Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumilipad na mga Kinapal sa Kalaliman

Lumilipad na mga Kinapal sa Kalaliman

Lumilipad na mga Kinapal sa Kalaliman

ANG mga ito’y magandang sumasalimbay sa mga katubigan sa baybayin at sa palibot ng mga isla ng dagat. Matatagpuan ang mga ito sa kalaliman ng mga karagatan, malamig man o mainit, at maging sa ilang lawa at mga ilog. Ano ba ang mga ito? Sila’y mga miyembro ng pamilya ng pagi (ray), mga kinapal sa kalaliman na waring lumilipad!

Hindi mo kailangang maging isang maninisid sa malalim na dagat o isang mangingisda upang masiyahan sa lumilipad na kagandahan ng pagi, at hindi rin kailangan na ikaw ay nasa ilalim ng tubig. Gaya ng sinasabi ni Bart, isang biyologo sa dagat, ang mga nagtutungo sa mga dalampasigan ay kadalasang nakakakita ng mga pagi na may pakpak na lumulukso mula sa tubig.

May ilang daan na mga uri ng pagi, iba-iba ang laki mula sa ilang centimetro hanggang sa ilang metro. Makikita mo ang kanilang pagkakahawig sa kanilang kamag-anak na pating. Ang mga itlog ng pagi, di-gaya ng karamihan sa ibang isda, ay napepertilisa sa loob ng katawan ng babaing pagi. Ang mga skate, miyembro ng pamilya ng pagi, ay nangingitlog ng pertilisadong mga itlog, samantalang ang ibang mga itlog ng pagi ay napipisa sa loob ng babae at ang mga anak ay isinisilang nang buháy​—maliliit na kahawig ng kanilang mga magulang.

Kabilang sa pinakakilala ang mga stingray, na ang katawan ay walang buto kundi binubuo ng mga kartilago, na may palikpik sa magkabilang gilid na mula sa ulo hanggang sa pinaka-puno ng buntot. Ang mga stingray ay maaaring hugis-diyamante o bilugan, o ang mga ito’y maaaring mukhang saranggola na may buntot. Ang kanilang lapád na mga katawan ay nagpapangyari sa kanila na maging mabilis sa tubig. Ang tulad-alon na galaw ng kanilang mga palikpik ay nagbibigay sa kanila ng lakas na sumalimbay sa dagat na para bang sila’y lumilipad nang walang kahirap-hirap. Kapag hindi lumalangoy, ang mga pagi ay nagtatago sa mabuhanging kalaliman.

Ang mga mata ng mga stingray ay nasa ibabaw ng kanilang ulo, samantalang ang kanilang bibig ay nasa ilalim. Ang mga ito’y may matitibay na ngipin at malakas na panga, na nagpapangyari sa kanila na sagpangin ang mga kabibe. Ito ang dahilan kung bakit ayaw silang makita sa mga talabahan, yamang ang mga laman-dagat ang kanilang paboritong pagkain. Ang mga stingray mismo ay nakakain ng mga tao at kung minsan ay ipinanghahalili sa mga kabibeng scallop sa mga resipe.

Ang kanilang natatanging pangalan sa Ingles na stingray ay mula sa may lason na mga tinik sa ibabaw na bahagi ng kanilang mahabang buntot. Ang buntot ay maaaring magdulot ng isang makirot at nakalalasong duro kung matapakan, maltratuhin, o takutin ng mga kaaway ang pagi. Ang mga tinik ay karaniwang nababali nang malalim sa loob ng sugat, anupat mahirap itong alisin, at ang mga ito ay maaaring pagmulan ng matinding impeksiyon kung hindi gagamutin nang tama ang sugat. Kung ikaw ay maduro ng isang pagi, hugasang mabuti ng tubig ang bahaging naduro​—tubig-dagat kung kinakailangan. Karaka-raka hangga’t maaari, ibabad ang sugat sa mainit na tubig, sa init na matitiis mo. Pinawawalang-bisa ng mainit na tubig ang lason at iniibsan ang kirot. Pagkatapos ay agad na magpatingin sa isang doktor.

Bagaman ang kanilang mga buntot na may tinik ay maaaring pumukaw ng takot sa iyo, ang mga stingray ay karaniwang hindi nananakit at ginagamit lamang ang kanilang mga buntot kapag sila’y pinagbabantaan. Nasumpungan ni Bart, na nabanggit sa pasimula ng artikulo, na ang mga stingray ay lubhang palakaibigan nang silang mag-asawa ay lumangoy na kasama ng mga ito sa Cayman Islands sa isang lugar doon na kilalang dakong pakainan para sa palakaibigang mga pagi. Ganito ang ulat niya: “Nakaluhod kami sa ilalim, mga 5 metro ang lalim ng tubig. Nang simulan naming pakanin sila, pinalibutan kami ng mga stingray! Marahil may 30 o 40 stingray na iba’t iba ang laki na pumalibot sa amin. Sa paghahanap ng pagkain, nagsimula ang mga pagi sa aming mga tuhod at umakyat sa aming harapan at likuran at sa ibabaw ng aming mga ulo, na mabagal na lumalangoy na kasama namin at marahang binubunggo kami para bigyan ng kahit na maliit na piraso ng pagkain. Kataka-taka kung gaano kaamo ang magagandang kinapal na ito. Hinayaan pa nga ng mga ito na hagurin namin ang kanilang tiyan habang lumalapit sila sa amin.” Binanggit ni Bart na ang mga paging ito ay naging napakaamo anupat sa lahat ng mga taon na ang mga tao’y lumalangoy na kasama nila, walang naiulat na mga pagsalakay.

Ang ilan sa atin na walang karanasang maninisid ay maaaring masiyahan sa mga pagi sa mas mababaw na tubig o sa mga akwaryum sa buong daigdig. Maraming akwaryum kung saan maaaring hipuin ang mga isda na doo’y kasama ang mga stingray, subalit ang kanilang mga tinik ay inalis na upang di-makapinsala. Ganito ang sabi ni Ron Hardy, may-ari ng Gulf World, sa Panama City, Florida: “Ang isa sa pinakamabuting mga halimbawa ng impluwensiya ng itinatanghal na buháy na mga hayop ay ang aming pool ng stingray na maaaring hipuin. Ang mga tao ay tila may takot sa mga stingray​—halos isang phobia​—ngunit dapat mong makita ang pagbabago ng kanilang opinyon habang natututuhan nila ang mga bagay mula sa aming salaysay! Pagkatapos nilang mahipo ang isang pagi, humahanga sila sa magandang kilos at kagandahan ng pagi. Sa katunayan, hindi pinanonood ng ilan ang palabas ng mga lampasut, na siyang susunod, upang maipagpatuloy lamang ang paghipo sa mga stingray.”

Marahil ngayon na may natutuhan ka na tungkol sa mga pagi, nabawasan na ang iyong pagkatakot. Gayunman, tandaan na karaniwang ikinukubli nila ang kanilang mga sarili sa mabuhangin na kalaliman ng mababaw at mainit na tubig. Kaya habang naglalakad-lakad sa mababaw na tubig sa gayong mga lugar, lumakad ka nang pakaladkad sa halip na iangat ang iyong mga paa. Sa gayong paraan ay mabababalaan mo ang mga pagi sa iyong paglapit at sa gayo’y maiiwasan mong matapakan ang isang pagi at marahil ay madama ang tibo ng magandang lumilipad na kinapal na ito sa kalaliman.

[Larawan sa pahina 16]

Stingray

[Larawan sa pahina 16]

Ang mga tao’y waring takot sa mga stingray, subalit ang kanilang saloobin ay nagbabago kapag nalaman nila ang mga katotohanan hinggil sa mga ito

[Larawan sa pahina 17]

Manta ray

[Credit Line]

© Francois Gohier/Photo Researchers