Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Uniberso Nais ko kayong pasalamatan sa mga artikulo na naglalaan ng impormasyon tungkol sa ating kagila-gilalas na uniberso, gaya ng “Ano ang Nasa Likod ng mga Planeta?” (Hulyo 22, 1999) at “Ang Muling Pagdalaw sa Pulang Planeta.” (Nobyembre 22, 1999) Ang mga ito’y talagang kawili-wili at nakaragdag sa pagpapahalaga natin sa ating Maylalang.

M.A.T., Italya

Glaucoma Nabasa ko ang paksa ninyong “Babala Hinggil sa Pagkabulag” sa “Pagmamasid sa Daigdig.” (Nobyembre 22, 1999) Anim na taon na ang nakalilipas ay nakita sa resulta ng pagsusuri sa akin na may glaucoma ako. Gaya ng binabanggit ng inyong artikulo, maaari ngang maraming tao na may glaucoma ang hindi nakadarama ng kirot. Gayunman, dumanas ako ng matinding kirot sa aking mga mata at gayundin ng mga sakit ng ulo sa pana-panahon sa kabila na ako’y naglalagay ng pampatak sa mata araw-araw. Hindi kaya manghinuha ang ilan na nakabasa ng artikulong ito na ang glaucoma ay laging walang kirot?

H. M., Hapon

Ang aming maikling paksa ay hindi isang malalim na pagtalakay sa malubhang sakit na ito. Ang artikulong “Glaucoma​—Traidor na Magnanakaw ng Paningin!” sa aming Mayo 8, 1988, na labas ay mas lubusan ang pagtalakay, at kinilala nito na ang ilang mga pasyente nga ay talagang dumaranas ng kirot.​—ED.

Sanggol na Kulang sa Buwan Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pasasalamat sa artikulong “Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan.” (Nobyembre 22, 1999) Ito’y tungkol sa pamilyang Major at sa kanilang magandang anak na babae na si JoAnn. Ang autismo ng aking maliit na kapatid na babae ay nakita sa resulta ng pagsusuri sa kaniya nang magdalawang-taóng gulang siya. Ang pagharap sa pagkakasakit ng aking kapatid ay mahirap at mapanubok, ngunit ang karanasan ng mga Major ay nagpalalim sa ating pagpapahalaga kung gaano kahalaga na umasa kay Jehova, sa kabila ng anumang nararanasan natin sa buhay.

M. C., Estados Unidos

Ang aming anak na babae ay ipinanganak noong 1992, noong taóng ipanganak din si JoAnn. Tumimbang lamang siya ng 700 gramo nang siya’y ipanganak! Iminungkahi ng mga doktor ang pagsasalin ng dugo. Sinabi pa nga ng isang doktor na mapipinsala ang kaniyang utak kung hindi namin siya pasasalinan ng dugo. Ngunit nanalangin kami kay Jehova at nagawa naming tumayong matatag. Sa ngayon ay nag-aaral na siya at wala namang nakikitang ebidensiya ng pinsala sa utak.

C. H., Hapon

Ako’y isang asawa at ina ng tatlong anak. Dahil walang trabaho ang aking asawa, wala kaming kita at walang seguro sa kalusugan. Ngunit ang kuwento ni JoAnn at ng kaniyang pamilya ay nakatulong sa akin na harapin ang buhay sa araw-araw na paraan lamang. (Mateo 6:34) Salamat sa pagpapaalaala sa akin na huwag magtiwala sa aking sarili kundi umasa kay Jehova para sa kalakasan na makayanan ito.

K. A., Estados Unidos

Ikadalawampung Siglo Ako’y sumulat hinggil sa seryeng “Ang Ika-20 Siglo​—Mga Taon ng Malalaking Pagbabago.” (Disyembre 8, 1999) Humanga ako sa maliwanag na impormasyon na iniharap ninyo hinggil sa mahihirap na panahong naranasan natin noong ika-20 siglo. Nakita ko kung paano unti-unting sinisira ng karahasan ang sangkatauhan. Binabati ko kayo sa kahanga-hangang gawain na inyong isinasagawa.

W. G., Puerto Rico

Mga Abokado Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Ang Abokado​—Tunay na Isang Maraming Pakinabang na Prutas!” (Disyembre 22, 1999) Sa palagay ko’y marami talaga ang masisiyahan sa artikulong iyon. Nagsimula akong kumain ng abokado noong ako’y siyam na buwang gulang. Noong ang edad ko’y tatlo, nagsimula akong matuto na gumawa ng guacamole. Sampung taóng gulang na ako ngayon. At naiisip ko ang mga taong hindi talaga kumakain ng sibuyas, na sangkap ng resipe na iminungkahi ng inyong artikulo. Kaya sa aking resipe ng guacamole, gumamit ako ng mga abokado, katas ng kalamansi, asin, maanghang na sarsa, at tinadtad na bawang.

N. E., Estados Unidos

Salamat sa iyong mungkahi!​—ED.