Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagdadalamhati ba’y Dapat na Ibulalas?

Ang Pagdadalamhati ba’y Dapat na Ibulalas?

Ang Pagdadalamhati ba’y Dapat na Ibulalas?

SA KANIYANG aklat na On Children and Death, si Dr. Elisabeth Kübler-Ross ay nagsabi: “Maraming, maraming adulto ang nahihirapan dahil sa hindi nila kailanman napagtagumpayan ang mga kalungkutan noong kanilang pagkabata. Kaya ang mga bata ay dapat na payagang magdalamhati nang hindi binabansagang iyakin o bakla, o pinariringgan ng kakatwang pananalita na ‘Ang mga lalaki’y hindi umiiyak.’ ”

Ang pamamaraang ito ay kabaligtaran naman ng pilosopiya sa ibang lupain na hindi pagpapahintulot sa sarili na magpakita ng anumang emosyon.

Karanasan ng Isang Tagapangasiwa sa Punerarya

Ang pagkakaibang ito ay inilarawan ng mga sinabi ni Robert Gallagher, isang tagapangasiwa sa punerarya sa New York na kinapanayam ng Gumising! Siya’y tinanong kung may napansin ba siyang anumang pagkakaiba sa mga reaksiyon sa pagdadalamhati sa pagitan ng mga indibiduwal na ipinanganak sa Amerika at sa mga nandayuhan mula sa mga bansang Latino.

“Mayroon. Nang magsimula ako sa propesyong ito noong dekada ng 1950, marami kaming unang-salinlahing mga pamilyang Italyano sa aming lugar. Masyado silang emosyonal. Ngayo’y nakikitungo kami sa kanilang mga anak at mga apo sa mga punerarya, at nawala na ang karamihan sa emosyon. Hindi nila gaanong ipinakikita ang kanilang damdamin.”

Ibinulalas ng mga Hebreo noong panahon ng Bibliya ang kanilang pagdadalamhati at mga damdamin. Pansinin kung paano inilalarawan ng Bibliya ang reaksiyon ni Jacob nang papaniwalain siya na ang kaniyang anak na si Jose ay nilamon ng isang mabangis na hayop: “Hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot at kaniyang nilagyan ng magaspang na tela ang kaniyang balakang, at tinangisan nang mahabang panahon ang kaniyang anak. Dumating ang lahat niyang mga anak na lalaki at babae upang aliwin siya, subalit tumanggi siyang maaliw. ‘Hindi,’ ang sabi niya, ‘mananaog akong tumatangis sa Sheol, sa tabi ng aking anak.’ At ang kaniyang ama ay tumangis sa kaniya.” (Genesis 37:34, 35, The Jerusalem Bible; amin ang mga italiko.) Oo, hindi nahiya si Jacob na tumangis sa kaniyang namatay na anak.

Ibang Kultura, Ibang Reaksiyon

Sabihin pa, iba-iba ang mga kultura. Halimbawa, sa maraming bahagi ng Nigeria, bagaman ang mga pamilya ay may hilig na magkaroon ng maraming anak at ang kamatayan ay pangkaraniwan dahil sa iba’t ibang karamdaman, “may labis-labis na pagdadalamhati kapag namatay ang isang anak, lalo na kung ito ang panganay na anak at lalo na kung ito ay lalaki,” ang sabi ng isang manunulat na may 20 taóng karanasan sa Aprika. “Ang kaibahan ay na sa Nigeria ang pagdadalamhati ay sandali at matindi. Hindi ito tumatagal ng mga buwan at mga taon.”

Sa mga lupain sa Mediteraneo o sa Latin-Amerika, ang mga tao ay pinalaki sa isang kapaligiran kung saan itinuturing na normal ang natural na mga reaksiyon. Doon, ang kagalakan at kalungkutan ay hayagang ipinakikita. Ang mga pagbati ay hindi natatakdaan sa pakikipagkamay; kasali rito ang isang mahigpit na yakap. Sa katulad na paraan, ang pagdadalamhati ay karaniwang hayagang ibinubulalas sa pamamagitan ng mga luha at panaghoy.

Ang awtor na si Katherine Fair Donnelly ay nagsabi na ang naulilang ama ay “nagbabata hindi lamang ng matinding pasanin sa isipan na mamatayan ng kaniyang anak kundi ng takot na maiwala ang kaniyang pagkalalaki sa pamamagitan ng hayagang pagpapakita ng kaniyang kalungkutan.” Gayunman, siya’y nangangatuwiran, “nadaraig ng pagkamatay ng isang anak ang hadlang na mga tuntunin para sa emosyonal na paggawi. Ang totoong panloob na damdamin ng paglilinis ng kaluluwa sa pamamagitan ng mga luha ng pagdadalamhati ay katulad ng pagbusbos sa isang sugat upang alisin ang impeksiyon.”

Kaya kung ang pag-uusapan ay ang pagdadalamhati, ang pagbubulalas nito ay mas karaniwan sa ilang bansa kaysa sa iba. Subalit hindi dapat na ituring na isang tanda ng kahinaan ang magdalamhati at lumuha. Maging si Jesu-Kristo ay “lumuha” sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro, bagaman alam ni Jesus na sa sandaling panahon ay kaniya itong bubuhaying-muli.​—Juan 11:35.

[Blurb sa pahina 14]

Hindi nahiya si Jacob na tumangis sa kaniyang namatay na anak