Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nawawalan Na ba ng Halaga ang Buhay?

Nawawalan Na ba ng Halaga ang Buhay?

Nawawalan Na ba ng Halaga ang Buhay?

“Ito’y isang daigdig kung saan walang halaga ang buhay. Ang kamatayan ay mabibili sa halagang ilang daang pound [sterling] at hindi nauubusan ng mga handang maglaan ng serbisyo.”​—The Scotsman.

Noong Abril 1999, sa isang pagsalakay na nakagimbal sa buong daigdig, dalawang tin-edyer ang may karahasang lumusob sa Columbine High School, sa Littleton, Colorado, E.U.A., na nag-iwan ng 15 patay. Ipinakita ng imbestigasyon na ang isa sa mga sumalakay ay may Web page na kung saan isinulat niya: “ANG MGA TAONG PATAY AY HINDI NAKIKIPAGTALO!” Ang dalawang sumalakay na ito ay namatay sa trahedya.

ANG pagpatay ay nagaganap sa buong daigdig, at di-matukoy na bilang ng mga tao ang nasasawi sa marahas na kamatayan araw-araw. Nangunguna sa buong daigdig ang Timog Aprika sa dami ng pagpatay na may bilang na 75 sa bawat 100,000 mamamayan noong 1995. Ang buhay ay lalo nang walang-halaga sa isang bansa sa Timog Amerika, na kung saan mahigit sa 6,000 ang pinatay dahil sa pulitika noong 1997. Ang sinuhulang pagpatay ay isang pangkaraniwang pamamaraan. Isang ulat sa bansang iyon ang nagsabi: “Nakapangingilabot, ang pagpatay sa mga bata ay tumaas din: Noong 1996, 4,322 bata ang pinatay, isang 40 porsiyentong pagtaas sa loob lamang ng dalawang taon.” Gayunman, maging ang mga bata ay nagiging mga mamamatay-tao​—ng ibang mga bata at ng kanilang sariling mga magulang. Talaga ngang walang halaga ang buhay.

Bakit Nagkaroon ng “Kultura ng Kamatayan”?

Ano ang ipinakikita ng mga katotohanan at mga bilang na ito? Isang lumalaking kawalan ng paggalang sa buhay. Ang mga taong maibigin sa kapangyarihan at gutom sa salapi ay pumapatay nang walang anumang pag-aatubili. Ipinapapatay ng mga drug lord ang buong pami-pamilya. Pinagaganda nila ang tawag sa kanilang pagpatay sa paggamit ng mga katagang tulad ng “tirahin,” “burahin,” “ligpitin,” o “todasin” ang mga biktima ng tinatawag nilang mga pagligpit (isinaplanong pagpatay). Ang paglipol ng lahi at paglilinis ng lahi ay nakaragdag pa sa ibinuwis na buhay at nagpababa sa halaga ng buhay ng tao. Bunga nito, ang mga pagpatay ay naging pang-araw-araw na materyal sa mga programa ng balita sa mga himpilan ng TV sa buong daigdig.

Idagdag pa rito ang karahasan at kusang pamiminsala na labis na dinadakila sa telebisyon at sa mga pinilakang-tabing, at ang ating lipunan ay waring nahumaling sa isang karima-rimarim na kultura na nakapako ang pansin sa kamatayan. Hinggil sa bagay na ito ang Encyclopædia Britannica ay nagsabi: “Noong huling kalahating bahagi ng ika-20 siglo, ang kamatayan ay naging isang bagong popular na paksa. Bago ang panahong iyan, na marahil ay lalong nakapagtataka, ito’y isang paksang lubhang pinangingilagan sa masusing makasiyentipiko, at sa mas maliit na lawak, pilosopikal na mga pala-palagay.” Ayon kay Josep Fericgla, isang propesor ng cultural anthropology na taga-Catalonia, ang “kamatayan ang siyang naging huling mahigpit na ipinagbabawal na bagay sa ating mga lipunan, at sa gayon, ito’y isa sa pinakamahalagang mga pinagmumulan sa ngayon ng pagmamaniobra sa ideolohiya.”

Marahil ang pinakapambihirang katangian ng “kultura ng kamatayan” na ito ay ang karaniwang paniwala na ang kapangyarihan, kahigitan sa iba, salapi, at kasiyahan ay mas mahalaga kaysa sa buhay ng tao at sa mga simulaing moral.

Paano lumaganap ang “kultura ng kamatayan” na ito? Ano ang magagawa ng mga magulang upang malabanan ang negatibong impluwensiyang ito na pumapalibot sa kanila at nakaaapekto sa kanilang mga anak? Ito ay ilan sa mga katanungang sasagutin sa susunod na mga artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Magkano ba ang Halaga ng Buhay?

◼ “Napakadesperado ng mga kabataan sa mga gang [sa Mumbai, India], anupat isasagawa nila ang isang sinuhulang pagpatay nang kasing mura ng 5,000 rupee [$115].”​— Far Eastern Economic Review.

◼ “Pinatay Niya ang Isang Nagdaraan na Hindi Nagbigay sa Kaniya ng Sigarilyo.”​—Ulo ng balita sa La Tercera, Santiago, Chile.

◼ “Nagkakahalaga ng mga $7000 ang pagsasaayos ng isang karaniwang sinuhulang pagpatay sa Russia [noong 1995] . . . Ang mga sinuhulang pagpatay ay mabilis na dumami noong panahon ng malawakang pag-unlad ng ekonomiya sa Russia pagkatapos ng komunismo.”​—Reuters, batay sa isang ulat sa Moscow News.

◼ “Isang nagbebenta ng bahay-at-lupa sa Brooklyn ang inaresto . . . at kinasuhan dahil sa pagbabayad sa isang tin-edyer ng kaparte sa $1,500 na upa upang patayin ang nagdadalang-taong asawa ng lalaki at ang ina nito.”​—The New York Times.

◼ ‘Ang presyo ng pagpatay sa Inglatera ay bumababa. Ang halaga para sa isang pagligpit ay bumaba mula 30,000 pound limang taon na ang nakalilipas sa mas kayang halaga na 5,000 hanggang 10,000 pound.’​—The Guardian.

◼ ‘Nasapawan ng Mababalasik na Gang sa Balkan ang Mafia. Ito’y isang bagong uri ng kriminal, na may bagong mga alituntunin at bagong mga armas. May mga pampasabog siya at mga machine gun at hindi nag-aatubiling gamitin ang mga ito.’​—The Guardian Weekly.