Bakit Malaganap ang Interes sa Espiritismo?
Bakit Malaganap ang Interes sa Espiritismo?
Ang espiritismo ay binigyan-kahulugan bilang ang “paniniwala na isang espiritung bahagi ng mga tao ay nananatiling buháy pagkamatay ng pisikal na katawan at maaaring makipag-usap sa buháy, karaniwan na sa pamamagitan ng isang tao na nagsisilbi bilang isang midyum.”
NOONG 1998 isang aklat na nagpapaliwanag kung paano makakausap ang patay ay naging napakapopular sa Estados Unidos anupat mabilis na naabot nito ang pinakanangunguna sa talaan ng New York Times ng pinakamabiling aklat.
Mga ilang taon na ang nakalilipas sa Moscow, nauso ang mga psychic at mga espiritistikong pakikipag-ugnayan sa mga patay sa gitna ng mga pulitiko at mga negosyante, na nagbabayad nang malalaking halaga para sa mga pagsangguni.
Sa Brazil, ang mga seryeng drama sa telebisyon na nagtatampok ng espiritismo ay nakaakit ng maraming manonood.
Para sa maraming taong nakatira sa Aprika o Asia, ang pagsasagawa ng espiritismo ay pangkaraniwan na gaya ng pagpapalitan sa palengke.
Kung Bakit Napakarami ang Bumabaling sa Espiritismo
Marami ang bumabaling sa espiritismo upang makasumpong ng kaaliwan pagkamatay ng mga minamahal. Sa pamamagitan ng mga espiritista ay maaari silang tumanggap ng pantanging impormasyon na tila nanggagaling sa mga patay. Bunga nito, ang gayong mga naulila ay kadalasang kumbinsido na ang kanilang namatay na mga minamahal ay buháy at na ang pakikipag-ugnayan sa mga patay ay tutulong sa kanila upang makayanan ang kanilang pangungulila.
Ang iba naman ay naakit sa espiritismo sapagkat sila’y sinabihan na tutulungan sila ng mga espiritu na makasumpong ng mga lunas sa mga karamdaman, makatakas sa mahigpit na kapit ng karalitaan,
maging matagumpay sa romantikong pag-ibig, malutas ang mga problema sa pag-aasawa, o makasumpong ng trabaho. At marami pang iba ang bumabaling sa espiritismo dahil lamang sa pag-uusyoso.Gayunman, ang isa pang dahilan kung bakit milyun-milyong tao ang bumaling sa espiritismo ay sapagkat sila’y naturuan na ang espiritismo ay, gaya ng paglalarawan dito ng isang eksperto sa larangang ito, “isang karagdagang relihiyon” na umiiral na “kaagapay ng Kristiyanismo.” Ang relihiyosong kalagayan sa Brazil ay isang halimbawa.
Ang Brazil ang may pinakamalaking populasyon ng mga Romano Katoliko sa lupa, subalit gaya ng pagkakasabi rito ng awtor na si Sol Biderman, “milyun-milyon sa mga miyembro ng simbahan ang nagsisindi ng kandila sa mahigit sa isang altar at nakadarama pa rin [na walang] anumang pagkakaiba.” Sa katunayan, iniulat ng lingguhang babasahin sa Brazil na Veja na 80 porsiyento niyaong madalas magtungo sa espiritistikong mga sentro sa Brazil ay nabinyagang mga Katoliko na dumadalo rin ng Misa. Idagdag mo pa rito ang bagay na maging ang ilang klerigo ay nakikibahagi sa espiritistikong mga pagtitipon, at mauunawaan ng isa kung bakit maraming mananampalataya ang nag-iisip na ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu para sa kaaliwan at patnubay ay sinasang-ayunan ng Diyos. Ngunit gayon nga ba?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 3]
Iba’t Ibang Anyo ng Espiritismo
Ang espiritismo ay maaaring isinasagawa sa pamamagitan ng pagsangguni sa isang espiritista, pagtatanong sa mga patay, o paghahanap ng mga pangitain. Isang popular na anyo ng espiritismo ang panghuhula—ang pagsisikap na malaman ang hinaharap o ang hindi nalalaman sa tulong ng mga espiritu. Ang ilang anyo ng panghuhula ay ang astrolohiya, pagtingin sa bolang kristal, pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip, pagbabasa ng kapalaran sa palad ng tao, at panghuhula sa tulong ng mga barahang tarot.