Antarctica—Ang Huling Lupain Ukol sa Pagsusuri
Antarctica—Ang Huling Lupain Ukol sa Pagsusuri
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG ilang bahagi ng Antarctica ay maaaring maging napakalamig, ang sabi ng isang manunulat, anupat “kung ihuhulog mo ang isang aserong baras ay malamang na mabasag ito na parang salamin, . . . at kung hahanguin mo ang isang isda mula sa isang butas sa yelo, sa loob ng limang segundo ay magyeyelo ito . . . nang napakatigas.” Dahil sa di-karaniwang mga kalagayan nito at sa kakaiba’t tiwangwang na kagandahan nito—na kung minsan ay nasasamahan pa ng makapigil-hiningang pagtatanghal ng mga silahis ng liwanag sa timog—ang Antarctica ay maituturing na ibang daigdig.
Subalit ang Antarctica ay talagang bahagi ng daigdig na ito. Sa katunayan, inihalintulad ito sa isang napakalawak na likas na laboratoryo para sa pag-aaral sa lupa at sa atmospera nito gayundin sa mga pangglobong pagbabago sa kapaligiran, lakip na yaong may kaugnayan sa mga gawain ng tao. Dahilan sa mga pag-aaral na ito kung kaya lalong nababahala ang mga siyentipiko. Napansin nila ang nagbabantang mga bagong kaganapan sa South Polar Regions at ang mga ito ay nagpapahiwatig na hindi maganda ang nangyayari. Ngunit tingnan muna natin kung bakit ang Antarctica ay isang namumukod-tanging kontinente.
Una, ang Antarctica—ang pinakanabubukod na kontinente sa daigdig—ay isang kontinente ng mga pagkakasalungatan. Ito ay walang-katulad sa kagandahan at kadalisayan ngunit mahirap panirahan. Ito ang pinakamahangin at pinakamalamig na dako sa lupa, subalit ito’y nag-iisa sa kaselanan at pagkasensitibo. Mas madalang ang ulan dito kung ihahambing sa ibang kontinente, ngunit ang yelo nito ay kumakatawan sa 70 porsiyento ng tubig tabang ng planeta. Dahil sa katamtamang kapal na mga 2,200 metro, pinangyayari ng yelo na maging pinakamataas na kontinente sa lupa ang Antarctica, anupat may katamtamang taas na 2,300 metro mula sa kapantayan ng dagat. Ito rin ang ikalimang pinakamalaking kontinente sa lupa, gayunman ay walang permanenteng naninirahan sa Antarctica na lálakí pa sa isang centimetrong walang-pakpak na midge, isang uri ng langaw.
Para Kang Nagpunta sa Mars!
Habang ginagalugad mo ang loobang bahagi ng Antarctica, paunti nang paunti ang makikita mong tanda ng buhay, lalo na kapag narating mo ang mga lugar na tinatawag na mga tuyong libis. May lawak na mga 3,000 kilometro kuwadrado, ang mga disyertong ito sa polo ay malimit na nasa itaas ng Transantarctic Mountains—isang hanay ng mga kabundukan na umaabot sa magkabilang dulo ng kontinente at may taas na mahigit sa 4,300 metro. Ang malamig na unos ay humuhugong sa tuyong mga libis at mabilis na tinatangay ang anumang niyebe na maaaring bumagsak. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang mga libis na ito ang siyang pinakamalapit na katumbas sa lupa ng pinakasahig ng Mars. Kaya naman, inakala na ang mga ito ay angkop na lugar para sa pagsubok sa mga kagamitang pangkalawakan bago ilunsad ang misyon ng Viking sa Mars.
Gayunman, maging sa tuyong mga libis ay may masusumpungang buhay! Sa loob ng magagaspang na bato, sa maliliit na butas na may hangin, ay nabubuhay ang talagang napakatibay na mga uri ng baktirya, lumot, at fungi. Nakapananatiling buháy ang mga ito kahit sa kakatiting na hamog lamang. Sa labas, ang kanilang kakaibang daigdig ay isa sa tiwangwang na mga nabuong bato na tinatawag na mga ventifact, na ang kakatwang hugis at matinding kinang ay bunga ng di-mabilang na mga siglo ng walang-tigil na paghampas ng hangin sa Antarctica.
Pinanganlan Na Bago Pa Man Natuklasan
Ang haka-haka tungkol sa isang napakalaking lupain sa timog ay mula pa noong panahon ng sinaunang mga pilosopong Griego. Halimbawa, naniwala si Aristotle na kinakailangang may isang timugang kontinente na makakatimbang ng mga lupaing batid nang umiiral sa Hilagang Hemispero. Ang aklat na Antarctica—Great Stories From the Frozen Continent ay nagsasabi na “yamang ang hilagang hemispero ay nasa silong ng konstelasyon ng Arktos, ang Oso, kung gayon, ang katuwiran ni Aristotle (384-322 BC), ang di-kilalang lupain sa gawing timog ay malamang na ang Antarktikos—sa ibang salita, ang lubusang
kabaligtaran”—o ang antipode. Kaya sa diwa, ang Antarctica ay pinanganlan na, mga 2,000 taon bago pa man ito natuklasan!Noong 1772, ang Britanong manggagalugad na si Captain James Cook ay naglayag patimog dahil sa paghahanap sa pinaniniwalaang timugang kontinenteng ito. Pumasok siya sa isang daigdig ng mga isla na hinahampas ng hangin at ng malalaking iceberg, o “mga yelong isla,” gaya ng tawag niya sa mga ito. “Ang ilan sa mga ito,” isinulat niya, ay “mga tatlong kilometro ang sirkumperensiya at 20 metro ang taas, gayunman ay tumatabon sa mga ito ang hampas ng mga alon sa dagat, gayon ang lakas at bigat ng mga alon.” Palibhasa’y determinado, nagpatuloy si Cook patungong timog, at noong Enero 17, 1773, ang kaniyang barko, ang Resolution, at ang kasama nito, ang Adventure, ang kauna-unahang mga sasakyang-dagat na kilalang nakatawid sa Antarctic Circle. Nagpumilit si Cook na magpasikut-sikot sa makakapal na yelo hanggang sa wala na siyang masuungan. “Wala na akong makita sa banda pa roon ng timog kundi yelo,” ang isinulat niya sa kaniyang talaarawan. Ang totoo, 120 kilometro pa lamang ang layo niya mula sa lupa ng Antarctica nang siya ay magbalik.
Kaya sino ang unang nakakita sa Antarctica? Sa katunayan, sino ang unang nakatapak doon? Hanggang sa ngayon ay walang nakatitiyak. Baka pa nga ang mga nanghuhuli ng balyena o nanghuhuli ng poka (seal), sapagkat nang umuwi si Cook, ang kaniyang ulat tungkol sa napakaraming poka, penguin, at mga balyena ay nagpakumahog sa mga manghuhuli sa pagtungo sa rehiyong ito.
Dugo sa Yelo
“Napadako [si Cook] sa marahil ay ang pinakamalaking kalipunan ng buhay-iláng na umiral sa daigdig,
at siya ang kauna-unahang lalaki na nagpabatid sa daigdig hinggil sa pag-iral nito,” ang isinulat ni Alan Moorehead sa kaniyang aklat na The Fatal Impact. “Para sa mga hayop sa Antartiko,” ang sabi ni Moorehead, “[ang resulta] ay isang holocaust.” Ang aklat na Antarctica—Great Stories From the Frozen Continent ay nagsasabi: “Nang patapos na ang ikalabing-walong siglo, ang panghuhuli ng poka sa timugang hemispero ay nakahawig nang husto sa pagkukumahog sa paghahanap ng ginto. Ang di-masapatang pangangailangan ng Tsina at Europa sa mga balat ng poka ay sumaid sa lahat ng [dating] kilalang mga pinaghuhulihan ng poka anupat naiwang desperado ang mga nanghuhuli nito sa paghahanap ng bagong lupain na may di-pa-nabubulabog na pugad ng mga poka.”Nang halos maubos na ng mga nanghuhuli ng poka ang kanilang ikinabubuhay, ang mga nanghuhuli ng balyena ay nagsimulang mandambong sa karagatan. “Walang sinuman ang makaaalam kailanman kung gaano karaming balyena at poka ang pinatay sa timugang karagatan,” ang isinulat ni Moorehead. “Iyon ba ay sampung milyon o limampung milyon? Halos hindi na ito mabilang; nagpatuloy ang pagpatay hanggang sa halos wala nang natira para patayin.”
Subalit sa ngayon, ipinagsasanggalang na ng internasyonal na mga batas ang lahat ng mga halaman at hayop sa Antarctica. Bukod dito, dahil sa walang mga maninila sa lupa at may saganang suplay ng pagkain sa dagat kung kaya nagiging kanlungan ng buhay-iláng ang baybayin ng Antarctica tuwing tag-init. Subalit ipinakikita ng Antarctica ang mga tanda ng isang higit na tusong pagsalakay, isa na maaaring hindi mahadlangan ng internasyonal na mga kasunduan.
[Kahon sa pahina 15]
LUBHANG MAGKAIBA
Bagaman mayroon silang pagkakahawig, ang Polong Hilaga at ang Polong Timog ay ‘lubhang magkaiba’ sa maraming paraan kaysa sa kinaroroonan lamang ng mga ito. Isaalang-alang ang sumusunod.
Ang mismong rehiyon ng Polong Hilaga ay pawang yelo at dagat, samantalang ang Polong Timog ay malapit sa sentro ng ikalima sa pinakamalalaking kontinente sa lupa.
Ang Polong Hilaga ay napalilibutan ng tinatahanang mga lupain ng Amerika, Asia, at Europa, samantalang ang Antarctica ay napalilibutan ng malawak na karagatan, sa katunayan, ang pinakamaunos na karagatan sa planeta.
Sampu-sampung libong pamilya ang naninirahan sa Arctic Circle, na siya ring tahanan ng libu-libong halaman at hayop. Gayunman, hindi tatawaging tahanan ng kahit isang tao ang Antarctica. Ang tanging likas na uri ng buhay roon ay ang mga alga, baktirya, lumot, lichen, dalawang uri ng namumulaklak na halaman, at ilang uri ng insekto.
“Ang Antarctica ay tinaguriang tumitibok na kontinente,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, “dahil sa taunang paglitaw at paglubog ng pangalawahing baybayin nito na puno ng yelo.” Sa pinakamataas na antas nito, ang bunton ng yelo ay lumalawak hanggang sa 1,600 kilometro patungong dagat. Anim na beses na nangyayari ang paglawak at pagliit na ito kung ihahambing sa bunton ng yelo sa Arctic, kaya naman may mas malaking epekto ang Antarctica sa lagay ng panahon sa daigdig.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ATLANTIC OCEAN
INDIAN OCEAN
PACIFIC OCEAN
Drake Passage
Isla ng James Ross
Larsen Ice Shelf
ANTARCTIC PENINSULA
Ronne Ice Shelf
Vinson Massif (ang pinakamataas na bundok 16,066 talampakan)
Ross Ice Shelf
Mt. Erebus (isang aktibong bulkan)
TRANSANTARCTIC MOUNTAINS
Polong Timog
Ang pinakamababang temperatura na naitala kailanman sa lupa ay sa Antartica—negatibong 89.2 digri Celcius
0 500 km 500 milya
[Credit Line]
U.S. Geological Survey
[Larawan sa pahina 16, 17]
Mga chinstrap penguin na nagtipon sa isang di-karaniwang bughaw na iceberg
[Credit Line]
© 2000 Mark J. Thomas/Dembinsky Photo Assoc., Inc.
[Larawan sa pahina 17]
Isang balyenang humpback
[Larawan sa pahina 17]
Mga elepanteng poka sa Timog
[Larawan sa pahina 17]
Sa Polong Timog
[Credit Line]
Larawan: Commander John Bortniak, NOAA Corps
[Larawan sa pahina 17]
Ang Ross Ice Shelf
[Credit Line]
Michael Van Woert, NOAA NESDIS, ORA