Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Antarctica—Isang Kontinenteng Nanganganib

Antarctica—Isang Kontinenteng Nanganganib

Antarctica​—Isang Kontinenteng Nanganganib

NANG tinatanaw ng mga astronaut ang lupa mula sa kalawakan, ang sabi ng aklat na Antarctica: The Last Continent, ang pinakakapansin-pansing bahagi ng ating planeta ay ang bunton ng yelo ng Antarctica. Ito’y “nagsasabog ng liwanag na gaya ng pagkalaki-laking puting parol sa ilalim ng mundo,” ang iniulat ng mga astronaut.

Palibhasa’y nagtataglay ng mga tatlumpung milyong kilometro kubiko ng yelo, ang Antarctica ay nagiging isang makinang gumagawa ng yelo na kasinlaki ng kontinente. Ang niyebe ay nalalaglag sa kontinente at napipikpik upang maging yelo. Ang yelo ay sapilitang umaagos nang dahan-dahan patungo sa baybayin dahil sa grabidad, at doon ay tumutuloy ito sa dagat upang bumuo ng pagkálalakíng ice shelf.​—Tingnan ang kahon sa pahina 18.

Lumiliit na mga Ice Shelf

Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, ang mabilis na pagkatunaw ay nakapagpaliit sa sukat ng ilang ice shelf, at ang ilan ay lubusan nang naglaho. Noong 1995, isang 1,000-kilometro-kuwadradong bahagi ng may 1,000-kilometrong haba na Larsen Ice Shelf ang gumuho at nahati-hati sa libu-libong iceberg, ayon sa isang ulat.

Ang lugar na sa kasalukuyan ay naapektuhan ng pagliit ng yelo ay ang Antarctic Peninsula. Bilang karugtong ng bulubunduking Andes ng Timog Amerika, ang hugis-S na peninsulang ito ay nakaranas ng pagtaas ng temperatura na 2.5 digri Celsius sa loob ng nakalipas na 50 taon. Bunga nito, ang Isla ng James Ross, na dating napaliligiran ng yelo, ay maaari nang ikutin ngayon. Ang pagliit ng yelo ay nagdulot din ng mabilis na pagdami ng mga pananim.

Dahilan sa ang malalaking pagkatunaw ay nangyayari lamang sa rehiyon ng Antarctic Peninsula, ang ilang siyentipiko ay hindi kumbinsido na ito’y isang pahiwatig ng pag-init ng globo. Gayunman, ayon sa isang pag-aaral sa Norway, maging ang yelo sa Arctic ay lumiliit din. (Dahil sa ang Polong Hilaga ay wala sa isang lupain, karamihan sa mga yelo sa Arctic ay tubig-dagat.) Lahat ng mga pagbabagong ito, ayon sa isang pagsusuri, ay katugma ng takbo ng kaganapan na patiunang sinabi na mangyayari kaugnay ng pag-init ng globo.

Subalit ang Antarctica ay hindi lamang tumutugon sa mga pagbabago ng temperatura. Ang kontinente ay inilarawan bilang “ang mahalagang makina na nagpapabago nang malaki sa klima ng ating globo.” Kung totoo iyon, kung gayon ay maaaring maapektuhan ang takbo ng lagay ng panahon sa hinaharap kung ang kontinente ay patuloy na makararanas ng mga pagbabago.

Samantala, doon sa kaitaasan ng papawirin ng Antarctica ay nagkaroon ng isang butas sa ozone layer ng atmospera na makalawang ulit ang laki sa Europa. Ipinagsasanggalang ng ozone, isang uri ng oksiheno, ang lupa mula sa nakapipinsalang ultraviolet radiation na nakasisira sa mata at nagiging sanhi ng mga kanser sa balat. Dahil sa pagtindi ng radyasyon, kailangang protektahan ng mga mananaliksik sa Antarctica ang kanilang balat mula sa araw at magsuot ng mga pananggalang sa mata o de-kolor na mga salamin sa mata na pinahiran ng pantanging sangkap upang maglaan ng proteksiyon sa kanilang mga mata. Tanging panahon lamang ang makapagsasabi kung hanggang saan maaapektuhan ang batay-sa-panahong buhay-iláng sa Antarctica.

Maselan na Kontinente​—Lumakad Nang Marahan

Ang pamagat sa itaas ay maaaring maging angkop na pagbati para sa mga dumadalaw sa Antarctica. Bakit? Sa ilang kadahilanan, ayon sa Australian Antarctic Division. Una, dahil sa simpleng mga ugnayan ng ekolohiya ng Antarctica, ang kapaligiran doon ay lubhang sensitibo sa mga paggambala. Ikalawa, napakabagal tumubo ang mga halaman anupat ang isang bakas ng paa sa isang malumot na lugar ay maaari pa ring makita pagkaraan ng sampung taon. Ang napinsala o nanghihinang mga halaman ay walang magagawa sa matitinding hangin sa Antarctica, na maaaring makasira sa buong kalipunan ng mga halaman. Ikatlo, ang napakatinding lamig ay nagpapahiwatig na kinakailangan ang maraming dekada bago mabulok ang mga basura. Ikaapat, ang mga tao ay maaaring di-sinasadyang makapagdala ng pagkaliliit na mga uri ng buhay na di-katutubo sa nabubukod, at sa gayo’y napakaselan, na kontinenteng ito. Kahuli-hulihan, ang mga lugar na madalas dalawin ng mga turista at mga siyentipiko ay ang mga gilid-gilid na baybayin​—ang mga lugar na pinakakaayaaya rin sa buhay-iláng at mga pananim. Dahil sa ang mga lugar na ito ay binubuo lamang ng mga 2 porsiyento ng kabuuang lupain, madaling mapag-unawa kung bakit madaling magsisikip ang Antarctica. Nagbabangon ito ng tanong, Sino ang nangangasiwa sa malaking kontinenteng ito?

Sino ang Namamahala sa Antarctica?

Bagaman pitong bansa ang umaangkin sa mga bahagi ng Antarctica, ang kontinente sa kabuuan ay may pambihirang pagkakakilanlan ng hindi pagkakaroon ng isang kataas-taasang tagapamahala ni ng isang pamayanan. “Ang Antarctica lamang ang kontinente sa lupa na lubusang pinamamahalaan ng isang internasyonal na kasunduan,” ang ulat ng Australian Antarctic Division.

Tinatawag na Antarctic Treaty, ang kasunduan ay nilagdaan ng 12 pamahalaan at nagkabisa noong Hunyo 23, 1961. Mula noon, ang bilang ng mga bansang nakikibahagi ay dumami hanggang sa mahigit na 40. Ang tunguhin ng tratado ay “ang tiyakin, alang-alang sa kapakanan ng buong sangkatauhan, na ang Antarctica ay magpapatuloy magpakailanman para gamitin ukol lamang sa mapayapang mga layunin at hindi magiging isang dako o tampulan ng internasyonal na alitan.”

Noong Enero 1998, ang Environmental Protection Protocol to the Antarctic Treaty ay nagkabisa. Ipinagbabawal ng protocol (kodigo ng mga alituntunin) na ito ang lahat ng pagmimina at ang paggamit sa mga mineral ng Antarctica sa loob ng di-kukulangin sa 50 taon. Itinuturing din nito ang kontinente at ang nakadependeng mga sistema ng ekolohiyang pandagat nito bilang “likas na reserbasyon ukol sa kapayapaan at siyensiya.” Ipinagbabawal ang mga gawaing militar, pagsubok ng mga sandata, at ang pagtatapon ng mga basurang nuklear. Maging ang mga asong may hilang kareta ay ipinagbabawal.

Ang Antarctic Treaty ay ipinagbunyi bilang “isang walang-katulad na halimbawa ng internasyonal na pagtutulungan.” Gayunman, marami pa ring problema na kailangang lutasin, pati na ang tungkol sa soberanya. Halimbawa, sino ang magpapatupad sa kasunduan, at paano? At paano haharapin ng mga miyembrong bansa ang mabilis na paglago ng turismo​—isang potensiyal na banta sa maselan na ekolohiya ng Antarctica? Nitong nakalipas na mga taon, mahigit na 7,000 turistang sakay ng barko ang dumadalaw sa Antarctica taun-taon, at ang bilang na ito ay inaasahang madodoble di-magtatagal.

Ang iba pang mga hamon ay maaaring bumangon sa hinaharap. Halimbawa, paano kung makasumpong ang mga siyentipiko ng mahahalagang mineral o mga deposito ng langis? Mahahadlangan kaya ng tratado ang pagsasamantala ng komersiyo at ang pagpaparumi na kasunod nito? Ang mga tratado ay maaaring baguhin, at ang Antarctic Treaty ay hindi ligtas dito. Sa katunayan, ang Artikulo 12 ay naglalaan ng probisyon para ang tratado ay “mabago o mapawalang-bisa sa anumang panahon sa pamamagitan ng nagkakaisang kasunduan ng mga Kasaping Partido.”

Siyempre pa, walang tratado ang may kakayahang magsanggalang sa Antarctica mula sa mga dumi ng moderno at industriyalisadong daigdig. Napakalungkot nga kung ang magandang “puting parol” sa ilalim ng globo ay madumhan ng nagtatagal na mga epekto ng kasakiman at kawalang-alam ng tao! Ang pamiminsala sa Antarctica ay para na ring pananakit sa sangkatauhan. Kung magtuturo ng anumang bagay sa atin ang Antarctica, iyon ay ang bagay na ang buong lupa​—gaya ng katawan ng tao​—ay magkakaugnay na sistema, na may-kasakdalang pinagtuwang-tuwang ng Maylalang kapuwa upang sumustine ng buhay at magbigay-kasiyahan sa atin.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

ANO ANG ISANG ICE SHELF?

Doon sa itaas ng loobang bahagi ng Antarctica, ang susun-suson na yelo na nabuo mula sa bumabagsak na niyebe ay kumikilos pababa tungo sa baybayin​—ang ilan ay umaabot hanggang sa kalahating milya sa loob ng isang taon, ayon sa kamakailang mga kuha ng satelayt na radar. Marami sa mga susun-suson na yelong ito ay parang mga sapa na nagtatagpo, anupat nagiging pagkálalakíng ilog ng yelo. Kapag nakarating ang mga ito sa dagat, ang tumigas na mga ilog na ito ay lumulutang sa tubig upang maging mga ice shelf, na ang pinakamalaki rito ay ang Ross Ice Shelf (ipinakikita rito). Dahil sa tinutustusan ng di-kukulangin sa pitong susun-suson na yelo o mga glacier, ang sukat nito ay kasinlaki ng Pransiya at umaabot ng isang kilometro ang kapal sa ilang lugar. *

Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, hindi lumiliit ang mga ice shelf. Habang nagtutustos ang mga glacier ng maraming yelo sa shelf, ang panlabas na bahagi ng shelf ay kumakalat sa laot ng dagat, gaya ng toothpaste na pinipiga mula sa sisidlan nito. Ang malalaking bahagi nito ay natatapyas sa dakong huli (isang proseso na tinatawag na calving), at ang mga tapyas na ito ay nagiging mga iceberg. Ang ilang iceberg ay “kasinlaki ng 13,000 kilometro kuwadrado,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Subalit nitong nakalipas na mga taon, bumilis ang calving at lumiit ang mga ice shelf, anupat ang ilan ay tuluyan nang naglaho. Magkagayunman, hindi nito pinatataas ang kapantayan ng dagat. Bakit? Dahil sa ang mga ice shelf ay dati nang nakalutang, anupat may espasyo na ang bigat nito sa tubig. Ngunit kapag ang yelo na nasa pangunahing lupain ng Antarctica ang nalusaw, para bang ibinubuhos nito sa dagat ang laman ng isang sisidlan na may sukat na tatlumpung milyong kubiko kilometro! Ang mga kapantayan ng dagat ay tataas nang mga 65 metro!

[Talababa]

^ par. 21 Ang mga ice shelf ay hindi dapat ipagkamali sa pack ice. Ang mga pack ice ay nagsisimula bilang mga sapin ng yelo na nabubuo sa dagat sa panahon ng taglamig kapag ang tubig sa ibabaw ay nagyeyelo. Ang mga sapin na ito kung magkagayon ay nagsasanib upang makabuo ng pack ice. Kabaligtaran naman ang nangyayari kapag tag-init. Ang mga iceberg ay hindi nabubuo mula sa pack ice kundi, sa halip, mula sa mga ice shelf.

[Larawan]

Malalaking bloke ng yelo na natapyas mula sa Ross Ice Shelf. Ang ice shelf na ito ay may taas na mga 200 talampakan mula sa kapantayan ng dagat

[Credit Line]

Tui De Roy

[Larawan sa pahina 20]

Isang maliit na pokang Weddell

[Credit Line]

Larawan: Commander John Bortniak, NOAA Corps