Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!

Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!

Ngiti​—Makabubuti Ito Para sa Iyo!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPON

KUNG ito’y tunay, pinapawi nito ang pag-aalinlangan. Inaalis nito ang napakaraming maling akala na naipon sa paglipas ng mga taon. Pinalalambot nito ang mga pusong tumigas na dahil sa kawalan ng paniniwala at pagtitiwala. Ang idinudulot nito sa marami ay ginhawa at kagalakan. Sinasabi nito, “Nauunawaan ko. Huwag kang mag-alala.” Namamanhik ito na, “Sana’y maging magkaibigan tayo.” At ano ang makapangyarihang kasangkapang ito? Ito ay ang ngiti. Ito’y maaaring ang IYONG ngiti.

Ano ba ang ngiti? Ang ngiti ay karaniwan nang binibigyang-kahulugan sa mga diksyunaryo bilang ‘isang ekspresyon ng mukha na doo’y medyo nakakurbang pataas ang mga sulok ng bibig, na nagpapahiwatig ng katuwaan, pagsang-ayon, o kagalakan.’ Dito nakasalalay ang lihim ng isang palakaibigang ngiti. Ang ngiti ay isang walang-salitang paraan ng paghahayag ng damdamin o pagpapabatid ng emosyon ng isa sa iba. Mangyari pa, ang ngiti ay maaari ring magpahayag ng pang-uuyam o paghamak, subalit iba namang paksa iyan.

Talaga nga bang may nagagawa ang pagngiti? Buweno, natatandaan mo ba nang ang ngiti ng isang tao ay nagpaginhawa sa iyo o nagpapanatag sa iyo? O nang ang di-pagngiti ay nagpakaba o nagpadama pa nga sa iyo na ikaw ay tinanggihan? Oo, talagang may nagagawa ang ngiti. Apektado nito ang ngumingiti at ang nginitian. Ganito ang sabi ng tauhan sa Bibliya na si Job tungkol sa kaniyang mga kaaway: “Nginingitian ko sila​—hindi nila pinaniniwalaan iyon​—at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila iwinawaksi.” (Job 29:24) “Ang liwanag” ng mukha ni Job ay maaaring naging palatandaan ng kaniyang pagiging magalakin o masayahin.

Ang positibong epekto ng isang ngiti ay totoo pa rin hanggang sa panahong ito. Ang isang palakaibigang ngiti ay maaaring makapagpaginhawa sa namumuong tensiyon. Maaari itong maging gaya ng isang safety valve ng isang pressure cooker. Kapag tayo’y tensiyonado o bigo, ang isang ngiti ay makatutulong sa atin upang mabawasan ang tensiyong iyan at makayanan ang ating pagkabigo. Halimbawa, madalas na napapansin ni Tomoko na pinagtitinginan siya ng iba. Sa palagay niya’y pinipintasan siya ng mga ito, dahil biglang umiiwas ang tingin ng mga ito kapag nakita nilang napansin niya sila. Namanglaw at nalungkot si Tomoko. Isang araw, iminungkahi ng isang kaibigan na ngitian niya ang mga tao kapag nagkatinginan sila. Dalawang linggong sinubukan ito ni Tomoko at nagulat siya nang ang lahat ay ngumiti rin sa kaniya! Nawala ang tensiyon. “Naging lubos na kasiya-siya ang buhay,” sabi niya. Oo, ang ngiti ay nagpapangyari sa atin na maging lalong panatag sa iba at nakatutulong sa atin na maging higit na palakaibigan.

Ang Mabuting Epekto sa Iyo at sa Iba

Ang pagngiti ay maaaring makaapekto sa emosyon ng isang tao. Tumutulong ito upang ang isa’y magkaroon ng tamang pag-iisip. Nakabubuti rin ito sa pisikal na kalusugan. May kasabihan, “Ang pagtawa ay magaling na gamot.” Sa katunayan, sinabi ng mga awtoridad sa medisina na ang pag-iisip ng isang tao ay may malaking nagagawa sa pisikal na kalagayan nito. Ipinahihiwatig ng maraming pag-aaral na ang nagtatagal na kaigtingan, negatibong saloobin, at mga katulad nito ay nagpapahina ng ating sistema ng imyunidad. Sa kabilang banda naman, ang pagngiti ay nagpapabuti ng ating pakiramdam, at ang pagtawa ay nagpapatibay pa nga sa sistema ng ating imyunidad.

Napakalaki ng epekto sa iba ng ngiti. Gunigunihin mo ang isang situwasyon na ikaw ay pinapayuhan o pinaaalalahanan. Anong ekspresyon ng mukha ang gusto mong makita sa mukha ng nagpapayo? Ang matamlay o mabagsik na ekspresyon ay maaaring magpahiwatig ng galit, pagkainis, pagtanggi, o pagkapoot pa nga. Sa kabilang banda naman, hindi ka kaya mas mapapanatag at sa gayon ay lalo mong tatanggapin ang payo kung ang mukha ng nagpapayo ay kakikitaan ng isang palakaibigang ngiti? Tiyak, ang ngiti ay tumutulong upang mabawasan ang di-pagkakaunawaan sa maiigting na kalagayan.

Mas Pinadadali ng mga Positibong Pag-iisip ang Pagngiti

Mangyari pa, karamihan sa atin ay hindi gaya ng mga propesyonal na artistang agad na nakangingiti kahit anong oras; ni nanaisin natin na maging gayon. Nais natin na maging natural at tunay ang ating mga ngiti. Ganito ang komento ng isang instruktor sa paaralan ng komunikasyon: ‘Mahalaga na maging panatag at ngumiti nang buong puso, kung hindi ay magmumukhang artipisyal ang iyong ngiti.’ Paano kaya tayo taimtim na makangingiti nang buong puso? Dito ay makatutulong sa atin ang Bibliya. Hinggil sa ating paraan ng pagsasalita, ganito ang sabi sa atin sa Mateo 12:34, 35: “Mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita. Ang mabuting tao mula sa kaniyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, samantalang ang balakyot na tao mula sa kaniyang balakyot na kayamanan ay naglalabas ng balakyot na mga bagay.”

Tandaan, ang ngiti ay isang walang-salitang paraan ng pagpapabatid ng ating niloloob. Taglay sa isipan na tayo’y nagsasalita “mula sa kasaganaan ng puso” at na ang “mabubuting bagay” ay lumalabas mula sa “mabuting kayamanan,” maliwanag na ang susi ng isang tunay na ngiti ay nakasalalay sa ating pag-iisip at emosyon. Oo, walang-pagsalang mahahayag ang laman ng ating puso, sa malao’t madali, hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita at mga gawa kundi sa pamamagitan din ng ekspresyon ng ating mukha. Samakatuwid, kailangan nating patuloy na pagsikapang ituon ang pansin sa positibong mga kaisipan. Ang ekspresyon ng ating mukha ay talagang apektado ng ating mga iniisip tungkol sa iba. Kaya pagtuunan natin ng pansin ang mas mabubuting katangian ng mga miyembro ng ating pamilya, ng ating mga kapitbahay, at ng ating matatalik na kaibigan. Mas magiging madali para sa atin na sila’y ngitian. Iyon ay magiging tunay na ngiti, sapagkat nasa likod nito ang isang pusong lipos ng kabutihan, kaawaan, at kabaitan. Magniningning ang ating mga mata, at malalaman ng iba na iyon talaga ang ating nadarama.

Gayunman, dapat din nating mabatid na dahil sa kanilang kinalakihan o kapaligiran, may ilang tao na mas nahihirapang ngumiti kaysa sa iba. Kahit na ang kanilang kalooban ay lipos ng kabutihan para sa kanilang kapuwa, talagang hindi sila sanay ngumiti sa kanila. Halimbawa, naging kaugalian na ng mga kalalakihang Hapones na maging palaging lubos na mahinahon at palaging tahimik sa lahat ng panahon. Kung gayon, marami sa kanila ay hindi sanay ngumiti sa mga itinuturing na mga estranghero. Maaaring gayundin sa ibang kultura. O ang ilang indibiduwal ay maaaring likas na mahiyain at talagang nahihirapang ngumiti sa iba. Kaya naman, hindi natin dapat husgahan ang iba ayon sa kung gaano katamis sila ngumiti o kung gaano kadalas sila ngumiti. Iba-iba ang mga tao, at gayundin ang kanilang mga katangian at mga paraan ng pakikipagtalastasan sa iba.

Magkagayunman, kung nagiging hamon para sa iyo ang pagngiti sa iba, bakit hindi mo ito pagsikapan? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam . . . Gumawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:9, 10) Ang isang paraan ng paggawa ng “mabuti” sa iba ay ang ngitian sila​—at magagawa mo ito! Kaya mauna ka sa pagbati sa iba at sa pagbibigay ng nakapagpapatibay-loob na salita kasabay ng isang ngiti. Ito’y lubos na pahahalagahan. Gayundin, matutuklasan mong ang pagngiti ay nagiging mas madali habang nakakasanayan mo ito.

[Kahon sa pahina 12]

Isang Paalaala

Nakalulungkot na hindi lahat ng ngiti na ating nakikita ay tunay. Ang mga manggagantso, manunuba, walang-prinsipyong mga tagapagbenta, at ang iba pa ay maaaring ngumiti nang buong tamis. Alam nilang sa isang ngiti lamang ay nawawala na ang alinlangan ng mga tao at hindi na nag-iingat. Ang mga taong may kahina-hinalang moral o maruming motibo ay maaari ring magpakita ng mapang-akit na ngiti. Subalit, ang kanilang mga ngiti ay walang kabuluhan; ang mga ito’y mapanlinlang. (Eclesiastes 7:6) Kaya habang hindi naman nagiging gaanong mapaghinala sa iba, kailangang maunawaan natin na sa pamumuhay sa “mga huling araw,” na mahirap pakitunguhan, dapat na ‘patunayan nating tayo ay maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati,’ gaya ng tagubilin ni Jesus.​—2 Timoteo 3:1; Mateo 10:16.

[Larawan sa pahina 13]

Mauna sa pagbati sa iba nang nakangiti