Katotohanang Itinago sa Loob ng 50 Taon—Bakit?
Katotohanang Itinago sa Loob ng 50 Taon—Bakit?
Ang Rum ay isang maliit na isla sa Inner Hebrides, sa laot ng kanlurang baybayin ng Scotland. Mga 70 taon na ang nakalilipas, pinahintulutan ng may-ari nito ang botanikong si John Heslop Harrison, isang propesor sa pamantasan at miyembro ng tanyag na Royal Society sa Britanya, na pag-aralan ang mga tumutubong halaman doon.
Nang sumunod na mga taon, iniulat ni Harrison ang pagkatuklas ng maraming pambihirang mga uri roon, mga halaman na nakikitang tumutubo lamang sa mga lugar na daan-daang milya pa ang layo sa gawing timog. Masiglang ipinagbunyi si Harrison, anupat lalong gumanda ang kaniyang reputasyon dahil sa mga nagawa niyang ito. Subalit habang dumarami ang kaniyang talaan, dumami rin ang pag-aalinlangan ng ibang mga botaniko.
Noong 1948, tinanggap ni John Raven, isang propesor sa sinaunang panitikan sa Cambridge at masigasig na baguhang botaniko, ang hamon na mag-imbestiga. Subalit hindi napalathala kailanman ang kaniyang ulat. Sa halip, iyon ay itinago, at noon lamang 1999 ibinunyag ang nilalaman niyaon. Bakit? Sapagkat pinatunayan ni Raven na si Harrison ay isang manlilinlang. Gaya ng iniulat ng magasing New Scientist, ang mga halaman ay itinanim sa ibang lugar at lihim na inilipat sa Rum.
Si Raven ay may likas na kabatiran sa pinagmulan ng mga halaman at di-nagtagal ay nakita niya sa mga ugat ng ilang “tuklas” ni Harrison ang mga damong palasak sa Inglatera subalit pambihira sa Rum. Ang ibang halaman ay may niknik na napaulat na nasa dalawang lugar lamang sa Britanya—ang isa ay nasa halamanan ni Harrison sa Inglatera. Higit pang ebidensiya ang nanggaling sa mga ugat ng isang halaman, na may maliliit na butil ng quartz—na malayung-malayo sa alinmang likas na quartz na nasa Rum.
Hindi lamang iyan. Ang mga ipinahayag ni Harrison hinggil sa mga paruparo at mga uwang ng isla ay kilala na mga palsipikado. Sinabi ng The Sunday Telegraph Magazine na isang taga-Rum ang nagtapat: “May nakatagong reserba ang propesor—alinman sa isang paruparo o isang halaman—na diumano’y matutuklasan sa bawat taon.” Kung gayon, bakit kaya hindi kailanman nabunyag si Harrison?
Sinabi ng mananaliksik na si Karl Sabbagh na ang pasiyang manahimik ay isang kabaitan upang bigyan ng proteksiyon ang pamilya ni Harrison, subalit ang katotohanan na si Harrison ay isang makapangyarihang tao, na mapanganib kontrahin, ay maaaring isinaalang-alang din. Sinabi rin ni Sabbagh na ang pagbubunyag dito “ay maaaring nakasamâ sa reputasyon ng buong propesyon ng botanika.”