng mga baka ay ibinababa kung minsan sa bundok para inumin o iproseso. Subalit kadalasan, ginagawa itong mantikilya o keso doon mismo sa mga kubo sa tagiliran ng bundok. Habang papatapos na ang tag-araw, ang mga kawan ay inaakay sa mas mababang dako. Sa wakas ay sumasapit na ang araw​—depende sa klima, malimit na ito ay sa pagtatapos ng Setyembre​—upang ibalik ang mga kawan sa kanilang mga kuwadra para sa taglamig. Oo, ang kanilang pagbabakasyon sa tag-araw ay malapit nang matapos! Subalit isa munang pantanging parada ang gaganapin.

Ang Mahalagang Araw!

Ang mga rekord ng produksiyon ay iningatan, at ang pinakamagagaling na baka ay pinalalamutian ayon sa dami ng gatas na kanilang iniluwal. Ang nakapagluwal ng pinakamaraming gatas ang siyang mangunguna sa kawan sa parada pauwi. Ang mga ulo ng baka ay pinalalamutian ng makukulay na bulaklak na yari sa papel, ng mga laso, at mga sanga ng maliliit na punungkahoy na fir. Marami ang may mga kampanilyang metal sa leeg, anupat iniaanunsiyo ang pagdating ng mga ito mula sa malayo.

Itinatangi ng mga pastol ang okasyong ito sa pamamagitan ng pagsusuot ng puting mga kamisadentro at binurdahang itim na mga diyaket na pelus. Samantala, sa ibaba ng mga libis, ang mga mamamayan ng bukirin ay nagtitipon sa tabi ng daan upang salubungin ang parada nang may masigabong palakpakan.

Pagdating sa kapatagan, ang mga baka ay muling dinadala sa mga may-ari ng mga ito para sa susunod na taglamig. Subalit di-magtatagal, bakasyon na naman sa kabundukan! Kay saya nga ng buhay!

[Buong-pahinang larawan sa pahina 18]