Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtulong sa mga Kabataan na Makatakas sa “Kultura ng Kamatayan”

Pagtulong sa mga Kabataan na Makatakas sa “Kultura ng Kamatayan”

Pagtulong sa mga Kabataan na Makatakas sa “Kultura ng Kamatayan”

Ano ang dahilan sa pagkakaakit sa paksa ng kamatayan na nakikita natin sa gitna ng mga kabataan sa ngayon? Ang kinatawan ng estado ng Illinois, E.U.A., na si Henry Hyde, ay nagsabi: “Mayroong kakulangan sa espirituwal sa mga kabataang ito na pinupunan ng kultura ng kamatayan at karahasan.”

ISANG mambabasa ng Time ang sumulat: “Ang tamad na mga magulang, marahas na libangan at kakulangan ng moral at espirituwal na pagsasanay ang responsable sa sub-kultura ng kamatayan na umiiral sa gitna ng mga kabataan sa ngayon.”

Ang kalungkutan ay isa pa sa pangunahing mga suliranin na sumasalot sa mga tin-edyer. Ang ilan ay naninirahan sa mga tahanan na kung saan ang kapuwa magulang ay nagtatrabaho at halos wala sa bahay sa buong araw; ang iba ay may nag-iisang magulang lamang. Ayon sa isang pinagmumulan, ang mga tin-edyer sa Estados Unidos ay nagpapalipas ng mga 3.5 oras araw-araw nang nag-iisa at gumugugol ng wala pang 11 oras bawat linggo na kasama ang kanilang mga magulang kaysa sa mga kabataan noong dekada ng 1960. Sa katunayan, hindi man lamang naranasan ng ilang kabataan ang pakikisama o ang emosyonal na suporta ng kanilang mga magulang.

Kung Ano ang Magagawa ng mga Magulang

May kaugnayan sa “kakulangan sa espirituwal” na pinagpupunyagian ng mga kabataan, gaano kahalaga ang papel ng mga magulang? Nauunawaan ng matatalinong magulang na sa isang panig, kailangan ng kanilang mga anak ng mabuting libangan at sa kabilang panig naman, kailangan nila ng regular na personal na suporta. Palibhasa’y naudyukan ng maibiging interes, maaaring ipakipag-usap sa kanila ng mga magulang ang tungkol sa kanilang mga pinipiling musika, mga programa sa telebisyon, video, nobela, laro sa video at mga pelikula. Bagaman maaaring hindi ipahayag ito ng mga kabataan, marami sa kanila ang naghahangad sa pagmamahal at maibiging patnubay ng kanilang mga magulang. Kailangan nila ng prangkang mga kasagutan sapagkat nabubuhay sila sa isang daigdig na puno ng kawalang-katiyakan. Dapat maunawaan ng mga adulto na ang mga bata ay napapaharap sa isang mas masalimuot na daigdig kaysa sa nakaharap nila noong sila ang mga kabataan.

Ang mga magulang na nagnanais na ipagsanggalang ang kanilang mga anak ay makikipag-usap sa kanila nang palagian, talagang pakikinggan sila, at bababalaan sila sa mga panganib na nasasangkot sa makabagong kultura. Kapag ang mga magulang ay nagtakda ng matatag na mga limitasyon at hindi pabagu-bago at makatuwiran at gayundin ay mapagmahal sa kanilang mga anak, karaniwan nang magtatamo sila ng mabubuting resulta.​—Mateo 5:37.

Ang mga magulang na mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na magkaroon ng regular na pakikipag-usap kasama ng kanilang mga anak, na ginagamit ang Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon at mga video. * Ginagamit nila ang gayong mga pagkakataon, hindi upang pagalitan ang kanilang mga anak, kundi upang isaalang-alang ang mga paksa na nakapagpapatibay sa espirituwal. Sa mga pagtitipong ito ng pamilya, pinakikinggan nila ang mga suliranin o mga hamon na nakaaapekto sa bawat isa sa kanilang mga anak upang ang mga kabataan ay magkaroon ng pagkakataon na tumanggap ng indibiduwal na atensiyon.

Ang mga kabataan na walang nakukuhang espirituwal na patnubay mula sa kanilang mga magulang ay makapagtatamo ng kalakasan mula sa Awit 27:10, na nagsasabi: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova ang kukupkop sa akin.” Paano tinutulungan ni Jehova, ang Ama ng magiliw na mga awa, ang mga kabataan? Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay naging isang kanlungang-dako kung saan nakasumpong ang marami ng pagmamahal ng ibang tao at kung saan nalunasan ang kanilang mga pag-aalinlangan. Si Josías, isang kabataang lalaki na nakasumpong sa pagiging totoo nito, ay nagkomento: “Pinupunan ng organisasyon ni Jehova ang isang mahalagang papel. Nadama kong ang buhay ay hindi sulit. Nabubuhay ako nang walang layunin, walang pag-asa. Ang malaman na hindi naman nagsosolo ang isa ay lubusang bumago sa aking buhay. Pinunan ng mga kapatid sa kongregasyon ang nawala kong pamilya. Ang matatanda at ang mga pamilya sa kongregasyon ay tulad ng isang angkla sa emosyonal na diwa.”

Sa katunayan, maraming kabataan at mga adulto ang bumuti ang kanilang mental at espirituwal na kalusugan dahil sa regular na pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nagkomento ang antropologong si Patricia Fortuny tungkol sa mabuting epektong ito sa kaniyang sanaysay na Los Testigos de Jehová: una alternativa religiosa para enfrentar el fin del milenio (Mga Saksi ni Jehova: Isang Relihiyosong Alternatibo sa Pagharap sa Wakas ng Milenyo): “Nag-aalok ang mga Saksi ni Jehova ng isang maliwanag at tiyak na sistema ng kaayusan upang ikapit sa pang-araw-araw na buhay, isang espesipikong kodigo na nagsisilbing giya para sa pag-iisip at pagkilos.” Ang “sistema ng kaayusan” at ang “kodigo” na tinutukoy rito ay salig sa Bibliya. Kaya, bagaman napapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa katulad na mga problema at mga panggigipit na kagaya ng kanilang mga kapitbahay, napalalakas sila ng natatanging karunungan ng sinaunang aklat na iyon. Oo, nakasumpong ang mga Saksi ng kanlungan sa malinaw na mga doktrina at mga simulain na masusumpungan sa Bibliya.

Kapag “Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan”

Ang pagtuturong ibinibigay sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay nagdiriin nang paulit-ulit sa pangako ng Diyos ng isang bagong sanlibutan na malapit nang magsimula, kung saan “tatahan ang katuwiran” at kung saan “walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (2 Pedro 3:13; Mikas 4:4) Karagdagan pa, iniulat ni propeta Isaias na sa panahong iyon ay “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Ang lahi ng tao ay napasailalim sa kamatayan bilang resulta ng pagsalansang ng unang tao, si Adan, ngunit ang pangako ng Diyos ay na hindi magtatagal at “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”​—Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4; Roma 5:12.

Kung ikaw ay isang kabataan na nangangailangan ng tulong, inaanyayahan ka namin na magkaroon ng pag-asa at dahilan upang mabuhay, sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. Sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, tataglayin mo ang pag-asa na ang pinakamabuting panahon ay nasa hinaharap pa natin sa bagong sanlibutan na ipinangangako ng Diyos.

[Talababa]

^ par. 8 Ang video na Young People Ask​—How Can I Make Real Friends? ay ginawa ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Ito ay kasalukuyang nasa Ingles at naglalaan ng kapaki-pakinabang na tulong para sa mga kabataan.

[Larawan sa pahina 9]

Dapat maglaan ang mga magulang ng panahon upang talagang pakinggan ang kanilang mga anak at unawain ang kanilang mga suliranin

[Mga larawan sa pahina 10]

“Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng isang malinaw at maliwanag na sistema ng kaayusan na maikakapit sa pang-araw-araw na buhay”